M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Lungsod na Tanggulan(A)
20 At sinabi ng Panginoon kay Josue, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na pumili sila ng mga lungsod na tanggulan ayon sa sinabi ko noon sa inyo sa pamamagitan ni Moises. 3 Ang taong nakapatay nang hindi sinasadya ay maaaring makakatakas roon at makapagtago mula sa mga taong gustong gumanti sa kanya. 4 Maaari siyang magtago sa isa sa mga lungsod na ito. Haharap siya sa tagapamahala na naroon sa pintuan ng lungsod at magpapaliwanag tungkol sa nangyari. Pagkatapos, papapasukin siya at doon patitirahin. 5 Kung hahabulin siya roon ng gustong gumanti sa kanya, hindi siya ibibigay ng mga naninirahan doon. Kakampihan nila siya dahil hindi niya sinadya ang pagpatay sa kanyang kapwa, at napatay niya ito hindi dahil sa kanyang galit. 6 Mananatili siya sa lungsod na iyon hanggang madinig ang kaso niya sa harapan ng kapulungan at hanggang hindi pa namamatay ang punong pari na naglilingkod nang panahong iyon. Pagkatapos, makakauwi na siya sa kanila.”
7 Kaya pinili nila ang Kedesh sa Galilea sa kabundukan ng Naftali, ang Shekem sa kabundukan ng Efraim at ang Kiriat Arba (na siyang Hebron), sa kabundukan ng Juda. 8 Sa silangan ng Ilog ng Jordan at ng Jerico, pinili nila ang Bezer sa disyerto sa talampas na sakop ng lahi ni Reuben, ang Ramot sa Gilead na sakop ng lahi ni Gad at ang Golan sa Bashan na sakop ng lahi ni Manase. 9 Ito ang mga lungsod na tanggulan na pinili para sa mga Israelita at sa mga dayuhang naninirahang kasama nila. Ang sinumang makapatay nang hindi sinasadya ay maaaring tumakas papunta sa mga lungsod na ito para hindi siya mapatay ng mga gustong gumanti sa kanya habang hindi pa dinidinig ang kaso niya sa harapan ng kapulungan.
Ang mga Bayan para sa mga Levita
21 Ang mga pinuno ng mga Levita ay pumunta kina Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno ng bawat lahi ng Israel 2 doon sa Shilo sa lupain ng Canaan. Sinabi nila, “Nag-utos ang Panginoon sa pamamagitan ni Moises na bigyan kami ng mga bayan na titirhan namin at mga pastulan para sa mga hayop namin.” 3 Kaya ayon sa iniutos ng Panginoon, binigyan ang mga Levita ng mga bayan at mga pastulan mula sa mga lupain ng mga Israelita.
4 Ang unang nakatanggap ng lupain ay ang mga angkan ni Kohat. Ang mga Levita na mula sa angkan ni Aaron ay kabilang sa angkan ni Kohat. Nakatanggap sila ng 13 bayan na galing sa lupain ng mga lahi nina Juda, Simeon at Benjamin. 5 Ang ibang mga angkan ni Kohat ay binigyan ng 10 bayan mula sa lupain ng mga lahi nina Efraim, Dan at ng kalahating lahi ni Manase.
6 Ang mga angkan ni Gershon ay binigyan ng 13 bayan mula sa lupain ng mga lahi nina Isacar, Asher, Naftali at ng kalahating lahi ni Manase sa Bashan.
