Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 30

Ang mga Dapat Gawin upang Pagpalain ng Dios

30 “Kapag nangyari na sa inyo ang mga bagay na ito – ang mga pagpapala at ang mga sumpa na aking sinabi sa inyo – at maalala ninyo ito kapag naroon na kayo sa mga bansa kung saan ipinabihag kayo ng Panginoon na inyong Dios, at kung sa mga oras na iyon ay magbabalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Dios, at susundin ninyo nang buong puso at kaluluwa ang lahat ng iniutos ko sa inyo ngayon, kaaawaan kayo ng Panginoon na inyong Dios at titipunin mula sa lahat ng bansa kung saan ipinabihag niya kayo, at pagkatapos ay muling magiging mabuti ang kalagayan ninyo. Kahit itinaboy pa niya kayo sa pinakamalayong bahagi ng mundo, titipunin pa rin kayo ng Panginoon na inyong Dios at pababalikin sa lupain ng inyong mga ninuno, at aangkinin ninyo ito. Pauunlarin at padadamihin pa niya kayo kaysa sa inyong mga ninuno. Babaguhin ng Panginoon na inyong Dios ang mga puso ninyo at ang mga puso ng inyong lahi para mahalin ninyo siya nang buong pusoʼt kaluluwa, at mabubuhay kayo nang matagal. Ipaparanas ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng sumpang ito sa inyong mga kaaway na napopoot at gumigipit sa inyo. Muli ninyong susundin ang Panginoon at tutuparin ang lahat ng utos niya na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pauunlarin kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo. Pararamihin niya ang inyong mga anak, mga hayop at ang inyong mga ani, dahil natutuwa ang Panginoong pagpalain kayo gaya ng pagpapala niya sa inyong mga ninuno. 10 Mangyayari ito kung susundin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tutuparin ang lahat ng utos niya at tuntuning nakasulat sa Aklat ng Kautusan, at kung manunumbalik kayo sa kanya nang buong pusoʼt kaluluwa.

11 “Hindi mahirap unawain at gawin ang mga utos na ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 12 Wala ito sa langit para magtanong kayo, ‘Sino ba ang aakyat sa langit para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?’ 13 Wala rin naman ito sa kabila ng dagat para magtanong kayo, ‘Sino ba ang tatawid sa dagat para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?’ 14 Nasa inyo ito, sa bibig at puso ninyo, kaya sundin ninyo ito.

15 “Makinig kayo! Sa araw na ito, pinapapili ko kayo: buhay o kamatayan, kasaganaan o kahirapan. 16 Inuutusan ko kayo ngayon na mahalin ang Panginoon na inyong Dios, na mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, at sundin ang kanyang mga utos at tuntunin. Kung gagawin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal at dadami, at pagpapalain kayo ng Panginoon doon sa lupaing titirhan at aangkinin ninyo.

17 “Ngunit kung tatalikod kayo at hindi susunod sa kanya, at kung sasamba kayo at maglilingkod sa ibang mga dios; 18 ngayon pa lang, binabalaan ko na kayo na siguradong mamamatay kayo. Hindi kayo mabubuhay nang matagal sa lupaing titirhan ninyo at mamanahin doon sa kabila ng Jordan.

19 “Sa araw na ito, tinawag ko ang langit at lupa na maging saksi kung alin dito ang pipiliin ninyo: buhay o kamatayan, pagpapala o sumpa. Piliin sana ninyo ang buhay para mabuhay kayo nang matagal pati na ang inyong mga anak.[a] 20 Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios. Sundin ninyo siya at manatili kayo sa kanya, dahil siya ang inyong buhay. Kung gagawin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal doon sa lupain na ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob.”

Salmo 119:73-96

73 Akoʼy nilikha at hinubog nʼyo;
    kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang matutunan ko ang inyong mga utos.
74 Matutuwa ang mga may takot sa inyo kapag akoʼy kanilang nakita,
    dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong salita.
75 Panginoon alam kong matuwid ang inyong mga utos.
    At dahil kayo ay matapat, akoʼy inyong dinisiplina.
76 Sanaʼy aliwin nʼyo ako ng inyong pagmamahal ayon sa pangako nʼyo sa akin na inyong lingkod.
77 Kahabagan nʼyo ako upang patuloy akong mabuhay,
    dahil nagagalak akong sumunod sa inyong kautusan.
78 Mapahiya sana ang mga mapagmataas dahil sa kanilang paninira sa akin.
    Subalit ako ay magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
79 Magsilapit sana sa akin ang mga may takot sa inyo at nakakaalam ng inyong mga turo.
80 Sanaʼy masunod ko nang buong puso ang inyong mga tuntunin upang hindi ako mapahiya.

