M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Paglalakbay sa Ilang
2 “At nagsibalik tayo at pumunta sa ilang papunta sa Dagat na Pula, ayon sa iniutos ng Panginoon sa akin. At sa matagal na panahon, nagpaikot-ikot tayo sa kaburulan ng Seir. 2 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, 3 ‘Matagal na kayong nagpapaikot-ikot sa kaburulang ito. Ngayon, dumiretso kayo sa hilaga. 4 Sabihin mo sa mga tao: Dadaan kayo sa teritoryo ng inyong kamag-anak na mga lahi ni Esau, na naninirahan sa Seir. Matatakot sila sa inyo, pero mag-ingat kayo sa kanila. 5 Huwag nʼyo silang pakikialaman, dahil ibinigay ko na sa kanila ang mga kaburulan ng Seir bilang kanilang lupain, at ni kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo. 6 Babayaran ninyo ng pilak ang pagkain at inuming manggagaling sa kanila.’ 7 Alalahanin ninyo kung paano ko kayo pinagpala sa lahat ng ginawa ninyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios ay nagbabantay sa inyo sa paglalakbay sa malawak na ilang na ito. Sa loob ng 40 taon, sinamahan ko kayo, at hindi kayo kinulang ng mga bagay na kailangan ninyo.
8 “Kaya dumaan tayo sa mga kadugo na lahi ni Esau, na naninirahan sa Seir. Hindi tayo dumaan sa daan ng Araba,[a] na nanggagaling sa mga bayan ng Elat at Ezion Geber. Nang naglalakbay na tayo sa daan sa ilang ng Moab, 9 sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag ninyong guguluhin o lulusubin ang mga Moabita na lahi ni Lot, dahil ibinigay ko sa kanila ang Ar bilang lupain nila, at ni kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo.’ ”
10 (Noong una, naninirahan sa Ar ang marami at malalakas na tao na tinatawag na Emita. Silaʼy matatangkad katulad ng mga angkan ni Anak. 11 Tinatawag din silang Refaimeo, katulad ng mga angkan ni Anak, pero tinatawag silang Emita ng mga Moabita. 12 Sa Seir dati nakatira ang mga Horeo, pero pinalayas sila ng mga lahi ni Esau, at sila na ang nanirahan doon, katulad ng ginawa ng mga Israelita sa mga Cananeo sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.)
13 Sinabi pa ni Moises, “Pagkatapos, inutos ng Panginoon na tumawid tayo sa Lambak ng Zered, kaya tumawid tayo. 14 Itoʼy pagkalipas ng 38 taon mula noong umalis tayo sa Kadesh Barnea. Nang mga panahong iyon, nangamatay ang mga sundalong Israelita sa henerasyong iyon, ayon sa isinumpa ng Panginoon sa kanila. 15 Pinarusahan sila ng Panginoon hanggang sa mamatay silang lahat sa kampo.
16 “Nang patay na ang lahat ng sundalo, 17 sinabi sa akin ng Panginoon, 18 ‘Sa araw na ito, tumawid kayo sa hangganan ng Moab sa Ar. 19 Kapag nakarating na kayo sa mga Ammonita, na mga lahi ni Lot, huwag ninyo silang guguluhin o lulusubin dahil ibinigay ko sa kanila ang lupaing iyon, at hindi ko kayo bibigyan kahit na maliit na bahagi nito.’
20 “Ang lupaing iyon ay kilala rin noong una na lupain ng mga Refaimeo, pero tinawag silang Zamzumeo ng mga Ammonita. 21 Napakarami nila at napakalalakas, at matatangkad katulad ng mga angkan ni Anak. 22 Ito rin ang ginawa ng Panginoon sa mga lahi ni Esau na nakatira sa Seir; pinagpapatay niya ang mga Horeo para makapanirahan ang mga lahi ni Esau sa kanilang lupain. Hanggang ngayon, naninirahan pa rin sila sa lupaing iyon. 23 Ito rin ang nangyari nang sinalakay ng taga-Caftor[b] ang mga taga-Avim na naninirahan sa mga baryo ng Gaza. Nilipol nila ang mga taga-Avim at tinirhan ang lupain ng mga ito.