7 Ang mga angkan ni Merari ay binigyan ng 12 bayan mula sa lupain ng mga lahi nina Reuben, Gad at Zebulun.
8 Kaya sa paraan ng palabunutan, binigyan ng mga Israelita ang mga Levita ng mga bayan at mga pastulan, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
9-10 Ito ang mga pangalan ng mga bayan na mula sa lupain ng mga lahi nina Simeon at Juda na ibinigay sa mga angkan ni Aaron. Sila ang mga angkan ni Kohat na mga Levita. Sila ang unang nabunot na bibigyan ng mga bayan. 11 Ibinigay sa kanila ang Kiriat Arba (na siyang Hebron), sa kabundukan ng Juda, kasama na ang mga pastulan sa paligid nito. (Si Arba ang ama[a] ni Anak). 12 Pero ang mga bukirin ng lungsod at ang mga baryo sa paligid nito ay ibinigay na kay Caleb na anak ni Jefune bilang bahagi niya. 13 Kaya ibinigay sa mga angkan ni Aaron ang Hebron na isa sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang taong nakapatay nang hindi sinasadya. Ibinigay din sa kanila ang Libna, 14 Jatir, Estemoa, 15 Holon, Debir, 16 Ayin, Juta at Bet Shemesh, kasama ang mga pastulan nila. Siyam na bayan lahat mula sa lupain ng mga lahi nina Simeon at Juda.
17-18 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Benjamin. Ito ay ang Gibeon, Geba, Anatot at Almon, kasama ang mga pastulan nito.
19 Ang natanggap ng mga pari na angkan ni Aaron ay 13 bayan lahat, kasama ang mga pastulan nito.
20-22 Ang ibang angkan ni Kohat na mga Levita ay nakatanggap ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Efraim. Ito ay ang Shekem (sa kabundukan ng Efraim na isa sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang tao na nakapatay nang hindi sinasadya), ang Gezer, Kibzaim at Bet Horon, kasama ang mga pastulan nito.
23-24 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Dan. Ito ay ang Elteke, Gibeton, Ayalon at Gat Rimon, kasama ang mga pastulan nito.
25-26 At mula naman sa lupain ng kalahating lahi ni Manase sa kanluran, natanggap nila ang dalawang bayan: ang Taanac at Gat Rimon, kasama ang mga pastulan ng nito. Ang natanggap ng ibang mga angkan ni Kohat ay 10 bayan lahat, kasama ang mga pastulan nito.
27 Ang mga angkan ni Gershon na mga Levita ay nakatanggap ng dalawang bayan mula sa lupain ng kalahating lahi ni Manase sa silangan. Ito ay ang Golan sa Bashan (na isa sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang taong nakapatay nang hindi sinasadya) at ang Be Eshtara, kasama ang mga pastulan nito. 28-29 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Isacar. Ito ay ang Kishion, Daberat, Jarmut, En Ganim, kasama ang mga pastulan nito. 30-31 At mula sa lupain ng lahi ni Asher, natanggap nila ang apat na bayan: ang Mishal, Abdon, Helkat at Rehob, kasama ang mga pastulan nito. 32-33 Binigyan pa sila ng tatlong bayan mula sa lupain ng lahi ni Naftali. Ito ay ang Kedesh sa Galilea (isa ito sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang taong nakapatay nang hindi sinasadya), ang Hamot Dor at ang Kartan kasama ang mga pastulan nito. Ang natanggap ng mga angkan ni Gershon ay 13 bayan lahat, kasama ang mga pastulan nito.
34-35 Ang mga natirang Levita – ang mga angkan ni Merari – ay nakatanggap ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Zebulun. Ito ay ang Jokneam, Karta, Dimna at Nahalal kasama ang mga pastulan nito. 36-37 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Reuben. Ito ay ang Bezer, Jahaz, Kedemot at Mefaat, kasama ang mga pastulan nito. 38-39 Binigyan din sila ng apat na bayan mula sa lupain ng lahi ni Gad. Ito ay ang Ramot sa Gilead (na isa sa mga lungsod na tanggulan, kung saan makakapagtago ang taong nakapatay nang hindi sinasadya), ang Mahanaim, Heshbon at Jazer, kasama ang mga pastulan nito.
40 Ang natanggap ng mga angkan ni Merari na Levita ay 12 bayan lahat kasama ang mga pastulan nito.
41-42 Ang natanggap ng mga Levita na mula sa lupain na pagmamay-ari ng mga Israelita ay 48 bayan lahat, kasama ang kani-kanilang pastulan.
