Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 1

Iniutos ng Panginoon sa mga Israelita na Umalis sa Bundok ng Sinai

Ang aklat na ito ay tungkol sa mga mensahe na sinabi ni Moises sa lahat ng Israelita noong naroon pa sila sa ilang, sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nagkakampo sila sa Kapatagan ng Jordan[a] malapit sa Suf, sa gitna ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Dizahab. (Mga 11 araw na paglalakbay mula sa Bundok ng Sinai[b] papunta sa Kadesh Barnea kung dadaan sa Bundok ng Seir.) Nang unang araw ng ika-11 buwan, sa ika-40 taon, mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto, sinabi sa kanila ni Moises ang lahat ng iniutos ng Panginoon na sabihin sa kanila. Nangyari ito matapos matalo ni Moises[c] si Sihon na hari ng mga Amoreo, na nakatira sa Heshbon, at si Haring Og ng Bashan na nakatira sa Ashtarot at Edrei. Kaya sinabi nga sa kanila ni Moises ang mga kautusan ng Panginoon doon sa silangan ng Jordan, sa teritoryo ng Moab. Sinabi niya, “Noong naroon tayo sa Horeb, sinabi sa atin ng Panginoon na ating Dios, ‘Matagal na kayong naninirahan sa bundok na ito, kaya umalis na kayo. Pumunta kayo sa kaburulan ng mga Amoreo at sa mga lugar sa palibot nito – sa Kapatagan ng Jordan, sa kabundukan, sa kaburulan sa kanluran,[d] sa Negev, at sa mga lugar sa tabing-dagat. Pumunta kayo sa lupain ng Canaan at sa Lebanon, hanggang sa malaking Ilog ng Eufrates. Ibinibigay ko ang mga lupaing ito sa inyo. Lumakad na kayo at angkinin ang mga lugar na ito na ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob, at sa kanilang salinlahi.’ ”

Humirang si Moises ng mga Pinuno sa Bawat Lahi(A)

“Nang panahong iyon, sinabi ko sa inyo, ‘Hindi ko kayo kayang pamunuan nang mag-isa. 10 Pinarami kayo ng Panginoon na inyong Dios. At ngayon, kasindami na kayo ng mga bituin sa langit. 11 Nawaʼy ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno, ang lalo pang magparami sa inyo ng ilang libong beses at pagpalain niya kayo ayon sa kanyang ipinangako. 12 Pero paano ko aayusing mag-isa ang inyong mga away at problema? 13 Kaya pumili kayo sa bawat lahi ninyo ng mga taong marunong, maunawain at iginagalang, at pamamahalain ko sila sa inyo.’

14 “Sumang-ayon kayo na mabuti ang aking plano. 15 Kaya pinamahala ko sa inyo, bilang mga hukom at mga opisyal, ang mga taong marunong at iginagalang na mula sa inyong lahi. Ang ibaʼy responsable sa 1,000 tao, ang ibaʼy sa 100, ang ibaʼy sa 50, at ang ibaʼy sa 10. 16 Nang panahong iyon, iniutos ko sa inyong mga hukom, ‘Ayusin ninyo ang kaso ng mga tao, at humatol nang makatarungan, hindi lang sa mga Israelita kundi pati na rin sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 17 Wala dapat kayong papanigan sa inyong paghatol; parehas ninyong pakinggan ang mga mahihirap at mayayaman. Huwag kayong matatakot kahit kanino, dahil galing sa Dios ang mga desisyong ginagawa ninyo. Kung mahirap para sa inyo ang kaso, dalhin ninyo ito sa akin at ako na ang bahala sa paghatol nito.’ 18 At sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.

Nagpadala Sila ng mga Espiya(B)

19 “Ayon sa iniutos ng Panginoon na ating Dios, umalis tayo sa Bundok ng Sinai,[e] at naglakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na nakita mismo ninyo, at pumunta tayo sa kaburulan ng mga Amoreo. Pagdating natin sa Kadesh Barnea, 20 sinabi ko sa inyo, ‘Nakarating na tayo sa kaburulan ng mga Amoreo na ibinibigay sa atin ng Panginoon na ating Dios. 21 Tingnan ninyo ang lupaing ibinigay niya sa inyo. Angkinin ninyo ito ayon sa sinabi ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Huwag kayong matakot o manghina.’

22 “Lumapit kayong lahat sa akin at sinabi, ‘Magpadala muna tayo ng mga tao para mag-espiya sa lupain upang masabihan nila tayo kung saan tayo dadaan at kung saan ang mga bayan na pupuntahan natin.’

23 “Napag-isip-isip ko na mabuti ang planong iyon kaya pumili ako ng 12 tao, isa sa bawat lahi. 24 Lumakad sila at dumaan sa kaburulan, at nakarating sa Lambak ng Eshcol at nagmanman sila roon. 25 Sa kanilang pagbalik, may dala sila sa ating mga prutas galing doon, at ibinalita nila na masagana ang lupaing ibinibigay ng Panginoon na ating Dios.

