Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 27:1-28:19

Ang Altar sa Bundok ng Ebal

27 Pagkatapos, inutusan nila Moises at ng mga tagapamahala ng Israel ang mga mamamayan, “Sundin ninyong lahat ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito. Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, doon sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, magtumpok kayo ng malalaking bato, at pahiran ninyo ang palibot nito ng apog. Isulat ninyo sa mga batong ito ang lahat ng kautusan kapag nakapasok na kayo sa maganda at masaganang lupain[a] na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, ang Dios ng inyong mga ninuno, ayon sa ipinangako niya sa inyo. Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, itayo ninyo ang mga batong ito sa Bundok ng Ebal, ayon sa iniutos ko sa inyo sa araw na ito, at pahiran ninyo ng apog ang palibot nito. Pagkatapos, gumawa kayo roon ng batong altar para sa Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong gagamit ng anumang kagamitang bakal sa pagtatabas nito. Ang mga bato na gagawin ninyong altar ay dapat hindi pa natabasan. Pagkatapos, maghandog kayo sa altar na ito ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon na inyong Dios. Maghandog din kayo ng handog para sa mabuting relasyon sa Panginoon at kainin ninyo ito roon, at magsaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios. At isulat ninyo nang malinaw ang mga kautusan ng Dios sa mga batong pinahiran ninyo ng apog.” Sinabi pa ni Moises at ng mga pari na mga Levita sa lahat ng Israelita, “Makinig kayo, O mga mamamayan ng Israel! Sa araw na ito, naging mamamayan na kayo ng Panginoon na inyong Dios. 10 Kaya sundin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang lahat ng utos at tuntunin niyang ibinibigay ko sa inyo ngayon.”

Ang mga Sumpa

11 Nang araw na iyon, iniutos ni Moises sa mga tao, 12 “Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, ito ang mga angkan na tatayo sa Bundok ng Gerizim para basbasan ang mga tao: ang lahi nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose at Benjamin. 13 At ito ang mga lahi na tatayo sa Bundok ng Ebal para sumpain ang mga tao: ang lahi nina Reuben, Gad, Asher, Zebulun, Dan at Naftali.

14 “Ang mga Levita naman ay sisigaw nang malakas:

15 “Sumpain ang taong gagawa ng anumang mga dios-diosan na gawa sa bato o tanso at sasambahin ito kahit palihim. Sapagkat kinasusuklaman ng Panginoon ang dios-diosang ginawa ng tao.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”[b]

16 “Sumpain ang taong hindi gumagalang sa kanyang magulang.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

17 “Sumpain ang taong nagnakaw ng lupain ng kanyang kapwa sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon ng lupain nito.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

18 “Sumpain ang taong nagliligaw ng bulag sa daan.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

19 “Sumpain ang taong hindi nagbibigay ng hustisya sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

20 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa asawa ng kanyang ama, dahil ipinapahiya niya ang kanyang ama.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

21 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa anumang hayop.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

22 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa kanyang kapatid na babae, kapatid man niya ito sa ama o sa ina.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

23 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa kanyang biyenang babae.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

24 “Sumpain ang taong pumatay ng kanyang kapwa kahit walang nakakaalam.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

25 “Sumpain ang taong tumatanggap ng suhol para pumatay ng inosenteng tao.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

26 “Sumpain ang tao na hindi susunod o gagawa sa lahat ng utos na ito.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”

Ang Pagpapala sa Pagsunod(A)

28 “Kung lubos ninyong susundin ang Panginoon na inyong Dios at gagawin ang lahat ng utos niya na ibinibigay ko sa inyo ngayon, gagawin niya kayong nakakahigit sa lahat ng bansa rito sa mundo. Kung susundin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, mapapasainyo ang lahat ng pagpapalang ito:

“Pagpapalain niya ang mga lungsod at mga bukid ninyo. Pagpapalain niya kayo ng maraming anak, masaganang ani at maraming hayop. Pagpapalain niya kayo ng masaganang ani at pagkain. Pagpapalain niya ang lahat ng ginagawa ninyo. Ipapatalo ng Panginoon sa inyo ang mga kaaway na sasalakay sa inyo. Sama-sama silang sasalakay sa inyo pero magkakanya-kanya sila sa pagtakas. Pagpapalain ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng ginagawa ninyo at pupunuin niya ng ani ang mga bodega ninyo. Pagpapalain niya kayo sa lupaing ibinibigay niya sa inyo. Ayon sa ipinangako ng Panginoon na inyong Dios, gagawin niya kayo na pinili niyang mamamayan, kung susundin ninyo ang kanyang mga utos at mamumuhay ng ayon sa kanyang pamamaraan. 10 At sa ganoon ay malalaman ng lahat ng tao sa mundo na pinili kayo ng Panginoon, at matatakot sila sa inyo. 11 Pagpapalain kayo ng Panginoon doon sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno na ibibigay sa inyo. Pararamihin niya ang inyong mga anak, mga hayop at ang inyong ani. 12 Padadalhan kayo ng Panginoon ng ulan sa tamang panahon mula sa taguan ng kayamanan niya sa langit, at pagpapalain niya ang lahat ng ginagawa ninyo. Magpapautang kayo sa maraming bansa, pero kayo ay hindi mangungutang. 13 Gagawin kayo ng Panginoon na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod lang. Lagi kayong nasa itaas at hindi sa ilalim kung susundin ninyong mabuti ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 14 Kaya huwag ninyong susuwayin ang alinman sa iniuutos ko sa inyo sa araw na ito, at huwag kayong susunod sa ibang mga dios at maglilingkod sa kanila.