43 Kaya ibinigay ng Panginoon sa Israel ang lahat ng lupain na ipinangako niya sa mga ninuno nila. Sinakop nila ang mga ito at doon nanirahan. 44 Binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa mga kalaban nila sa paligid ayon sa ipinangako ng Panginoon sa mga ninuno nila. Hindi sila natalo ng mga kalaban nila dahil pinagtagumpay sila ng Panginoon sa lahat ng kalaban nila. 45 Tinupad ng Panginoon ang lahat ng ipinangako niya sa mga mamamayan ng Israel.
1 Minamahal kong Teofilus:
Sa aking unang aklat, isinulat ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula nang nagsimula siya sa kanyang gawain 2-3 hanggang sa araw na dinala siya sa langit. Matapos siyang mamatay at mabuhay muli, makailang beses siyang nagpakita sa kanyang mga apostol sa ibaʼt ibang paraan para patunayan sa kanila na muli siyang nabuhay. Sa loob ng 40 araw, nagpakita siya sa kanila at nagturo tungkol sa paghahari ng Dios. At sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, nag-iwan siya ng mga utos sa kanyang piniling mga apostol. 4 Isang araw noon, habang kumakain sila kasama ni Jesus, sinabi niya, “Huwag muna kayong umalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo ang Banal na Espiritu na ipinangako ng Dios Ama. Sinabi ko na ito noon sa inyo. 5 Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit makalipas lang ang ilang araw ay babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
6 Minsan nang nagtitipon sila, tinanong nila si Jesus, “Panginoon, ito na po ba ang panahon na ibabalik ninyo ang kaharian ng Israel?”[a] 7 Sumagot si Jesus, “Hindi pinahihintulutan ng Ama na malaman ninyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na itinakda niya. 8 Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa buong mundo.” 9 Pagkasabi niya nito, dinala siya paitaas. At habang nakatingin sila sa kanya na pumapaitaas, tinakpan siya ng ulap at agad na nawala sa kanilang paningin.
10 Habang nakatitig sila sa langit, may dalawang lalaking nakaputi na biglang tumayo sa tabi nila 11 at nagsabi, “Kayong mga taga-Galilea, bakit nakatayo pa kayo rito at nakatingala sa langit? Si Jesus na inyong nakita na dinala paitaas ay babalik dito sa mundo. At kung paano siya pumaitaas, ganyan din ang kanyang pagbalik.”
Pumili ang mga Apostol ng Kapalit ni Judas
12 Pagkatapos noon, bumalik ang mga apostol sa Jerusalem galing sa Bundok ng mga Olibo. Ang bundok na ito ay halos isang kilometro ang layo mula sa lungsod ng Jerusalem. 13 Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa kwarto na nasa itaas ng bahay na tinutuluyan nila. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeus, Simon na makabayan,[b] at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagtitipon para manalangin, kasama ang ilang mga babae, pati si Maria na ina ni Jesus, at ang mga lalaking kapatid ni Jesus.
15 Nang mga araw na iyon, nagtipon ang mga 120 mananampalataya. Tumayo si Pedro at nagsalita,
16 “Mga kapatid, kinakailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan na ipinahayag ng Banal na Espiritu noong una sa pamamagitan ni David. Ito ay tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Dati, kasama namin siya bilang apostol, at may bahagi siya sa aming gawain.”
18 (Pero bumili si Judas ng lupa mula sa perang isinuhol sa kanya sa pagtatraydor kay Jesus, at doon ay pasubsob siyang nahulog. Pumutok ang tiyan niya at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nalaman ito ng lahat ng tao sa Jerusalem, kaya tinawag nila ang lugar na iyon na Akeldama, na ang ibig sabihin ay “Bukid ng Dugo”.) 20 Sinabi pa ni Pedro, “Nasusulat sa mga Salmo,
‘Pabayaan na lang ang kanyang tirahan,
at dapat walang tumira roon.’[c]
At nasusulat din,
‘Ibibigay na lang sa iba ang kanyang tungkulin.’
