M’Cheyne Bible Reading Plan
24 “Kung nag-asawa ang isang lalaki, at sa bandang huli ay inayawan na niya ito dahil may natuklasan siyang hindi niya nagustuhan dito, dapat siyang gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay at ibigay ito sa kanya, at maaari na niya itong paalisin sa kanyang bahay. 2 Kung mag-aasawa muli ang babae, 3 at hiwalayan na naman siya ng ikalawa niyang asawa o mamatay ito, 4 hindi na siya maaaring mapangasawang muli ng nauna niyang asawa dahil narumihan na siya.[a] Kung muli siyang mapapangasawa ng nauna niyang asawa, kasuklam-suklam ito sa paningin ng Panginoon. Hindi ninyo dapat gawin ang mga kasalanang ito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana.
5 “Kung bagong kasal ang isang lalaki, huwag ninyo siyang isasama sa labanan o bibigyan ng anumang responsibilidad sa bayan sa loob ng isang taon, para manatili muna siya sa kanyang bahay at mabigyan ng kasiyahan ang kanyang asawa.
6 “Huwag ninyong kukuning sanla ang gilingan ng umutang sa inyo dahil para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay.
7 “Sinuman sa inyo ang kumidnap sa kapwa niya Israelita at ginawa itong alipin o ipinagbili, dapat patayin ang kumidnap. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
8 “Tungkol sa malubhang sakit sa balat, sundin ninyong mabuti ang mga tuntunin na ipinapagawa sa inyo ng mga pari na mga Levita. Sundin ninyo ang mga iniutos ko sa kanila. 9 Alalahanin ninyo kung ano ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios kay Miriam nang naglalakbay kayo paglabas sa Egipto.
10 “Kung magpapautang kayo ng kahit ano sa kapwa ninyo Israelita, huwag kayong papasok sa bahay niya para kumuha ng anumang isasanla niya. 11 Maghintay lang kayo sa labas at dadalhin niya ito sa inyo. 12-13 Kung mahirap ang tao, at pangbalabal ang isinanla niya sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ito. Isauli ito sa kanya habang hindi pa lumulubog ang araw para magamit niya ito sa kanyang pagtulog, at pasasalamatan ka pa niya. Ituturing ito ng Panginoon na inyong Dios na gawang matuwid.
14 “Huwag ninyong dadayain ang mahihirap na trabahador sa kanilang upa, Israelita man siya o dayuhan na naninirahan sa inyong bayan. 15 Bayaran ninyo siya ng isang araw na sweldo bago lumubog ang araw dahil mahirap siya at inaasahan niyang matanggap ito. Sapagkat kung hindi, baka dumaing siya sa Panginoon laban sa inyo at itoʼy ituturing na kasalanan ninyo.
16 “Hindi dapat patayin ang magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, o ang mga anak dahil sa kasalanan ng kanilang magulang; ang bawat isa ay papatayin lang dahil sa kanyang sariling kasalanan.
17 “Bigyan ninyo ng hustisya ang mga dayuhan at ang mga ulila. Huwag ninyong kukunin ang balabal ng biyuda bilang sanla sa kanyang utang. 18 Alalahanin ninyong alipin kayo noon sa Egipto at iniligtas kayo ng Panginoon na inyong Dios. Ito ang dahilan kung bakit inuutusan ko kayong gawin ito.
19 “Kapag nag-aani kayo at may naiwang bigkis sa bukid, huwag na ninyo itong babalikan para kunin. Iwan na lang ninyo ito para sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda, para pagpalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng inyong ginagawa. 20 Kung mamimitas kayo ng olibo, huwag na ninyong babalikan ang mga naiwan. Itira na lang ninyo ito sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda. 21 Kung aani kayo ng ubas, huwag na ninyong babalikan ang mga naiwan. Itira nʼyo na lang ito sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda. 22 Alalahanin ninyo na mga alipin kayo noon sa Egipto. Ito ang dahilan kung bakit inuutusan ko kayong gawin ito.
Awit tungkol sa Paglabas ng mga Israelita sa Egipto
114 Nakatira noon ang mga taga-Israel na lahi ni Jacob sa Egipto,
na kung saan iba ang wika ng mga tao.
