Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 7

Ang Piniling Mamamayan ng Dios(A)

“Kapag dinala na kayo ng Panginoon na inyong Dios doon sa lupain na inyong titirhan at aangkinin, itataboy niya sa harapan ninyo ang pitong bansa na mas malaki at mas makapangyarihan pa kaysa sa inyo: ang mga Heteo, Gergaseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. Kapag ibinigay na sila ng Panginoon sa inyo at natalo ninyo sila, lipulin ninyo sila ng lubusan bilang handog sa Panginoon. Huwag kayong gagawa ng kasunduan o magpapakita ng awa sa kanila. Huwag kayong magpapakasal sa kanila, at huwag din ninyong papayagan ang mga anak ninyo na maikasal sa kanila. Sapagkat ilalayo nila sa Panginoon ang inyong mga anak para paglingkuran ang ibang mga dios. At kapag nangyari ito, ipapalasap ng Panginoon ang galit niya sa inyo at agad kayong malilipol. Sa halip, ito ang gawin ninyo: Gibain ninyo ang mga altar nila, durugin ang mga alaalang bato nila, putulin ang kanilang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at sunugin ninyo ang mga dios-diosan nila. Sapagkat ibinukod kayo ng Panginoon na inyong Dios. Sa lahat ng mga tao, kayo ang pinili ng Panginoon na inyong Dios na maging espesyal niyang mamamayan.

“Pinili kayo ng Panginoon at minahal, hindi dahil mas marami kayo sa ibang mga mamamayan, dahil kayo pa nga ang pinakakaunti sa lahat. Pinili niya kayo dahil sa pag-ibig niya sa inyo at tinutupad niya ang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno. Iyan ang dahilan na inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, at pinalaya sa pagkaalipin sa Faraon na hari ng Egipto. Isipin ninyo na ang Panginoon na inyong Dios ay iisang Dios. Matapat siya at tinutupad niya ang kanyang kasunduan hanggang sa mga salinlahi ng mga nagmamahal sa kanya at sumusunod sa kanyang mga utos. 10 Ngunit hindi siya magdadalawang-isip na ibagsak ang mga napopoot sa kanya.

Ang Gantimpala sa Katapatan(B)

11 “Kaya sundin ninyong mabuti ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo sa araw na ito. 12 Kung tutuparin at susundin ninyong mabuti ang mga utos, tutuparin ng Panginoon na inyong Dios ang kanyang kasunduan na mamahalin[a] niya kayo, gaya ng ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 13 Mamahalin niya kayo, pagpapalain at padadamihin. Bibigyan niya kayo ng maraming anak at pagpapalain ang mga pananim sa inyong lupa: ang inyong mga trigo, bagong katas ng ubas at langis. At padadamihin niya ang inyong mga hayop doon sa lupaing ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno at sa inyo. 14 Pagpapalain niya kayo ng higit pa sa sinumang mga mamamayan sa mundo. Walang lalaki o babae sa inyo na magiging baog, ganoon din sa inyong mga hayop. 15 Poprotektahan kayo ng Panginoon sa lahat ng karamdaman. Hindi niya kayo padadalhan ng nakapangingilabot na mga karamdaman na nakita ninyo sa Egipto, pero ipapadala niya ito sa lahat ng mga napopoot sa inyo. 16 Dapat ninyong patayin ang lahat ng tao na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Huwag ninyo silang kaaawaan, at huwag kayong maglilingkod sa kanilang mga dios dahil magiging bitag ito para sa inyo.

