Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 26

Ang Unang Ani at ang Ikapu

26 “Kapag naangkin na ninyo ang lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, at doon na kayo naninirahan, ilagay ninyo ang naunang mga bahagi ng inyong ani sa basket. At dalhin ninyo ito sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Pumunta kayo sa paring naglilingkod sa panahong iyon, at sabihin sa kanya, ‘Sa pamamagitan ng handog na ito, kinikilala ko sa araw na ito, na ang Panginoon na ating Dios ang nagdala sa akin sa lupaing ito na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno na ibibigay sa atin.’

“Pagkatapos, kukunin ng pari ang basket sa inyo at ilalagay ito sa harap ng altar ng Panginoon na inyong Dios. At sasabihin ninyo ito sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, ‘Ang amin pong ninuno na si Jacob ay isang Arameong walang permanenteng tirahan. Pumunta siya sa Egipto at nanirahan doon kasama ang kanyang pamilya. Kaunti lang sila noon, pero dumami sila at nang bandang huli ay naging makapangyarihang bansa. Ngunit pinagmalupitan po kami ng mga Egipcio. Pinahirapan nila kami at pinilit na magtrabaho. Humingi kami ng tulong sa inyo, Panginoon, ang Dios ng aming mga ninuno, at pinakinggan nʼyo kami. Nakita nʼyo ang mga paghihirap, mga pagtitiis at pagpapakasakit namin. Kaya kinuha nʼyo kami sa Egipto, Panginoon na aming Dios, sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan at nakakatakot na mga gawa. Gumawa kayo ng himala at mga kamangha-manghang bagay. Dinala nʼyo kami sa lugar na ito, at ibinigay sa amin ang maganda at masaganang lupain[a] na ito. 10 Kaya heto po kami ngayon, O Panginoon, dinadala namin ang unang bahagi ng ani ng lupaing ibinigay ninyo sa amin.’ Pagkatapos ninyo itong sabihin, ilagay ninyo ang basket sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, at sumamba kayo sa kanya. 11 Magsaya kayo dahil mabuti ang mga bagay na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo at sa inyong pamilya. Isama rin ninyo sa pagdiriwang ang mga Levita at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.

12 “Sa bawat ikatlong taon, ibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda, para mayroon silang masaganang pagkain. 13 Pagkatapos, sabihin ninyo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, ‘Kinuha ko na po sa aking bahay ang banal na bahagi, iyon ang ikasampung bahagi, at ibinigay sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda ayon sa lahat ng iniutos nʼyo sa amin. Hindi po ako sumuway o lumimot sa kahit isang utos ninyo. 14 Hindi ko po ito kinain habang nagdadalamhati ako; hindi ko ito ginalaw habang itinuturing akong marumi at hindi ko po ito inihandog sa patay. O Panginoon na aking Dios, sinunod ko po kayo. Ginawa ko ang lahat ng iniutos ninyo sa amin. 15 Tingnan po ninyo kami mula sa inyong banal na tahanan sa langit, at pagpalain ang mga mamamayan ninyong Israelita at ang maganda at masaganang lupain na ibinigay ninyo sa amin ayon sa ipinangako ninyo sa aming mga ninuno.’

Sundin ang mga Utos ng Panginoon

16 “Sa araw na ito, inuutusan kayo ng Panginoon na inyong Dios na sundin ninyong lahat ang utos at tuntuning ito. Sundin ninyo itong mabuti nang buong pusoʼt kaluluwa. 17 Ipinahayag ninyo sa araw na ito na ang Panginoon ang inyong Dios at mabubuhay kayo ayon sa kanyang pamamaraan, dahil susundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin, at susundin ninyo siya. 18 At ipinahayag din ng Panginoon sa araw na ito, na kayo ang espesyal na mamamayan ayon sa kanyang ipinangako, at dapat kayong sumunod sa lahat ng utos niya. 19 Ayon sa kanyang ipinangako, gagawin niya kayong higit kaysa sa lahat ng bansa; pupurihin at pararangalan kayo. Kayo ay magiging mga mamamayang pinili ng Panginoon na inyong Dios.”

Salmo 117-118

Papuri sa Panginoon

117 Purihin nʼyo at parangalan ang Panginoon, kayong lahat ng mamamayan ng mga bansa!
Dahil napakadakila ng pag-ibig sa atin ng Panginoon,
    at ang kanyang katapatan ay walang hanggan.

    Purihin ninyo ang Panginoon!

