M’Cheyne Bible Reading Plan
Mahalin at Sundin ang Panginoon
11 “Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang kanyang mga utos, tuntunin, panuntunan at kautusan. 2 Alalahanin ninyo ang naranasang pagtutuwid ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Kayo ang nakaranas nito at hindi ang mga anak ninyo. Hindi sila ang nakakita ng kadakilaan at kapangyarihan ng Panginoon, 3 at ng mga himala na ginawa niya sa Egipto laban sa Faraon na hari nito at sa buong bansa nito. 4 Hindi rin nila nakita ang ginawa ng Panginoon sa mga sundalong Egipcio at sa mga kabayo at mga karwahe nila, at kung paano nilunod ng Panginoon ang mga ito sa Dagat na Pula nang hinabol nila kayo. Nangamatay silang lahat. 5 Hindi rin nakita ng mga anak ninyo ang ginawa ng Panginoon sa inyo roon sa disyerto hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito, 6 at kung ano ang ginawa niya kina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab na lahi ni Reuben. Nilamon sila ng lupang bumuka, pati ang kanilang pamilya, tolda at ang lahat ng nakatirang kasama nila. Nangyari ito sa harap ng mga Israelita. 7 Kayo ang nakakita ng mga dakilang bagay na ito na ginawa ng Panginoon.
8 “Kaya sundin ninyo ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon para may lakas kayo sa paglalakbay at sa pag-agaw ng lupain sa kabila ng Jordan. 9 Kung susunod kayo, mabubuhay kayo nang matagal doon sa maganda at masaganang lupain[a] na ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyong mga ninuno at sa kanilang mga salinlahi. 10 Sapagkat ang lupain na aangkinin at titirhan ninyo ay hindi gaya ng lupain sa Egipto na pinanggalingan ninyo. Doon sa Egipto, kapag magtatanim kayo, magpapakahirap pa kayo ng todo sa pagpapatubig nito. 11 Ngunit ang lupain na aangkinin ninyo ay may mga bundok at lambak na laging nauulanan. 12 Ang lupaing ito ay inaalagaan ng Panginoon na inyong Dios; binabantayan niya ito araw-araw sa buong taon!
13 “Kaya kung lagi lang ninyong susundin ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at paglingkuran ninyo nang buong pusoʼt kaluluwa, 14 padadalhan niya kayo ng ulan sa tamang panahon para makapag-ani kayo ng trigo, ng bagong katas ng ubas at ng olibo para gawing langis. 15 Bibigyan niya ng pastulan ang mga hayop ninyo, at magkakaroon kayo ng masaganang pagkain.
16 “Mag-ingat kayo dahil baka matukso kayong lumayo sa Dios at sumamba sa ibang mga dios at maglingkod sa kanila. 17 Kapag ginawa ninyo ito, magagalit ang Panginoon sa inyo at hindi na niya pauulanin at hindi na kayo makakapag-ani, at sa huli ay mawawala kayo sa magandang lupain na ibibigay ng Panginoon sa inyo. 18 Kaya panatilihin ninyo ang mga salita kong ito sa inyong pusoʼt isipan. Itali ninyo ito sa mga braso ninyo at ilagay sa inyong noo bilang paalala sa inyo. 19 Ituro ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag naroon kayo sa inyong bahay at kapag naglalakad kayo, kapag nakahiga kayo o kapag kayoʼy babangon. 20 Isulat ninyo ito sa mga hamba ng inyong mga pintuan at sa pintuan ng inyong lungsod, 21 para kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal doon sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyong mga ninuno. Maninirahan kayo rito hanggaʼt may langit sa ibabaw ng mundo.