2 Nang papalabas na sila sa Egipto, ginawa ng Dios na banal na lugar ang Juda,
at ang Israel ay kanyang pinamunuan.
3 Ang Dagat na Pula ay nahawi at ang Ilog ng Jordan ay tumigil sa pag-agos.
4 Nayanig ang mga bundok at burol,
na parang mga lumulundag na kambing at mga tupa.
5 Bakit nahawi ang Dagat na Pula,
at tumigil sa kanyang pag-agos ang Ilog ng Jordan?
6 Bakit nayayanig ang mga bundok at mga burol,
na parang lumulundag na mga kambing at tupa?
7 Nayayanig ang mundo sa presensya ng Panginoong Dios ni Jacob,
8 na siyang gumawa sa matigas na bato upang maging imbakan ng tubig at naging bukal na umaagos.
Iisa ang Tunay na Dios
115 Panginoon, hindi kami ang dapat na parangalan,
kundi kayo, dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
2 Bakit kami kinukutya ng ibang bansa at sinasabi nilang,
“Nasaan na ang inyong Dios?”
3 Ang aming Dios ay nasa langit,
at ginagawa niya ang kanyang nais.
4 Ngunit ang kanilang mga dios ay yari sa pilak at ginto na gawa lang ng tao.
5 May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita;
may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
6 May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig;
may ilong, ngunit hindi nakakaamoy.
7 May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak;
may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
at kahit munting tinig ay wala kang marinig.
8 Ang mga gumawa ng mga dios-diosan at nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito.
9-10 Kayong mga mamamayan ng Israel at kayong mga angkan ni Aaron,
magtiwala kayo sa Panginoon.
Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
11 Kayong mga may takot sa Panginoon,
magtiwala kayo sa kanya.
Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
12 Hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon,
pagpapalain niya ang mga mamamayan ng Israel at ang mga angkan ni Aaron.
13 Pagpapalain niya ang lahat ng may takot sa kanya, dakila man o aba.
14 Paramihin sana kayo ng Panginoon,
kayo at ang inyong mga angkan.
15 Sanaʼy pagpalain kayo ng Panginoon na lumikha ng langit at ng lupa.
16 Ang kalangitan ay sa Panginoon, ngunit ang mundo ay ipinagkatiwala niya sa mga tao.
17 Ang mga patay ay hindi na makakapagpuri sa Panginoon, dahil sila ay nananahimik na.
18 Tayong mga buhay ang dapat magpuri sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
Ang Panawagang Magtiwala sa Panginoon
51 1-2 Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo sa akin, kayong mga gustong maligtas[a] at humihingi ng tulong sa akin. Alalahanin ninyo sina Abraham at Sara na inyong mga ninuno. Katulad sila ng batong pinagtibagan sa inyo o pinaghukayan sa inyo. Noong tinawag ko si Abraham, nag-iisa siya, pero pinagpala ko siya at binigyan ng maraming lahi.
3 “Kaaawaan ko ang Jerusalem[b] na nawasak. Ang mga disyerto nito ay gagawin kong parang halamanan ng Eden. Maghahari sa Jerusalem ang kagalakan, pasasalamat at pag-aawitan.
4 “Mga mamamayan ko, makinig kayo sa akin. Dinggin ninyo ako, O bansa ko! Ibibigay ko ang aking kautusan at magsisilbi itong ilaw sa mga bansa. 5 Malapit ko na kayong bigyan ng tagumpay. Hindi magtatagal at ililigtas ko na kayo. Ako ang mamamahala sa mga bansa. Ang mga nasa malalayong lugar[c] ay maghihintay sa akin at maghahangad ng aking kapangyarihan. 6 Tingnan ninyo ang langit at ang mundo. Mawawala ang langit na parang usok, masisira ang mundo na parang damit, at mamamatay ang mga mamamayan nito na parang mga kulisap. Pero ang kaligtasan na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang tagumpay at katuwiran na mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman. 7 Makinig kayo sa akin, kayong mga nakakaalam kung ano ang tama at sumusunod sa aking kautusan! Huwag kayong matatakot sa mga panghihiya at pangungutya ng mga tao sa inyo. 8 Sapagkat matutulad sila sa damit na nginatngat ng mga kulisap. Pero ang tagumpay at katuwiran na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang kaligtasang mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman.”
