M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Lupain na Ibinigay sa mga Lahi nina Efraim at Manase
16 Ang lupain na ibinigay sa mga lahi ni Jose ay nagsimula sa Ilog ng Jordan malapit sa Jerico, sa silangan ng mga bukal ng Jerico, papunta sa ilang at sa kabundukan hanggang sa Betel. 2 Mula sa Betel (na siyang Luz),[a] dumaraan ito sa Atarot na kung saan nakatira ang mga Arkeo 3 at pababa sa kanluran papunta sa lugar ng mga Jafleteo, hanggang sa hangganan ng mababang Bet Horon. At nagpatuloy ito sa Gezer hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. 4 Ito ang bahaging natanggap ng mga lahi nina Manase at Efraim na mga anak ni Jose.
5 Ito ang nasasakupan ng lahi ni Efraim na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan: Ang hangganan nito sa silangan ay nagsisimula sa Atarot Adar papunta sa mataas na Bet Horon 6 hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. Ang hangganan nito sa hilaga ay nagsisimula sa Micmetat, at paliko pasilangan sa Taanat Shilo, at dumaraan sa silangan ng Janoa. 7 At mula sa Janoa ay pababa ito sa Atarot at Naara, at dumaraan sa Jerico papunta sa Ilog ng Jordan. 8 Mula sa Tapua, ang hangganan ay papunta sa kanluran at dumaraan sa Lambak ng Kana, hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang lupain na ibinigay sa lahi ni Efraim na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan. 9 Kasama nito ang mga bayan at baryo na sakop sa lupain ni Manase. 10 Hindi nila pinalayas ang mga Cananeo na nakatira sa Gezer; kaya may mga Cananeo na nakatira kasama ng mga taga-Efraim hanggang ngayon, pero ginawa silang mga alipin.
Ang Lupain ng Kalahating Lahi ni Manase
17 May ibinigay din na mga lupain para sa kalahating lahi ni Manase, na panganay na anak ni Jose. Ang Gilead at ang Bashan sa silangan ng Ilog ng Jordan ay ibinigay kay Makir dahil mabuti siyang sundalo. (Si Makir ang panganay ni Manase at ang ama ni Gilead.) 2 Ang lupain sa kanluran ng Jordan ay ibinigay sa ibang mga lahi ni Manase: ang mga sambahayan nina Abiezer, Helek, Asriel, Shekem, Hefer at Shemida. Sila ang mga lalaking anak ni Manase, at mga pinuno ng kani-kanilang angkan.
3 Ngayon, may isang tao na ang pangalan ay si Zelofehad. Anak siya ni Hefer at apo ni Gilead. Si Gilead ay anak ni Makir, at si Makir ay anak ni Manase. Si Zelofehad ay walang anak na lalaki kundi mga babae lang. Silaʼy sina Mahlah, Noe, Hogla, Milka at Tirza. 4 Pumunta sila kina Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno, at sinabi, “Nag-utos po ang Panginoon kay Moises na bigyan kami ng lupain gaya po ng mga kamag-anak naming lalaki.” Kaya binigyan sila ng bahagi nila ayon sa iniutos ng Panginoon. 5 Ito ang dahilan kung bakit ang lahi ni Manase ay nakatanggap ng sampung bahagi ng lupain, hindi kasama ang Gilead at Bashan sa silangan ng Jordan, 6 dahil binigyan din ng bahagi ang mga kalahing babae kagaya ng mga kalahi niyang lalaki. Ang Gilead ay ibinigay sa iba pang lahi ni Manase.
7 Ang hangganan ng lupain ng lahi ni Manase ay nagmula sa Asher hanggang sa Micmetat, sa silangan ng Shekem papuntang timog sa lupain ng mga nakatira malapit sa bukal ng Tapua.[b] 8 (Ang mga lupain sa paligid ng Tapua ay pagmamay-ari ng lahi ni Manase, pero ang Tapua, na nasa hangganan ng lupain ni Manase ay pagmamay-ari ng lahi ni Efraim.) 9 Tumuloy ito sa hangganan na papunta sa Lambak ng Kana. Sa timog ng lambak na ito ay may mga bayan na pagmamay-ari ng lahi ni Efraim, kahit na kasama ito sa mga bayan ng lahi ni Manase. Ang hangganan ng lahi ni Manase ay patuloy sa hilaga ng lambak hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. 10 Ang lupain sa timog ng ilog ay pagmamay-ari ng lahi ni Efraim at ang lupain sa hilaga ng ilog ay pagmamay-ari ng lahi ni Manase. Ang hangganan ng lupain ng lahi ni Manase sa kanluran ay ang Dagat ng Mediteraneo. Ang nasa hilaga ng lahi ni Manase ay ng lahi ni Asher, at ang nasa silangan ay ng lahi ni Isacar. 11 Ito ang mga bayan sa lupain ng lahi nina Isacar at Asher na ibinigay sa lahi ni Manase: ang Bet Shan, Ibleam, Dor (na tinatawag ding Nafat Dor), Endor, Taanac, Megido at ang mga bayan sa paligid nito. 12 Pero hindi naangkin ng mga lahi ni Manase ang mga bayan na ito dahil hindi nila mapaalis ang mga Cananeo roon. 13 Ngunit nang matatag na ang mga Israelita, inalipin nila ang mga Cananeo, pero hindi nila itinaboy nang lubusan ang mga ito.
