M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagkakahati-hati ng Lupain sa Kanluran ng Jordan
14 Ito ang pagkakahati ng iba pang mga lupain ng Canaan sa mga Israelita. Hinati-hati ito nila Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun, at ng mga pinuno ng mga sambahayan ng bawat lahi ng Israel. 2 Ayon sa utos ng Panginoon kay Moises, ang mga lupain ng siyam at kalahati na mga lahi ay pinaghahati-hati sa kanila sa pamamagitan ng palabunutan. 3-4 Ibinigay na ni Moises sa dalawaʼt kalahating lahi ang bahagi nila sa silangan ng Jordan. (Ang lahi ni Jose ay hinati sa dalawa, ang lahi ni Manase at ang lahi ni Efraim.) Hindi binigyan ng lupain ang mga Levita, pero binigyan sila ng mga bayan na titirhan nila at mga bukirin para sa mga hayop nila. 5 Ganito ang paghahati ng mga lupain sa mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon kay Moises.
Ibinigay kay Caleb ang Hebron
6 Isang araw pumunta kay Josue sa Gilgal ang ilang mga tao mula sa lahi ni Juda. Ang isa sa kanila ay si Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo. Sinabi niya kay Josue, “Naaalala mo pa ba ang sinabi ng Panginoon kay Moises na lingkod ng Dios tungkol sa ating dalawa nang naroon tayo sa Kadesh Barnea? 7 Akoʼy 40 taong gulang pa lang noon nang inutusan ako ni Moises mula sa Kadesh Barnea para mag-espiya sa lupaing iyon, at ipinagtapat ko sa kanya ang lahat ng nalaman ko. 8 Ngunit tinakot ng mga kasama ko ang mga kababayan natin. Pero ako, matapat kong sinunod ang Panginoon kong Dios. 9 Kaya nang araw na iyon, nangako si Moises sa akin. Sinabi niya, ‘Dahil matapat ka sa pagsunod sa Panginoon kong Dios, magiging iyo at sa mga angkan mo ang lupaing pinuntahan mo para mag-espiya.’
10 “Nakalipas na ang 45 taon nang sabihin iyon ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. Naglalakbay pa noon ang mga Israelita sa ilang. Buhay pa ako hanggang ngayon at 85 taong gulang na ako, 11 pero ang lakas ko ay gaya pa rin noong panahon na inutusan ako ni Moises. Kayang-kaya ko pang makipaglaban gaya nang dati. 12 Kaya ibigay mo na sa akin ang kabundukan na ipinangako sa akin noon ng Panginoon. Ikaw mismo ang nakarinig noon, na nakatira roon ang mga lahi ni Anak at matitibay ang mga lungsod nila na may mga pader. Pero sa tulong ng Panginoon, maitataboy ko sila sa lupaing iyon ayon sa pangako niya sa akin.”
13 Binasbasan ni Josue si Caleb na anak ni Jefune, at ibinigay sa kanya ang Hebron bilang mana niya. 14 Hanggang ngayon, ang Hebron ay pagmamay-ari ng mga angkan ni Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo dahil matapat na sinunod ni Caleb ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 15 Kiriat Arba ang pangalan noon ng Hebron bilang alaala kay Arba, ang pinakatanyag sa mga lahi ni Anak.
At nahinto na ang labanan sa lupain ng mga Israelita.
Ang mga Lupain na Ibinigay kay Juda
15 Ito ang mga lupaing natanggap ng lahi ni Juda, na hinati ayon sa bawat sambahayan: Ang lupain ay umaabot sa hangganan ng Edom sa timog, sa dulo ng ilang ng Zin. 2 Ang kanilang hangganan sa timog ay nagsisimula sa baybayin ng katimugang bahagi ng Dagat na Patay[a] 3 papunta sa timog ng Daang Paahon ng Akrabim hanggang sa ilang ng Zin papunta sa timog ng Kadesh Barnea, at lumampas sa Hezron paakyat sa Adar at paliko papunta sa Karka, 4 papunta sa Azmon, sa Lambak ng Egipto at sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang hangganan ng Juda sa timog. 5 Ang hangganan sa silangan ay ang Dagat na Patay hanggang sa labasan ng tubig ng Ilog ng Jordan.
