Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Josue 10

Natalo ng Israel ang mga Hari sa Timog

10 Nabalitaan ni Haring Adoni Zedek ng Jerusalem na inagaw ni Josue ang Ai at nilipol nang lubusan at pinatay ang hari nito, gaya ng ginawa niya sa Jerico at sa hari nito. Nabalitaan din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkaibigan na sa mga Israelita at namuhay kasama nila. Natakot siya at ang mga tao sa kanyang nasasakupan dahil alam niya na ang Gibeon ay isang makapangyarihang lungsod na may sarili ring hari. Mas malaki pa ito sa Ai at ang mga sundalo nitoʼy mahuhusay makipaglaban. Kaya nagpadala ng mensahe si Adoni Zedek kina Haring Hoham ng Hebron, Haring Piram ng Jarmut, Haring Jafia ng Lakish, at Haring Debir ng Eglon. Ito ang mensahe niya, “Tulungan nʼyo akong lusubin ang Gibeon dahil nakipagkaibigan ito kay Josue at sa mga Israelita.” Kaya nagkaisa ang limang hari ng mga Amoreo: ang hari ng Jerusalem, Hebron, Jarmut, Lakish at Eglon. Tinipon nila ang mga sundalo nila at nilusob ang Gibeon.

Nagpadala ng mensahe ang mga taga-Gibeon kay Josue sa kampo nito sa Gilgal. Sinabi nila, “Huwag nʼyo kaming pabayaan, kaming mga lingkod ninyo. Pumunta po kayo agad dito at iligtas kami. Tulungan nʼyo kami dahil pinagtutulungan kami ng lahat ng hari ng mga Amoreo na nakatira sa mga kabundukan.” Kaya umalis si Josue kasama ang lahat ng sundalo niya, pati ang lahat ng mahuhusay makipaglaban. Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibibigay ko sila sa iyo. Wala kahit isa sa kanila ang makakatalo sa iyo.”

Buong gabing naglakad sina Josue mula sa Gilgal, at nilusob nila ang mga kalaban na walang kamalay-malay. 10 Sinindak ng Panginoon ang mga kalaban nang makaharap nila ang mga Israelita, at marami sa kanila ang pinatay doon sa Gibeon. Ang iba sa kanilaʼy hinabol at pinatay sa daang paakyat sa Bet Horon hanggang sa Azeka at Makeda. 11 Patuloy ang paghabol sa kanila ng mga Israelita habang bumababa sila galing sa Bet Horon. At nang papunta sila sa Azeka, pinaulanan sila ng Panginoon ng malalaking yelo at namatay sila. Mas marami pang namatay sa kanila sa yelo kaysa sa espada ng mga Israelita.

12 Nang araw na pinagtagumpay ng Panginoon ang mga Israelita laban sa mga Amoreo, nanalangin si Josue sa Panginoon. Pagkatapos, sinabi niya habang nakikinig ang mga Israelita, “Araw, tumigil ka sa taas ng Gibeon! Ikaw naman buwan, tumigil ka sa taas ng Lambak ng Ayalon.” 13 Kaya tumigil ang araw at ang buwan hanggang sa natalo ng mga Israelita ang mga kalaban nila.

Ang pangyayaring ito ay nakasulat sa Aklat ni Jashar. Tumigil ang araw sa gitna ng langit, at hindi ito lumubog sa buong araw. 14 Hindi pa nangyari ang ganito mula noon, mula noon, na sumagot ang Panginoon sa panalangin ng tao na kagaya nito. Tunay na nakikipaglaban ang Panginoon para sa Israel.

15 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang lahat ng mga Israelita sa kampo nila sa Gilgal.