14 Sinabi ng mga lahi ni Jose kay Josue, “Bakit isang bahagi lang ng lupain ang ibinigay mo sa amin? Napakarami namin dahil pinagpala talaga kami ng Panginoon.”
15 Sumagot si Josue, “Kung talagang marami kayo at maliit para sa inyo ang mga kabundukan ng Efraim, pumunta kayo sa mga kagubatan ng mga Perezeo at Refaimeo. Linisin nʼyo ang lugar na iyon para sa sarili ninyo.”
16 Sinabi ng mga lahi ni Jose, “Ang mga kabundukan ay maliit para sa amin. At hindi namin kaya ang mga Cananeo sa kapatagan dahil may mga karwahe silang bakal. At ganoon din ang mga Cananeo sa Bet Shan at sa mga bayan sa paligid nito at sa Lambak ng Jezreel.”
17 Sumagot si Josue, “Dahil napakarami nʼyo at makapangyarihan, hindi lang isa ang bahagi nʼyo, 18 magiging inyo rin ang mga kagubatan ng kabundukan. Kahit magubat ito, linisin na lang ninyo, dahil magiging inyo ito mula sa unahan hanggang sa dulo. At tiyak na maitataboy nʼyo ang mga Cananeo kahit makapangyarihan pa sila at may mga karwaheng bakal.”
Panawagan sa Lahat para Purihin ang Panginoon
148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga nasa langit.
2 Purihin ninyo siya, kayong lahat ng kanyang anghel na hukbo niya sa langit.
3 Purihin ninyo siya, araw, buwan at mga bituin.
4 Purihin ninyo siya, pinakamataas na langit at tubig sa kalawakan.
5 Lahat ng nilalang ay magpuri sa Panginoon!
Sa kanyang utos silang lahat ay nalikha.
6 Inilagay niya sila sa kanilang kinalalagyan,
at mananatili roon magpakailanman, ayon sa kanyang utos sa kanila.
7 Purihin ang Panginoon, kayong nasa mundo, malalaking hayop sa karagatan, at lahat ng nasa kailaliman ng dagat,
8 mga kidlat at ulan na yelo, niyebe, mga ulap, at malalakas na hangin na sumusunod sa kanyang utos,
9 mga bundok, mga burol, mga punongkahoy na namumunga o hindi[a],
10 lahat ng mga hayop, maamo o mailap, mga hayop na gumagapang at lumilipad.
11 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga hari, mga pinuno, mga tagapamahala, at lahat ng tao sa mundo,
12 mga kabataan, matatanda at mga bata.
13 Lahat ay magpuri sa Panginoon, dahil siyaʼy dakila sa lahat,
at ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa lahat ng nasa langit at lupa.
14 Pinalalakas niya at pinararangalan ang kanyang mga tapat na mamamayan, ang Israel na kanyang pinakamamahal.
Purihin ang Panginoon!