Pasasalamat dahil sa Pagtatagumpay

118 Pasalamatan ang Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.
Ang lahat ng mamamayan ng Israel ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”
Ang lahat ng mga angkan ni Aaron ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”
Ang lahat ng may takot sa Panginoon ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”

Sa aking kagipitan, dumulog ako sa Panginoon,
    at akoʼy kanyang sinagot at iniligtas.
Kasama ko ang Panginoon, kaya hindi ako matatakot.
    Ano ang magagawa ng tao sa akin?
Kasama ko ang Panginoon, siya ang tumutulong sa akin.
    Makikita ko ang pagkatalo ng aking mga kaaway.
Mas mabuting manalig sa Panginoon, sa halip na magtiwala sa tao.
Mas mabuting manalig sa Panginoon, sa halip na magtiwala sa mga pinuno.

10 Napaligiran ako ng maraming bansang kaaway ko,
    ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon silaʼy tinalo ko.
11 Totoong pinaligiran nila ako,
    ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon silaʼy tinalo ko.
12 Sinalakay nila ako na parang mga pukyutan,
    ngunit silaʼy napatigil agad na parang sinusunog na dayami na madali lang mapawi ng apoy.
    Dahil sa kapangyarihan ng Panginoon, silaʼy tinalo ko.
13 Puspusan nila akong sinalakay,
    at halos magtagumpay na sila,
    ngunit tinulungan ako ng Panginoon.
14 Ang Panginoon ang aking kalakasan
    at siya ang aking awit.
    Siya ang nagligtas sa akin.

15-16 Naririnig ang masayang sigawan ng mga mamamayan ng Dios sa kanilang mga tolda dahil sa kanilang tagumpay.
    Ang Panginoon ang nagbigay sa kanila ng tagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan!
    Ang kapangyarihan ng Panginoon ang nagbibigay ng tagumpay!

17 Hindi ako mamamatay, sa halip ay mabubuhay,
    at isasaysay ko ang mga ginawa ng Panginoon.
18 Kahit napakatindi ng parusa ng Panginoon sa akin, hindi niya niloob na akoʼy mamatay.

19 Buksan ninyo ang pintuan ng templo ng Panginoon para sa akin dahil papasok ako at siyaʼy aking pasasalamatan.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon na ang mga matuwid lang ang makakapasok.

21 Magpapasalamat ako sa inyo Panginoon, dahil sinagot nʼyo ang aking dalangin.
    Kayo ang nagligtas sa akin.

22 Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.
23 Ang Panginoon ang may gawa nito at tunay na kahanga-hanga sa ating paningin.
24 Ito ang araw na ginawa ng Panginoon, kaya tayoʼy magalak at magdiwang.
25 Panginoon, patuloy nʼyo kaming iligtas.
    Pagtagumpayin nʼyo kami sa lahat ng aming ginagawa.

26 Pinagpapala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.
    Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.

27 Ang Panginoon ay Dios at napakabuti niya sa atin.
    Magdala tayo ng mga sanga ng punongkahoy para sa pagdiriwang ng pista, at pumarada paikot sa altar.

28 Panginoon, kayo ang aking Dios;
    nagpapasalamat ako at nagpupuri sa inyo.

29 Pasalamatan ang Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.

Isaias 53

53 Sinong naniwala sa aming ibinalita? At kanino inihayag ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan? Kalooban ng Panginoon na lumago ang kanyang lingkod, gaya ng tanim na lumalago at nag-uugat sa tuyong lupa. Wala siyang kagandahan o katangiang makakaakit sa atin para siyaʼy lapitan. Hinamak siya at itinakwil ng mga tao. Dumanas siya ng mga sakit at hirap. Tinalikuran natin siya, hinamak, at hindi pinahalagahan. Ang totoo, tiniis niya ang mga sakit at mga kalungkutang dapat sanaʼy tayo ang dumanas. Ang akala natin ay pinarusahan siya ng Dios dahil sa kanyang mga kasalanan. Ang totoo, sinugatan siya dahil sa ating mga pagsuway; binugbog siya dahil sa ating kasamaan. Ang parusang tiniis niya ang naglagay sa atin sa magandang kalagayan. At dahil sa mga sugat niya ay gumaling tayo. Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw. Bawat isa sa atin ay gumawa ng nais nating gawin. Pero siya ang pinarusahan ng Panginoon ng parusang dapat sana ay para sa ating lahat. Inapi siya at sinaktan, pero hindi man lang dumaing. Para siyang tupang dadalhin sa katayan para patayin, o tupang gugupitan na hindi man lang umiimik. Hinuli siya, hinatulan, at pinatay. Walang nakaisip, isa man sa mga salinlahi niya, na pinatay siya dahil sa kanilang mga kasalanan, na tiniis niya ang parusang dapat sana ay para sa kanila. Kahit na wala siyang ginawang kasalanan at anumang pandaraya,[a] inilibing siyang parang isang kriminal; inilibing siyang kasama ng mga mayayaman. 10 Pero kalooban ng Panginoon na saktan siya at pahirapan. Kahit na ginawa siyang handog ng Panginoon para mabayaran ang kasalanan ng mga tao, makikita niya ang kanyang mga lahi at tatanggap siya ng mahabang buhay. At sa pamamagitan niya ay matutupad ang kalooban ng Panginoon. 11 Kapag nakita niya ang bunga ng kanyang paghihirap, matutuwa siya. Sinabi ng Panginoon, “Sa pamamagitan ng karunungan ng aking matuwid na lingkod ay marami ang ituturing niyang matuwid, magdurusa siya para sa kanilang mga kasalanan. 12 Dahil dito, pararangalan ko siya katulad ng mga taong tanyag at makapangyarihan dahil ibinigay niya ang buhay niya. Ibinilang siya na isa sa mga makasalanan. Nagdusa siya para sa maraming makasalanan[b] at hiniling pa niya sa Dios na silaʼy patawarin.”

