Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Josue 6:6-27

Kaya tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa mga ito, “Dalhin nʼyo ang Kahon ng Kasunduan. Mauuna ang pito sa inyo na may dalang trumpeta ang bawat isa.” At sinabi rin niya sa mga tao, “Lumakad na kayo! Paikutan nʼyo ang lungsod. Ang ibang mga sundalo ay mauuna sa pitong pari na may dalang trumpeta.”

Ayon sa sinabi ni Josue, nauna ang pitong pari sa Kahon ng Kasunduan at pinatunog nila ang mga trumpeta nila. Ang ibang mga sundalo ay nauuna sa mga pari, at may iba pang sumusunod sa Kahon ng Kasunduan. Walang hinto ang pagtunog ng mga trumpeta. 10 Pero sinabi ni Josue sa mga tao na huwag sumigaw o kayaʼy mag-ingay hanggaʼt hindi pa niya inuutos na sumigaw. 11 Ayon sa iniutos ni Josue, inikot nila sa lungsod ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon ng isang beses. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila at doon natulog kinagabihan.

12 Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue. Muling dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan, 13 at ang pito sa kanila ay nauna pa rin sa Kahon ng Kasunduan na nagpapatunog ng kanilang mga trumpeta. At ganoon din ang ginawa ng mga sundalo – ang iba sa kanila ay nasa unahan ng Kahon ng Kasunduan at ang ibaʼy nasa hulihan, habang patuloy na pinapatunog ang mga trumpeta. 14 Nang ikalawang araw, inikot nila ulit ang lungsod ng isang beses, at pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila. Ganoon ang ginawa nila sa loob ng anim na araw.

15 Nang ikapitong araw, madaling-araw pa lang ay bumangon na sila at inikutan ang lungsod ng pitong beses, sa ganoon ding paraan. Iyon lang ang araw na umikot sila sa lungsod ng pitong beses. 16 Sa ikapitong beses nilang pag-ikot, pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at inutusan ni Josue ang mga tao na sumigaw. At sinabi ni Josue, “Ibinigay na sa atin ng Panginoon ang lungsod na ito! 17 Ang buong lungsod at ang lahat ng makukuha rito ay wawasakin nang lubusan bilang handog na buo sa Panginoon. Si Rahab lang na babaeng bayaran at ang buo niyang sambahayan niya ang ililigtas dahil itinago niya ang mga espiya natin. 18 At huwag kayong kukuha ng kahit anumang bagay na inihandog na nang buo sa Panginoon. Kapag kumuha kayo ng kahit ano, malilipol kayo at kayo ang magiging dahilan ng pagkawasak na darating sa Israel. 19 Ang lahat ng bagay na gawa sa pilak, ginto, tanso, o kayaʼy bakal ay ihihiwalay para sa Panginoon, at dapat itong ilagay sa taguan ng kayamanan ng Panginoon.” 20 Pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at nagsigawan ang mga Israelita nang marinig nila ito. Nawasak ang mga pader ng lungsod at lumusob sila. Nakapasok sila ng walang hadlang at nasakop nila ang lungsod. 21 Inihandog nila nang buo sa Panginoon ang lungsod sa pamamagitan ng pagpatay sa mga lalakiʼt babae, matanda at bata, at pati mga baka, tupa at mga asno. 22 Inutusan ni Josue ang dalawang espiya, “Puntahan nʼyo ang bahay ng babaeng bayaran, at palabasin nʼyo sila at ang buong pamilya niya ayon sa ipinangako nʼyo sa kanya.” 23 Kaya umalis silang dalawa at dinala nila palabas si Rahab, kasama ang mga magulang niya, mga kapatid at ang buo niyang sambahayan. Pinalabas nila ang mga ito at nanatili sa labas ng kampo ng Israel. 24 Sinunog nila ang buong lungsod at ang lahat ng nandoon maliban sa mga bagay na gawa sa pilak, ginto, tanso at bakal. Pinagkukuha nila ito para ilagay sa taguan ng kayamanan ng Panginoon. 25 Iniligtas nga ni Josue si Rahab at ang sambahayan niya dahil itinago niya ang mga lalaking inutusan ni Josue para mag-espiya sa Jerico. Hanggang ngayon, ang mga angkan niya ay naninirahan sa Israel.