22 “Kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos na ibinibigay ko sa inyo, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at mabuhay ayon sa kanyang pamamaraan at manatili sa kanya, 23 itataboy ng Panginoon ang mga tao sa lupain na inyong aangkinin kahit na mas malaki at mas makapangyarihan pa sila sa inyo. 24 Ang lahat ng lupang matatapakan ninyo ay magiging inyo: mula sa disyerto papunta sa Lebanon, at mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa Dagat ng Mediteraneo.[b] 25 Walang makakapigil sa inyo. Ayon sa ipinangako ng Panginoon na inyong Dios sa inyo, loloobin niyang matakot ang mga tao sa inyo saanmang dako kayo pumunta sa lugar na iyon. 26 Makinig kayo! Pinapapili ko kayo ngayon sa pagpapala o sa sumpa. 27 Pagpapalain kayo kung susundin ninyo ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 28 Susumpain ko kayo kung hindi ninyo susundin ang mga utos na ito ng Panginoon na ibinibigay ko sa inyo ngayon, at sumamba sa ibang mga dios na hindi naman ninyo kilala. 29 Kapag dinala kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lupain na inyong titirhan at aangkinin, ipahayag ninyo ang mga pagpapala sa Bundok ng Gerizim at ang sumpa ay ipahayag ninyo sa Bundok ng Ebal. 30 Ang mga bundok na ito ay nasa kanluran ng Ilog ng Jordan, sa lupain ng mga Cananeo na naninirahan sa Lambak ng Jordan[c] malapit sa bayan ng Gilgal. Hindi ito malayo sa mga malalaking puno ng Moreh. 31 Tatawid na kayo sa Jordan para pasukin at angkinin ang lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Kapag nakuha na ninyo ito at doon na kayo naninirahan, 32 sundin ninyo ang lahat ng mga utos at tuntunin na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito.
Awit ng Pagpupuri sa Dios
95 Halikayo, magsiawit tayo nang may kagalakan!
Sumigaw tayo sa pagpupuri sa Panginoon na ating Bato na kanlungan at tagapagligtas.
2 Lumapit tayo sa kanya nang may pasasalamat,
at masaya nating isigaw ang mga awit ng papuri sa kanya.
3 Dahil ang Panginoon ay dakilang Dios.
Makapangyarihang hari sa lahat ng mga dios.
4 Siya ang may-ari ng kailaliman ng lupa at tuktok ng mga bundok.
5 Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain na kanyang ginawa.
6 Halikayo, lumuhod tayo at sumamba sa Panginoon na lumikha sa atin.
7 Dahil siya ang ating Dios
at tayo ang kanyang mga mamamayan na gaya ng mga tupa sa kanyang kawan na kanyang binabantayan at inaalagaan.
Kapag narinig ninyo ang tinig niya,
8 huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
katulad ng ginawa noon ng inyong mga ninuno doon sa Meriba at sa ilang ng Masa.
9 Sinabi ng Dios, “Sinubok nila ako doon, kahit na nakita nila ang mga ginawa ko.
10 Sa loob ng 40 taon, lubha akong nagalit sa kanila.
At sinabi kong silaʼy mga taong naligaw ng landas at hindi sumusunod sa aking mga itinuturo.
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”
Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)
96 Kayong mga tao sa buong mundo,
umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
2 Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
3 Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
4 Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
5 dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
6 Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
7 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat ng tao sa mundo.
Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
9 Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon!”
Matatag ang daigdig na kanyang nilikha at hindi ito matitinag.
Hahatulan niya ang mga tao ng walang kinikilingan.
11-12 Magalak ang kalangitan at mundo,
pati ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
Lahat ng mga puno sa gubat ay umawit sa tuwa
13 sa presensya ng Panginoon.
Dahil tiyak na darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo batay sa kanyang katuwiran at katotohanan.
Ang Sugo mula sa Babilonia
39 Nang panahong iyon, nabalitaan ng hari ng Babilonia na si Merodac Baladan na anak ni Baladan, na gumaling si Hezekia sa sakit nito. Kaya nagpadala siya ng sulat at mga regalo sa pamamagitan ng kanyang mga sugo. 2 Malugod na tinanggap ni Hezekia ang mga sugo, at ipinakita niya sa mga ito ang lahat ng mga bagay sa taguan ng kayamanan niya – ang mga pilak, ginto, sangkap, magagandang uri ng langis, mga armas at ang iba pa niyang kayamanan. Wala ni isang bagay sa palasyo o kaharian ang hindi niya ipinakita sa kanila.