Ang mga Sumpa sa Hindi Pagsunod(B)

15 “Ngunit kung hindi kayo susunod sa Panginoon na inyong Dios at hindi susunding mabuti ang lahat ng utos niya at tuntunin na ibinibigay ko sa inyo ngayon, mararanasan ninyo ang lahat ng sumpang ito: 16 Susumpain ng Panginoon ang inyong mga lungsod at bukid. 17 Susumpain niya ang inyong mga ani at pagkain. 18 Susumpain niya kayo sa pamamagitan ng pagbibigay sa inyo ng kaunting anak, ani, at hayop. 19 Susumpain niya ang lahat ng gagawin ninyo.

Salmo 119:1-24

Ang Kautusan ng Dios

119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
    habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan.

Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?
    Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
10 Buong puso akong lumalapit sa inyo;
    kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.
11 Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
12 Purihin kayo Panginoon!
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
13 Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.
14 Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,
    higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.
15 Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan
    at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.

16 Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
    at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.
17 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod,
    upang patuloy akong makasunod at makapamuhay ng ayon sa inyong salita.
18 Buksan nʼyo ang aking isipan upang maunawaan ko ang kahanga-hangang katotohanan ng inyong kautusan.
19 Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan,
    kaya ipaliwanag nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
20 Sa lahat ng oras ay naghahangad akong malaman ang inyong mga utos.
21 Sinasaway nʼyo ang mga hambog
    at isinusumpa ang mga ayaw sumunod sa inyong mga utos.
22 Ilayo nʼyo ako sa kanilang panghihiya at pangungutya,
    dahil sinusunod ko ang inyong mga turo.
23 Kahit na magtipon ang mga namumuno at mag-usap laban sa akin,
    akong lingkod nʼyo ay patuloy na magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
24 Ang inyong mga turo, ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing tagapayo.

Isaias 54

Ang Pag-ibig ng Dios sa Jerusalem

54 Sinabi ng Panginoon, “Umawit ka Jerusalem, ikaw na parang babaeng baog. Umawit ka at sumigaw sa tuwa, ikaw na hindi nakaranas ng hirap sa panganganak. Sapagkat kahit na iniwan ka ng iyong asawa, mas marami ang iyong magiging anak kaysa sa babaeng kapiling ang asawa. Gumawa ka ng mas malaki at matibay na tirahan.[a] Huwag mong liliitan. Sapagkat lalawak ang iyong hangganan, sasakupin ng iyong mga mamamayan ang ibang mga bansa, at kanilang titirhan ang mga lungsod doon na iniwan. Huwag kang matakot dahil hindi ka mapapahiya. Malilimutan mo na ang kahihiyan ng iyong kabataan at pagkabalo. Sapagkat ako na lumikha sa iyo ay para mong asawa. Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko. Ako ang Banal na Dios ng Israel, ang iyong Tagapagligtas. Tinatawag akong ‘Dios ng buong mundo.’

Jerusalem, katulad ka ng isang kabataang babae na nag-asawa at nalulungkot dahil iniwan siya ng kanyang asawa. Pero ngayon, tinatawag kita para muling makapiling. Iniwan kita sandali, pero dahil sa laki ng awa ko sa iyo ay muli kitang kukupkupin. Dahil sa bugso ng galit ko sa iyo, iniwan kita sandali, pero dahil sa aking walang hanggang pag-ibig sa iyo, kaaawaan kita. Ako, ang Panginoon na inyong Tagapagligtas ang nagsasabi nito.

“Para sa akin, katulad ito noong panahon[b] ni Noe nang nangako akong hindi ko na gugunawin ang mundo. Ngayon naman, nangangako akong hindi na ako magagalit o magpaparusa sa inyo. 10 Gumuho man ang mga burol at bundok, ang pag-ibig ko sa iyoʼy hindi mawawala, maging ang kasunduan ko sa iyo na ilalagay kita sa magandang kalagayan. Ako, ang Panginoong naaawa sa iyo, ang nagsasabi nito.