Pinatay ang Limang Hari ng mga Amoreo

16 Nakatakas ang limang hari at nagtago sa kweba sa Makeda. 17 Pero may nakakita sa kanila na doon sila nagtatago, at sinabi nila ito kay Josue. 18 Kaya sinabi ni Josue, “Tabunan nʼyo ng malalaking bato ang bukana ng kweba at bantayan ninyo. 19 Pero huwag kayong manatili roon kundi habulin nʼyo at lusubin ang mga naiwang kalaban. Siguraduhin ninyong hindi sila makakapasok sa mga lungsod nila. Dahil ibibigay sila sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.”

20 Halos naubos ni Josue at ng mga Israelita ang mga kalaban nila. Pero mayroon ding nakaligtas at nakapasok sa mga napapaderang lungsod nito. 21 At bumalik ang lahat ng sundalo kay Josue sa kampo nila sa Makeda. Mula noon, wala nang nagtangkang magsalita laban sa mga Israelita.

22 At nag-utos si Josue, “Buksan nʼyo ang kweba at dalhin dito sa akin ang limang hari.” 23 Kaya pinalabas nila sa kweba ang limang hari: ang hari ng Jerusalem, Hebron, Jarmut, Lakish at Eglon. 24 Nang madala na ang limang hari kay Josue, tinipon ni Josue ang lahat ng mga Israelita at sinabi niya sa mga kumander ng mga sundalo niya, “Halikayo, at tapakan nʼyo ang leeg ng mga haring ito.” Kaya lumapit sila at tinapakan nila ang leeg ng mga haring iyon. 25 Sinabi sa kanila ni Josue, “Huwag kayong matakot o kayaʼy panghinaan ng loob. Magpakatatag kayo at magpakatapang. Ito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng kalaban ninyo.” 26 At pinatay ni Josue ang limang hari at ipinabitin sa limang puno hanggang hapon. 27 Nang lumubog na ang araw, ipinakuha ni Josue ang mga bangkay nila at ipinatapon sa kweba na pinagtaguan nila. Tinakpan nila ang bunganga ng kweba ng malalaking bato na hanggang ngayon ay naroon pa.

Sinakop ni Josue ang Iba pang mga Lugar ng mga Amoreo

28 Nang araw na iyon, sinakop ni Josue ang Makeda. Pinapatay niya ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang hari nito. Nilipol niya ito nang lubusan, at walang naiwang buhay. Ginawa ni Josue sa hari ng Makeda ang ginawa rin niya sa hari ng Jerico. 29 Mula sa Makeda, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Libna at nilusob ito. 30 Ibinigay din sa kanila ng Panginoon ang lungsod at ang hari nito. Pinatay nila ang lahat ng naninirahan dito, at walang naiwang buhay. Ginawa ni Josue sa hari ng Libna ang ginawa niya sa hari ng Jerico.

31 Mula sa Libna, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Lakish. Pinalibutan nila ito at nilusob. 32 Ibinigay ng Panginoon ang Lakish sa mga Israelita sa ikalawang araw ng labanan. Gaya ng ginawa nila sa Libna, pinatay din nila ang lahat ng naninirahan sa Lakish. 33 Habang nilulusob nila ang Lakish, si Haring Horam ng Gezer at ang mga sundalo nito ay tumulong sa Lakish, pero natalo sila ni Josue, at walang naiwang buhay sa kanila.

34 Mula sa Lakish, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Eglon. Pinalibutan din nila ito at nilusob. 35 Sa mismong araw na iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng naninirahan dito. Nilipol nila ito nang lubusan gaya ng ginawa nila sa Lakish.

36 Mula sa Eglon, umahon si Josue at ang mga Israelita sa Hebron at nilusob ito. 37 Sinakop nila ang lungsod, at pinatay nila ang hari at ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang mga tao sa karatig baryo. Walang naiwang buhay. Winasak nila nang lubusan ang buong lungsod gaya ng ginawa nila sa Eglon.