26 Nang panahong iyon, binalaan ni Josue ang mga Israelita, “Isusumpa ng Panginoon ang sinumang maghahangad na itayo ulit ang lungsod ng Jerico. Mamamatay ang panganay na anak ng sinumang magtatayo ng pundasyon o ang sinumang gagawa ng mga pintuan nito.”

27 Kasama ni Josue ang Panginoon, at naging tanyag siya sa buong lupain.

Salmo 135-136

Awit ng Papuri

135 Purihin ang Panginoon! Purihin ninyo siya, kayong mga lingkod niya,
na naglilingkod sa templo ng Panginoon na ating Dios.
Purihin ninyo ang Panginoon, dahil siya ay mabuti.
    Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, dahil ito ay kaaya-aya.
Purihin ninyo siya dahil pinili niya ang mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob, na maging espesyal niyang mamamayan.

Alam kong ang Panginoon ay higit na dakila kaysa sa alinmang dios-diosan.
Ginagawa ng Panginoon ang anumang nais niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman nito.
Dinadala niya paitaas ang mga ulap mula sa malayong dako ng mundo,
    at pinadala ang kidlat na may kasamang ulan.
    Inilabas din niya ang hangin mula sa kinalalagyan nito.
Pinatay niya ang mga anak na panganay ng mga Egipcio at pati na ang mga panganay ng kanilang mga hayop.
Gumawa rin siya dito ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay upang parusahan ang Faraon at ang lahat niyang mga lingkod.
10 Winasak niya ang maraming bansa,
    at pinatay ang kanilang makapangyarihang mga hari,
11 katulad nina Sihon na hari ng Amoreo, Haring Og ng Bashan,
    at ang lahat ng hari ng Canaan.
12 At kinuha niya ang kanilang mga lupain at ibinigay sa mga mamamayan niyang Israelita upang maging kanilang pag-aari.

13 Panginoon, ang inyong pangalan at katanyagan ay hindi malilimutan sa lahat ng salinlahi.
14 Dahil patutunayan nʼyo, Panginoon, na ang inyong lingkod ay walang kasalanan,
    at silaʼy inyong kahahabagan.
15 Ang mga dios ng ibang mga bansa ay mga yari sa pilak at ginto na gawa ng tao.
16 May mga bibig, ngunit hindi nakakapagsalita;
    may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
17 May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig,
    at silaʼy walang hininga.
18 Ang mga gumawa ng dios-diosan at ang lahat ng nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito na walang kabuluhan.
19-20 Kayong mga mamamayan ng Israel, pati kayong mga angkan ni Aaron at ang iba pang mga angkan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
    Kayong mga may takot sa Panginoon, purihin ninyo siya!

21 Purihin ninyo ang Panginoon na nasa Zion, ang bayan ng Jerusalem na kanyang tahanan.

    Purihin ang Panginoon!