Ang hangganan sa hilaga ay nagmula roon sa labasan ng tubig ng Ilog ng Jordan, 6 paakyat sa Bet Hogla, at papunta sa hilaga ng Bet Araba hanggang sa Bato ni Bohan. (Si Bohan ay anak ni Reuben.) 7 Mula rito, papunta sa Lambak ng Acor[b] hanggang sa Debir, at paliko sa hilaga papunta sa Gilgal na nakaharap sa Daang Paahon ng Adumim sa katimugang bahagi ng daluyan ng tubig. At umaabot ito papunta sa mga bukal ng En Shemesh at palabas ng En Rogel. 8 Mula roon papunta sa Lambak ng Ben Hinom hanggang sa katimugang libis ng lungsod ng mga Jebuseo. (Ito ay ang Jerusalem.) Mula roon, paahon sa tuktok ng bundok sa kanluran ng Lambak ng Ben Hinom sa dulo ng hilagang bahagi ng Lambak ng Refaim. 9 At mula roon, papunta sa Bukal ng Neftoa, palabas sa mga bayan na malapit sa Bundok ng Efron. Mula roon, pababa sa Baala (na siyang Kiriat Jearim), 10 lumiko sa bandang kanluran ng Baala papunta sa Bundok ng Seir. Pagkatapos, papunta ito sa hilagang bahagi ng libis ng Bundok ng Jearim (na siyang Kesalon), papunta sa Bet Shemesh at dumadaan sa Timnah. 11 Mula roon, nagpatuloy ito sa hilagang bahagi ng libis ng Ekron at paliko papunta sa Shikeron, at dumaraan sa Bundok ng Baala hanggang sa Jabneel. Ang hangganan nito ay ang Dagat ng Mediteraneo, 12 at ito rin ang hangganan sa kanluran. Iyon ang mga hangganan sa paligid ng lupaing hinati sa mga sambahayan ng lahi ni Juda.
Ang Lupaing Ibinigay kay Caleb(A)
13 Inutos ng Panginoon kay Josue na ibigay niya ang isang bahagi ng lupain ng lahi ni Juda kay Caleb na anak ni Jefune. Ang lupaing ito ay ang Kiriat Arba, na siyang Hebron. (Si Arba ang ama ni Anak.) 14 Pinalayas ni Caleb sa lupaing iyon ang tatlong lahi ni Anak: ang mga sambahayan nina Sheshai, Ahiman at Talmai. 15 Mula roon nilusob niya ang mga nakatira sa Debir (na noon ay tinatawag na Kiriat Sefer). 16 Sinabi ni Caleb, “Ibibigay ko bilang asawa ang anak kong si Acsa sa lalaking makakaagaw ng Kiriat Sefer.” 17 Si Otniel na anak ni Kenaz na kapatid ni Caleb ang nakaagaw ng lungsod. Kaya sa kanya ibinigay ni Caleb ang anak niyang si Acsa para maging asawa. 18 Nang ikinasal na sila, hinikayat ni Acsa ang asawa niya na humingi sila ng dagdag na lupain sa ama nito. Pagkatapos, pumunta si Acsa kay Caleb, at nang makababa na siya sa kanyang asno, tinanong siya ni Caleb kung ano ang kailangan niya. 19 Sumagot si Acsa, “Hihingi po sana ako ng pabor sa inyo, gusto ko po sanang bigyan nʼyo ako ng lupaing may mga bukal dahil ang lupaing ibinigay nʼyo sa akin sa Negev ay walang bukal.” Kaya ibinigay sa kanya ni Caleb ang lugar na may mga bukal sa itaas at sa ibaba ng Negev.