9 Sige na, Panginoon, tulungan nʼyo na po kami. Gamitin nʼyo na ang inyong kapangyarihan sa pagliligtas sa amin. Tulungan nʼyo kami katulad ng ginawa nʼyo noon. Hindi baʼt kayo ang tumadtad sa dragon na si Rahab?[d] 10 Hindi baʼt kayo rin po ang nagpatuyo ng dagat, gumawa ng daan sa gitna nito para makatawid ang inyong mga mamamayan na iniligtas nʼyo sa Egipto? 11 Ang inyong mga tinubos ay babalik sa Zion na nag-aawitan at may kagalakan magpawalang hanggan. Mawawala na ang kanilang mga kalungkutan, at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan.
12 Sumagot ang Panginoon, “Ako ang nagpapalakas at nagpapaligaya sa inyo. Kaya bakit kayo matatakot sa mga taong katulad ninyo na mamamatay din lang na parang damo? 13 Ako baʼy nakalimutan na ninyo? Ako na lumikha sa inyo? Ako ang nagladlad ng langit at naglagay ng pundasyon ng mundo. Bakit nabubuhay kayong natatakot sa galit ng mga umaapi at gustong lumipol sa inyo? Ang kanilang galit ay hindi makakapinsala sa inyo. 14 Hindi magtatagal at ang mga bihag ay palalayain. Hindi sila mamamatay sa kanilang piitan at hindi rin sila mawawalan ng pagkain. 15 Sapagkat ako ang Panginoon na inyong Dios. Kapag kinalawkaw ko ang dagat ay umuugong ang mga alon. Panginoong Makapangyarihan ang aking pangalan. 16 Itinuro ko sa inyo ang ipinasasabi ko, at ipinagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ako ang naglagay ng langit at ng pundasyon ng mundo, at ako ang nagsabi sa Israel, ‘Ikaw ang aking mamamayan.’ ”
17 Jerusalem, bumangon ka! Ang galit ng Panginoon ay parang alak na ininom mong lahat hanggang sa ikaw ay magpasuray-suray sa kalasingan. 18 Wala ni isa man sa iyong mga tauhan ang aalalay sa iyo; wala ni isa man sa kanila ang tutulong sa iyo. 19 Dalawang sakuna ang nangyari sa iyo: Nawasak ka dahil sa digmaan, at nagtiis ng gutom ang iyong mga mamamayan. Walang naiwan sa mga mamamayan mo, na lilingap at aaliw sa iyo. 20 Nanlulupaypay sila at nakahandusay sa mga lansangan. Para silang mga usa na nahuli sa bitag. Dumanas sila ng matinding galit ng Panginoon; sinaway sila ng iyong Dios.
21 Kaya pakinggan ninyo ito, kayong mga nasa matinding hirap at nalasing ng hindi dahil sa alak. 22 Ito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Dios na kumakalinga sa inyo: “Makinig kayo! Inalis ko na ang aking galit na parang alak na nakapagpalasing sa inyo. Hindi ko na kayo paiinuming muli nito. 23 Ibibigay ko ito sa mga nagpahirap sa inyo, sa mga nag-utos sa inyo na dumapa para tapakan nila kayo. Tinapakan nila ang inyong mga likod na para bang dumadaan sila sa lansangan.”
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 Pagkatapos nito, nakita ko ang bagong langit at ang bagong lupa. Naglaho na ang dating langit at lupa, pati na rin ang dagat. 2 At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit galing sa Dios. Ang lungsod na iyon ay tulad ng isang babaeng ikakasal. Handang-handa na, at gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya. 3 Narinig ko ang isang malakas na sigaw mula sa trono, “Ngayon, ang tahanan ng Dios ay nasa piling na ng mga tao! Mananahan na siyang kasama nila. Silaʼy magiging mga mamamayan niya. At siyaʼy makakapiling na nila [at magiging Dios nila.] 4 Papahirin niya ang mga luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, kalungkutan, iyakan o sakit. Sapagkat lumipas na ang dating kalagayan.”
