M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kasalanan ni Acan
7 Pero nilabag ng mga Israelita ang utos ng Panginoon na huwag kumuha ng kahit anumang handog na nakalaan nang buo para sa Panginoon. Kumuha si Acan ng mga bagay na hindi dapat kunin, kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanila. Si Acan ay anak ni Carmi. Si Carmi ay anak ni Zabdi. Si Zabdi ay anak ni Zera. Nagmula sila sa lahi ni Juda.
2 Mula sa Jerico, may inutusan si Josue na mga tao para mag-espiya sa Ai, isang lungsod sa silangan ng Betel, na malapit sa Bet Aven. Kaya umalis ang mga tao para mag-espiya. 3 Pagbalik nila, sinabi nila kay Josue, “Hindi kailangang lumusob tayong lahat sa Ai, dahil kaunti lang naman ang mga naninirahan doon. Magpadala ka lang ng 2,000 o kayaʼy 3,000 tao para lumusob doon.” 4 Kaya 3,000 Israelita ang lumusob sa Ai, pero napaatras sila ng mga taga-Ai. 5 Hinabol sila mula sa pintuan ng lungsod hanggang sa Shebarim[a], at 36 ang napatay sa kanila habang bumababa sila sa kabundukan. Kaya naduwag at natakot ang mga Israelita. 6 Dahil sa lungkot, pinunit ni Josue at ng mga tagapamahala ng Israel ang mga damit nila, at nilagyan ng alikabok ang mga ulo nila, at nagpatirapa sila sa harapan ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon hanggang sa gumabi. 7 Sinabi ni Josue, “O Panginoong Dios, bakit nʼyo pa po kami pinatawid sa Ilog ng Jordan kung ipapatalo nʼyo rin lang naman kami sa mga Amoreo? Mabuti pang nanatili na lang kami sa kabila ng Jordan. 8 Panginoon, ano po ang sasabihin ko, ngayong umurong na ang mga Israelita sa mga kalaban nila? 9 Mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng iba pang taga-rito. Paiikutan nila kami at papatayin. Ano po ang gagawin nʼyo alang-alang sa dakila nʼyong pangalan?”
10 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tumayo ka! Bakit ka ba nakadapa? 11 Nagkasala ang Israel; nilabag nila ang kasunduan ko. Kumuha sila ng mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin. Ninakaw nila ito, nagsinungaling sila tungkol dito, at isinama nila ito sa mga ari-arian nila. 12 Ito ang dahilan kung bakit hindi sila makalaban sa mga kaaway nila. Natakot sila at tumakas dahil sila mismo ay lilipulin din bilang handog sa akin. Hindi ko na kayo sasamahan kung hindi ninyo wawasakin ang mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin.
13 “Tumayo ka at sabihin mo sa mga tao na linisin nila ang kanilang sarili[b] para bukas, dahil ako, ang Panginoon na Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘O Israel, may tinatago kayong mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin. Hindi kayo makakalaban sa mga kaaway nʼyo hanggaʼt nasa inyo ang mga bagay na ito. 14 Kaya bukas ng umaga, humarap kayo sa akin ayon sa inyong lahi. Ang lahing ituturo kong nagkasala ay humanay ayon sa angkan nila. Ang angkan na ituturo kong nagkasala ay humanay ayon sa pamilya nila. At ang pamilyang ituturo kong nagkasala ay humanay bawat isa. 15 Ang taong ituturo ko na nagtago ng mga bagay na nakalaang ihandog nang buo sa akin ay susunugin kasama ng pamilya niya at ng lahat ari-arian niya. Dahil nilabag niya ang kasunduan ko at gumawa siya ng kahiya-hiyang bagay sa Israel.’ ”
16 Kinabukasan, maagang pinalapit ni Josue ang mga Israelita ayon sa lahi nila. At napili ang angkan ni Juda. 17 Pinalapit ang lahi ni Juda, at napili ang angkan ni Zera. Pinalapit ang angkan ni Zera at napili ang pamilya ni Zabdi.[c] 18 Pinalapit ang pamilya ni Zabdi at napili si Acan. (Si Acan ay anak ni Carmi. Si Carmi ay anak ni Zabdi. At si Zabdi ay anak ni Zera na mula sa angkan ni Juda.)