Ang mga Lungsod ng Juda
20 Ito ang mga lungsod na natanggap ng lahi ni Juda na hinati ayon sa bawat sambahayan:
21 Ang mga bayan sa timog, sa pinakadulo ng Negev malapit sa hangganan ng Edom: Kabzeel, Eder, Jagur, 22 Kina, Dimona, Adada, 23 Kedesh, Hazor, Itnan, 24 Zif, Telem, Bealot, 25 Hazor Hadata, Keriot Hezron (na siyang Hazor), 26 Amam, Shema, Molada, 27 Hazar Gada, Heshmon, Bet Pelet, 28 Hazar Shual, Beersheba, Biziotia, 29 Baala, Iim, Ezem, 30 Eltolad, Kesil, Horma, 31 Ziklag, Madmana, Sansana, 32 Lebaot, Shilhim, Ayin at Rimon – 29 na bayan lahat, kasama ang mga bayan at mga baryo sa paligid nito.
33 Ang mga bayan sa kaburulan sa kanluran[c]: Estaol, Zora, Ashna, 34 Zanoa, En Ganim, Tapua, Enam, 35 Jarmut, Adulam, Soco, Azeka, 36 Shaaraim, Aditaim, Gedera (o Gederotaim) – 14 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
37 Kasama rin ang Zenan, Hadasha, Migdal Gad, 38 Dilean, Mizpa, Jokteel, 39 Lakish, Bozkat, Eglon, 40 Cabon, Lamas, Kitlis, 41 Gederot, Bet Dagon, Naama at Makeda – 16 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
42 Kasama pa ang Libna, Eter, Ashan, 43 Ifta, Ashna, Nezib, 44 Keila, Aczib at Maresha – 9 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
45 Ganoon din ang Ekron at ang mga bayan at baryo sa paligid nito, 46 at ang lahat ng bayan at mga baryo na malapit sa Ashdod mula sa Ekron papunta sa Dagat ng Mediteraneo. 47 Ang Ashdod at Gaza, kasama ang mga bayan nito at mga baryo hanggang sa Lambak ng Egipto at sa baybayin ng Dagat ng Mediteraneo.
48 Ang mga bayan sa kabundukan: Shamir, Jatir, Soco, 49 Dana, Kiriat Sana (na siyang Debir), 50 Anab, Estemo, Anim, 51 Goshen, Holon at Gilo – 11 bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
52 Ganoon din ang Arab, Duma, Eshan, 53 Janim, Bet Tapua, Afek, 54 Humta, Kiriat Arba (na siyang Hebron) at Zior – 9 bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
55 Kabilang din ang Maon, Carmel, Zif, Juta, 56 Jezreel, Jokdeam, Zanoa 57 Kain, Gibea at Timnah – 10 bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
58 Ganoon din ang Halhul, Bet Zur at Gedor, 59 Maarat, Bet Anot at Eltekon – 6 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito. 60 Ang Kiriat Baal (na siyang Kiriat Jearim) at ang Rabba – 2 bayan, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
61 Ang mga bayan sa ilang: Bet Araba, Midin, Secaca, 62 Nibshan, ang bayan ng Asin at ang En Gedi – 6 na bayan, kasama ang mga baryo sa paligid nito.
63 Pero hindi mapaalis ng lahi ng Juda ang mga Jebuseo na nakatira sa Jerusalem. Kaya hanggang ngayon doon pa sila nakatira kasama ng mga mamamayan ng Juda.
Papuri sa Dios na Tagapagligtas
146 Purihin ang Panginoon!
Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
2 Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
4 Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
5 Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
6 na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
7 Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
8 Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
pinalalakas ang mga nanghihina,
at ang mga matuwid ay minamahal niya.
9 Iniingatan niya ang mga dayuhan,
tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.
10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
Papuri sa Dios na Makapangyarihan
147 Purihin ang Panginoon!
Napakabuting umawit ng pagpupuri sa ating Dios.
Napakabuti at nararapat lang na siya ay purihin.
