M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagtayo ang mga Israelita ng Monumento
4 Nang makatawid na ang lahat ng mamamayan ng Israel sa Ilog ng Jordan, sinabi ng Panginoon kay Josue, 2 “Pumili ka ng 12 lalaki, isa sa bawat lahi, 3 at utusan ang bawat isa sa kanila na kumuha ng isang bato sa gitna ng ilog, doon sa kinatatayuan ng mga pari. Pagkatapos, dadalhin nila ito sa lugar na tutuluyan nʼyo ngayong gabi.”
4 Kaya tinawag ni Josue ang 12 lalaki na pinili niya mula sa bawat lahi ng Israel at sinabi, 5 “Pumunta kayo sa gitna ng ilog, sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios. Ang bawat isa sa inyoʼy kumuha ng isang malaking bato para sa bawat lahi ng Israel at pasanin ito. 6 Gawin nʼyo agad itong monumento bilang alaala sa ginawa ng Panginoon. Sa darating na panahon, kapag nagtanong ang mga anak nʼyo kung ano ang ibig sabihin ng mga batong ito, 7 sabihin nʼyo sa kanila na huminto sa pagdaloy ang Ilog ng Jordan nang itinawid dito ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Ang mga batong ito ay isang alaala para sa mga mamamayan ng Israel magpakailanman.”
8 Sinunod ng 12 Israelita ang iniutos sa kanila ni Josue, ayon sa sinabi ng Panginoon. Kumuha sila ng 12 bato sa gitna ng ilog, isang bato para sa bawat lahi ng Israel. Dinala nila ang mga bato sa kampo nila at inilagay doon. 9 Naglagay din si Josue ng 12 bato sa gitna ng ilog, sa lugar na kinatatayuan mismo ng mga paring buhat ang Kahon ng Kasunduan. Hanggang ngayon nandoon pa ang mga batong iyon. 10 Nanatiling nakatayo sa gitna ng ilog ang mga pari hanggang sa matapos ng mga tao ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Josue, na ayon din sa iniutos ni Moises kay Josue.
11 Nang makatawid na silang lahat, itinawid din ang Kahon ng Kasunduan. At nauna ulit ang mga pari sa mga tao. 12 Tumawid din at nauna sa mga tao ang mga lalaking armado mula sa lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase, ayon sa iniutos ni Moises sa kanila. 13 Ang 40,000 armadong lalaki ay dumaan sa presensya ng Panginoon[a] at pumunta sa Kapatagan ng Jerico para makipaglaban.
14 Nang araw na iyon, pinarangalan ng Panginoon si Josue sa harap ng mga Israelita. At iginalang si Josue ng mga tao sa buong buhay niya gaya ng ginawa ng mga tao kay Moises.
15 Pagkatawid noon ng mga Israelita sa Ilog ng Jordan, sinabi ng Panginoon kay Josue, 16 “Utusan mo ang mga paring may buhat ng Kahon ng Kasunduan, na umahon na sila sa Ilog ng Jordan.” 17 At sinunod iyon ni Josue. 18 Kaya umahon ang mga pari na dala ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. At pagtapak nila sa pampang, dumaloy ulit ang tubig at umapaw gaya ng dati.
19 Ang pagtawid ng mga Israelita sa Ilog ng Jordan ay nangyari nang ikasampung araw ng unang buwan. Pagkatapos, nagkampo ang mga Israelita sa Gilgal, sa gawing silangan ng Jerico. 20 Doon ipinalagay ni Josue ang 12 bato na ipinakuha niya sa Ilog ng Jordan. 21 Sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Sa darating na panahon, kapag nagtanong sa inyo ang mga anak nʼyo kung anong ibig sabihin ng mga batong ito, 22 sabihin nʼyo na lumakad sa tuyong lupa ang mga Israelita nang tumawid sila sa Ilog ng Jordan. 23 Sabihin nʼyo sa kanila na pinatuyo ng Panginoon na inyong Dios ang Ilog ng Jordan hanggang sa makatawid kayo, gaya ng ginawa niya sa Dagat na Pula hanggang sa makatawid tayo. 24 Ginawa niya ito para kilalanin ng lahat ng mga tao sa mundo na makapangyarihan ang Panginoon at upang lagi kayong magkaroon ng takot sa Panginoon na inyong Dios.”
Dalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel
129 Mga taga-Israel, sabihin ninyo kung paano kayo pinahirapan ng inyong mga kaaway mula nang itatag ang inyong bansa.
2 “Maraming beses nila kaming pinahirapan mula pa nang itatag ang aming bansa.
Ngunit hindi sila nagtagumpay laban sa amin.
