Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 25

25 “Halimbawa, may pinagtalunan ang dalawang tao at dinala nila ang kanilang kaso sa korte, at idineklara ng mga hukom kung sino sa kanila ang may kasalanan at walang kasalanan. Kung sinentensyahan ng hukom na hagupitin ang may kasalanan, padadapain siya sa harap ng hukom at hahagupitin ayon sa bigat ng kasalanan na kanyang ginawa. Ngunit hindi ito hihigit pa sa 40 hagupit dahil magiging kahiya-hiya na ito kung hihigit pa roon.

“Huwag ninyong bubusalan ang baka habang gumigiik pa ito.

“Kung may dalawang magkapatid na lalaking naninirahan sa iisang bayan, at namatay ang isa sa kanila nang hindi nagkaanak, hindi makapag-aasawa ang babae ng iba maliban lang sa pamilya ng kanyang asawa. Ang kapatid ng kanyang asawa ang dapat na maging asawa niya. Tungkulin niya ito sa kanyang hipag. Ang panganay nilang anak ay ituturing na anak ng namatay na kapatid para hindi mawala ang kanyang pangalan sa Israel.

“Pero kung ayaw mapangasawa ng kapatid ng namatay ang biyuda, pupunta ang biyuda sa mga tagapamahala roon sa pintuan ng bayan at sasabihin, ‘Hindi pumayag ang aking hipag na bigyan ng lahi ang kanyang kapatid sa Israel. Ayaw niyang tuparin ang kanyang tungkulin sa akin bilang hipag.’ At ipapatawag siya ng mga tagapamahala ng bayan at makikipag-usap sila sa kanya. Kung talagang ayaw pa rin niyang pakasalan ang biyuda, lalapitan siya ng biyuda sa harap ng mga tagapamahala at kukunin niya ang sandalyas ng kanyang hipag at duduraan niya sa mukha at sasabihin, ‘Ganyan ang gagawin sa lalaking hindi pumapayag na bigyan ng lahi ang kanyang kapatid na namatay.’ 10 Ang pamilya ng taong ito ay tatawagin sa Israel na pamilya ng taong kinuhanan ng sandalyas.

11 “Kung may dalawang lalaking nag-aaway at lumapit ang asawa ng isa para tumulong sa kanyang asawa sa pamamagitan ng pagdakot sa ari ng kalaban, 12 kailangang putulin ang kamay ng babae nang walang awa.

13-14 “Huwag kayong mandaraya sa inyong pagtimbang at pagtakal. 15 Gumamit kayo ng tamang timbangan at takalan, para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. 16 Sapagkat kasuklam-suklam sa Panginoon na inyong Dios ang taong mandaraya.

17 “Alalahanin ninyo ang ginawa ng mga Amalekita sa inyo nang lumabas kayo sa Egipto. 18 Sinalakay nila kayo noong pagod na pagod na kayo, at pinagpapatay nila ang inyong mga kasama na nasa hulihan. Wala silang takot sa Panginoon. 19 Kaya patayin ninyo ang lahat ng mga Amalekita kapag binigyan na kayo ng Panginoon na inyong Dios ng kapayapaan doon sa lupaing ibinibigay niya sa inyo na inyong aangkinin. Huwag ninyo itong kalilimutan.

Salmo 116

Ang Dios ang Nagliligtas ng Tao sa Kamatayan

116 Mahal ko ang Panginoon,
    dahil dinidinig niya ang paghingi ko ng tulong sa kanya.
Dahil pinakikinggan niya ako,
    patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.

Natakot ako dahil nararamdaman kong malapit na akong mamatay.
    Ang kamatayan ay parang tali na pumupulupot sa akin.
    Nag-aalala ako at naguguluhan,
kaya tumawag ako sa Panginoon,
    Panginoon, iligtas nʼyo po ako.”

Ang Panginoon nating Dios ay mabuti, matuwid at mahabagin.
Iniingatan ng Panginoon ang mga walang sapat na kaalaman.
    Nang wala na akong magawa, akoʼy kanyang iniligtas.