81 Napapagod na ako sa paghihintay ng inyong pagliligtas sa akin,
    ngunit umaasa pa rin ako sa inyong mga salita.
82 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay ng pangako nʼyo sa akin.
    Ang tanong koʼy, “Kailan nʼyo pa ako palalakasin at aaliwin?”
83 Kahit na ako ay para nang sisidlang-balat na nilalagyan ng inumin na parang hindi na mapakinabangan, hindi ko pa rin nakakalimutan ang inyong mga tuntunin.
84 Hanggang kailan pa kaya ang aking paghihintay?
    Kailan nʼyo parurusahan ang mga umuusig sa akin na inyong lingkod?
85 Ang mga mapagmataas na hindi sumusunod sa inyong mga kautusan ay naghukay ng mga patibong upang akoʼy hulihin.
86-87 Kaya tulungan nʼyo ako dahil akoʼy kanilang inuusig nang walang dahilan,
    hanggang sa akoʼy nabingit na sa kamatayan.
    Ngunit hindi ko tinalikuran ang inyong mga tuntunin dahil maaasahan ang inyong mga utos.
88 Ingatan nʼyo ang aking buhay ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin,
    upang masunod ko ang mga turong ibinigay ninyo.

89 Panginoon, ang salita mo ay mananatili magpakailanman;
    hindi ito magbabago tulad ng kalangitan.
90 Ang inyong katapatan ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi.
    Matibay nʼyong itinatag ang mundo, kaya itoʼy nananatili.
91 Ang lahat ng bagay ay nananatili hanggang ngayon ayon sa inyong nais.
    Dahil ang lahat ng bagay ay sumusunod sa inyo.
92 Kung ang inyong kautusan ay hindi nagbibigay sa akin ng kaaliwan, namatay na sana ako dahil sa pagdadalamhati.
93 Hindi ko kailanman lilimutin ang inyong mga tuntunin,
    dahil sa pamamagitan nitoʼy patuloy nʼyo akong binubuhay.
94 Akoʼy inyo, kaya iligtas nʼyo po ako!
    Dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
95 Nag-aabang ang masasama upang akoʼy patayin,
    ngunit iisipin ko ang inyong mga turo.
96 Nakita kong ang lahat ng bagay ay may katapusan,
    ngunit ang inyong mga utos ay mananatili magpakailanman.

Isaias 57

Isinumpa ang Dios-diosan ng Israel

57 Kapag namatay ang isang taong matuwid, walang gaanong nagtatanong kung bakit. Walang gaanong nakakaalam na ang mga taong matuwid ay kinukuha ng Dios para ilayo sa masama. Sapagkat kapag namatay ang taong matuwid, magkakaroon na siya ng kapayapaan at kapahingahan. Pero kayong mga lahi ng mga mangkukulam, ng mga nangangalunya, at ng mga babaeng bayaran, lumapit kayo at nang kayoʼy mahatulan. Kinukutya ninyo ang mga taong matuwid, nginingiwian at binebelatan ninyo sila. Lahi kayo ng mga rebelde at mga sinungaling. Sinasamba ninyo ang inyong mga dios-diosan sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy na itinuturing nʼyong banal. Inihahandog ninyo ang inyong mga anak sa mga daluyan ng tubig sa paanan ng mga burol. Ang mga batong makikinis sa mga daluyan ng tubig ay ginagawa ninyong dios at sinasamba sa pamamagitan ng paghahandog ng pagkain at inumin. Hindi ako natutuwa sa ginagawa ninyong iyan. Umaakyat kayo sa mga matataas na bundok at naghahandog ng inyong mga handog doon at nakikipagtalik. Inilalagay pa ninyo ang mga rebulto ng inyong mga dios-diosan malapit sa pintuan ng inyong mga bahay. Itinatakwil ninyo ako. Para kayong babaeng mangangalunya na nahiga sa malapad niyang higaan at pumayag na sumiping sa kanyang kalaguyo. Gustong-gusto niyang makipagtalik sa kalaguyo niya. Talagang nagpapakasawa siya sa pita ng kanyang laman.

Pumunta kayo sa dios-diosan ninyong si Molec. Marami ang dala ninyong langis at pabango. Nagsugo pa kayo ng mga tao sa malayong lugar para maghanap ng mga dios-diosang sasambahin ninyo. Kahit na ang lugar ng mga patay ay parang pupuntahan nʼyo pa. 10 At kahit pagod na kayo sa kakahanap ng mga dios-diosan, hindi pa rin kayo nawawalan ng pag-asa. Pilit ninyong pinalalakas ang inyong sarili kaya hindi kayo nanghihina.