17 “Baka sabihin ninyo sa inyong mga sarili, ‘Mas makapangyarihan pa ang bansang ito kaysa sa atin. Paano ba natin sila maitataboy?’ 18 Pero huwag kayong matatakot sa kanila, kundi alalahanin ninyong mabuti kung ano ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa Faraon at sa lahat ng Egipcio. 19 Nakita ninyo ang mga pagsubok, mga himala at kamangha-manghang bagay, at ang dakilang kapangyarihang ipinakita ng Panginoon na inyong Dios nang ilabas niya kayo. Katulad din nito ang gagawin ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng taong kinatatakutan ninyo. 20 At ngayon, padadalhan sila ng Panginoon na inyong Dios ng mga putakti hanggang sa malipol kahit pa ang mga natitirang nagtatago. 21 Huwag kayong matakot sa kanila dahil kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios; ang makapangyarihan at kamangha-manghang Dios. 22 Unti-unting palalayasin ng Panginoon na inyong Dios sa inyong harapan ang mga bansang iyon. Huwag ninyo silang paalisin agad, dahil kung gagawin ninyo iyon, dadami ang mababangis na hayop. 23 Pero ibibigay sila ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Magkakagulo sila hanggang sa malipol silang lahat. 24 Ibibigay niya sa inyo ang kanilang mga hari. Papatayin ninyo sila, at hindi na sila maaalala pa. Wala ni isa man sa kanila na makakatalo sa inyo, at papatayin ninyo silang lahat. 25 Sunugin ninyo ang mga imahen na dios-diosan nila, at huwag ninyong hahangarin ang mga ginto at pilak nito. Huwag na huwag ninyo itong kukunin dahil magiging bitag ito sa inyo, at kasuklam-suklam ito sa Panginoon na inyong Dios. 26 Huwag kayong magdadala sa mga bahay ninyo ng anumang kasuklam-suklam na bagay, para hindi kayo malipol kasama ng mga bagay na iyon. Kamuhian ninyo ito, dahil itong mga bagay ay dapat wasakin ng lubusan.

Salmo 90

Ang Dios at ang Tao

90 Panginoon, kayo ang aming tahanan mula pa noon.
Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok at ang mundo, kayo ay Dios na,
    at kayo pa rin ang Dios hanggang sa katapusan.
Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay ang isang tao.
    Ibinabalik nʼyo siya sa lupa dahil sa lupa siya nagmula.
Ang 1,000 taon sa amin ay parang isang araw lang na lumipas sa inyo, o parang ilang oras lang sa gabi.
Winawakasan nʼyo ang aming buhay na parang isang panaginip na biglang nawawala,
o para ding damong tumutubo at lumalago sa umaga, ngunit kinahapunaʼy natutuyo at nalalanta.
Dahil sa inyong galit kami ay natutupok.
    Sa tindi ng inyong poot kami ay natatakot.
Nakikita nʼyo ang aming mga kasalanan,
    kahit na ang mga kasalanang lihim naming ginawa ay alam ninyo.
Totoong sa galit nʼyo kami ay mamamatay;
    matatapos ang aming buhay sa isang buntong hininga lang.
10 Ang buhay namin ay hanggang 70 taon lang, o kung malakas pa ay aabot ng 80 taon.
    Ngunit kahit ang aming pinakamagandang mga taon ay puno ng paghihirap at kaguluhan.
    Talagang hindi magtatagal ang buhay namin at kami ay mawawala.
11 Walang lubos na nakakaunawa ng inyong matinding galit.
    Matindi nga kayong magalit, kaya nararapat kayong katakutan.
12 Ipaunawa nʼyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang,
    upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
    Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
    upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
    na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.

Isaias 35

Ang Kaligayahan ng mga Iniligtas

35 Ang disyerto ay matutuwa na parang tao. Mamumulaklak ang mga halaman dito. Aawit at sisigaw ito sa tuwa, at mamumukadkad ang maraming bulaklak nito. Magiging maganda ito katulad ng Bundok ng Lebanon, at mamumunga ito nang sagana katulad ng kapatagan ng Carmel at Sharon. At mahahayag dito ang kapangyarihan at kadakilaan ng Panginoon na ating Dios.