38 Pagkatapos nito, bumalik si Josue at ang mga Israelita at lumusob sa Debir. 39 Inagaw nila ang lungsod at pinatay ang hari at ang lahat ng naninirahan dito, pati ang mga tao sa karatig baryo. Nilipol nila ito nang lubusan, at walang naiwang buhay. Ang ginawa nila sa Hebron at Libna at sa mga hari nito ay ginawa rin nila sa Debir at sa hari nito.

40 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain – ang mga kabundukan, ang Negev, ang kaburulan sa kanluran[a] at mga libis, pati na ang mga hari nito. Nilipol nang lubusan nina Josue ang lahat ng naninirahan dito, at walang naiwang buhay. Ginawa nila ito ayon sa utos ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 41 Sinakop ni Josue ang mga lugar mula sa Kadesh Barnea hanggang sa Gaza, at mula sa buong lupain ng Goshen hanggang sa Gibeon. 42 Sinakop ni Josue ang lahat ng lupain at ang mga hari nito sa minsanang paglusob lamang, dahil ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ang tumulong sa kanila sa pakikipaglaban. 43 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang lahat ng Israelita sa kampo nila sa Gilgal.

Salmo 142-143

Panalangin para Iligtas ng Dios

142 Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon.
    Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako.
Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin.
Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin.
    Ang aking mga kaaway ay naglagay ng bitag sa aking dinadaanan.
Tingnan nʼyo ang aking paligid, walang sinumang tumutulong sa akin.
    Walang sinumang nangangalaga at nagmamalasakit sa akin.
Kaya tumawag ako sa inyo, Panginoon.
    Sinabi ko, “Kayo ang aking kanlungan,
    kayo lang ang kailangan ko rito sa mundo.”
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong,
    dahil wala na akong magawa.
    Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin,
    dahil silaʼy mas malakas sa akin.
Palayain nʼyo ako sa bilangguang ito,
    upang akoʼy makapagpuri sa inyo.
    At ang mga matuwid ay magtitipon sa paligid ko,
    dahil sa kabutihan nʼyo sa akin, Panginoon.

Panalangin sa Oras ng Kahirapan

143 Panginoon, dinggin nʼyo ang aking panalangin.
    Dinggin nʼyo ang aking pagsusumamo.
    Tulungan nʼyo ako dahil kayo ay matuwid at tapat.
Huwag nʼyong hatulan ang inyong lingkod,
    dahil walang sinumang matuwid sa inyong harapan.
Tinugis ako ng aking mga kaaway.
    Tinalo ako at inilagay sa madilim na bilangguan;
    tulad ako ng isang taong matagal nang patay.
Kaya nawalan na ako ng pag-asa,
    at punong-puno ng takot ang puso ko.
Naalala ko ang inyong mga ginawa noong una;
    pinagbulay-bulayan ko ang lahat ng inyong ginawa.
Itinaas ko ang aking mga kamay sa inyo at nanalangin,
    kinauuhawan ko kayo tulad ng tuyong lupa na uhaw sa tubig.
Panginoon, agad nʼyo akong sagutin.
    Nawawalan na ako ng pag-asa.
    Huwag nʼyo akong layuan, baka akoʼy mamatay.
Bawat umaga, ipaalala nʼyo sa akin ang inyong pag-ibig,
    dahil sa inyo ako nagtitiwala.
    Ipakita nʼyo sa akin ang tamang daan na dapat kong daanan,
    dahil sa inyo ako nananalangin.
Panginoon, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway,
    dahil sa inyo ako humihingi ng kalinga.
10 Turuan nʼyo akong sundin ang inyong kalooban,
    dahil kayo ang aking Dios.
    Patnubayan sana ako ng inyong butihing Espiritu sa landas na walang kapahamakan.
11 Iligtas nʼyo ako, Panginoon, upang kayo ay maparangalan.
    Dahil kayo ay matuwid, iligtas nʼyo ako sa kaguluhan.
12 Alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin na inyong lingkod,
    lipulin nʼyo ang aking mga kaaway.