24 “Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, ‘Ngayon, tumawid na kayo sa Lambak ng Arnon. Ibinibigay ko sa inyo ang Amoreong si Haring Sihon ng Heshbon, at ang kanyang lupain. Salakayin ninyo siya at angkinin ang kanyang lupain. 25 Mula ngayon, loloobin kong matakot sa inyo ang lahat ng bansa sa buong mundo. Manginginig sa takot ang makakarinig ng tungkol sa inyo.’
Natalo ang Hari ng Heshbon na si Sihon(A)
26 “Kaya noong naroon tayo sa ilang ng Kedemot, nagsugo ako ng mga mensahero kay Haring Sihon ng Heshbon upang sabihin sa kanya ang mensahe para sa ikabubuti ng aming relasyon. Sinabi ko, 27 ‘Kung maaari, payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain. Sa pangunahing daan lang kami dadaan, hindi kami lilihis ng daan. 28 Babayaran namin ang aming makakain at maiinom. Ang pakiusap lang namin sa inyo, payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain 29 katulad ng ginawa ng mga lahi ni Esau na naninirahan sa Seir at ng mga Moabita na naninirahan sa Ar. Payagan nʼyo kaming dumaan hanggang sa makatawid kami sa Ilog ng Jordan papunta sa lupaing ibinibigay sa amin ng Panginoon naming Dios.’ 30 Pero hindi pumayag si Haring Sihon ng Heshbon na padaanin tayo dahil pinatigas ng Panginoon na inyong Dios ang kanyang puso para ibigay niya siya sa ating mga kamay, kagaya ng ginawa niya ngayon.
31 “Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Sinimulan ko nang ibigay sa inyo si Sihon at ang kanyang lupain; kaya simulan na ninyo ang pagsalakay at pagsakop sa kanyang lupain.’
32 “Nang nakikipaglaban si Sihon at ang kanyang mga sundalo[c] sa atin doon sa Jahaz, 33 ibinigay siya ng Panginoon na ating Dios sa atin at pinatay natin siya, pati ang mga anak niya at ang lahat ng sundalo niya. 34 Nang panahong iyon, sinakop natin ang lahat ng kanyang bayan at nilipol sila ng lubusan[d] – mga lalaki, babae at mga bata. Wala tayong itinirang buhay. 35 Dinala natin ang kanilang mga hayop at mga ari-arian na ating nasamsam mula sa kanilang mga bayan.
36 “Tinulungan tayo ng Panginoon na ating Dios sa pag-agaw ng Aroer ang lugar sa tabi ng Lambak ng Arnon at sa mga bayan sa paligid ng lambak na ito, at ng mga lugar hanggang sa Gilead. Walang bayan na matibay ang mga pader na hindi natin kayang pasukin. 37 Pero ayon sa iniutos sa atin ng Panginoon na ating Dios, hindi tayo lumapit sa kahit aling lupain ng mga Ammonita, kahit sa Lambak ng Jabok o sa mga bayan sa palibot ng mga kaburulan.”
Ang Masasamang Bansa
83 O Dios, huwag kayong manahimik.
Kumilos po kayo!
2 Masdan ang inyong mga kaaway,
maingay silang sumasalakay at ipinagyayabang na mananalo sila.
3 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyong mga mamamayan na inyong kinakalinga.
4 Sinabi nila, “Halikayo, wasakin natin ang bansang Israel upang makalimutan na siya magpakailanman.”
5 At nagkasundo sila sa masamang plano nila.
Gumawa sila ng kasunduan laban sa inyo.