3 Sinugatan nila ng malalim ang aming likod, na parang lupang inararo.
4 Ngunit ang Panginoon ay matuwid, pinalaya niya kami sa pagkaalipin mula sa masasama.”
5 Magsitakas sana dahil sa kahihiyan ang lahat ng namumuhi sa Zion.
6 Matulad sana sila sa damong tumutubo sa bubungan ng bahay, na nang tumubo ay agad ding namatay.
7 Walang nagtitipon ng ganitong damo o nagdadala nito na nakabigkis.
8 Sanaʼy walang sinumang dumadaan na magsasabi sa kanila,
“Pagpalain nawa kayo ng Panginoon!
Pinagpapala namin kayo sa pangalan ng Panginoon.”
Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap
130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
2 Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
3 Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
4 Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
5 Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
at umaasa sa inyong mga salita.
6 Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.
7 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
8 Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.
Dalanging may Pagtitiwala
131 Panginoon, akoʼy hindi hambog o mapagmataas.
Hindi ko hinahangad ang mga bagay na napakataas na hindi ko makakayanan.
2 Kontento na ako katulad ng batang inawat na hindi na naghahangad ng gatas ng kanyang ina.
3 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
64 Panginoon, punitin nʼyo po ang kalangitan. Bumaba kayo, at yayanig ang mga bundok kapag nakita kayo. 2 Kung papaanong ang apoy ay nakapagpapaliyab ng tuyong mga sanga at nakapagpapakulo ng tubig, ang pagdating naman ninyo ay makapagpapanginig ng mga bansang kaaway nʼyo, at malalaman nila kung sino kayo. 3 Noong bumaba po kayo at gumawa ng mga kahanga-hangang mga bagay na hindi namin inaasahan, nayanig ang mga bundok sa inyong presensya. 4 Mula noon hanggang ngayon wala pang nakarinig o nakakita ng Dios na katulad nʼyo na tumutulong sa mga nagtitiwala sa kanya. 5 Tinatanggap nʼyo ang mga nagagalak na gumawa ng matuwid at sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Pero nagalit po kayo sa amin dahil patuloy naming sinusuway ang inyong mga pamamaraan. Kaya papaano kami maliligtas? 6 Kaming lahat ay naging parang maruming bagay, at ang lahat ng aming mabubuting gawa ay parang maruming basahan. Kaming lahat ay parang dahong natutuyo, at ang aming kasamaan ay parang hangin na tumatangay sa amin. 7 Wala kahit isa man sa amin ang humihiling at nagsusumikap na kumapit sa inyo. Sapagkat lumayo po kayo sa amin, at pinabayaan nʼyo kaming mamatay dahil sa aming mga kasalanan. 8 Pero, Panginoon, kayo pa rin ang aming Ama. Ang katulad ninyoʼy magpapalayok, at kami naman ay parang putik. Kayo ang gumawa sa aming lahat. 9 Panginoon, huwag nʼyo naman pong lubusin ang inyong galit sa amin o alalahanin ang mga kasalanan namin magpakailanman. Nakikiusap po kami sa inyo na dinggin nʼyo kami, dahil kaming lahat ay inyong mamamayan. 10 Ang mga banal nʼyong lungsod, pati ang Jerusalem ay naging parang ilang na walang naninirahan. 11 Nasunog ang aming banal at magandang templo, kung saan po kayo sinasamba ng aming mga ninuno. Nawasak ang lahat ng bagay na mahalaga sa amin. 12 Sa kalagayan naming ito, Panginoon, kami po ba ay ayaw nʼyo pa ring tulungan? Kayo po ba ay tatahimik na lamang, at parurusahan kami ng lubusan?
Ang Tanong Tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)
12 Isang Araw ng Pamamahinga, dumaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom noon ang kanyang mga tagasunod kaya nanguha ang mga ito ng uhay ng trigo at kinain ang mga butil. 2 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus, “Tingnan mo ang mga tagasunod mo! Ginagawa nila ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga.” 3 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? 4 Pumasok siya sa bahay ng Dios at kinain nila ng mga kasama niya ang tinapay na inihandog sa Dios, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain nito. 5 At hindi rin ba ninyo nabasa sa Kautusan na ang mga pari ay nagtatrabaho sa templo kahit sa Araw ng Pamamahinga? Isa itong paglabag sa tuntunin ng Araw ng Pamamahinga, pero hindi sila nagkasala. 6 Tandaan ninyo: may naririto ngayon na mas dakila pa kaysa sa templo. 7-8 Sapagkat ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang dapat gawin sa Araw ng Pamamahinga. Kung alam lang sana ninyo ang ibig sabihin ng sinabi ng Dios sa Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo,’[a] hindi sana ninyo hinatulan ang mga taong walang kasalanan.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(B)
9 Mula sa lugar na iyon, pumunta si Jesus sa sambahan ng mga Judio. 10 May lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroroon din ang mga Pariseo na naghahanap ng maipaparatang kay Jesus, kaya tinanong nila si Jesus, “Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga?” 11 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung mahulog ang tupa ninyo sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan na lang ba ninyo? Siyempre, iaahon ninyo, hindi ba? 12 Ngunit mas mahalaga ang tao kaysa sa tupa! Kaya ipinapahintulot ng Kautusan ang paggawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.” 13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. 14 Lumabas naman ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila ipapapatay si Jesus.