11 Sinabi ng Panginoon, “Sino ba itong mga dios-diosan na kinatatakutan nʼyo at nagsinungaling kayo sa akin? Kinalimutan nʼyo ako at hindi pinansin. Ano ba ang dahilan, bakit hindi nʼyo na ako iginagalang? Dahil ba sa nanahimik ako sa loob ng mahabang panahon? 12 Ang akala ninyoʼy matuwid ang inyong ginagawa, pero ipapakita ko kung anong klaseng tao kayo. 13 At hindi talaga makakatulong sa inyo ang inyong mga dios-diosan kapag humingi kayo ng tulong sa kanila. Silang lahat ay tatangayin ng hangin. At mapapadpad sila sa isang ihip lamang. Pero ang mga nagtitiwala sa akin ay maninirahan sa lupa[a] at sasamba sa aking banal na bundok. 14 Sasabihin ko, ayusin ninyo ang daan na dadaanan ng aking mga mamamayan.”

15 Ito pa ang sinasabi ng Kataas-taasang Dios, ang Banal na Dios na nabubuhay magpakailanman: “Nakatira ako sa mataas at banal na lugar, pero nakatira rin akong kasama ng mga taong mapagpakumbaba at nagsisisi, para silaʼy palakasin ko. 16 Ang totoo, hindi ko kayo kakalabanin o uusigin habang panahon, dahil kung gagawin ko ito mamamatay ang mga taong nilikha ko. 17 Nagalit ako dahil sa kasalanan at kasakiman ng Israel, kaya pinarusahan ko sila at itinakwil. Pero patuloy pa rin sila sa kanilang kasalanan. 18 Nakita ko ang kanilang pag-uugali, pero pagagalingin ko sila. Papatnubayan ko sila at aaliwin ang mga nalulungkot sa kanila. 19 At dahil dito, magpupuri sila sa akin. Ilalagay ko sila sa magandang kalagayan, sa malayo man o nasa malapit. Pagagalingin ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 20 Pero ang masasama ay walang kapayapaan. Para silang alon sa dagat na nagdadala ng mga putik at mga dumi sa dalampasigan. 21 Ang taong masama ay hindi mabubuhay ng payapa.” Iyan ang sinabi ng aking Dios.

Mateo 5

Ang mga Mapalad

Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok at naupo roon. Lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya, at nagsimula siyang mangaral. Sinabi niya,

“Mapalad ang mga taong inaaming nagkulang sila sa Dios,
    dahil makakasama sila sa kaharian ng Dios.
Mapalad ang mga naghihinagpis,
    dahil aaliwin sila ng Dios.
Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
    dahil mamanahin nila ang mundo.[a]
Mapalad ang mga taong ang hangad ay matupad ang kalooban ng Dios,
    dahil tutulungan sila ng Dios na matupad iyon.
Mapalad ang mga maawain,
    dahil kaaawaan din sila ng Dios,
Mapalad ang mga taong may malinis na puso,
    dahil makikita nila ang Dios.
Mapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan,
    dahil tatawagin silang mga anak ng Dios.
10 Mapalad ang mga dumaranas ng pag-uusig dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Dios,
    dahil makakasama sila sa kaharian ng Dios.

11 “Mapalad kayo kung dahil sa pagsunod ninyo sa akin ay iniinsulto kayo, inuusig at pinaparatangan ng masama. 12 Ganoon din ang ginawa nila sa mga propeta noong una. Kaya magalak kayo dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit.”

Ang Asin at Ilaw(A)

13 “Kayong mga tagasunod ko ang nagsisilbing asin sa mundo. Ngunit kung mag-iba ang lasa[b] ng asin, wala nang magagawa para ibalik ang lasa nito. Wala na itong pakinabang kaya itinatapon na lang at tinatapak-tapakan ng mga tao.

14 “Kayo ang nagsisilbing ilaw sa mundo. At ito ay makikita nga tulad ng lungsod na itinayo sa ibabaw ng isang burol na hindi maitago. 15 Walang taong nagsindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng takalan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan upang magbigay-liwanag sa lahat ng nasa bahay. 16 Ganoon din ang dapat ninyong gawin. Pagliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa mga tao, upang makita nila ang mabubuting gawa ninyo at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.”

Ang Turo tungkol sa Kautusan

17 “Huwag ninyong isipin na naparito ako upang ipawalang-saysay ang Kautusan ni Moises at ang isinulat ng mga propeta. Naparito ako upang tuparin ang mga ito. 18 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hanggaʼt may langit at may lupa, kahit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay hindi mawawalan ng kabuluhan hanggaʼt hindi natutupad ang lahat.[c] 19 Kaya ang sinumang lumabag sa pinakamaliit na bahagi ng Kautusan, at magturo sa iba na lumabag din ay ituturing na pinakamababa sa kaharian ng Dios. Ngunit ang sinumang sumusunod sa Kautusan, at nagtuturo sa iba na sumunod din ay ituturing na dakila sa kaharian ng Dios. 20 Kaya tandaan ninyo: kung hindi ninyo mahihigitan ang pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo sa kalooban ng Dios, hindi kayo makakapasok sa kaharian ng Dios.”

