Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 13-14

Babala Laban sa Pagsamba sa mga Dios-diosan

13 “Kung may isang propeta o tagapagpaliwanag ng panaginip na nangako sa inyo, na magpapakita siya ng mga himala at kamangha-manghang bagay, at nangyari ang sinabi niya, at sabihin niya sa inyo, ‘Sumunod tayo at sumamba sa ibang mga dios na hindi pa natin nakikilala.’ Huwag kayong maniwala sa kanya, dahil sinusubukan lang kayo ng Panginoon na inyong Dios kung minamahal nʼyo ba siya nang buong pusoʼt kaluluwa. Ang Panginoon ninyong Dios lang ang dapat ninyong sundin at igalang. Tuparin ninyo ang kanyang mga utos at sundin nʼyo siya; paglingkuran siya at manatili kayo sa kanya. Dapat patayin ang propeta o ang tagapagpaliwanag ng panaginip dahil itinuturo niyang magrebelde kayo sa Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto at nagligtas sa inyo sa pagkaalipin. Tinatangka ng mga taong ito na ilayo kayo sa mga pamamaraang iniutos ng Panginoon na inyong Dios na sundin ninyo. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

“Halimbawang ang iyong kapatid o anak, o ang iyong minamahal na asawa o ang pinakamatalik mong kaibigan ay lihim kang hinikayat at sabihing, ‘Halika, sumamba tayo sa ibang mga dios’ (mga dios na hindi pa natin nakikilala maging ng ating mga ninuno. Kapag hinikayat ka niyang sambahin ang mga dios na sinasamba ng mga tao sa paligid ninyo o ng mga tao sa malalayong lugar), huwag kang magpapadala o makikinig sa kanya. Huwag mo siyang kaaawaan o kakampihan. Dapat mo siyang patayin. Ikaw ang unang babato at susunod ang lahat ng tao, para patayin siya. 10 Babatuhin siya hanggang sa mamatay dahil tinangka niyang ilayo kayo sa Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin. 11 Pagkatapos itong marinig ng mga Israelita, natakot sila, at hindi na sila gumawa ng masasamang gawa.

12 “Kung makabalita kayo na ang isa sa mga bayang ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios na inyong titirhan, 13 ay may masasamang taong nag-uudyok sa mga naninirahan sa bayang iyon na sumamba sila sa ibang mga dios na hindi pa nila nakikilala, 14 dapat alamin ninyong mabuti kung totooito. At kung totoong nangyari nga ang kasuklam-suklam na gawang ito, 15 dapat ninyong patayin ang lahat ng naninirahan sa bayang iyon pati na ang kanilang mga hayop. Lipulin ninyo silang lahat bilang handog sa Panginoon. 16 Tipunin ninyo ang lahat ng masasamsam ninyo sa bayang iyon at tumpukin sa gitna ng plasa, at sunugin ninyo ito bilang isang handog na sinusunog sa Panginoon na inyong Dios. Mananatiling wasak ang bayang iyon magpakailanman; hindi na iyon dapat itayong muli. 17 Huwag kayong magtatago ng anumang bagay mula sa bayang iyon na naitakda nang wasakin nang lubusan. Kung susundin ninyo ito, aalisin ng Panginoon ang kanyang matinding galit, at kaaawaan niya kayo. At sa kanyang awa, pararamihin niya kayo ayon sa ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 18 Gagawin ito ng Panginoon na inyong Dios kung susundin ninyo ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon at kung gagawa kayo ng matuwid sa kanyang paningin.

Mga Utos tungkol sa Pagluluksa sa Patay

14 “Mga anak kayo ng Panginoon na inyong Dios. Kaya kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong susugatan ang mga sarili ninyo o aahitan ang mga ulo ninyo. Sapagkat mga mamamayan nga kayo ng Panginoon na inyong Dios. Sa lahat ng tao sa mundo, kayo ang kanyang pinili na maging espesyal niyang mga mamamayan.