Magpapakatatag ako,
    dahil ang Panginoon ay mabuti sa akin,
sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan, sa kalungkutan at kapahamakan.
Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buhay.
10 Kahit na sinabi kong, “Sukdulan na ang paghihirap ko,” nagtitiwala pa rin ako sa kanya.
11 Sa aking pagkabalisa ay nasabi kong, “Wala ni isang taong mapagkatiwalaan.”
12 Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon sa lahat ng kabutihan niya sa akin?
13 Sasambahin ko ang Panginoon, at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat sa kanyang pagliligtas sa akin.
14 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa Panginoon sa harap ng kanyang mga mamamayan.

15 Nasasaktan ang Panginoon kung mamatay ang kanyang mga tapat na mga mamamayan.[a]

16 Panginoon, ako nga ay inyong lingkod.[b]
    Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.
17 Sasamba ako sa inyo
    at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.
18 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo sa harap ng inyong mga mamamayan,
19 doon sa inyong templo sa Jerusalem.

    Purihin ang Panginoon!

Isaias 52

Ililigtas ng Dios ang Jerusalem

52 Bumangon ka, O Zion, at magpakatatag. Ipakita mo ang iyong kapangyarihan, O banal na lungsod ng Jerusalem, dahil ang mga kaaway mong hindi mga Israelita,[a] na itinuturing mong marumi ay hindi na muling makakapasok sa iyo. Huwag ka nang malungkot katulad ng taong nagluluksa na nakaupo sa lupa. Bumangon ka na at muling mamahala. At kayong mga mamamayan ng Jerusalem, palayain nʼyo na ang inyong sarili mula sa pagkabihag. 3-4 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios, “Binihag kayo na parang mga taong ipinagbili bilang alipin na walang bayad, kaya tutubusin ko kayo ng wala ring bayad. Pumunta kayo noon sa Egipto upang doon manirahan at inapi kayo roon. At noong huli inapi rin kayo ng Asiria. Ngayon, ano na naman ang nangyari sa inyo? Binihag kayo ng Babilonia na parang wala ring bayad. Pinamahalaan nila kayo at nilait. Maging ako ay lagi rin nilang nilalapastangan. Pero darating ang araw na malalaman ninyo kung sino ako, dahil ako mismo ang nagsasalita sa inyo. Oo, ako nga.”

O napakagandang tingnan ang mga sugong dumadaan sa mga kabundukan na nagdadala ng magandang balita ng kapayapaan at kabutihan sa Jerusalem, dahil ililigtas na ito ng Dios. Sasabihin nila sa mga taga-Jerusalem, “Naghahari na ang inyong Dios!”

Sisigaw sa tuwa ang mga tagapagbantay ng lungsod dahil makikita nila ang pagbabalik ng Panginoon sa Jerusalem. Sisigaw sa tuwa ang gibang Jerusalem dahil aaliwin at palalakasin na ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan. Ililigtas niya ang Jerusalem! 10 Ipapakita ng Panginoon ang natatangi[b] niyang kapangyarihan sa lahat ng bansa, at makikita ng buong mundo[c] ang pagliligtas ng ating Dios.

11 Kayong mga tagapagdala ng mga kagamitan ng templo ng Panginoon, umalis na kayo sa Babilonia. Huwag kayong hihipo ng mga bagay na itinuturing na marumi. Umalis na kayo sa Babilonia, at magpakabanal. 12 Pero ngayon, hindi nʼyo na kailangang magmadali sa pag-alis, na para bang tumatakas. Dahil ang Panginoon ang mangunguna sa inyo. Ang Dios ng Israel ang magtatanggol sa inyo.

Ang Nagdurusang Lingkod ng Panginoon

13 Sinabi ng Panginoon, “Ang aking lingkod ay magtatagumpay. Magiging tanyag siya at pararangalan. 14 Marami ang magugulat sa kanya, dahil halos mawasak na ang kanyang mukha at parang hindi na mukha ng tao. 15 Pati ang mga bansa ay mamamangha sa kanya. Ang mga hari ay hindi makakapagsalita dahil sa kanya, dahil makikita nila ang mga bagay na hindi pa nasasabi sa kanila. At mauunawaan nila ang mga bagay na hindi pa nila naririnig.”