Ang Turo tungkol sa Galit

21 Sinabi pa ni Jesus, “Narinig ninyo na sinabi noong una sa ating mga ninuno, ‘Huwag kayong papatay,[d] dahil ang sinumang pumatay ay parurusahan.’ 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang may galit sa kanyang kapatid ay parurusahan din. At ang humamak sa kanyang kapatid at magsabi sa kanya, ‘Wala kang silbi!’ ay dadalhin sa mataas na hukuman. At ang sinumang magsabi ng ‘Ulol ka!’ sa kanyang kapatid ay mapupunta sa apoy ng impyerno. 23 Kaya kung nasa altar ka at nag-aalay ng iyong handog sa Dios, at maalala mong may hinanakit sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwanan mo muna ang handog mo sa harap ng altar. Makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid at saka ka bumalik at maghandog sa Dios.”

25 “Kapag may nagdedemanda sa iyo, makipag-ayos ka kaagad sa kanya habang papunta pa lang kayo sa hukuman. Dahil kapag nasa hukuman na kayo, ibibigay kayo ng hukom sa alagad ng batas upang ipabilanggo. 26 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makakalabas ng bilangguan hanggaʼt hindi mo nababayaran ang kabuuan ng utang mo.”[e]

Ang Turo tungkol sa Pangangalunya

27 “Narinig ninyo na sinabi noong una, ‘Huwag kang mangangalunya.’[f] 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang tumingin lang sa isang babae nang may masamang pagnanasa ay nagkasala na ng pangangalunya sa kanyang isip. 29 Kaya kung ang kanang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pang mawalan ka ng isang parte ng iyong katawan kaysa sa buo ang katawan mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 30 At kung ang kanang kamay mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mas mabuti pang mawalan ka ng isang parte ng katawan kaysa sa buo ang katawan mo pero itatapon ka naman sa impyerno.”

Ang Turo tungkol sa Paghihiwalay(B)

31 “Sinabi rin noong una, ‘Kung nais ng isang lalaki na hiwalayan ang kanyang asawa, kinakailangang bigyan niya ito ng kasulatan ng paghihiwalay.’[g] 32 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kapag hiniwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan maliban sa sekswal na imoralidad, siya na rin ang nagtulak sa kanyang asawa na mangalunya kapag nag-asawa itong muli. At ang sinumang mag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.”

Ang Turo tungkol sa Panunumpa

33 “Narinig din ninyo na sinabi noong una sa ating mga ninuno, ‘Kapag ang tao ay nangako at nanumpa pa sa pangalan ng Panginoon, kailangang tuparin niya ito.’[h] 34 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kung mangangako kayo, huwag kayong susumpa. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ dahil naroon ang trono ng Dios, 35 o ‘Saksi ko ang lupa,’ dahil ito ang tuntungan ng kanyang paa. At huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ dahil ito ang lungsod ng dakilang hari. 36 At huwag din ninyong sasabihing, ‘Kahit mamatay pa ako,’ dahil ni isang buhok mo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo, at ‘Hindi’ kung hindi; dahil kung manunumpa pa kayo, galing na iyan sa diyablo.”

Huwag Maghiganti(C)

38 “Narinig ninyo na sinabi noong una, ‘Mata sa mata, ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo na huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, iharap mo pa ang kaliwa. 40 Kung ihabla ka ng sinuman at kunin ang iyong damit, ibigay mo na rin pati ang iyong balabal. 41 Kung sapilitang ipapasan sa iyo ng isang sundalo ang dala niya ng isang kilometro, dalhin mo ito ng dalawang kilometro. 42 Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo, at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.”

Mahalin Ninyo ang Inyong Kaaway(D)

43 “Narinig ninyo na sinabi noong una, ‘Mahalin mo ang iyong kaibigan, at kapootan mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit sinasabi ko sa inyo na mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo. 45 Kung gagawin ninyo ito, magiging tunay na anak kayo ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat hindi lang sa mabubuting tao niya pinapasikat ang araw kundi pati na rin sa masasama. At hindi lang ang matutuwid ang binibigyan niya ng ulan kundi pati na rin ang mga hindi matuwid. 46 Kung ang mamahalin lang ninyo ay ang mga nagmamahal sa inyo, anong gantimpala ang matatanggap ninyo mula sa Dios? Hindi baʼt ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis na itinuturing na masasama? 47 At kung ang binabati lang ninyo ay ang mga kaibigan[i] ninyo, ano ang ginawa ninyo na nakakahigit sa iba? Hindi baʼt ginagawa rin iyan ng mga taong hindi kumikilala sa Dios? 48 Kaya dapat kayong maging ganap,[j] tulad ng inyong Amang nasa langit.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®