21-22 “Kaya kinakailangan nating pumili ng tao na ipapalit kay Judas, na kasama nating magpapatotoo sa muling pagkabuhay ni Jesus. Dapat isa siya sa mga kasama natin na naglingkod sa Panginoong Jesus noong nandito pa siya sa mundo, mula noong nagbabautismo si Juan hanggang sa panahon na dinala si Jesus sa langit.” 23 Kaya dalawang lalaki ang kanilang pinagpilian: si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas (o Justus). 24 At bago sila pumili, nanalangin sila, “Panginoon, ikaw ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao. Kaya ipaalam nʼyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang pipiliin nʼyo 25 na maging apostol bilang kapalit ni Judas. Sapagkat tinalikuran ni Judas ang kanyang gawain bilang isang apostol, at pumunta siya sa lugar na nararapat sa kanya.” 26 Pagkatapos nilang manalangin, nagpalabunutan sila. At ang nabunot nila ay si Matias. Kaya si Matias ang idinagdag sa 11 apostol.
Kapahamakan ang Dulot ng Pagsamba sa mga dios-diosan
10 Mamamayan ng Israel, pakinggan nʼyo ang sinasabi ng Panginoon. 2 Sinasabi niya, “Huwag ninyong tutularan ang pag-uugali ng mga tao sa ibang mga bansa na naghahanap ng mga tanda sa kalangitan. Huwag kayong matakot sa mga ganyang tanda kahit na ang mga tao sa ibang bansa ay takot sa mga tandang iyan. 3 Walang kabuluhan ang kaugalian ng mga taong iyon. Pumuputol sila ng puno sa gubat at pinauukitan nila sa mahuhusay na mang-uukit. 4 Pagkatapos, pinapalamutian nila ng pilak at ginto, at pinapakuan ng mabuti para hindi matumba. 5 Ang mga dios-diosang itoʼy parang taong panakot ng ibon sa bukid na hindi nakakapagsalita. Kailangan pa itong buhatin dahil hindi ito nakakalakad. Huwag kayong matakot sa mga dios-diosang ito dahil hindi sila makakagawa ng masama at hindi rin makakagawa ng mabuti.”
6 O Panginoon, wala po kayong katulad. Makapangyarihan kayo at dakila ang pangalan. 7 Sino po ang hindi matatakot sa inyo, O Hari ng mga bansa? Karapat-dapat lang na igalang kayo. Wala po kayong katulad sa lahat ng matalino na mula sa ibaʼt ibang bansa, o sa lahat ng hari. 8 Silang lahat ay matitigas ang ulo at mga hangal. Wala pong kabuluhan ang mga turo tungkol sa mga dios-diosan nila na gawa sa kahoy. 9 Nagpagawa po sila sa mga panday at mga platero ng mga dios-diosan na binalutan ng pilak mula sa Tarshish at ginto mula sa Ufaz. Pagkatapos, binihisan po nila ang mga ito ng damit na asul at kulay ube na tinahi ng bihasang mananahi. 10 Pero ang Panginoon ang tunay na Dios. Siya ang buhay na Dios at walang hanggang Hari. Kapag nagagalit siya, nayayanig ang daigdig, at walang bansa na makatatagal sa tindi ng galit niya. 11 Sabihin ninyo sa mga sumasamba sa ibang mga dios, “Ang inyong mga dios na hindi lumikha ng langit at lupa ay mawawala sa mundo.”