Jeremias 4

Sinabi ng Panginoon, “O Israel, kung talagang gusto mong magbalik sa akin, bumalik ka na. Kung itatakwil mo ang kasuklam-suklam mong mga dios-diosan at hindi ka na hihiwalay sa akin, at kung susumpa ka sa pangalan ko lamang at mamumuhay nang tapat, matuwid at tama, magiging pagpapala ka sa mga bansa at pararangalan nila ako.”

Sinabi ng Panginoon sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem, “Baguhin nʼyo ang inyong mga sarili na para bang nagbubungkal kayo ng inyong lupa na hindi pa nabubungkal. At huwag nʼyong ihasik ang mabuti nʼyong binhi sa mga damong matinik. Linisin nʼyo ang inyong mga puso sa presensya ng Panginoon, kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem, dahil kung hindi ay mararanasan nʼyo ang galit kong parang apoy na hindi namamatay dahil sa ginawa nʼyong kasamaan.

Ang Parusang Darating sa Juda

“Sabihin mo sa Juda at Jerusalem na patunugin nila ang trumpeta sa buong lupain. Isigaw nang malinaw at malakas na tumakas sila at magtago sa mga napapaderang lungsod. Balaan mo ang mga taga-Jerusalem[a] na tumakas agad sila dahil magpapadala ako ng kapahamakan mula sa hilaga.”

Ang tagapagwasak na sasalakay sa mga bansa ay parang leon na lumabas sa pinagtataguan nito. Nakaalis na siya sa lugar niya para wasakin ang lupain ninyo. Magigiba ang mga bayan ninyo hanggang sa hindi na ito matirhan. Kaya isuot nʼyo na ang damit na panluksa[b] at umiyak dahil matindi pa rin ang galit ng Panginoon sa atin. Sinabi ng Panginoon, “Sa araw na iyon, maduduwag ang hari at ang mga pinuno niya, masisindak ang mga pari, at mangingilabot ang mga propeta.” 10 Pagkatapos, sinabi ko, “Panginoong Dios, nalinlang po ang mga tao sa sinabi nʼyo noon, dahil nangako po kayo na mananatiling payapa ang Jerusalem. Pero ang espada pala ay nakahanda nang pumatay sa amin.”

11 Darating ang araw na sasabihin ng Panginoon sa mga taga-Jerusalem, “Iihip ang mainit na hangin mula sa ilang patungo sa mga mamamayan ko, pero hindi ito para mapahanginan ang mga trigo nila. 12 Ang malakas na hangin na itoʼy galing sa akin. Sasabihin ko ngayon ang parusa ko sa kanila.”

13 Tingnan nʼyo! Dumarating ang kaaway natin na parang mga ulap. Ang mga karwahe niyaʼy parang ipu-ipo at ang mga kabayo niyaʼy mas mabilis kaysa sa mga agila. Nakakaawa tayo! Ito na ang ating katapusan!

14 “Mga taga-Jerusalem, linisin ninyo ang kasamaan sa inyong puso para maligtas kayo. Hanggang kailan kayo mag-iisip ng masama? 15 Ang kapahamakan ninyoʼy ibinalita na ng mga mensahero mula sa Dan at sa kabundukan ng Efraim. 16 Inutusan silang bigyan ng babala ang mga bansa at ang Jerusalem na may mga sundalong sumasalakay mula sa malayong lugar na humahamon ng digmaan sa mga lungsod ng Juda. 17 Pinaligiran nila ang Jerusalem na parang mga taong nagbabantay ng bukid, dahil ang Jerusalem ay naghimagsik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 18 Ang pag-uugali at masasama nʼyong gawa ang nagdala ng parusang ito sa inyo. Ito ang kaparusahan ninyo. Masakit ito! At tatagos ito sa inyong puso.”