19 Sinabi ni Josue kay Acan, “Anak, parangalan mo ang Panginoon, ang Dios ng Israel; magsabi ka ng totoo sa harapan niya. Ano ang ginawa mo? Huwag mo itong ilihim sa akin.”
20 Sumagot si Acan, “Totoong nagkasala ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Ito po ang ginawa ko: 21 Sa mga bagay na nasamsam natin, may nakita akong isang magandang damit na mula sa Babilonia, pilak na mga dalawang kiloʼt kalahati at isang baretang ginto na may bigat na kalahating kilo. Naakit ako sa mga ito, kaya kinuha ko. Ibinaon ko ito sa lupa sa loob ng tolda ko. Ang pilak ang nasa pinakailalim.”
22 Kaya nagsugo si Josue ng mga tao, at patakbong pumunta ang mga ito sa tolda ni Acan. At nakita nga nila roon ang mga bagay na ibinaon, ang pilak ay nandoon nga sa ilalim nito. 23 Dinala nila ito kay Josue at sa lahat ng mga Israelita, at inilapag sa presensya ng Panginoon.
24 At dinala ni Josue at ng lahat ng mga Israelita si Acan sa Lambak ng Acor,[d] pati ang pilak, damit, isang baretang ginto, ang mga anak niya, mga baka, mga asno, mga tupa, tolda at ang lahat ng ari-arian niya. 25 Sinabi ni Josue kay Acan, “Bakit mo kami ipinahamak? Ngayon, ipapahamak ka rin ng Panginoon.”
Binato ng mga Israelita si Acan hanggang sa mamatay. Binato rin nila ang pamilya niya at sinunog ang lahat ng bangkay at ang kanyang mga ari-arian. 26 Pagkatapos, tinabunan nila si Acan ng mga bato. Nandoon pa ang mga bato hanggang ngayon. At ang lugar na iyon ay tinatawag na Lambak ng Acor hanggang ngayon.
At napawi ang galit ng Panginoon.
Ang Panaghoy ng mga Taga-Israel nang Silaʼy Nabihag
137 Nang maalala namin ang Zion, umupo kami sa pampang ng mga ilog ng Babilonia at umiyak.
2 Isinabit na lang namin ang aming mga alpa sa mga sanga ng kahoy.
3 Pinaaawit kami ng mga bumihag sa amin.
Inuutusan nila kaming sila ay aliwin.
Ang sabi nila,
“Awitan ninyo kami ng mga awit tungkol sa Zion!”
4 Ngunit paano kami makakaawit ng awit ng Panginoon sa lupain ng mga bumihag sa amin?
5 Sanaʼy hindi na gumalaw ang kanan kong kamay kung kalilimutan ko ang Jerusalem!
6 Sanaʼy maging pipi ako kung hindi ko aalalahanin at ituturing na malaking kasiyahan ang Jerusalem.
7 Panginoon, alalahanin nʼyo ang ginawa ng mga taga-Edom nang lupigin ng Babilonia ang Jerusalem.
Sinabi nila,
“Sirain ninyo ito at wasakin nang lubos!”
8 Kayong mga taga-Babilonia, kayoʼy wawasakin!
Mapalad ang mga taong lilipol sa inyo gaya ng ginawa ninyong paglipol sa amin.
9 Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol,
at ihahampas sa mga bato.
Pasasalamat sa Dios
138 Panginoon, magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga dios.[a]
2 Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Dahil ipinakita nʼyo na kayo at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat.
3 Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako.
Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
4 Magpupuri sa inyo, Panginoon, ang lahat ng hari sa buong mundo,
dahil maririnig nila ang inyong mga salita.