12 Pero ang Dios ang lumikha ng langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungan niya. 13 Sa utos niyaʼy lumalabas ang mga ulap at mga kidlat sa kalangitan, at bumubuhos ang malakas na ulan. Pinapalabas niya ang hangin mula sa pinanggagalingan nito. 14 Mga hangal at mangmang ang mga sumasamba sa mga dios-diosan. Mapapahiya lang ang mga platerong gumawa ng mga dios-diosan nila, dahil hindi naman totoong dios ang mga ito. Wala silang buhay. 15 Wala silang kabuluhan at dapat kamuhian. Darating ang araw na wawasakin ang lahat ng ito. 16 Pero ang Dios ni Jacob[a] ay hindi katulad ng mga iyon. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay pati na ang Israel, ang mga taong hinirang niya – Panginoong Makapangyarihan ang pangalan niya.
Ang Kapahamakang Darating
17 Mga taga-Jerusalem, tipunin na ninyo ang mga kagamitan at umalis, dahil malapit nang salakayin ang lungsod ninyo. 18 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Paaalisin ko kayo sa lupaing ito. Pahihirapan ko kayo hanggang sa madama nʼyo ang galit ko.”
19 Sinabi ng mga taga-Jerusalem, “Nakakaawa tayo dahil sa kapahamakan natin. Malubha ang kalagayan natin, pero kailangan natin itong tiisin. 20 Wasak na ang mga tolda natin; nalagot na ang mga tali nito. Iniwan na tayo ng mga anak natin. Wala nang natira na muling magtatayo ng mga toldang tinitirhan natin.”
21 Nangyari ito sa atin dahil hangal ang mga pinuno natin. Hindi sila lumapit sa Panginoon para sumangguni. Kaya hindi sila nagtagumpay, at nangalat ang mga taong nasasakupan nila. 22 Pakinggan nʼyo ang malakas na ingay ng mga sundalo na dumarating mula sa hilaga! Wawasakin nila ang mga bayan ng Juda at magiging tirahan na lang ito ng mga asong-gubat.[b]
Ang Panalangin ni Jeremias
23 Panginoon, alam ko po na ang buhay ng tao ay hindi kanya. Hindi siya ang may hawak ng kinabukasan niya. 24 Ituwid nʼyo po kami[c] Panginoon, nang nararapat sa amin. Huwag nʼyo po itong gawin nang dahil sa inyong galit, baka wala ng matira sa amin. 25 Ipadama nʼyo po ang inyong galit sa mga bansang hindi kumikilala sa inyo at sa mga taong hindi dumudulog sa inyo. Sapagkat inubos po nila ang lahi ni Jacob at winasak ang mga tahanan nila.
Sinabi ni Jesus ang Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)
24 Lumabas si Jesus sa templo, at habang naglalakad, nilapitan siya ng mga tagasunod niya at itinuro sa kanya ang mga gusali ng templo. 2 Sinabi ni Jesus, “Tingnan ninyo ang lahat ng iyan. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, magigiba ang lahat ng iyan at walang maiiwang magkapatong na bato.”
Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(B)
3 Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at nakipag-usap nang sarilinan. Sinabi nila, “Sabihin nʼyo po sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi nʼyo? At ano po ang mga palatandaan ng muli nʼyong pagparito at ng katapusan ng mundo?”
4 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo madaya ninuman. 5 Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihing sila ang Cristo, at marami ang kanilang ililigaw. 6 Makakarinig kayo ng mga digmaang malapit sa inyo, at mababalitaan ninyo na may mga digmaan din sa malayo. Ngunit huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang katapusan. 7 Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at paglindol sa ibaʼt ibang lugar. 8 Ang lahat ng itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating.
9 “Sa panahong iyon, kamumuhian kayo dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Dadakpin kayo upang parusahan at patayin. 10 Marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Kapopootan at ipapahuli nila ang kapwa nila mananampalataya. 11 Lilitaw ang maraming huwad na propeta at marami ang maililigaw nila. 12 Lalaganap ang kasamaan, at dahil dito, manlalamig ang pag-ibig ng maraming mananampalataya. 13 Ngunit ang mananatiling tapat hanggang sa wakas ay maliligtas. 14 Ipangangaral sa buong mundo ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios upang malaman ito ng lahat ng tao, at saka darating ang katapusan.”