Umiyak si Jeremias para sa Kanyang mga Kababayan

19 “Ang sakit sa puso koʼy halos hindi ko na matiis at ganoon na lamang ang pagdaing ko. Kumakabog ang dibdib ko at hindi ako mapalagay. Sapagkat narinig ko ang tunog ng trumpeta at ang sigaw ng digmaan. 20 Sunud-sunod na dumating ang kapahamakan. Ang buong lupain ay nawasak. Pati ang tolda koʼy agad na nagiba at napunit ang mga tabing. 21 Hanggang kailan ko kaya makikita ang watawat ng digmaan at ang tunog ng trumpeta?”

22 Sinabi ng Panginoon, “Hangal ang mga mamamayan ko; hindi nila ako nakikilala. Silaʼy mga mangmang na kabataan at hindi nakakaunawa. Sanay silang gumawa ng masama pero hindi marunong gumawa ng mabuti.”

Ang Pangitain ni Jeremias tungkol sa Darating na Kapahamakan

23 Tiningnan ko ang lupain at nakita kong itoʼy wala nang anyo at wala nang laman. At nakita ko ring ang langit ay wala nang liwanag. 24 Nakita ko ang mga bundok at mga burol na niyayanig. 25 Nakita ko rin na walang tao at lumilipad ang mga ibon papalayo. 26 Nakita ko na ang masaganang bukirin ay naging ilang. Nawasak ang lahat ng bayan dahil sa matinding galit ng Panginoon. 27 Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang buong lupain ay magigiba, pero hindi ko ito gigibaing lubos. 28 Iiyak ang sanlibutan at magdidilim ang langit, dahil sinabi ko na ang kaparusahan at hindi ko na ito babaguhin. Nakapagpasya na ako at hindi na magbabago ang isip ko.”

29 Sa ingay ng mga nangangabayo at mamamana, tumakas na sa takot ang mga mamamayan ng bawat bayan. Ang iba ay tumakas sa kagubatan at ang iba ay umakyat sa batuhan. Ang lahat ng bayan ay iniwanan at walang natirang naninirahan sa mga ito. 30 Jerusalem malapit ka nang mawasak. Ano ang ginagawa mo? Bakit nakadamit ka pa ng magandang damit at mga alahas? Bakit naglalagay ka pa ng mga kolorete sa mga mata mo? Wala nang kabuluhan ang pagpapaganda mo. Itinakwil ka na ng iyong mga minamahal na kakamping bansa at gusto ka na nilang patayin.

31 Narinig ko ang pag-iyak at pagdaing, na parang babaeng nanganganak sa kanyang panganay. Iyak ito ng mga mamamayan ng Jerusalem[c] na parang hinahabol ang kanilang hininga. Itinataas nila ang kanilang mga kamay at nagsasabing, “Kawawa naman kami; at parang hihimatayin na, sapagkat nariyan na ang aming mga kaaway na papatay sa amin.”

Mateo 18

Sino ang Pinakadakila?(A)

18 Nang oras ding iyon, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Sino po ba ang pinakadakila sa lahat ng kabilang sa kaharian ng Dios?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila, at sinabi, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung hindi kayo magbago at maging tulad ng maliliit na bata, hindi kayo mapapabilang sa kaharian ng Dios. Ang sinumang nagpapakababa tulad ng batang ito ang siyang pinakadakila sa lahat ng kabilang sa kaharian ng Dios.

“At ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin. Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa pusod ng dagat.”

Mga Dahilan ng Pagkakasala(B)

“Nakakaawa ang mga tao sa mundong ito dahil sa mga bagay na naging dahilan ng kanilang pagkakasala. Kung sabagay, dumarating naman talaga ang mga ito, ngunit mas nakakaawa ang taong nagiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa.

“Kaya nga, kung ang kamay o paa mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pang isa lang ang kamay o paa mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang kamay o paa mo pero itatapon ka naman sa walang hanggang apoy. At kung ang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pang isa lang ang mata mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa nga ang mata mo pero itatapon ka naman sa apoy ng impyerno.”