6 Sila ay mga taga-Edom, mga Ishmaelita, mga taga-Moab, mga Hagreo,
7 mga taga-Gebal, taga-Ammon, taga-Amalek, mga taga-Filistia at mga taga-Tyre.
8 Kumampi rin sa kanila ang Asiria, isang bansang malakas na kakampi ng lahi ni Lot.[a]
9 Talunin nʼyo sila Panginoon,
katulad ng ginawa nʼyo sa mga Midianita at kina Sisera at Jabin doon sa Lambak ng Kishon.
10 Namatay sila sa Endor at ang mga bangkay nilaʼy nabulok at naging pataba sa lupa.
11 Patayin nʼyo ang mga pinuno nila katulad ng ginawa ninyo kina Oreb at Zeeb at kina Zeba at Zalmuna.
12 Sinabi nila, “Agawin natin ang lupain ng Dios.”
13 O Dios ko, ikalat nʼyo sila na parang alikabok o ipa na nililipad ng hangin.
14-15 Tulad ng apoy na tumutupok sa mga puno sa kagubatan at kabundukan,
habulin nʼyo sila ng inyong bagyo at takutin ng malalakas na hangin.
16 Hiyain nʼyo sila Panginoon hanggang sa matuto silang lumapit sa inyo.
17 Sana nga ay mapahiya at matakot sila habang buhay.
Mamatay sana sila sa kahihiyan.
18 Para malaman nilang kayo, Panginoon, ang tanging Kataas-taasang Dios sa buong mundo.
Pananabik sa Templo ng Dios
84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
2 Gustong-gusto kong pumunta roon!
Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
O Dios na buhay.
3 Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
4 Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
5 Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
at nananabik na makapunta sa inyong templo.
6 Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[b]
iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
7 Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[c]
8 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
9 Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[d] namin,
ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[e]
O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.
Walang Kabuluhan ang Pakikipagkasundo ng Juda sa Egipto
30 Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang aking mga anak na suwail. Gumagawa sila ng mga plano na hindi naaayon sa kalooban ko. Nakikipagkasundo sila na hindi ko pinapayagan. Kaya lalo lang nadadagdagan ang kanilang kasalanan. 2 Pumunta sila sa Egipto para humingi ng proteksyon sa hari, na hindi man lang sumangguni sa akin. 3 Pero mabibigo lamang sila sa hinihingi nilang proteksyon sa Faraon. 4 Sapagkat kahit na namumuno ang Faraon hanggang sa Zoan at Hanes, 5 mapapahiya lang ang Juda dahil wala namang maitutulong ang mga taga-Egipto sa kanila kundi kabiguan at kahihiyan.”
6 Ito ang pahayag ng Dios tungkol sa mga hayop sa Negev: Nilakbay ng mga taga-Juda ang ilang na mahirap lakbayin kung saan may mga leon, at may mga makamandag na ahas na ang ibaʼy parang lumilipad. Ikinakarga nila ang kanilang mga kayamanan sa mga asno at mga kamelyo, para iregalo sa bansang hindi man lang makatulong sa kanila. 7 Ang bansang iyon ay ang Egipto, na ang tulong ay walang silbi. Kaya tinatawag ko itong “Dragon[a] na Inutil.”
8 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Halika, isulat mo sa aklat ang paratang ko laban sa mga taga-Israel, para lagi itong magsilbing patunay ng kasamaan nila sa darating na panahon. 9 Sapagkat mga rebelde sila, sinungaling, at ayaw makinig sa mga aral ko. 10 Sinabi nila sa mga propeta, ‘Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tungkol sa mga pahayag ng Dios sa inyo. Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tama. Sabihin nʼyo sa amin ang mga bagay na makapagpapasaya sa amin at mga pangitain na hindi mangyayari. 11 Umalis kayo sa aming dinadaanan, huwag ninyo kaming harangan. Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tungkol sa Banal na Dios ng Israel.’ ”
12 Kaya sinabi ng Banal na Dios ng Israel, “Dahil sa itinakwil ninyo ang aking mensahe at nagtiwala kayo sa pang-aapi at pandaraya, 13 bigla kayong malilipol. Ang inyong mga kasalanan ay katulad ng bitak na biglang wawasak ng mataas na pader. 14 Madudurog kayo na parang palayok, na sa lakas ng pagbagsak ay wala man lang kahit kapirasong mapaglagyan ng baga o maipansalok ng tubig.”