5 Silaʼy aawit tungkol sa inyong ginawa,
dahil dakila ang inyong kapangyarihan.
6 Panginoon, kahit kayoʼy dakila sa lahat, nagmamalasakit kayo sa mga aba ang kalagayan.
At kahit nasa malayo ka ay nakikilala mo ang lahat ng mga hambog.
7 Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan, ang buhay koʼy inyong iniingatan.
Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway.
Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
8 Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin.
Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan.
Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.
1 Ito ang mga mensahe ni Jeremias na anak ni Hilkia. Si Hilkia ay isa sa mga pari sa Anatot, sa lupain ng lahi ni Benjamin. 2 Ibinigay ng Panginoon kay Jeremias ang kanyang mensahe noong ika-13 taon ng paghahari ni Josia sa Juda. Si Josia ay anak ni Ammon. 3 Patuloy na nagbigay ng mensahe ang Panginoon kay Jeremias hanggang sa panahon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Josia at hanggang sa ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia na anak rin ni Josia. Nang ikalimang buwan ng taon na iyon, binihag ang mga taga-Jerusalem.
Ang Pagtawag kay Jeremias
4 Sinabi sa akin ng Panginoon, 5 “Jeremias, bago kita nilalang sa tiyan ng iyong ina, pinili[a] na kita. At bago ka isinilang, hinirang na kita para maging propeta sa mga bansa.”
6 Sumagot ako, “Panginoong Dios, hindi po ako magaling magsalita, dahil bata pa ako.” 7 Pero sinabi ng Panginoon sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Kinakailangang pumunta ka saan man kita suguin, at sabihin ang anumang ipasasabi ko sa iyo. 8 Huwag kang matakot sa mga tao sapagkat akoʼy kasama mo at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
9 Pagkatapos, hinipo ng Panginoon ang mga labi ko at sinabi, “Ibinibigay ko sa iyo ngayon ang aking mga salitang sasabihin mo. 10 Sa araw na ito binibigyan kita ng kapangyarihang magsalita sa mga bansa at mga kaharian. Sabihin mo na babagsak ang iba sa kanila at mawawasak, at ang iba naman ay muling babangon at magiging matatag.”
11 Pagkatapos, tinanong ako ng Panginoon, “Jeremias, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Sanga po ng almendro.” 12 Sinabi ng Panginoon, “Tama ka, at nangangahulugan iyan na nagbabantay[b] ako para tiyaking matutupad ang mga sinabi ko.” 13 Muling nagtanong ang Panginoon sa akin, “Ano pa ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang palayok po na kumukulo ang laman at nakatagilid ito sa gawing hilaga.” 14 Sinabi ng Panginoon, “Tama, sapagkat may panganib mula sa hilaga na darating sa lahat ng mamamayan sa lupaing ito. 15 Ipapadala ko ang mga sundalo ng mga kaharian mula sa hilaga para salakayin ang Jerusalem. Ilalagay ng kanilang mga hari ang mga trono nila sa mga pintuan ng Jerusalem.[c] Gigibain nila ang mga pader sa palibot nito at ang iba pang mga bayan ng Juda. 16 Parurusahan ko ang mga mamamayan ko dahil sa kasamaan nila. Itinakwil nila ako sa pamamagitan ng paghahandog nila ng insenso sa mga dios-diosan. At sinamba nila ang mga dios-diosan na sila lang din ang gumawa. 17 Jeremias, ihanda mo ang sarili mo. Humayo ka at sabihin sa kanila ang lahat ng ipinapasabi ko sa iyo. Huwag kang matakot sa kanila. Sapagkat kung ikaw ay matatakot, lalo kitang tatakutin sa harap nila. 18 Makinig ka! Patatatagin kita ngayon tulad ng napapaderang lungsod, o ng bakal na haligi o ng tansong pader. Walang makakatalo sa iyo na hari, mga pinuno, mga pari, o mga mamamayan ng Juda. 19 Kakalabanin ka nila, pero hindi ka nila matatalo, dahil sasamahan at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang tungkol sa mga Tradisyon(A)
15 Pagkatapos noon, lumapit kay Jesus ang ilang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem. Tinanong nila si Jesus, 2 “Bakit nilalabag ng mga tagasunod mo ang tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” 3 Sumagot si Jesus sa kanila, “At kayo, bakit ninyo nilalabag ang utos ng Dios dahil sa inyong mga tradisyon? 4 Halimbawa, sinabi ng Dios, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’[a] at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[b] 5 Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang anak sa kanyang mga magulang na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay nakalaan na sa Dios, 6 hindi na niya kailangang tumulong sa kanila. Pinawawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios dahil sa inyong mga tradisyon. 7 Mga pakitang-tao! Tamang-tama ang sinabi ng Dios tungkol sa inyo sa pamamagitan ni Isaias:
8 ‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,
ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.