2 Itinatayong muli ng Panginoon ang Jerusalem,
at muli niyang tinitipon ang mga nabihag na Israelita.
3 Pinagagaling niya ang mga pusong nabigo,
at ginagamot ang kanilang mga sugat.
4 Ang bilang ng mga bituin ay kanyang nalalaman
at ang bawat isa ay binigyan niya ng pangalan.
5 Makapangyarihan ang ating Panginoon.
Ang kanyang karunungan ay walang hangganan.
6 Tinutulungan ng Panginoon ang mga inaapi,
ngunit nililipol niya nang lubos ang masasama.
7 Umawit kayo ng pasasalamat sa Panginoon.
Tumugtog kayo ng alpa para sa ating Dios.
8 Pinupuno niya ng mga ulap ang kalawakan,
at pinauulanan niya ang mundo,
at pinatutubo ang mga damo sa kabundukan.
9 Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at ang mga inakay na uwak kapag dumadaing ang mga ito.
10 Hindi siya nalulugod sa lakas ng mga kabayo o sa kagitingan ng mga kawal.
11 Ang Panginoon ay nalulugod sa mga may takot sa kanya
at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
12 Purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, kayong mga naninirahan sa Zion, ang bayan ng Jerusalem!
13 Dahil pinatitibay niya ang pintuan ng inyong bayan,
at kayoʼy kanyang pinagpapala.
14 Binibigyan niya ng kapayapaan ang inyong lugar,
at binubusog niya kayo ng pinakamabuting trigo.
15 Inuutusan niya ang mundo,
at agad naman itong sumusunod.
16 Inilalatag niya sa lupa ang nyebe na parang mga puting kumot,
at ikinakalat na parang abo.
17 Nagpapadala siya ng ulan na yelo na parang maliliit na bato.
Kahit sino ay walang makatagal sa lamig nito.
18 Sa kanyang utos, ang yelo ay natutunaw.
Pinaiihip niya ang hangin, at ang yelo ay nagiging tubig na umaagos.
19 Ipinahayag niya ang kanyang mga salita, mga tuntunin at mga utos sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob.
20 Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa;
hindi nila alam ang kanyang mga utos.
Purihin ang Panginoon!
Nangaral si Jeremias
7 Sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 2 “Tumayo ka sa pintuan ng templo ko at sabihin mo ito sa mga mamamayan ko: ‘Makinig kayo, kayong mga taga-Juda na pumapasok dito para sumamba sa Panginoon. 3 Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel: Baguhin na ninyo ang inyong pag-uugali at pamumuhay, para patuloy ko kayong patirahin sa lupaing ito. 4 Huwag kayong palilinlang sa mga taong paulit-ulit na sinasabing walang panganib na mangyayari sa inyo dahil nasa atin ang templo ng Panginoon.
5 “ ‘Baguhin na ninyo ng lubusan ang inyong pag-uugali at pamumuhay. Tratuhin ninyo ng tama ang inyong kapwa, 6 at huwag na ninyong apihin ang mga dayuhan, ulila, at mga biyuda. Huwag ninyong papatayin ang mga walang kasalanan, at huwag kayong sumamba sa ibang mga dios na siyang magpapahamak sa inyo. 7 Kapag ginawa nʼyo ito, patuloy ko kayong patitirahin sa lupaing ito na ibinigay ko sa mga magulang nʼyo magpakailanman.