26 “Pero ayaw ninyong pumunta roon, sinuway ninyo ang utos ng Panginoon na inyong Dios. 27 Nagreklamo kayo sa inyong mga tolda at sinabi, ‘Kinasusuklaman tayo ng Panginoon, kaya pinaalis niya tayo sa Egipto para ibigay sa kamay ng mga Amoreo at kanilang patayin. 28 Paano tayo makakapunta roon? Tinakot tayo ng mga nagmanman sa lupain. Sinasabi nilang mas malalakas at mas matataas pa sa atin ang mga tao roon, at ang mga lungsod nila ay malalaki at napapalibutan ng mga pader na parang umabot na sa langit ang taas. At nakita pa nila roon ang mga angkan ni Anak.’

29 “Pagkatapos, sinabi ko sa inyo, ‘Huwag kayong masindak o matakot sa kanila. 30 Ang Panginoon na inyong Dios ang mangunguna at makikipaglaban para sa inyo, kagaya ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto 31 at sa ilang. Nakita ninyo kung paano kayo inalagaan ng Panginoon na inyong Dios, katulad ng ama na nag-aalaga sa kanyang anak, hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito.’

32 “Pero sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin kayo nagtiwala sa Panginoon na inyong Dios 33 na nangunguna sa inyong paglalakbay, sa pamamagitan ng apoy sa gabi at ulap kung araw. Inihanap niya kayo ng mga lugar na mapagkakampuhan ninyo at itinuro sa inyo kung saan kayo dadaan.

34-35 “Nang marinig ng Panginoon ang pagrereklamo ninyo, nagalit siya at sumumpang, ‘Wala kahit isa sa masamang henerasyong ito ang makakakita ng magandang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno, 36 maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune. Makikita niya ito, at ibibigay ko sa kanya at sa angkan niya ang lupaing ito na kanyang minanmanan, dahil buong puso niya akong sinunod.’

37 “Dahil sa inyo, nagalit din ang Panginoon sa akin. Sinabi niya sa akin, ‘Kahit na ikaw ay hindi rin makakapasok sa lupaing iyon. 38 Pero ang iyong lingkod na si Josue na anak ni Nun ay makakapasok doon. Palakasin mo siya dahil siya ang mamumuno sa mga Israelita sa pag-angkin sa lupain.’

39 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa ating lahat, ‘Makakapasok sa lupaing iyon ang inyong mga anak na wala pang muwang. Natatakot kayo na baka bihagin sila, pero sa kanila ko ibibigay ang lupaing iyon at magiging pag-aari nila. 40 Pero kayo, babalik kayo sa ilang papunta sa Dagat na Pula.’

41 “At sinabi ninyo, ‘Nagkasala kami sa Panginoon. Lalakad kami at makikipaglaban ayon sa iniutos sa amin ng Panginoon naming Dios.’ Kaya inihanda ng bawat isa sa inyo ang kanyang mga armas, at inisip ninyo na madali lang ang pag-agaw sa mga kaburulan.

42 “Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Sabihin mo sa kanila na huwag munang lumakad at makipaglaban, dahil hindi ko sila sasamahan. Matatalo sila ng kanilang mga kaaway.’

43 “Kaya sinabihan ko kayo, pero hindi kayo nakinig sa akin. Sinuway ninyo ang utos ng Panginoon, at dahil sa inyong kayabangan sumalakay kayo sa kaburulan. 44 At nakipaglaban sa inyo ang mga Amoreo na naninirahan doon, at para silang mga pukyutang humabol at tumalo sa inyo mula sa Seir hanggang sa Horma. 45 Nagbalik kayo at nag-iyakan sa Panginoon, pero hindi siya nakinig o sumagot sa inyo. 46 Iyan ang dahilan kaya nanirahan kayo nang matagal sa Kadesh.”

Salmo 81-82

Papuri sa Kabutihan ng Dios

81 Umawit kayo nang may galak sa Dios na nagbibigay sa atin ng kalakasan.
    Sumigaw kayo nang may tuwa sa Dios ni Jacob!
Umawit kayo at tugtugin ang tamburin kasabay ng magandang tunog ng alpa at lira.[a]
Patunugin ninyo ang tambuli tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan na ating ipinagdiriwang tuwing kabilugan ng buwan.
Dahil isa itong kautusan para sa mga taga-Israel.
    Itoʼy utos ng Dios ni Jacob.
Ibinigay niya ang kautusang ito sa lahi ni Jose nang siyaʼy sumalakay sa lupain ng Egipto.
    May narinig akong tinig ngunit hindi ko kilala, na nagsasabing,
Pinalaya ko kayo sa pagkaalipin;
    kinuha ko ang mabibigat ninyong mga bitbit at pasanin.
Nang kayoʼy nahirapan, tumawag kayo sa akin at kayoʼy iniligtas ko.
    Mula sa mga alapaap,
    sinagot ko kayo at sinubok doon sa bukal ng Meriba.
Mga Israelita na aking mga mamamayan, pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo.
    Makinig sana kayo sa akin!
Hindi kayo dapat magkaroon ng ibang dios.
    Huwag kayong sasamba sa kanila.
10 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Ako ang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
    Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.
11 Ngunit kayong mga Israelita na aking mga mamamayan, hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.
12 Kaya hinayaan ko kayo sa katigasan ng inyong ulo[b] at ginawa ninyo ang inyong gusto.
13 Kung nakinig lang sana kayo sa akin at sumunod sa aking mga pamamaraan,
14 kaagad ko sanang nilupig at pinarusahan ang inyong mga kaaway.
15 Ang mga napopoot sa akin ay yuyukod sa takot.
    Ang kaparusahan nila ay walang katapusan.
16 Ngunit kayo na aking mga mamamayan,
    pakakainin ko kayo ng pinakamainam na bunga ng trigo at pulot hanggang sa mabusog kayo.”