9 Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
sapagkat ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’ ”[c]
Ang Nagpaparumi sa Tao(B)
10 Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ang sasabihin ko. 11 Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya kundi ang mga lumalabas dito.”
12 Lumapit ngayon ang mga tagasunod niya at sinabi, “Alam nʼyo po ba na nasaktan ang mga Pariseo sa sinabi ninyo?” 13 Sumagot siya, “Lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit ay bubunutin. 14 Hayaan ninyo sila. Mga bulag silang tagaakay. Kung ang bulag ang aakay sa kapwa niya bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.” 15 Sumagot si Pedro, “Pakipaliwanag nʼyo po sa amin ang paghahalintulad na sinabi nʼyo kanina.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa rin ba ninyo naintindihan? 17 Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at idinudumi? 18 Ngunit ang lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso ng tao, at ito ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios. 19 Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masasamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya para pumatay, mangalunya, gumawa ng sekswal na imoralidad, magnakaw, magsinungaling at manira ng kapwa. 20 Ang mga bagay na ito ang nagpaparumi sa isang tao. Ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng kamay ay hindi nakapagpaparumi sa tao.”
Ang Pananampalataya ng Babaeng Hindi Judio(C)
21 Umalis si Jesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tyre at Sidon. 22 May isang Cananea na naninirahan doon. Lumapit siya kay Jesus at nagmakaawa. Sinabi niya, “Panginoon, Anak ni David,[d] maawa kayo sa akin. Ang anak kong babae ay sinasaniban at lubhang pinahihirapan ng masamang espiritu.” 23 Pero hindi sumagot si Jesus. Kaya lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang babaeng iyan, dahil sunod siya nang sunod sa atin at nag-iingay.” 24 Sinabi ni Jesus sa babae, “Sinugo ako para lang sa mga Israelita na parang mga tupang naliligaw.” 25 Pero lumapit pa ang babae kay Jesus at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, tulungan nʼyo po ako.” 26 Sinagot siya ni Jesus sa pamamagitan ng isang kasabihan, “Hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.” 27 Sumagot naman ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, pero kahit mga aso ay kumakain ng mga tirang nahuhulog mula sa mesa ng kanilang amo.” 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Napakalaki ng pananampalataya mo! Mangyayari ang ayon sa hinihiling mo.” At nang sandaling iyon ay gumaling ang anak ng babae.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Mula roon, pumunta si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pagkatapos, umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Maraming tao ang pumunta sa kanya na may dalang mga pilay, bulag, komang, pipi, at marami pang mga may sakit. Inilapit sila sa paanan ni Jesus at pinagaling niya silang lahat. 31 Namangha nang husto ang mga tao nang makita nilang nakakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga komang, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya pinuri nila ang Dios ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(D)
32 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong pauwiin sila nang gutom at baka mahilo sila sa daan.” 33 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” 34 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo ni Jesus ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang pagkain at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ipinamigay naman nila ito sa mga tao. 37 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang mga natirang pagkain at nakapuno sila ng pitong basket. 38 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 4,000 maliban pa sa mga babae at mga bata.
39 Matapos pauwiin ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa lupain ng Magadan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®