Ang mga Hayop na Itinuturing na Malinis at Marumi(A)

“Huwag kayong kakain ng anumang hayop na itinuturing na marumi. Ito ang mga hayop na pwede ninyong kainin: baka, tupa, kambing, usa, mailap na kambing, mailap na tupa at iba pang klase ng usa.[a] Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng kanilang kinain. Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito pero hindi biyak ang kuko, gaya ng kamelyo, kuneho at daga sa batuhan. Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito. Huwag din ninyong kakainin ang baboy, dahil kahit biyak ang kuko nito, hindi naman nginunguya ang kinakain nito. Huwag ninyong kakainin ang mga hayop na ito o hahawakan ang kanilang patay na katawan.

“Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na nabubuhay sa tubig na may mga palikpik at mga kaliskis. 10 Pero huwag ninyong kainin ang walang palikpik at kaliskis. Ituring ninyo itong marumi. 11 Pwede ninyong kainin ang anumang klase ng ibon na itinuturing na malinis. 12-18 Pero huwag ninyong kakainin ang mga ibon katulad ng agila, uwak, ibon na kumakain ng bangkay ng tao o hayop, lawin, kuwago, ibong naninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki.[b] 19 Huwag din ninyong kakainin ang mga insektong may pakpak na gumagapang. 20 Pero pwede ninyong kainin ang mga insektong itinuturing na malinis.

21 “Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na patay na. Maaari ninyo itong ipagbili sa mga dayuhan o ibigay sa mga dayuhang naninirahang sa bayan nʼyo, at kakainin nila ito. Pero huwag kayong kakain nito, dahil ibinukod kayo bilang mamamayan ng Panginoon na inyong Dios.

“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.

Ang Ikapu

22 “Dapat ninyong ibukod ang ikasampung bahagi ng lahat ng ani ng inyong bukid bawat taon. 23 Dalhin ninyo ang ikasampung bahagi ng trigo, bagong katas ng ubas at langis, at ang panganay ng inyong mga hayop sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Doon ninyo ito dalhin sa kanyang presensya. Gawin ninyo ito para matuto kayo na laging gumalang sa Panginoon na inyong Dios. 24 Pero kung malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Panginoon, at mahihirapan kayo sa pagdadala ng ikasampung bahagi ng mga pagpapala ng Panginoon na inyong Dios, 25 ipagpalit ninyo ang ikasampung bahagi ninyo sa pilak at dalhin ninyo ito roon sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios. 26 Pagkatapos, ang pilak na iyon ang ipambili ninyo ng baka, tupa, katas ng ubas o ng iba pang inumin, o ng anumang magustuhan ninyo. Pagkatapos, kainin ninyo ito ng inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios at magsaya. 27 At huwag ninyong kalilimutan ang mga Levita na naninirahan sa bayan ninyo, dahil wala silang bahagi o lupang minana.

28 “Sa katapusan ng bawat tatlong taon, tipunin ninyo ang ikasampung bahagi ng ani ninyo sa taong iyon, at dalhin ninyo ito sa pinagtataguan nito sa mga bayan ninyo. 29 Ibigay ninyo ito sa mga Levita na walang lupang minana, sa mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo, sa mga ulila at sa mga biyuda sa bayan ninyo para makakain din sila at mabusog. Kung gagawin ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo.

Salmo 99-101

Ang Panginoon ay Banal na Hari

99 Naghahari ang Panginoon at nakaupo sa gitna ng mga kerubin.
    Kaya ang mga taoʼy nanginginig sa takot at ang mundoʼy nayayanig.
Makapangyarihan ang Panginoon sa Zion,[a]
    dinadakila siya sa lahat ng bansa.
Magpupuri ang mga tao sa kanya dahil siya ay makapangyarihan at kagalang-galang.
    Siya ay banal!
Siyaʼy haring makapangyarihan at ang nais niyaʼy katarungan.
    Sa kanyang paghatol ay wala siyang kinikilingan,
    at ang ginagawa niya sa Israel[b] ay matuwid at makatarungan.
Purihin ang Panginoon na ating Dios.
    Sambahin siya sa kanyang templo.[c]
    Siya ay banal!
Sina Moises at Aaron ay kanyang mga pari,
    at si Samuel ay isa sa mga nanalangin sa kanya.
    Tumawag sila sa Panginoon at tinugon niya sila.
Nakipag-usap siya sa kanila mula sa ulap na parang haligi;
    sinunod nila ang mga katuruan at tuntunin na kanyang ibinigay.
Panginoon naming Dios, sinagot nʼyo ang dalangin ng inyong mga mamamayan.[d]
    Ipinakita nʼyo sa kanila na kayo ay Dios na mapagpatawad kahit na pinarusahan nʼyo sila sa kanilang mga kasalanan.
Purihin ang Panginoon na ating Dios.
    Sambahin siya sa kanyang banal na Bundok,
    dahil ang Panginoon na ating Dios ay banal.