Pahayag 22

22 Ipinakita rin sa akin ng anghel ang ilog na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito ay kasinglinaw ng kristal at dumadaloy mula sa trono ng Dios at ng Tupa, at umaagos sa gitna ng pangunahing lansangan ng lungsod. Sa magkabilang tabi ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay. Namumunga ito ng 12 beses sa isang taon, isang beses sa bawat buwan. At ang mga dahon nito ay ginagamit sa pagpapagaling sa mga bansa. Walang anumang isinumpa ng Dios na makikita roon. Naroon ang trono ng Dios at ng Tupa, at sasambahin siya ng mga lingkod niya. Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa mga noo nila ang kanyang pangalan. Wala nang gabi roon, kaya hindi na kailangan ang mga ilawan o ang liwanag ng araw, dahil ang Panginoong Dios ang magiging ilaw nila. At maghahari sila magpakailanman.

Ang Pagbabalik ni Jesus

At sinabi sa akin ng anghel, “Ang mga salitang ito ay totoo at maaasahan. Ang Panginoong Dios, na nagpapahayag sa kanyang mga propeta,[a] ang siyang nagsugo ng anghel niya upang ipakita sa mga lingkod niya ang mga bagay na malapit nang mangyari.”

Sinabi ni Jesus, “Malapit na akong dumating! Mapalad ang mga sumusunod sa mga pahayag ng Dios sa aklat na ito.”

Akong si Juan ang nakarinig at nakakita ng lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat ng ito, lumuhod ako upang sumamba sa anghel na nagpakita sa akin ng mga ito. Pero sinabi niya sa akin, “Huwag! Huwag mo akong sambahin. Sapagkat katulad mo, alipin din ako ng Dios at ng mga katulad mong propeta, at ng lahat ng sumusunod sa mga nakasulat sa aklat na ito. Ang Dios ang sambahin mo!” 10 Sinabi pa niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga propesiya sa aklat na ito, dahil malapit na itong matupad. 11 Ang masama ay magpapakasama pa, at ang marumi ay magpapakarumi pa. Pero ang matuwid ay magpapakatuwid pa, at ang banal ay magpapakabanal pa.”

12 Sinabi ng Panginoong Jesus, “Makinig kayo! Malapit na akong dumating! Dala ko ang aking gantimpala para sa bawat isa ayon sa mga ginawa niya. 13 Ako ang Alpha at ang Omega, na ang ibig sabihin, ang una at ang huli, o ang simula at ang katapusan ng lahat.

14 “Mapalad ang naglilinis ng mga damit nila,[b] dahil papayagan silang makapasok sa lungsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. 15 Pero maiiwan sa labas ang masasamang tao,[c] mga mangkukulam, mga imoral, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga dios-diosan, at ang lahat ng nabubuhay sa kasinungalingan.

16 “Akong si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang sabihin sa iyo ang mga bagay na ito para sa mga iglesya. Galing ako sa angkan ni David at ako rin ang maningning na bituin sa umaga.”

17 Nag-iimbita ang Banal na Espiritu at ang babaeng ikakasal, “Halikayo!” Ang lahat ng nakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!” Lumapit ang sinumang nauuhaw at gustong uminom ng tubig na nagbibigay-buhay. Wala itong bayad.

Ang Pangwakas na Sinabi ni Juan

18 Ako, si Juan ay nagbibigay babala sa lahat ng nakakarinig sa mga pahayag ng Dios sa aklat na ito. Ang sinumang magdagdag sa mga nilalaman ng aklat na ito, idaragdag ng Dios sa kanyang parusa ang mga salot na nakasulat dito. 19 At ang sinumang magbawas sa mga nilalaman ng aklat na ito ay aalisan ng Dios ng karapatang kumain sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. At mawawalan din siya ng karapatang makapasok sa Banal na Lungsod na nabanggit sa aklat na ito.

20 Si Jesus ang nagpapatunay sa lahat ng nakasulat dito. At sinabi pa niya, “Talagang malapit na akong dumating!” Sinabi ko naman, “Sana nga po![d] Pumarito na po kayo, Panginoong Jesus.”

21 Pagpalain kayong lahat ng Panginoong Jesus.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®