15 Sinabi pa ng Panginoong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, “Magbalik-loob kayo sa akin at pumanatag, dahil ililigtas ko kayo. Huwag kayong mabahala kundi magtiwala sa akin, dahil palalakasin ko kayo. Pero tumanggi kayo 16 at sinabi ninyo, ‘Makakatakas kami sa aming mga kaaway, dahil mabibilis ang aming mga kabayo.’ Oo nga, makakatakas kayo pero mas mabibilis ang mga hahabol sa inyo. 17 Sa banta ng isa, 1,000 sundalo ang makakatakas sa inyo. Sa banta ng lima, makakatakas kayong lahat. Matutulad kayo sa nakatayong bandila na nag-iisa sa tuktok ng bundok.”
18 Pero naghihintay ang Panginoon na kayoʼy lumapit sa kanya para kaawaan niya. Nakahanda siyang ipadama sa inyo ang kanyang pagmamalasakit. Sapagkat ang Panginoon ay Dios na makatarungan, at mapalad ang nagtitiwala sa kanya.
19 Kayong mga taga-Zion, na mga mamamayan ng Jerusalem, hindi na kayo muling iiyak! Kaaawaan kayo ng Panginoon kung hihingi kayo ng tulong sa kanya. Kapag narinig niya ang inyong panalangin, sasagutin niya kayo. 20 Para kayong pinakain at pinainom ng Panginoon ng kapighatian at paghihirap. Pero kahit na ginawa niya ito sa inyo, siya na guro ninyo ay hindi magtatago sa inyo. Makikita ninyo siya, 21 at maririnig ninyo ang kanyang tinig na magtuturo sa inyo ng tamang daan, saan man kayo naroroon. 22 Ituring na ninyong marumi ang inyong mga dios-diosang gawa sa pilak at ginto. Itapon nʼyo na parang napakaruming basahan at sabihin, “Ayaw ko nang makita kayo!”
23 Bibigyan kayo ng Panginoon ng ulan sa panahon ng pagtatanim, at magiging sagana ang inyong ani. At ang inyong mga hayop ay manginginain sa malawak na pastulan. 24 Ang mga baka ninyo at asnong pang-araro ay kakain ng pinakamainam na pagkain ng hayop. 25 Sa mga araw na iyon na papatayin ang inyong mga kaaway at wawasakin ang kanilang mga muog, dadaloy ang tubig mula sa bawat matataas na bundok. 26 Liliwanag ang buwan na parang araw. Ang araw naman ay magliliwanag ng pitong ibayo, na parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama sa iisang araw. Mangyayari ito sa araw na gagamutin at pagagalingin ng Panginoon ang sugat ng mga mamamayan niya.