Ang Kasuklam-suklam na Darating(C)
15 “Nagsalita si Propeta Daniel tungkol sa kasuklam-suklam na darating na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo. (Kayong mga bumabasa, unawain ninyo itong mabuti!) Kapag nakita na ninyong nasa loob na ito ng templo,[a] 16 ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan. 17 Ang nasa labas ng bahay[b] ay huwag nang pumasok para kumuha ng anumang gamit. 18 Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi para kumuha ng damit. 19 Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. 20 Idalangin ninyo na ang pagtakas nʼyo ay hindi mataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. 21 Sapagkat sa mga panahong iyon, makakaranas ang mga tao ng napakatinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, at wala nang mangyayari pang ganoon kahit kailan. 22 Kung hindi paiikliin[c] ng Dios ang panahong iyon, walang matitirang buhay. Ngunit alang-alang sa kanyang mga pinili, paiikliin niya ang panahong iyon.
23 “Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 24 Sapagkat lilitaw ang mga di tunay na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kagila-gilalas na himala at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Dios. 25 Tandaan ninyo ang mga ito! Binibigyan ko na kayo ng babala habang hindi pa nangyayari ang mga ito.
26 “Kaya kung may magsabi sa inyo, ‘Naroon ang Cristo sa ilang!’ huwag kayong pupunta roon. At kung may magsabing, ‘Nariyan siya sa silid!’[d] huwag kayong maniniwala. 27 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag mula sa silangan hanggang sa kanluran na makikita ng lahat. 28 May kasabihan na, ‘Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.’ ”[e]
Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(D)
29 “Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan, magdidilim ang araw, hindi na magliliwanag ang buwan, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit. Ang mga bagay[f] sa kalawakan ay mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas. 30 Pagkatapos, makikita sa langit ang tanda ng aking pagbabalik, at maghihinagpis ang lahat ng tao sa mundo dahil dito. At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating na mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian.[g] 31 Sa malakas na tunog ng trumpeta ay ipapadala ko ang aking mga anghel sa lahat ng lugar sa mundo upang tipunin ang aking mga pinili.”
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(E)
32 “Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init. 33 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang lahat ng sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong dumating. 34 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. 35 Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[h]
Walang Taong Nakakaalam Kung Kailan Babalik si Jesus(F)
36 “Tungkol sa araw o oras ng aking pagbabalik, walang nakakaalam nito, kahit ang mga anghel sa langit o ako mismo na Anak ng Dios. Ang Ama lang ang nakakaalam nito. 37 Kung ano ang mga ginawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa pagdating ko na Anak ng Tao. 38 Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga taoʼy nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. 39 Wala silang kaalam-alam sa mangyayari hanggang sa dumating ang baha at nalunod silang lahat. Ganyan din ang mangyayari sa pagdating ko na Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon, kung may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. 41 At kung may dalawang babaeng nagtatrabaho sa gilingan, maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. 42 Kaya maging handa kayong lagi, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng pagdating ng inyong Panginoon. 43 Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya hahayaang pasukin ng magnanakaw ang kanyang bahay. 44 Kaya maging handa rin kayo, dahil ako na Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Tapat at ang Hindi Tapat na Utusan(G)
45 “Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinamamahala ng kanyang amo sa mga kapwa niya alipin. Siya ang nagbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 46 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na gumagawa ng kanyang tungkulin. 47 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kawawa ang masamang alipin na nag-aakalang matatagalan pa ang pagbabalik ng kanyang amo, 49 kaya habang wala ang kanyang amo ay pagmamalupitan niya ang ibang mga utusan, makikisalo at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Darating ang kanyang amo sa araw o oras na hindi niya inaasahan, 51 at parurusahan siya nang matindi. Isasama siya sa mga mapagkunwari, at doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.”[i]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®