Mateo 1

Ang mga Ninuno ni Jesus(A)

Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David. Si David ay mula sa lahi ni Abraham.

Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, at si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Si Juda ang ama nina Perez at Zera, at si Tamar ang kanilang ina. Si Perez ang ama ni Hezron, at si Hezron ang ama ni Aram. Si Aram ang ama ni Aminadab, si Aminadab ang ama ni Nashon, at si Nashon ang ama ni Salmon. Si Salmon ang ama ni Boaz, at si Rahab ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, at si Ruth ang kanyang ina. Si Obed ang ama ni Jesse, at si Jesse ang ama ni Haring David.

Si Haring David ang ama ni Solomon (ang ina niya ay ang dating asawa ni Uria). Si Solomon ang ama ni Rehoboam, si Rehoboam ang ama ni Abijah, at si Abijah ang ama ni Asa. Si Asa ang ama ni Jehoshafat, si Jehoshafat ang ama ni Joram, at si Joram ang ama ni Uzia. Si Uzia ang ama ni Jotam, si Jotam ang ama ni Ahaz, at si Ahaz ang ama ni Hezekia. 10 Si Hezekia ang ama ni Manase, si Manase ang ama ni Amos,[a] si Amos ang ama ni Josia, 11 at si Josia ang ama ni Jeconia at ng kanyang mga kapatid. Sa panahong ito, binihag ang mga Israelita at dinala sa Babilonia.

12 Ito naman ang talaan ng mga ninuno ni Jesus matapos ang pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia: Si Jeconia ang ama ni Shealtiel, si Shealtiel ang ama ni Zerubabel, 13 at si Zerubabel ang ama ni Abiud. Si Abiud ang ama ni Eliakim, si Eliakim ang ama ni Azor, 14 at si Azor ang ama ni Zadok. Si Zadok ang ama ni Akim, si Akim ang ama ni Eliud, 15 at si Eliud ang ama ni Eleazar. Si Eleazar ang ama ni Matan, si Matan ang ama ni Jacob, 16 at si Jacob ang ama ni Jose na ang asawaʼy si Maria. Si Maria ang ina ni Jesus na tinatawag na Cristo. 17 Kaya may 14 na henerasyon mula kay Abraham hanggang kay David, may 14 na henerasyon naman mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia, at may 14 na henerasyon din mula sa pagkabihag hanggang kay Cristo.

Ang Pagkapanganak kay Jesu-Cristo(B)

18 Ganito ang pangyayari sa pagkapanganak kay Jesu-Cristo: Si Maria na kanyang ina ay nakatakdang ikasal kay Jose. Pero bago pa sila ikasal, nalaman ni Maria na buntis siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 19 Si Jose na magiging asawa niya ay isang matuwid na tao at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, kaya ipinasya niyang hiwalayan na lang si Maria nang palihim. 20 Habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon at nagsabi, “Jose, na mula sa angkan ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria dahil ang pagbubuntis niyaʼy sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 21 Manganganak siya ng isang lalaki at papangalanan mo siyang Jesus,[b] dahil ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” 22 Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, 23 “Magbubuntis ang isang birhen[c] at manganganak ng isang lalaki. Tatawagin siyang Emmanuel”[d] (na ang ibig sabihin, “Kasama natin ang Dios”). 24 Nang magising si Jose, sinunod niya ang sinabi ng anghel at pinakasalan niya si Maria. 25 Pero hindi siya sumiping kay Maria hanggang sa maipanganak nito ang sanggol. Nang manganak na si Maria, pinangalanan ni Jose ang sanggol ng Jesus.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®