27 Makinig kayo! Dumarating ang Panginoon mula sa malayo. Nag-aapoy siya sa galit at nasa gitna ng usok. Ang mga labi niyang nanginginig sa galit ay parang nagliliyab na apoy. 28 Ang kanyang hininga ay parang malakas na agos na umaabot hanggang leeg. Nililipol niya ang mga bansa na parang sinasalang trigo. Para silang mga hayop na nilagyan ng bokado at hinila. 29 Pero kayong mga mamamayan ng Dios ay aawit, katulad ng ginagawa ninyo sa gabi ng pista ng pagpaparangal sa Panginoon. Magagalak kayo katulad ng taong nagmamartsa sa tunog ng plauta habang naglalakad patungo sa Bundok ng Panginoon para sambahin siya, ang Bato na kanlungan ng Israel. 30 Ipaparinig ng Panginoon ang nakakapangilabot niyang tinig. At ipapakita niya ang kanyang kamay na handa nang magparusa sa tindi ng kanyang galit. Sasabayan ito ng nagliliyab na apoy, biglang pagbuhos ng ulan, pagkulog at pagkidlat, at pag-ulan ng yelo na parang mga bato. 31 Tiyak na matatakot ang mga taga-Asiria kapag narinig nila ang tinig ng Panginoon na magpaparusa sa kanila. 32 Lulusubin niya sila. At sa bawat hampas ng Panginoon sa kanila, sasabay ito sa tunog ng tamburin at alpa. 33 Matagal nang nakahanda ang lugar na pagsusunugan sa hari ng Asiria. Maluwang ito at malalim, at handa na ang napakaraming panggatong. Ang hininga ng Panginoon na parang nagniningas na asupre ang magpapaningas ng mga panggatong.
1 Mula kay Judas na alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago.
Mahal kong mga pinili ng Dios Ama na maging kanya, na minamahal niya at iniingatan ni Jesu-Cristo:
2 Sumainyo nawa ang higit pang awa, kapayapaan, at pag-ibig mula sa Dios.
Mga Huwad at Sinungaling na Guro
3 Mga minamahal, gustong-gusto ko sanang sumulat sa inyo tungkol sa kaligtasang natanggap natin, pero naisip ko na mas kailangan ko ngayong sumulat tungkol sa mga bagay na magpapalakas ng inyong loob upang manindigan sa mga aral ng ating pananampalataya. Ang mga aral na ito ay ipinagkatiwala ng Dios sa mga pinabanal[a] niya, at hindi dapat baguhin. 4 Sumulat ako sa inyo dahil hindi ninyo namalayan na napasok kayo ng ilang mga tao na pinipilit baguhin ang mga aral tungkol sa biyaya ng Dios upang makagawa ng kalaswaan. Tinalikuran nila ang ating Panginoong Jesu-Cristo na nagmamay-ari ng ating buhay. Silaʼy mga taong walang Dios na noon pa man ay nakatakda nang parusahan ayon sa Kasulatan.
5 Kahit alam nʼyo na, gusto ko pa ring ipaalala sa inyo na kahit iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Egipto, sa bandang huli ay pinatay niya ang ilan sa kanila dahil hindi sila sumampalataya sa kanya. 6 Alalahanin nʼyo rin ang mga anghel na hindi nanatili sa dati nilang kalagayan kundi iniwan ang kanilang lugar. Ginapos ng Dios ang mga iyon ng mga kadenang hindi mapuputol, at ikinulong sa napakadilim na lugar hanggang sa araw na hahatulan sila. 7 At alalahanin nʼyo rin ang nangyari sa Sodom at Gomora at sa mga kalapit na bayan nila. Katulad ng mga anghel na iyon, gumawa sila ng lahat ng uri ng kalaswaan, pati na ng kahalayan sa hindi nila kauri. Pinarusahan sila sa walang hanggang apoy bilang babala sa lahat.