8 At sinabi pa ng Panginoon, “Sa mga panahong iyon, kukunin sa mga libingan ang mga buto ng mga hari, ng mga pinuno ng Juda, pati na ng mga pari, mga propeta, at mga mamamayan ng Jerusalem. 2 Pagkatapos, ikakalat ito sa lupain na nakabilad sa init ng araw, sa liwanag ng buwan, at mga bituin na kanilang minahal, pinaglingkuran, sinunod, sinanggunian, at sinamba. Hindi na muling titipunin ang mga buto nila ni ililibing, kundi ikakalat sa lupa na parang dumi. 3 Ang natitirang buhay sa masamang bansang ito ay ipapangalat ko sa ibang mga bansa, at doon ay gugustuhin pa nilang mamatay kaysa sa mabuhay. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”
Ang Kasalanan at ang Kaparusahan
4 Sinabi sa akin ng Panginoon na sabihin ko ito sa mga tao: “Kapag nadapa ang tao, hindi baʼt muli siyang bumabangon? Kapag naligaw siya, hindi baʼt muli siyang bumabalik? 5 Pero kayong mga taga-Jerusalem, bakit patuloy kayong lumalayo sa akin? Bakit ayaw ninyong iwanan ang mga dios-diosan na dumadaya sa inyo at magbalik sa akin? 6 Pinakinggan kong mabuti ang mga sinabi nʼyo pero hindi tama ang mga ito. Walang sinuman sa inyo ang nagsisi sa inyong kasamaan. Wala man lang nagsabing, ‘Ano ba itong ginawa ko?’ Sa halip, ang bawat isa sa inyo ay naging mabilis sa paggawa ng kasalanan na parang kabayong papunta sa digmaan. 7 Nalalaman ng tagak, ng kalapati at ng langay-langayan kung kailan sila lilipad patungo sa ibang lugar at kung kailan sila babalik, pero kayong mga hinirang ko ay hindi alam ang aking mga tuntunin. 8 Paano ninyo nasasabing marunong kayo, dahil ba alam ninyo ang mga kautusan ng Panginoon? Ang totoo, binago iyon ng inyong mga guro. 9 Mapapahiya ang mga nagsasabing sila ay marurunong. Matatakot sila dahil bibihagin sila. Itinakwil nila ang mga salita ko – gagawin ba nila ito kung talagang marunong sila? 10 Kaya ibibigay ko sa iba ang mga asawa at mga bukirin nila. Sapagkat maging mga dakila man o mga dukha ay pare-parehong naging sakim sa pera, pati na ang mga propeta at mga pari. 11 Hindi nila siniseryoso ang paggamot sa sugat ng mga mamamayan ko, kahit malubha na ito. Sinasabi nilang mabuti ang lahat kahit na hindi ito mabuti. 12 Ikinakahiya ba nila ang mga ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Sapagkat wala na silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila pagdating ng araw na parurusahan sila. 13 Lubos ko silang lilipulin at sisirain ko ang mga bunga ng kanilang mga ubas at igos; pati ang mga dahon nitoʼy malalanta. Ang mga ibinigay ko sa kanila ay mawawala.
14 “Pagkatapos, sasabihin nila, ‘Ano pa ang hinihintay natin? Halikayo, tumakas na tayo papunta sa mga napapaderang lungsod at doon na tayo mamatay. Sapagkat hinatulan na tayong mamatay ng Panginoon na ating Dios. Parang binigyan niya tayo ng tubig na may lason para inumin, dahil nagkasala tayo sa kanya. 15 Naghintay tayo ng kapayapaan, pero walang dumating na kapayapaan. Naghintay tayo ng kabutihan, pero takot ang dumating. 16 Ang singhal ng kabayo ng mga kaaway ay naririnig mula sa Dan. Sa mga halinghing pa lang ng mga kabayo nila, nanginginig na ang buong lupain. Dumating sila para wasakin ang lupaing ito at ang lahat ng naririto; ang mga lungsod at ang lahat ng mamamayan nito.’ ”
17 Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Magpapadala ako ng mga kaaway na parang mga makamandag na ahas na hindi napapaamo ng kahit sino, at tutuklawin nila kayo.”
18 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias: Hindi mapapawi ang kalungkutan ko. Nagdaramdam ang puso ko. 19 Pakinggan nʼyo ang iyakan ng mga kababayan ko na naririnig sa buong lupain. Sinabi nila, “Wala na ba ang Panginoon sa Jerusalem?[a] Wala na ba roon ang Dios na Hari ng Jerusalem?” Sumagot ang Panginoon, “Bakit nʼyo ako ginalit sa pamamagitan ng pagsamba nʼyo sa mga dios-diosang walang kabuluhan?” 20 Sumagot ang mga tao, “Tapos na ang anihan, tapos na rin ang tag-araw, pero hindi pa kami naililigtas!”
21 Nagdaramdam ako dahil sa nararanasang hirap ng mga kababayan ko. Nagluluksa ako at natitigilan. 22 Wala na bang gamot sa Gilead? Wala na bang manggagamot doon? Bakit hindi gumagaling ang sugat ng mga kababayan ko?