Awit ng Pasasalamat

136 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Magpasalamat kayo sa kanya na Dios ng mga dios.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Magpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Siya lang ang gumagawa ng kahanga-hangang mga himala.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Sa pamamagitan ng kanyang karunungan, ginawa niya ang kalangitan.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Inilatag niya ang lupa sa ibabaw ng tubig.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Ginawa niya ang araw at ang buwan.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Ginawa niya ang araw upang magbigay liwanag kung araw.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Ginawa niya ang buwan at mga bituin upang magbigay liwanag kung gabi.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
10 Pinatay niya ang mga panganay na anak ng mga Egipcio.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
11 Inilabas niya ang mga taga-Israel sa Egipto.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
12 Inilabas niya sila sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
13 Hinawi niya ang Dagat na Pula.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
14 At pinatawid niya sa gitna nito ang mga taga-Israel.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
15 Ngunit nilunod niya roon ang Faraon at ang kanyang mga kawal.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
16 Pinatnubayan niya ang kanyang mga mamamayan sa ilang.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
17 Nilipol niya ang makapangyarihang mga hari.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
18 Pinatay niya ang mga dakilang hari.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
19 Pinatay niya si Sihon na hari ng Amoreo.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
20 Pinatay din niya si Haring Og ng Bashan.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
21 Ibinigay niya ang kanilang lupain sa kanyang mga mamamayan bilang pamana.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
22 At ang lupaing itoʼy naging pag-aari ng mga mamamayan ng Israel na kanyang mga lingkod.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
23 Sa ating abang kalagayan, hindi niya tayo kinalimutan.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
24 Iniligtas niya tayo sa ating mga kaaway.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
25 Binigyan niya ng pagkain ang lahat niyang nilalang.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
26 Magpasalamat tayo sa Dios na nasa langit.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

Isaias 66

Hahatulan ng Panginoon ang mga Bansa

66 Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Kaya, anong klaseng bahay ang itatayo ninyo para sa akin? Saang lugar ninyo ako pagpapahingahin? Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay.

“Binibigyang pansin ko ang mga taong mapagpakumbaba, nagsisisi, at may takot sa aking mga salita. Pero ganito naman ang magiging trato ko sa mga taong sumusunod sa sarili nilang kagustuhan at nagagalak sa kanilang mga ginagawang kasuklam-suklam: Kung papatay sila ng baka para ihandog, ituturing ko na parang pumatay sila ng tao. Kung maghahandog sila ng tupa, ituturing ko na parang pumatay sila ng aso. Kung mag-aalay sila ng handog na regalo, ituturing ko na parang naghandog sila ng dugo ng baboy. At kung magsusunog sila ng insenso bilang pag-alaala sa akin, ituturing ko na parang nagpupuri sila sa mga dios-diosan. Maliban diyan, padadalhan ko sila ng parusang labis nilang katatakutan. Sapagkat noong akoʼy tumawag, hindi sila sumagot; nang akoʼy nagsalita, hindi sila nakinig. Gumawa sila ng masama sa aking paningin at kung ano ang ayaw ko, iyon ang ginagawa nila.”

Kayong mga may takot sa salita ng Panginoon, pakinggan nʼyo ang mensahe niya, “Dahil kayoʼy tapat sa akin, kinapopootan at tinatakwil kayo ng ilan sa inyong mga kababayan. Kinukutya nila kayo na nagsasabi, ‘Ipakita na sana ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan para makita namin ang inyong kagalakan!’ ” Pero silaʼy mapapahiya. Naririnig nʼyo ba ang ingay sa lungsod at sa templo? Iyan ang ingay ng Panginoon habang pinaghihigantihan niya ang kanyang mga kaaway.

Sinabi pa ng Panginoon, “Matutulad ang Jerusalem sa isang babaeng manganganak na hindi pa sumasakit ang tiyan ay nanganak na. Sino ang nakarinig at nakakita ng katulad nito? May bansa ba o lupain na biglang isinilang sa maikling panahon? Pero kapag nakaramdam na ng paghihirap ang Jerusalem, isisilang na ang kanyang mamamayan.[a] Niloob kong silaʼy malapit nang maipanganak. At ngayong dumating na ang takda nilang kapanganakan, hindi ko pa ba pahihintulutang ipanganak sila? Siyempre pahihintulutan ko. At hindi pipigilin na silaʼy maipanganak na. Ako, na inyong Dios ang nagsasabi nito.”