8 Ganyan din ang mga taong nakapasok sa inyo nang hindi ninyo namalayan. May mga pangitain sila na nag-uudyok sa kanila na gumawa ng kahalayan sa sarili nilang katawan. At dahil din sa mga pangitaing iyon, ayaw nilang magpasakop sa kapangyarihan ng Panginoon, at nilalait nila ang mga makapangyarihang nilalang. 9 Kahit na si Micael na pinuno ng mga anghel ay hindi nanlait ng ganoon. Sapagkat nang makipagtalo siya sa diyablo kung sino sa kanila ang kukuha ng bangkay ni Moises, hindi siya nangahas umakusa nang may panlalait. Sa halip, sinabi lang niya, “Sawayin ka ng Panginoon!” 10 Pero ang mga taong itoʼy nanlalait sa mga bagay na hindi nila naiintindihan. Tulad ng mga hayop na hindi iniisip ang kanilang ginagawa, wala silang ibang sinusunod kundi ang likas na damdamin nila na siyang nagdadala sa kanila sa kapahamakan. 11 Nakakaawa ang sasapitin ng mga taong ito dahil sinunod nila ang ginawa ni Cain. Tinularan din nila si Balaam, dahil kahit alam nilang mali ang ginagawa nila, patuloy pa rin nila itong ginagawa dahil nasilaw sila sa salapi. At tulad din ni Kora, naghihimagsik sila laban sa Dios, kaya sila ay parurusahan ding tulad niya. 12 Ang mga taong itoʼy nakakasira[b] sa pagsasalo-salo ninyo bilang magkakapatid sa Panginoon. Ang tanging habol nila ay kumain at uminom, at hindi sila nahihiya sa ginagawa nila. Wala silang iniisip kundi ang kanilang sarili. Para silang mga ulap na tinatangay ng hangin pero wala namang dalang ulan. Para rin silang mga punongkahoy na walang bunga sa kapanahunan nito, binunot pati ang ugat at talagang patay na. 13 At kung paanong nakikita ang bula ng malalakas na alon sa dagat, nakikita rin ang mga gawa nilang kahiya-hiya. Para rin silang mga ligaw na bituin. Itinakda sila ng Dios para sa napakadilim na lugar, at mananatili sila roon magpakailanman.
14 Si Enoc, na kabilang sa ikapitong henerasyon mula kay Adan ay may propesiya tungkol sa kanila. Sinabi niya, “Makinig kayo, darating ang Panginoon na kasama ang libu-libo niyang mga anghel 15 para hatulan ang lahat at parusahan ang mga hindi kumikilala sa Dios dahil sa masasama nilang gawa at masasakit na pananalita laban sa kanya.” 16 Ang mga taong ito na sumasalungat sa katotohanan ay mareklamo, mapagpuna, at ang tanging sinusunod ay ang masasamang hangarin nila. Mayabang sila sa kanilang pananalita, at nililinlang nila ang mga tao para makuha ang gusto nila.
Mga Payo at Babala
17 Ngunit lagi ninyong tandaan, mga minamahal, ang sinabi ng mga apostol ni Jesu-Cristo na ating Panginoon. 18 Sinabi nila, “Sa mga huling araw, darating ang mga taong mapanlait na ang tanging sinusunod ay ang masasama nilang hangarin.” 19 Sila ang mga taong gumagawa ng paraan upang masira ang pagkakaisa ninyo. Makamundo sila, at wala sa kanila ang Banal na Espiritu. 20 Ngunit mga minamahal, magpakatatag kayo sa inyong banal na pananampalataya. Lagi kayong manalangin sa tulong ng Banal na Espiritu. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Dios, habang hinihintay ninyo ang buhay na walang hanggan na ibibigay ng ating Panginoong Jesu-Cristo dahil sa awa niya sa atin. 22 Maawa kayo sa mga nag-aalinlangan. 23 Tulungan ninyo ang iba na maligtas sa kaparusahan, na para bang nagliligtas kayo ng isang bagay na masusunog na. Maawa kayo kahit sa mga taong napakasama, pero mag-ingat kayo sa masasama nilang gawa. Kasuklaman ninyo kahit na ang damit nilang nadumihan ng kasamaan nila.
Papuri at Pasasalamat sa Dios
24 At ngayon, purihin natin ang Dios – siya na makakapag-ingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagdala sa inyo sa kanyang harapan nang walang kapintasan at may lubos na kagalakan. 25 Siya lang ang Dios at ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapurihan, karangalan, kadakilaan at kapangyarihan, mula pa noong una, hanggang ngayon, at magpakailanman. Amen.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®