Ang Piniling Lingkod ng Dios
15 Nang malaman ni Jesus ang plano ng mga Pariseo, umalis siya roon. Marami ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng may sakit. 16 Pero pinagbilinan niya silang huwag ipaalam sa iba kung sino siya. 17 Katuparan ito ng sinabi ng Dios sa pamamagitan ni Propeta Isaias:
18 “Narito ang pinili kong lingkod.
Minamahal ko siya at kinalulugdan.
Ibibigay ko sa kanya ang aking Espiritu,
at ipapahayag niya ang katarungan sa mga bansa.
19 Hindi siya makikipagtalo o mambubulyaw,
at hindi maririnig ang kanyang tinig sa daan.
20 Hindi niya ipapahamak ang mahihina ang pananampalataya
o pababayaan ang mga nawawalan ng pag-asa.[b]
Hindi siya titigil hanggaʼt hindi niya napapairal ang katarungan.
21 At ang mga tao sa lahat ng bansa ay mananalig sa kanya.”[c]
Si Jesus at si Satanas(C)
22 May dinala ang mga tao kay Jesus na isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. Pinagaling siya ni Jesus, agad siyang nakakita at nakapagsalita. 23 Namangha ang lahat at sinabi, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?”[d] 24 Pero nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Si Satanas[e] na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” 25 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganito rin ang mangyayari sa isang lungsod o tahanan na ang mga nakatira ay nag-aaway-away. 26 Kaya kung si Satanas mismo ang nagpapalayas sa kanyang mga kampon, nagpapakita lang ito na nagkakahati-hati sila at nag-aaway-away. Kung ganoon, paano mananatili ang kanyang kaharian? 27 At kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga tagasunod ninyo na nagpapalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang nagpapatunay na mali kayo. 28 Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios.
29 “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi muna niya ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.[f]
30 “Ang hindi kampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking pagtitipon ay nagkakalat. 31 Sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng kasalanan, pati na ang paglapastangan sa Dios ay mapapatawad, ngunit ang paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad. 32 Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad kailanman.”
Nakikilala ang Puno sa Bunga Nito(D)
33 “Nakikilala ang puno sa bunga nito. Kung mabuti ang puno, mabuti rin ang bunga nito. Kung masama ang puno, masama rin ang bunga nito. 34 Mga lahi kayo ng ahas! Paano kayo makakapagsalita ng mabuti gayong masasama kayo? Sapagkat kung ano ang laman ng puso ng isang tao, ito ang lumalabas sa kanyang bibig. 35 Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti, dahil puno ng kabutihan ang kanyang puso. Pero ang masamang tao ay nagsasalita ng masama, dahil puno ng kasamaan ang kanyang puso. 36 Tinitiyak ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mananagot ang bawat isa sa mga walang kwentang salitang binitiwan niya. 37 Sapagkat ibabatay sa mga salita mo kung paparusahan ka o hindi.”
Humingi ng Himala ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(E)
38 May ilang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na nagsabi kay Jesus, “Guro, pakitaan nʼyo kami ng isang himalang magpapatunay na sugo nga kayo ng Dios.” 39 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung paanong nasa tiyan ng dambuhalang isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din naman ang mangyayari sa akin na Anak ng Tao. Tatlong araw at tatlong gabi rin ako sa ilalim ng lupa. 41 Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo[g] ang mga taga-Nineve at kokondenahin ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang higit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw nʼyong magsisi. 42 Maging ang Reyna ng Timog ay tatayo rin at kokondenahin ang henerasyong ito. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar para makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang higit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya.”
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(F)
43 “Kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar upang maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan, 44 iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan. At kung sa kanyang pagbabalik ay makita niya itong walang naninirahan, malinis at maayos ang lahat, 45 aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sasama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati. Ganyan din ang mangyayari sa masamang henerasyong ito.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(G)
46 Habang nagsasalita pa si Jesus sa mga tao, dumating ang ina niya at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas at gusto nila siyang makausap. 47 May nagsabi sa kanya, “Nasa labas ang po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makausap.” 48 Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” 49 Itinuro niya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid. 50 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama sa langit ang siya kong ina at mga kapatid.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®