Awit ng Pagpupuri sa Panginoon

100 Kayong mga tao sa buong mundo,
    sumigaw kayo nang may kagalakan sa Panginoon!
Paglingkuran ninyo nang may kagalakan ang Panginoon.
    Lumapit kayo sa kanya na umaawit sa tuwa.
Kilalanin ninyo na ang Panginoon ang Dios!
    Siya ang lumikha sa atin at tayoʼy sa kanya.
    Tayoʼy kanyang mga mamamayan na parang mga tupa na kanyang inaalagaan sa kanyang pastulan.
Pumasok kayo sa kanyang templo nang may pagpapasalamat at pagpupuri.
    Magpasalamat kayo at magpuri sa kanya.
Dahil mabuti ang Panginoon; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan,
    at ang kanyang katapatan ay magpakailanman!

Ang Pangako ng Hari

101 Panginoon, aawit ako ng tungkol sa inyong pag-ibig at katarungan.
    Aawit ako ng mga papuri sa inyo.
Mamumuhay ako nang walang kapintasan.
    Kailan nʼyo ako lalapitan?
    Mamumuhay ako nang matuwid sa aking tahanan,[e]
at hindi ko hahayaan ang kasamaan.
    Namumuhi ako sa mga ginagawa ng mga taong tumatalikod sa Dios,
    at hindi ko gagawin ang kanilang ginagawa.
Lalayo ako sa mga taong baluktot ang pag-iisip;
    hindi ako sasali sa kanilang ginagawang kasamaan.
Sinumang lihim na naninira sa kanyang kapwa ay aking wawasakin.
    Ang mga hambog at mapagmataas ay hindi ko palalagpasin.
Ipapadama ko ang aking kabutihan sa aking mga kababayan na tapat sa Dios at namumuhay nang matuwid;
    silaʼy magiging kasama ko at papayagan kong maglingkod sa akin.
Ang mga mandaraya at mga sinungaling ay hindi ko papayagang tumahan sa aking palasyo.
Bawat araw ay lilipulin ko ang mga taong masama;
    mawawala sila sa bayan ng Panginoon.

Isaias 41

Tutulungan ng Dios ang Israel

41 Sinabi ng Panginoon, “Kayong mga mamamayan sa malalayong lugar, tumahimik kayo at makinig sa akin. Kayong mga bansa, lakasan ninyo ang inyong loob, lumapit kayo sa akin at sabihin ang inyong mga reklamo. Magtipon-tipon tayo at pag-usapan natin ito. Sino ang nagpadala ng isang tao mula sa silangan at nagbigay sa kanya ng tagumpay sa pakikipaglaban, saan man siya pumunta? Sino ang nagpasakop sa kanya ng mga hari at mga bansa? Winasak niya ang mga bansa at pinatay ang mga hari nito sa pamamagitan ng espada at pana. At ang mga itoʼy naging parang mga alikabok na tinangay ng hangin. Hinabol niya sila at walang humarang sa kanya kahit sa mga lugar na hindi pa niya napupuntahan. Sino ang gumawa ng lahat ng ito? Sino ang nagpanukala ng lahat ng mga mangyayari mula pa noong unang henerasyon? Hindi baʼt ako? Akong Panginoon ay naroon noong sinimulan ang mundo, at naroroon din ako hanggang sa katapusan nito. Nakita ng mga tao sa malalayong lugar ang aking mga gawa, at nanginig sila sa takot. Nagtipon sila, at ang bawat isa ay nagtulungan at nagpalakas sa isaʼt isa. Ang mga karpintero, platero, at ang iba pang mga manggagawa na gumagawa ng mga dios-diosan ay nagpalakas sa isaʼt isa na nagsasabi, ‘Maganda ang pagkakagawa natin.’ Pagkatapos, ipinako nila ang ginawa nilang rebulto sa lalagyan nito para hindi mabuwal.