3 Samantala, pumunta si Propeta Isaias kay Haring Hezekia at nagtanong, “Saan ba nanggaling ang mga taong iyan at ano ang kailangan nila?” Sumagot si Hezekia, “Pumunta sila rito na galing pa sa Babilonia.” 4 Nagtanong pa ang propeta, “Ano ang nakita nila sa palasyo mo?” Sumagot si Hezekia, “Nakita nila ang lahat ng bagay sa palasyo ko. Wala kahit isa sa mga kayamanan ko ang hindi ko ipinakita sa kanila.” 5 Pagkatapos, sinabi ni Isaias kay Hezekia, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon: 6 Darating ang panahon na dadalhin sa Babilonia ang lahat ng kayamanan sa palasyo mo, pati ang lahat ng naipon ng mga ninuno mo na nariyan pa hanggang ngayon. Walang matitira, sabi ng Panginoon. 7 At ang iba sa mga susunod na lahi mo ay bibihagin at magiging alipin sa palasyo ng hari ng Babilonia.” 8 Ang akala ni Hezekia ay hindi iyon mangyayari sa panahon niya, kundi magiging mapayapa at walang panganib ang kanyang buhay. Kaya sinabi niya kay Isaias, “Maganda ang mensahe ng Panginoon na sinabi mo sa akin.”
9 Nang patunugin ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta, nakita ko ang isang bituin mula sa langit na nahulog sa lupa. At ibinigay sa kanya ang susi sa pintuan ng kailaliman.[a] 2 At nang buksan niya ito, lumabas ang makapal na usok na parang galing sa malaking hurno. Kaya dumilim ang mundo dahil natakpan ng usok ang araw. 3 At mula sa usok, naglabasan ang mga balang at kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kapangyarihang manakit tulad ng alakdan. 4 Ngunit pinagbawalan silang maminsala ng mga damo o anumang halaman at puno, kundi ng mga tao lang na walang tatak ng Dios sa kanilang noo. 5 Pinagbawalan din silang patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lang sa loob ng limang buwan. Ang hapdi ng kagat nila ay katulad ng kagat ng alakdan. 6 Kaya sa loob ng limang buwan, mas gugustuhin pa ng mga tao na mamatay, ngunit hindi ito mangyayari kahit gustuhin man nila.
7 Ang mga balang ay parang mga kabayong nakahanda sa digmaan. May nakapatong sa mga ulo nila na parang koronang ginto. Ang mga mukha nila ay parang mukha ng tao. 8 Mahaba ang buhok nila tulad ng sa mga babae, at ang ngipin nila ay parang ngipin ng leon. 9 Ang dibdib nila ay natatakpan ng parang pananggalang na bakal at ang tunog ng pakpak nila ay parang ingay ng mga karwaheng hinihila ng mga kabayo na sumusugod sa labanan. 10 Ang buntot nilang tulad ng sa alakdan ay may kapangyarihang manakit sa mga tao sa loob ng limang buwan. 11 May haring namumuno sa kanila – ang anghel na nagbukas ng pintuan sa kailaliman. Ang pangalan niya sa wikang Hebreo ay Abadon, at Apolyon[b] naman sa wikang Griego.
12 Tapos na ang unang nakakatakot na pangyayari ngunit may dalawa pang darating.
13 Nang patunugin ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, narinig ko ang isang tinig mula sa mga sulok ng gintong altar na nasa harapan ng Dios. 14 Sinabi ng tinig sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Pakawalan mo na ang apat na anghel na nakagapos doon sa malaking ilog ng Eufrates!” 15 Kaya pinakawalan ang apat na anghel na iyon. Inihanda sila noon pa para sa oras na iyon upang patayin ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan. 16 Narinig ko na ang bilang ng mga hukbo nilang nakasakay sa kabayo ay 200,000,000. 17 At nakita ko sa pangitain ko ang mga kabayo at ang mga sakay nito. Ang mga nakasakay ay may mga pananggalang na pula na tulad ng apoy, asul na tulad ng sapiro at dilaw na tulad ng asupre. Ang ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon at sa bibig nila ay may lumalabas na apoy, usok at asupre. 18 At sa pamamagitan ng tatlong salot na ito – ang apoy, usok at asupre – namatay ang ikatlong bahagi ng mga tao. 19 Ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa bibig at buntot nila. Ang buntot nila ay may mga ulo na parang mga ahas, at ito ang ginagamit nila sa pananakit ng mga tao.
20 Ngunit ang mga tao na natitirang buhay ay ayaw pa ring tumalikod sa mga dios-diosang ginawa nila. Patuloy pa rin sila sa pagsamba sa masasamang espiritu at mga rebultong yari sa ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy. Ang mga rebultong ito ay hindi nakakakita, hindi nakakarinig, at hindi nakakalakad. 21 Hindi rin sila nagsisi sa kanilang pagpatay, pangkukulam, sekswal na imoralidad at pagnanakaw.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®