Ang Nawawalang Tupa(C)

10 “Tiyakin ninyo na hindi nʼyo hahamakin ang kahit isa sa maliliit na batang ito, dahil tandaan nʼyo: ang mga anghel na nagbabantay sa kanila ay laging nasa harapan ng aking Ama sa langit. [11 Sapagkat ako, na Anak ng Tao, ay naparito sa mundo upang iligtas ang mga nawawala.]

12 “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng taong may 100 tupa kung mawala ang isa? Hindi baʼt iiwan niya ang 99 sa burol at hahanapin ang nawawala? 13 At kapag nakita na niya ang nawalang tupa, mas matutuwa pa siya rito kaysa sa 99 na hindi nawala. 14 Ganito rin naman ang nararamdaman ng inyong Amang nasa langit. Ayaw niyang mawala ang kahit isa sa maliliit na batang ito.”

Kung Magkasala ang Isang Kapatid

15 “Kung magkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Pagsabihan mo siya tungkol sa ginawa niya. Kung makikinig siya sa iyo, magkakaayos kayong muli at mapapanumbalik mo siya sa Dios. 16 Pero kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka ng isa o dalawa pang kapatid sa pananampalataya ‘para ang lahat ng pag-uusapan ninyo ay mapapatotohanan ng dalawa o tatlong saksi,’[a] ayon sa Kasulatan. 17 Kung ayaw niyang makinig sa kanila, ipaalam ito sa iglesya, at kung pati sa iglesya ay ayaw niyang makinig, ituring ninyo siya bilang isang taong hindi kumikilala sa Dios o isang maniningil ng buwis.”[b]

Kapangyarihang Magbawal at Magpahintulot

18 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anuman ang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal din sa langit, at anuman ang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipapahintulot din sa langit.

19 “Sinasabi ko rin sa inyo na kung magkasundo ang dalawa sa inyo rito sa mundo na ipanalangin ang anumang bagay, ipagkakaloob ito ng aking Amang nasa langit. 20 Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, kasama nila ako.”

Ang Talinghaga tungkol sa Utusan na Ayaw Magpatawad

21 Lumapit si Pedro kay Jesus at nagtanong, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid na laging nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?” 22 Sumagot si Jesus, “Hindi lang pitong beses kundi 77 beses. 23 Sapagkat ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang hari na nagpatawag sa mga alipin niya para singilin sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan na niya ang paniningil, dinala sa kanya ang isang alipin na nagkautang sa kanya ng milyon-milyon. 25 Dahil hindi siya makabayad, iniutos ng hari na ipagbili siya bilang alipin, pati ang kanyang asawaʼt mga anak, at lahat ng ari-arian niya, para mabayaran ang kanyang utang. 26 Nagmamakaawang lumuhod ang aliping iyon sa hari, ‘Bigyan nʼyo pa po ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ 27 Naawa sa kanya ang hari, kaya pinatawad na lang siya sa kanyang utang at pinauwi.

28 “Pagkaalis ng aliping iyon, nakasalubong niya ang isang kapwa alipin na nagkakautang sa kanya ng kaunting halaga. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay sabi, ‘Bayaran mo ang utang mo sa akin.’ 29 Lumuhod ang kapwa niya alipin at nagmakaawa, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kita.’ 30 Pero hindi siya pumayag. Sa halip, ipinakulong niya ang kapwa niya alipin hanggang sa makabayad ito. 31 Nang makita ito ng iba pang utusan, sumama ang loob nila, kaya pumunta sila sa hari at isinumbong ang lahat ng nangyari. 32 Ipinatawag ng hari ang alipin at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mong utusan! Pinatawad kita sa utang mo dahil nagmakaawa ka sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka rin sa kapwa mo alipin gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ 34 Sa galit ng hari, ipinakulong niya ang alipin hanggang sa mabayaran nito ang lahat ng utang niya.” 35 At pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ganyan din ang gagawin ng inyong Amang nasa langit kung hindi kayo magpapatawad nang buong puso sa inyong kapwa.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®