“Pero ikaw, Israel, na aking lingkod at pinili na mula sa lahi ni Abraham na aking kaibigan, tinawag kita at kinuha mula sa pinakamalayong dako ng mundo. Sinabi ko sa iyo na ikaw ay aking lingkod. Pinili kita at hindi itinakwil. 10 Huwag kang mangamba dahil ako ang Dios mo. Palalakasin kita at tutulungan. Iingatan kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan na siya ring makapagliligtas sa iyo. 11 Ang lahat ng nagagalit sa iyo ay tiyak na mapapahiya at malilito. Ang mga lumalaban sa iyo ay mapapahamak. 12 At kahit hanapin mo ang iyong mga kaaway hindi mo na sila makikita. Silang mga kumakalaban sa iyo ay magiging walang kabuluhan. 13 Sapagkat ako ang Panginoon na iyong Dios. Ako ang nagpapalakas sa iyo at nagsasabing huwag kang matatakot dahil tutulungan kita. 14 Kahit na maliit ka at mahina,[a] huwag kang matatakot dahil ako mismo ang tutulong sa iyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. Ako ang iyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel. 15 Makinig ka! Gagawin kitang parang bagong panggiik, matalim at maraming ngipin. Gigiikin mo at dudurugin ang mga bundok at burol. Gagawin mo ito na parang ipa. 16 Tatahipan mo sila at tatangayin sila ng hangin; ikakalat sila ng malakas na hangin. Pero ikaw ay magagalak sa Panginoon; magpupuri ka sa Banal na Dios ng Israel.

17 “Kapag nangangailangan ng tubig ang mga mamamayan kong dukha, at wala silang matagpuan, at kapag natutuyo na ang mga lalamunan nila sa uhaw, akong Panginoon ang tutulong sa kanila. Akong Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila. 18 Paaagusin ko ang tubig sa batis, dadaloy ito sa mga tuyong burol at magkakaroon ng mga bukal sa mga lambak. Gagawin kong tubigan ang ilang at ang mga lupang tigang ay magkakaroon ng mga bukal. 19 Patutubuin ko sa ilang ang mga puno ng sedro, akasya, mirto, olibo, pino, enebro, at sipres,[b] 20 para makita, malaman, at maunawaan ng mga tao na ang lumikha nito ay ako, ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel.”

Walang Kabuluhan ang mga Dios-diosan

21 Sinabi ng Panginoon, ang Hari ng Israel,[c] sa mga dios-diosan, “Sige, magreklamo kayo at mangatuwiran! 22-23 Lumapit kayo at sabihin sa amin kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Sabihin ninyo sa amin ang mga sinabi nʼyo noon na mangyayari para malaman namin kung nangyari nga ito. Sabihin ninyo sa amin kung ano ang mangyayari sa hinaharap para malaman namin na kayo ngaʼy mga dios. Gumawa kayo ng mabuti o ng masama para kami ay magtaka at matakot sa inyo. 24 Pero ang totoo, wala kayong silbi at wala kayong magagawa. Kasuklam-suklam ang mga taong pumili sa inyo para kayo ay sambahin. 25 Pinili ko ang taong mula sa hilaga para mamahala. Dumudulog siya sa akin, at ngayon ay darating siya mula sa silangan. Wawasakin niya ang mga namamahala katulad ng pagyapak ng magpapalayok sa putik[d] na gagawin niyang palayok. 26 Sino sa inyo ang nakahula noong una pa na mangyayari ito para malaman namin at nang masabi naming tama siya? Ni isa man lang sa inyoʼy walang nagsabi, at walang nakarinig na mayroon kayong sinabi. 27 Akong Panginoon ang nagsabi nito noon sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Nagpadala ako ng isang mensahero para ibalita ang magandang balita na nandiyan na ang tutulong sa kanila. 28 Tiningnan ko kung may dios-diosan na makapagpapayo pero wala akong nakita. Ni isa sa kanilaʼy walang makasagot sa mga tanong ko. 29 Lahat ng mga dios-diosan ay walang kabuluhan, at walang magagawang anuman. Para silang lalagyan na puro hangin ang laman.”