Ang Talinghaga tungkol sa Handaan sa Kasal(A)
22 Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, 2 “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang hari na naghanda ng salo-salo para sa kasal ng anak niyang lalaki. 3 Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inimbitahan sa kasalan, pero ayaw nilang dumalo. 4 Sinugo niya ang iba pang mga alipin upang sabihin sa mga inimbitahan, ‘Handa na ang lahat; nakatay na ang aking mga baka at iba pang pinatabang hayop. Nakahanda na ang pagkain kaya pumunta na kayo rito!’ 5 Pero hindi ito pinansin ng mga inimbitahan. Ang ibaʼy pumunta sa bukid nila, at ang ibaʼy sa negosyo nila. 6 Ang iba namaʼy sinunggaban ang mga alipin ng hari, hiniya, at pinatay. 7 Kaya galit na galit ang hari sa ginawa ng mga ito. Inutusan niya ang kanyang mga sundalo na patayin ang mga pumatay sa kanyang mga alipin at sunugin ang lungsod ng mga ito. 8 Pagkatapos, sinabi ng hari sa kanyang mga utusan, ‘Handa na ang salo-salo para sa kasal ng aking anak, pero hindi karapat-dapat ang mga inimbitahan. 9 Pumunta na lang kayo sa mga mataong lansangan, at imbitahan ninyo ang lahat ng inyong makita.’ 10 Pumunta nga sa mga lansangan ang mga alipin at inimbitahan ang lahat ng nakita nila, masama man o mabuti. Kaya napuno ng bisita ang pinagdarausan ng handaan. 11 Nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga bisita, nakita niya ang isang lalaking hindi nakasuot ng damit na para sa kasalan. 12 Kaya tinanong niya ang lalaki, ‘Kaibigan, bakit pumasok ka rito nang hindi nakasuot ng damit na para sa kasalan?’ Hindi nakasagot ang lalaki. 13 Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga utusan, ‘Talian ninyo ang mga kamay at paa niya at itapon sa dilim, doon sa labas. Doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ ” 14 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag ng Dios na mapabilang sa kanyang kaharian, ngunit kakaunti ang pinili.”
Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(B)
15 Umalis ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang mga pananalita. 16 Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga kasamahan at ang ilan sa mga tauhan ni Herodes. Sinabi ng mga ito, “Guro, alam po namin na totoo ang mga sinasabi ninyo. Itinuturo nʼyo ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios. Wala kayong pinapaboran, dahil hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao. 17 Ano sa palagay nʼyo? Tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma[a] o hindi?” 18 Pero alam ni Jesus ang masama nilang balak, kaya sinabi niya, “Mga pakitang-tao! Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan? 19 Patingin nga ng perang ipinambabayad ng buwis.” Iniabot nila sa kanya ang pera.[b] 20 Tinanong sila ni Jesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?” 21 Sumagot sila, “Sa Emperador.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” 22 Namangha sila nang marinig ang sagot ni Jesus, kaya iniwan nila siya.
Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(C)
23 Nang araw ding iyon, lumapit at nagtanong kay Jesus ang ilang mga Saduceo – mga taong hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. 24 Sinabi nila, “Guro, sinabi ni Moises na kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa asawa niya, dapat pakasalan ng kanyang kapatid ang naiwan niyang asawa para magkaanak sila para sa kanya.[c] 25 Noon ay may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. 26 Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. 27 At kinalaunan, namatay din ang babae. 28 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po ba sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil silang lahat ay napangasawa niya?” 29 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Dios. 30 Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na sila mag-aasawa. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit. 31 Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang sinabi ng Dios sa inyo? Sinabi niya, 32 ‘Ako ang Dios nila Abraham, Isaac, at Jacob.’[d] Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay.” 33 Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang pagtuturo.
Ang Pinakamahalagang Utos(D)
34 Nang mabalitaan ng mga Pariseo na walang magawa ang mga Saduceo kay Jesus, nagtipon silang muli at lumapit sa kanya. 35 Isa sa kanila, na tagapagturo ng Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin siya, 36 “Guro, ano po ba ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” 37 Sumagot si Jesus, “ ‘Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.’[e] 38 Ito ang pinakamahalagang utos sa lahat. 39 At ang ikalawang pinakamahalagang utos ay katulad din nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’[f] 40 Ang buong Kautusan ni Moises at ang mga isinulat ng mga propeta ay nakasalalay sa dalawang utos na ito.”[g]
Ang Tanong tungkol sa Cristo(E)
41 Habang nagkakatipon pa ang mga Pariseo, tinanong sila ni Jesus, 42 “Ano ba ang pagkakakilala ninyo sa Cristo? Kaninong angkan[h] siya nagmula?” Sumagot sila, “Kay David.” 43 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung angkan lang siya ni David, bakit tinawag siya ni David na ‘Panginoon,’ sa patnubay ng Banal na Espiritu? Ito ang sinabi niya,
44 ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
Maupo ka sa aking kanan hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’[i]
45 Kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siya naging angkan lang ni David?” 46 Wala ni isa mang nakasagot sa tanong ni Jesus. Mula noon, wala nang nangahas na magtanong sa kanya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®