10 Kayong lahat ng nagmamahal sa Jerusalem, makigalak kayong kasama niya. At kayong mga umiiyak para sa kanya, makisaya kayo sa kanya, 11 para magtamasa kayo ng kanyang kasaganaan katulad ng sanggol na sumususo sa kanyang ina at nabusog. 12 Sapagkat sinasabi ng Panginoon, “Pauunlarin ko ang Jerusalem. Dadalhin sa kanya ang kayamanan ng mga bansa na parang umaapaw na daluyan ng tubig. Kayoʼy matutulad sa isang sanggol na aalagaan, hahawakan, pasususuhin, at kakalungin ng kanyang ina. 13 Aaliwin ko kayo katulad ng isang ina na umaaliw sa kanyang anak.”

14 Kapag itoʼy nakita ninyong ginagawa ko na, magagalak kayo, at lalago na parang sariwang tanim. Ipapakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa kanyang mga lingkod, pero ipapakita niya ang kanyang galit sa kanyang mga kaaway. 15 Makinig kayo! Darating ang Panginoon na may dalang apoy. Sasakay siya sa kanyang mga karwaheng pandigma na parang ipu-ipo. Ipapakita niya ang kanyang galit sa kanyang mga kaaway, at parurusahan niya sila ng nagliliyab na apoy. 16 Sapagkat sa pamamagitan ng apoy at espada, parurusahan ng Panginoon ang lahat ng taong makasalanan, at marami ang kanyang papatayin.

17 Sinabi ng Panginoon, “Sama-samang mamamatay ang mga nagpapakabanal at naglilinis ng mga sarili nila sa pagsamba sa kanilang mga dios-diosan sa halamanan. Mamamatay silang kumakain ng baboy, daga, at iba pang mga pagkaing kasuklam-suklam. 18 Alam ko ang kanilang ginagawa at iniisip. Kaya darating ako at titipunin ko ang lahat ng mamamayan ng lahat ng bansa, at makikita nila ang aking kapangyarihan. 19 Magpapakita ako ng himala sa kanila. At ang mga natitira sa kanila ay susuguin ko sa mga bansang Tarshish, Pul, Lud (ang mga mamamayan nito ay tanyag sa paggamit ng pana), Tubal, Grecia,[b] at sa iba pang malalayong lugar na hindi nakabalita tungkol sa aking kadakilaan at hindi nakakita ng aking kapangyarihan. Ipapahayag nila ang aking kapangyarihan sa mga bansa. 20 At dadalhin nilang pauwi mula sa mga bansa ang lahat ng mga kababayan ninyo na nakasakay sa mga kabayo, sa mga mola,[c] sa mga kamelyo, sa mga karwahe, at sa mga kariton. Dadalhin nila sila sa banal kong bundok sa Jerusalem bilang handog sa akin katulad ng ginagawa ng mga Israelita na naghahandog sa akin sa templo ng mga handog na pagkain, na nakalagay sa mga malinis na lalagyan. 21 At ang iba sa kanila ay gagawin kong pari at mga katulong ng pari sa templo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

22 Sinabi pa ng Panginoon, “Kung papaanong ang bagong langit at ang bagong lupa na aking gagawin ay mananatili magpakailanman, ang inyong lahi ay mananatili rin magpakailanman, at hindi kayo makakalimutan. 23 Sa bawat pasimula ng buwan at sa bawat Araw ng Pamamahinga ang lahat ay sasamba sa akin. 24 At paglabas ng mga sumamba sa akin sa Jerusalem, makikita nila ang bangkay ng mga taong nagrebelde sa akin. Ang mga uod na kumakain sa kanila ay hindi mamamatay at ang apoy na susunog sa kanila ay hindi rin mamamatay. At pandidirian sila ng lahat ng tao.”

Mateo 14

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(A)

14 Nang panahong iyon, nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang tungkol kay Jesus. Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Siyaʼy si Juan na tagapagbautismo! Muli siyang nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.”

Ipinahuli niya noon si Juan at ipinabilanggo, dahil tinutuligsa ni Juan ang relasyon niya kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. Laging sinasabihan ni Juan si Herodes na hindi tamang magsama sila ni Herodias. Gusto sanang ipapatay ni Herodes si Juan pero natakot siya sa mga Judio dahil itinuturing nilang propeta si Juan.