Pahayag 11

Ang Dalawang Saksi

11 Pagkatapos nito, binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabi sa akin, “Sukatin mo ang templo ng Dios at ang altar, at bilangin mo ang mga taong sumasamba roon. Pero huwag mong sukatin ang labas ng templo dahil inilaan iyan para sa mga taong hindi kumikilala sa Dios. Sila ang mga taong sisira sa banal na lungsod ng Jerusalem sa loob ng 42 buwan. Sa mga araw na iyon isusugo ko roon ang dalawang saksi ko. Magsusuot sila ng damit na sako bilang pahiwatig sa mga tao na kailangan na nilang magsisi sa mga kasalanan nila. Ipapahayag nila ang mensahe ng Dios sa loob ng 1,260 araw.”

Ang dalawang saksing ito ay ang dalawang punong olibo[a] at dalawang ilawan sa harap ng Panginoon ng buong mundo. Kung may magtangkang manakit sa dalawang ito, may apoy na lalabas sa bibig nila at masusunog ang kanilang kaaway. Ganyan papatayin ang sinumang magtangkang manakit sa kanila. May kapangyarihan silang pigilin ang ulan upang hindi umulan habang nagpapahayag sila ng mensahe ng Dios. May kapangyarihan din sila na gawing dugo ang mga tubig at magpadala ng lahat ng uri ng salot sa mundo anumang oras na gustuhin nila.

Pagkatapos nilang ipahayag ang mensahe ng Dios, makikipaglaban sa kanila ang halimaw na galing sa kailaliman. Tatalunin at papatayin sila ng halimaw. Ang bangkay nila ay pababayaan sa lansangan ng tanyag na lungsod, ang lugar na pinagpakuan sa krus ng kanilang Panginoon. Ito rin ang lungsod na tinaguriang Sodom at Egipto. Sa loob ng tatloʼt kalahating araw, ang bangkay nila ay panonoorin ng mga tao mula sa ibaʼt ibang lahi, angkan, wika at bansa, at hindi sila papayag na ilibing ang mga ito. 10 Matutuwa ang mga tao sa buong mundo dahil sa pagkamatay ng dalawang propeta. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo dahil namatay na ang dalawang iyon na nagpahirap sa mga tao sa mundo. 11 Ngunit pagkalipas ng tatloʼt kalahating araw, muli silang binuhay ng Dios. Bumangon sila, at ganoon na lang ang takot ng lahat ng nakakita sa kanila. 12 Narinig ng dalawa ang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang tinitingnan sila ng mga kaaway nila, pumapaitaas sila sa langit sakay ng ulap. 13 Nang oras ding iyon, lumindol nang napakalakas. Nawasak ang ikasampung bahagi ng lungsod, at 7,000 ang namatay. Natakot ang natirang mga tao, kaya pinuri nila ang Dios sa langit.

14 Natapos na ang ikalawang nakakatakot na pangyayari, ngunit susunod pa ang ikatlo.

Ang Ikapitong Trumpeta

15 Nang patunugin ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, may narinig akong malalakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Maghahari na ngayon sa buong mundo ang ating Panginoon at ang Cristo na kanyang pinili. At maghahari siya magpakailanman.” 16 At ang 24 na namumuno na nakaupo sa mga trono nila ay lumuhod at sumamba sa Dios. 17 Sinabi nila,

    “Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat,
    kayo po ang Dios noon, at kayo rin ang Dios ngayon.
    Nagpapasalamat kami sa inyo dahil ginamit nʼyo na ang inyong kapangyarihan,
    at nagsimula na kayong maghari ngayon sa mundo.
18 Galit na galit ang mga taong hindi kumikilala sa inyo,
    dahil dumating na ang panahon upang parusahan nʼyo sila.
    Panahon na upang hatulan nʼyo ang mga patay
    at bigyan ng gantimpala ang inyong mga lingkod, mga propeta, mga pinabanal,
    at ang lahat ng may takot sa inyo, dakila man o hindi.
    At panahon na rin upang lipulin ang mga namumuksa sa mundo.”

19 Pagkatapos, binuksan ang templo ng Dios doon sa langit, at naroon sa loob ang Kahon ng Kasunduan. Kumidlat, kumulog, umugong, lumindol at umulan ng yelo na parang mga bato.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®