8 “ ‘Pero tingnan ninyo kung ano ang inyong ginagawa! Naniniwala kayo sa mga kasinungalingan na walang kabuluhan. 9 Kayo ay nagnanakaw, pumapatay, nangangalunya, sumasaksi nang may kasinungalingan, naghahandog ng mga insenso kay Baal, at sumasamba sa ibang mga dios na hindi nʼyo nakikilala. 10 Pagkatapos, lumalapit at tumatayo kayo sa harap ko rito sa templo, kung saan pinararangalan ang pangalan ko. At sinasabi nʼyo, “Ligtas tayo rito.” At pagkatapos, ginagawa na naman ninyo ang mga gawaing kasuklam-suklam. 11 Bakit, ano ang akala ninyo sa templong ito na pinili ko para parangalan ako, taguan ng mga magnanakaw? Nakikita ko ang mga ginagawa sa templo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
12 “ ‘Pumunta kayo sa Shilo, ang unang lugar na pinili ko para sambahin ako, at tingnan ninyo kung ano ang ginawa ko sa lugar na iyon dahil sa kasamaang ginawa ng mga mamamayan kong taga-Israel. 13 Habang ginagawa ninyo ang masasamang bagay na ito, paulit-ulit ko kayong binibigyan ng babala, pero hindi kayo nakinig. Tinawag ko kayo, pero hindi kayo sumagot. 14 Kaya ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin ngayon sa templong ito, kung saan pinararangalan ang pangalan ko, ang templong pinagtitiwalaan ninyo na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. 15 Palalayasin ko kayo mula sa aking harapan katulad ng ginawa ko sa mga kamag-anak ninyo, ang mga mamamayan ng Israel.’[a]
16 “Kaya Jeremias, huwag kang mananalangin para sa mga taong ito. Huwag kang magmamakaawa o humiling sa akin para sa kanila, dahil hindi kita pakikinggan. 17 Hindi mo ba nakikita ang ginagawa nila sa bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 18 Ang mga kabataan ay nangangahoy, ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, ang mga babae ay nagmamasa ng harina para gawing tinapay para sa Reyna ng Langit.[b] Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang mga dios para galitin ako. 19 Pero ako nga ba ang sinasaktan nila? Hindi! Ang sarili nila ang sinasaktan at inilalagay nila sa kahihiyan. 20 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi, ‘Ipapadama ko sa lugar na ito ang matinding galit ko – sa mga tao, mga hayop, mga puno, at mga halaman. Ang galit koʼy parang apoy na hindi mapapatay ng kahit sino.’
21 “Sige, kunin na lang ninyo ang inyong mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, at kainin na lang ninyo ang karne. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito. 22 Nang ilabas ko sa Egipto ang mga ninuno nʼyo, hindi ko lang sila inutusan na mag-alay ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, 23 inutusan ko rin sila ng ganito: ‘Sundin ninyo ako, at akoʼy magiging Dios nʼyo at kayoʼy magiging mga mamamayan ko. Mamuhay kayo sa paraang iniutos ko sa inyo para maging mabuti ang kalagayan ninyo.’
24 “Pero hindi nila sinunod o pinansin man lang ang mga sinabi ko sa kanila. Sa halip, sinunod nila ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. At sa halip na lumapit sa akin, lalo pa silang lumayo. 25 Mula nang umalis ang mga ninuno nʼyo sa Egipto hanggang ngayon, patuloy akong nagpapadala sa inyo ng mga lingkod kong mga propeta. 26 Pero hindi nʼyo sila pinakinggan o pinansin. Mas matigas pa ang mga ulo nʼyo at mas masama pa ang mga ginawa nʼyo kaysa sa mga ninuno ninyo.
27 “Jeremias, kung sasabihin mo sa kanila ang lahat ng ito, hindi sila makikinig sa iyo. Kapag tatawagin mo sila na lumapit sa akin, hindi sila sasagot. 28 Kaya ito ang sabihin mo sa kanila: Ito ang bansa na ang mga mamamayan ay ayaw sumunod sa Panginoon na kanilang Dios, at ayaw magpaturo. Wala sa kanila ang katotohanan at hindi na sila nagsasalita ng totoo. 29 Mga taga-Jerusalem, kalbuhin nʼyo ang buhok nʼyo at itapon ito para ipakitang nagdadalamhati kayo. Umiyak kayo roon sa kabundukan, dahil itinakwil at pinabayaan na ng Panginoon ang lahi nʼyo na nagpagalit sa kanya.”