5 At sinabi ng nakaupo sa trono, “Binabago ko na ngayon ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo ang sinasabi ko dahil totoo ito at maaasahan.” 6 At sinabi pa niya, “Naganap na ang lahat! Ako ang Alpha at ang Omega, na ang ibig sabihin, ang simula at ang katapusan ng lahat. Ang sinumang nauuhaw ay paiinumin ko nang walang bayad sa bukal na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 7 Ang mga magtatagumpay ay gagawin kong mga anak ko, at akoʼy magiging Dios nila. 8 Pero nakakatakot ang sasapitin ng mga duwag, mga ayaw sumampalataya sa akin, marurumi ang gawain, mga mamamatay-tao, mga imoral, mga mangkukulam, mga sumasamba sa mga dios-diosan, at lahat ng sinungaling. Itatapon sila sa nagliliyab na lawang apoy at asupre, na siyang ikalawang kamatayan.”
Ang Bagong Jerusalem
9 Lumapit sa akin ang isa sa pitong anghel na nagbuhos ng laman ng kanilang mga sisidlan, na siyang pitong panghuling salot. Sinabi niya, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang babaeng ikakasal sa Tupa.” 10 Napuspos agad ako ng Banal na Espiritu, at dinala ako ng anghel sa tuktok ng napakataas na bundok. At ipinakita niya sa akin ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit galing sa Dios. 11 Nakakasilaw itong tingnan dahil sa kapangyarihan ng Dios, at kumikislap na parang mamahaling batong jasper na kasinglinaw ng kristal. 12 Ang lungsod ay napapalibutan ng mataas at matibay na pader, na may 12 pintuan, at bawat pintuan ay may tagapagbantay na anghel. Nakasulat sa mga pintuan ang pangalan ng 12 lahi ng Israel. 13 Tatlo ang pinto sa bawat panig ng pader: tatlo sa silangan, tatlo sa hilaga, tatlo sa timog, at tatlo sa kanluran. 14 Ang pader ay may 12 pundasyong bato at nakasulat doon ang 12 pangalan ng mga apostol ng Tupa.
15 Ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay may dalang panukat na ginto upang sukatin ang lungsod, pati na ang mga pinto at mga pader nito. 16 Kwadrado ang sukat ng lungsod. Pareho ang haba at ang luwang – 2,400 kilometro.[a] Ganoon din ang taas nito. 17 Sinukat din niya ang pader, 64 metro[b] ang taas nito. (Ang panukat na ginamit ng anghel ay katulad din ng panukat na ginagamit ng tao.) 18 Ang pader ay yari sa batong jasper. Ang lungsod naman ay yari sa purong ginto na kasinglinaw ng kristal. 19 Ang pundasyon ng pader ay napapalamutian ng sari-saring mamahaling bato: una, jasper; ikalawa, safiro; ikatlo, kalsedonia; ikaapat, esmeralda; 20 ikalima, sardonix; ikaanim, kornalina; ikapito, krisolito; ikawalo, beril; ikasiyam, topaz; ikasampu, krisopraso; ika-11, hasinto; at ika-12, ametista. 21 Perlas ang 12 pinto, dahil ang bawat pinto ay yari sa isang malaking perlas. Ang mga pangunahing lansangan ay purong ginto na kasinglinaw ng kristal.
22 Wala akong nakitang templo sa lungsod na iyon, dahil ang pinaka-templo ay walang iba kundi ang Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat at ang Tupa. 23 Hindi na kailangan ang araw o ang buwan sa lungsod dahil ang kapangyarihan ng Dios ang nagbibigay ng liwanag, at ang Tupa ang ilaw doon. 24 Ang ilaw ng lungsod na iyon ay magbibigay-liwanag sa mga bansa. At dadalhin doon ng mga hari sa mundo ang mga kayamanan nila. 25 Palaging bukas ang mga pinto ng lungsod dahil wala nang gabi roon. 26 Ang magaganda at mamahaling bagay ng mga bansa ay dadalhin din sa lungsod na iyon. 27 Pero hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Dios, ang mga gumagawa ng mga bagay na nakakahiya, at ang mga sinungaling. Ang mga makakapasok lang doon ay ang mga taong nakasulat ang pangalan sa aklat ng Tupa, na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®