Kaya palakasin ninyo ang mga nanghihina. Sabihin ninyo sa mga natatakot, “Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob. Darating ang inyong Dios para maghiganti sa inyong mga kaaway, at ililigtas niya kayo.” At kapag nangyari na ito, makakakita na ang mga bulag at makakarinig na ang mga bingi. Lulundag na parang usa ang mga pilay at sisigaw sa tuwa ang mga pipi. Aagos ang tubig sa disyerto at dadaloy ang tubig sa mga sapa sa ilang. Ang mainit na buhanginan ay magiging tubigan. At sa tigang na lupain ay bubukal ang tubig. Tutubo ang sari-saring damo sa lugar na tinitirhan noon ng mga asong-gubat.[a] Magkakaroon ng maluwang na lansangan sa ilang at iyon ay tatawaging, “Banal na Lansangan.” Walang makasalanan o hangal na makararaan doon, kundi ang mga sumusunod lamang sa pamamaraan ng Panginoon. Walang leon o anumang mababangis na hayop na makakaraan doon kundi ang mga tinubos[b] lamang ng Panginoon. 10 Babalik sila sa Zion na umaawit. Mawawala na ang kanilang kalungkutan at pagdadalamhati, at mapapalitan na ng walang hanggang kaligayahan.

Pahayag 5

Ang Kasulatan at ang Tupa

Pagkatapos nito, nakita ko ang nakarolyong kasulatan na hawak-hawak ng nakaupo sa trono sa kanang kamay niya. May nakasulat sa magkabilang panig nito, at may pitong selyo[a] para hindi mabuksan. At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na sumisigaw, “Sino ang karapat-dapat na magtanggal ng mga selyo at nang mabuksan ang kasulatang ito?” Pero walang isa man sa langit, sa lupa o sa ilalim ng lupa na makapagbukas ng kasulatan upang mabasa ang nakasulat doon. Umiyak ako nang labis dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at bumasa ng kasulatang iyon. Sinabi sa akin ng isa sa mga namumuno, “Huwag kang umiyak dahil si Jesus na tinaguriang Leon mula sa lahi ni Juda, ang anak ni David ay nagtagumpay at karapat-dapat siyang magtanggal ng pitong selyo upang mabuksan ang kasulatan.”

Pagkatapos, nakita ko ang isang Tupa[b] na mukhang pinatay, pero nakatayo na sa pagitan ng mga namumuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buhay na nilalang. Mayroon itong pitong sungay at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Dios[c] na isinugo sa lahat ng lugar sa mundo. Lumapit ang Tupa sa trono at kinuha niya ang kasulatan sa kanang kamay ng nakaupo roon. Nang kunin niya iyon, lumuhod sa harap ng Tupa ang apat na buhay na nilalang at ang 24 na namumuno at sumamba sa kanya. Ang bawat isa sa kanila ay may hawak na gintong sisidlan na puno ng insenso, na siyang panalangin ng mga pinabanal.[d] May alpa[e] rin silang tinutugtog, at umaawit sila ng bagong awit na ito:

    “Kayo po ang karapat-dapat na kumuha ng kasulatan at magtanggal ng mga selyo nito,
    dahil kayo ay pinatay, at sa pamamagitan ng inyong dugo ay tinubos nʼyo ang mga tao para sa Dios.
    Ang mga taong ito ay mula sa bawat angkan, wika, lahi, at bansa.
10 Ginawa nʼyo silang mga hari at mga pari upang maglingkod sa ating Dios.
    At maghahari sila sa mundo.”

11 Nakita ko at narinig ang tinig ng libu-libo at milyon-milyong mga anghel na nakapaligid sa trono, sa apat na buhay na nilalang at sa 24 na namumuno. 12 Umaawit sila nang malakas:

    “Ang Tupang pinatay ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian at kapurihan!”

13 At narinig ko ang lahat ng nilalang sa langit, sa lupa, sa ilalim ng lupa, at sa dagat na umaawit:

    “Ibigay sa nakaupo sa trono at sa Tupa ang kapurihan, kaluwalhatian, karangalan at kapangyarihan magpakailanman!”

14 Sumagot ang apat na buhay na nilalang, “Amen!” At lumuhod ang mga namumuno at sumamba.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®