Nang dumating ang kaarawan ni Herodes, sumayaw para sa mga bisita ang dalagang anak ni Herodias na ikinatuwa naman ni Herodes. Kaya isinumpa niyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito.

Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga, “Gusto ko pong ibigay nʼyo sa akin ang ulo ni Juan na nakalagay sa isang bandehado.” Nalungkot ang hari sa kahilingang iyon. Pero dahil sa pangako niyang narinig mismo ng mga bisita, iniutos niya na gawin ang kahilingan ng dalaga. 10 Kaya pinugutan ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan, 11 inilagay ang ulo niya sa isang bandehado at dinala sa dalaga. At ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 12 Ang bangkay ni Juan ay kinuha ng kanyang mga tagasunod at inilibing, at ibinalita nila kay Jesus ang nangyari.

Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(B)

13 Nang mabalitaan iyon ni Jesus, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang tahimik na lugar. Nang malaman ng mga tao mula sa ibaʼt ibang bayan na nakaalis na si Jesus, lumakad sila patungo sa lugar na pupuntahan niya. 14 Kaya nang bumaba si Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila at pinagaling niya ang mga may sakit sa kanila.

15 Nang gumagabi na, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Nasa ilang na lugar po tayo at dumidilim na. Paalisin nʼyo na po ang mga tao para makapunta sila sa mga nayon at nang makabili ng pagkain nila.” 16 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na nila kailangang umalis. Kayo ang magpakain sa kanila.” 17 Sumagot sila, “Mayroon lang po tayong limang tinapay at dalawang isda.” 18 “Dalhin ninyo ang mga ito sa akin,” ang sabi ni Jesus. 19 Inutusan niya ang mga tao na maupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ibinigay naman nila ito sa mga tao. 20 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng 12 basket. 21 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 5,000, maliban pa sa mga babae at mga bata.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(C)

22 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 23 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siyang mag-isa sa isang bundok para manalangin. Inabot na siya roon ng gabi. 24 Nang oras na iyon, malayo na ang bangkang sinasakyan ng mga tagasunod niya. Sinasalpok ng malalaking alon ang bangka nila dahil pasalungat ito sa hangin. 25 Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. 26 Pagkakita ng mga tagasunod na may naglalakad sa tubig, kinilabutan sila. At napasigaw sila ng “Multo!” dahil sa matinding takot. 27 Pero agad na nagsalita si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” 28 Sumagot si Pedro sa kanya, “Panginoon, kung kayo nga iyan, papuntahin nʼyo ako riyan na naglalakad din sa tubig.” 29 “Halika,” sabi ni Jesus. Kaya bumaba si Pedro sa bangka at naglakad sa tubig patungo kay Jesus. 30 Pero nang mapansin niyang malakas ang hangin, natakot siya at unti-unting lumubog. Kaya sumigaw siya, “Panginoon, iligtas nʼyo ako!” 31 Agad naman siyang inabot ni Jesus at sinabi, “Kay liit ng pananampalataya mo. Bakit ka nag-alinlangan?” 32 Pagkasakay nilang dalawa sa bangka, biglang tumigil ang malakas na hangin. 33 At sinamba siya ng mga nasa bangka at sinabi, “Talagang kayo nga po ang Anak ng Dios.”

Pinagaling ni Jesus ang mga May Sakit sa Genesaret(D)

34 Nang makatawid sila ng lawa, dumaong sila sa bayan ng Genesaret. 35 Nakilala ng mga taga-roon si Jesus at ipinamalita nila sa mga karatig lugar na naroon siya. Kaya dinala ng mga tao kay Jesus ang mga may sakit sa kanila. 36 Nakiusap sila kay Jesus na kung maaari ay pahipuin niya ang mga may sakit kahit man lang sa laylayan[a] ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahipo ay gumaling.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®