Ang Lambak ng Patayan
30 Sinabi ng Panginoon, “Gumawa ng masama ang mga tao ng Juda. Inilagay nila ang mga kasuklam-suklam nilang dios-diosan doon sa templo, ang lugar na pinili ko kung saan ako pararangalan, kaya nadungisan ito. 31 Nagtayo rin sila ng sambahan sa matataas na lugar[c] sa Tofet, sa Lambak ng Ben Hinom, para roon nila sunugin ang mga anak nila bilang handog. Hindi ko ito iniutos sa kanila ni pumasok man lang sa isip ko. 32 Kaya mag-ingat kayo, dahil ako, ang Panginoon ay nagsasabing, darating ang araw na ang lugar na iyon ay hindi na tatawaging Tofet o Lambak ng Ben Hinom kundi Lambak ng Patayan. Sapagkat doon ililibing ang maraming bangkay hanggang sa wala nang lugar na mapaglibingan. 33 Ang mga bangkay ng mamamayan ko ay kakainin ng mga ibon at mababangis na hayop, at walang sinumang magtataboy sa mga ito. 34 Ipapatigil ko na ang kagalakan at kasayahan sa mga lansangan ng Jerusalem. At hindi na rin mapapakinggan sa bayan ng Juda ang masasayang tinig ng mga bagong kasal. Sapagkat magiging mapanglaw ang lupaing ito.”
Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem(A)
21 Malapit na sina Jesus sa Jerusalem. Pagdating nila sa nayon ng Betfage na nasa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Jesus ang dalawa niyang tagasunod 2 at sinabi, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Makikita ninyo roon ang isang asno na nakatali, kasama ang bisiro nito. Kalagan ninyo ang mga ito at dalhin dito sa akin. 3 Kapag may sumita sa inyo, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon, at hahayaan na niya kayo.” 4 Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng propeta:
5 “Sabihin ninyo sa mga naninirahan sa Zion na paparating na ang kanilang hari!
Mapagpakumbaba siya, at nakasakay sa asno, sa isang bisirong asno.”[a]
6 Lumakad nga ang mga tagasunod at ginawa ang iniutos ni Jesus. 7 Dinala nila ang asno at ang bisiro nito kay Jesus. Sinapinan nila ang mga ito ng kanilang mga balabal at sumakay si Jesus. 8 Maraming tao ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng kahoy at inilatag din sa daan. 9 Ang mga tao sa unahan ni Jesus at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw, “Purihin ang Anak ni David![b] Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Dios!”[c] 10 Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, nagkagulo ang buong lungsod, at nagtanungan ang mga tao, “Sino ang taong iyan?” 11 Sumagot ang mga kasama ni Jesus, “Siya ang propetang si Jesus na taga-Nazaret, na sakop ng Galilea.”
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(B)
12 Pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo. 13 Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang bahay ko ay bahay-panalanginan.’[d] Pero ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”[e]
14 May mga bulag at pilay na lumapit kay Jesus doon sa templo, at pinagaling niya silang lahat. 15 Nagalit ang mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa ni Jesus, at nang marinig nila ang mga batang sumisigaw doon sa templo ng “Purihin ang Anak ni David!”[f] 16 Sinabi nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?” Sumagot si Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa Kasulatan na kahit ang maliliit na bata ay tinuruan ng Dios na magpuri sa kanya?”[g] 17 Pagkatapos, iniwan sila ni Jesus. Lumabas siya ng lungsod at nagpunta sa Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.
Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(C)
18 Kinaumagahan, nang pabalik na sina Jesus sa lungsod ng Jerusalem, nagutom siya. 19 May nakita siyang puno ng igos sa tabi ng daan, kaya nilapitan niya ito. Pero wala siyang nakitang bunga kundi puro mga dahon. Kaya sinabi niya sa puno, “Hindi ka na mamumunga pang muli!” At agad na natuyo ang puno. 20 Namangha ang mga tagasunod ni Jesus nang makita nila iyon. Sinabi nila, “Paanong natuyo kaagad ang puno?” 21 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo at walang pag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos. At hindi lang iyan, maaari rin ninyong sabihin sa bundok, ‘Lumipat ka sa dagat!’ at lilipat nga ito. 22 Anumang hilingin ninyo sa Dios sa panalangin ay matatanggap ninyo kung sumasampalataya kayo.”
Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus(D)
23 Bumalik sa templo si Jesus, at habang nagtuturo siya, nilapitan siya ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio at tinanong, “Ano ang awtoridad mong gumawa ng mga bagay na ginagawa mo? Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” 24 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. At kapag sinagot ninyo, sasabihin ko kung ano ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito. 25 Kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios[h] o sa tao?” Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 26 Pero kung sasabihin nating mula sa tao, magagalit sa atin ang mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Dios.” 27 Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak
28 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng talinghagang ito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa panganay at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ating ubasan at magtrabaho.’ 29 Sumagot siya, ‘Ayaw ko po.’ Pero maya-maya ay nagbago ang isip niya at pumunta rin. 30 Lumapit din ang ama sa bunso at ganoon din ang sinabi. Sumagot ang bunso, ‘Opo,’ pero hindi naman siya pumunta. 31 Sino ngayon sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanilang ama?” Sumagot sila, “Ang panganay.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay nauuna pa sa inyo na mapabilang sa kaharian ng Dios. 32 Sapagkat dumating sa inyo si Juan na tagapagbautismo, at itinuro sa inyo ang tamang daan sa matuwid na pamumuhay, pero hindi kayo naniwala. Pero ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay naniwala sa kanya. At kahit na nakita ninyo ito, hindi pa rin kayo nagsisi sa mga kasalanan ninyo at naniwala sa kanya.”
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Magsasaka(E)
33 Muling nagsalita si Jesus sa kanila, “Makinig kayo sa isa pang talinghaga: May isang taong may bukid na pinataniman niya ng ubas. Pinabakuran niya ito at nagpagawa ng pisaan ng ubas. Nagtayo rin siya ng isang bantayang tore. At pagkatapos ay pinaupahan niya ang kanyang ubasan sa mga magsasaka at pumunta sa malayong lugar. 34 Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasakang umuupa sa ubasan niya para kunin ang kanyang parte. 35 Pero sinunggaban ng mga magsasaka ang mga alipin. Binugbog nila ang isa, pinatay ang isa at binato naman ang isa pa. 36 Nagsugo ulit ang may-ari ng mas maraming alipin, at ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. 37 Nang bandang huli, pinapunta ng may-ari ang kanyang anak. Ang akala niyaʼy igagalang nila ito. 38 Pero nang makita ng mga magsasaka ang anak ng may-ari, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya para mapasaatin ang lupang mamanahin niya.’ 39 Kaya sinunggaban nila ang anak, dinala sa labas ng ubasan at pinatay.”
40 Pagkatapos, nagtanong si Jesus, “Ano kaya ang gagawin ng may-ari sa mga magsasakang iyon sa kanyang pagbabalik?” 41 Sumagot ang mga tao, “Tiyak na papatayin niya ang masasamang taong iyon, at pauupahan niya ang kanyang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay sa kanya ng parte niya sa bawat panahon ng pamimitas.” 42 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong pundasyon.[i]
Gawa ito ng Panginoon
at kahanga-hanga ito sa atin!’[j]
43 “Kaya tandaan ninyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Dios kundi ang mga taong sumusunod sa kanyang kalooban. [44 Ang sinumang mahulog sa batong ito ay magkakabali-bali, ngunit ang mahulugan nito ay madudurog.]”
45 Nang marinig ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo ang talinghagang iyon, alam nilang sila ang tinutukoy ni Jesus. 46 Kaya gusto nilang dakpin si Jesus, pero natatakot sila sa mga tao na naniniwalang si Jesus ay isang propeta.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®