11 “O Jerusalem, para kang binagyo. Nagdusa kaʼt walang umaliw at nagpalakas sa iyo. Pero muli kitang itatayo sa pundasyong gawa sa batong safiro, at gagamitin ko ang mamahaling mga bato para sa mga dingding ng bahay mo. 12 Gagamitin ko rin ang mga batong rubi sa iyong mga tore, at gagamitin ko rin ang mga naggagandahang mga bato sa paggawa ng iyong mga pinto at mga pader. 13 Ako ang magtuturo sa iyong mga mamamayan,[c] at magiging mabuti ang kanilang kalagayan. 14 Magiging matatag ka dahil mamumuhay nang matuwid ang mga mamamayan mo. Tatakas ang mga kaaway mo, kaya wala kang dapat katakutan. Hindi na makakalapit sa iyo ang mga kaaway mo para takutin ka. 15 Kung may lulusob sa iyo, hindi ko iyon kalooban. Susuko sila sa iyo. 16 Makinig ka! Ako ang lumikha ng mga panday na nagpapaningas ng apoy at gumagawa ng mga sandata. Ako rin ang lumikha ng mga sundalo na gumagamit ng mga sandatang ito para manglipol. 17 Walang anumang sandatang ginawa na magtatagumpay laban sa iyo, at masasagot mo ang anumang ibibintang laban sa iyo. Ito ang pamana ko sa aking mga lingkod. Bibigyan ko sila ng tagumpay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Mateo 2

Ang Pagdalaw ng mga Taong Galing sa Silangan

Ipinanganak si Jesus sa bayan ng Betlehem sa lalawigan ng Judea noong si Herodes ang hari. Isang araw, dumating sa Jerusalem ang ilang taong dalubhasa[a] galing sa silangan. Nagtanong sila, “Saan ba ipinanganak ang hari ng mga Judio? Nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang sambahin siya.”

Nang mabalitaan ito ni Herodes, nabagabag siya at pati na rin ang buong Jerusalem. Kaya ipinatawag ni Herodes ang lahat ng namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan, at tinanong sila kung saan isisilang ang Cristo. Sumagot sila, “Sa Betlehem na sakop ng Juda, dahil ganito ang isinulat ng propeta:

‘Ikaw, Betlehem sa lupain ng Juda,
    hindi ka huli sa mga pangunahing bayan ng Juda;
    dahil magmumula sa iyo ang isang pinuno
    na magsisilbing pastol ng mga mamamayan kong Israelita.’ ”[b]

Nang marinig ito ni Herodes, palihim niyang ipinatawag ang mga taong galing sa silangan at inalam kung kailan talaga nila unang nakita ang bituin. Pagkatapos, pinapunta niya sila sa Betlehem. Ibinilin niya sa kanila, “Lumakad na kayo at hanaping mabuti ang sanggol. At kapag nakita ninyo, balitaan nʼyo ako kaagad upang makapunta rin ako at makasamba sa kanya.” 9-10 Pagkatapos nilang marinig ang bilin ng hari, umalis na sila. Habang sila ay naglalakbay, muling lumitaw ang bituin na nakita nila sa silangan, at lubos ang kanilang kagalakan. Nanguna sa kanila ang bituin hanggang makarating sila sa kinaroroonan ng sanggol. 11 Pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang sanggol at ang ina nitong si Maria. Lumuhod sila at sumamba sa sanggol. Inilabas din nila at inihandog sa sanggol ang mga dala nilang ginto, insenso at pabangong mira.

12 Nang pauwi na sila, binalaan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes. Kaya nag-iba na sila ng daan pauwi.

Ang Pagtakas Patungo sa Egipto

13 Nang makaalis na ang mga taong galing sa silangan, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi ng anghel sa kanya, “Bumangon kaʼt dalhin ang bata at ang kanyang ina sa Egipto. Doon muna kayo hanggaʼt hindi ko sinasabing bumalik kayo, dahil hinahanap ni Herodes ang sanggol para patayin.”

14 Kaya nang gabi ring iyon, umalis papuntang Egipto si Jose, kasama ang bata at ang ina nitong si Maria. 15 At nanatili sila roon hanggang sa mamatay si Herodes.

Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko mula sa Egipto ang aking anak.”[c]

Ipinapatay ni Herodes ang mga Batang Lalaki

16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga taong galing sa silangan. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at sa mga lugar sa paligid nito, mula dalawang taong gulang pababa. Sapagkat ayon sa nalaman niya sa mga taong galing sa silangan, dalawang taon na ang nakalipas mula nang una nilang makita ang bituin.

17 Sa ginawang kalupitan ni Herodes, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias,

18 “May narinig na iyakan at malakas na panaghoy sa Rama.
    Iniiyakan ni Raquel ang pagkamatay ng kanyang mga anak,
    at ayaw niyang magpaaliw
    dahil patay na ang mga ito.”[d]

Ang Pagbabalik Mula sa Egipto

19 Nang mamatay na si Herodes, ang anghel ng Panginoon ay muling nagpakita sa panaginip ni Jose doon sa Egipto 20 at sinabi nito sa kanya, “Bumangon kaʼt iuwi na ang bata at ang kanyang ina sa bayan ng Israel, dahil patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” 21 Kaya bumangon si Jose, at dinala ang mag-ina pauwi sa Israel.

22 Pero nang malaman ni Jose na si Arkelaus ang naghahari sa Judea kapalit ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Binalaan siyang muli ng Dios sa pamamagitan ng panaginip, kaya tumuloy siya sa lalawigan ng Galilea, 23 at nanirahan sila sa bayan ng Nazaret. Kaya natupad ang sinabi ng mga propeta na tatawagin ang Cristo na Nazareno.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®