Pinagsabihan ng Dios ang mga Namumuno

82 Pinamumunuan ng Dios ang pagtitipon ng kanyang mga mamamayan.
    Sa gitna ng mga hukom[c] siya ang humahatol sa kanila.
Sinabi niya sa kanila, “Hanggang kailan kayo hahatol ng hindi tama?
    Hanggang kailan ninyo papaboran ang masasama?
Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila.
    Ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga nangangailangan at inaapi.
Iligtas ninyo ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao!
Wala silang nalalaman! Hindi sila nakakaintindi!
    Wala silang pag-asa, namumuhay sila sa kadiliman at niyayanig nila ang pundasyon ng mundo.
Sinabi ko na sa inyo na kayo ay mga dios, mga anak ng Kataas-taasang Dios.
Ngunit gaya ng ibang mga namumuno ay babagsak kayo, at gaya ng ibang tao ay mamamatay din kayo.”
Sige na, O Dios, hatulan nʼyo na ang lahat ng bansa sa mundo, sapagkat sila namaʼy sa inyo.

Isaias 29

Ang Mensahe tungkol sa Jerusalem

29 Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang Jerusalem,[a] ang lungsod na tinitirhan ni David! Sige, ipagdiwang ng lungsod na ito ang kanyang mga pista bawat taon. Pero lulusubin ko ito, at mag-iiyakan at mananaghoy ang kanyang mga mamamayan. Para sa akin, ang buong lungsod ay magiging parang altar na puno ng dugo.[b] Kukubkubin ko ang lungsod ng Jerusalem. Paliligiran ko ito ng toreng panalakay at patatambakan ng lupa sa gilid ng mga pader para maakyat ito. Mawawasak ito at magiging parang multo na tumatawag mula sa ilalim ng lupa na ang tinig ay nakakapangilabot. Pero darating ang araw na ang marami niyang kaaway ay magiging parang alikabok o ipa na tatangayin ng hangin. Bigla itong mangyayari sa kanila. Ang Jerusalem ay aalalahanin ko, at ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay darating na may kulog, lindol, ingay, buhawi, bagyo, at nagliliyab na apoy. 7-8 Mawawalang parang panaginip ang maraming bansang sumasalakay sa Jerusalem[c] at gumigiba ng mga pader nito. Ang katulad nilaʼy taong nananaginip na kumakain, pero nang magising ay gutom pa rin; o katulad ng taong nananaginip na umiinom, pero nang magising uhaw pa rin.”

Kayong mga taga-Juda, magpakatanga kayo at magpakabulag. Maglasing kayo at magpasuray-suray, pero hindi dahil sa alak. 10 Sapagkat pinatulog kayo ng Panginoon nang mahimbing. Tinakpan niya ang inyong mga ulo at mga mata na walang iba kundi ang inyong mga propeta.

11 Para sa inyo, ang lahat ng ipinahayag na ito sa inyo ay parang aklat na nakasara. Kapag ipinabasa mo sa taong marunong bumasa, sasabihin niya, “Hindi ko iyan mabasa dahil nakasara.” 12 At kapag ipinabasa mo sa hindi marunong bumasa, sasabihin niya, “Hindi ako marunong bumasa.”

13 Sinabi ng Panginoon, “Ang mga taong itoʼy nagpupuri at nagpaparangal sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga bibig, pero ang puso nilaʼy malayo sa akin. At ang pagsamba nila sa akin ay ayon lamang sa tuntunin ng tao. 14 Kaya muli akong gagawa ng sunud-sunod na kababalaghan sa mga taong ito. At mawawala ang karunungan ng marurunong at ang pang-unawa ng nakakaunawa.”

15 Nakakaawa kayong mga nagtatago ng inyong mga plano sa Panginoon. Ginagawa ninyo ang inyong mga gawain sa dilim at sinasabi ninyo, “Walang makakakita o makakaalam ng ginagawa natin.” 16 Baluktot ang pag-iisip ninyo. Itinuturing ninyong parang palayok ang gumagawa ng palayok.[d] Masasabi ba ng palayok sa gumawa sa kanya, “Hindi naman ikaw ang gumawa sa akin”? Masasabi ba ng palayok sa humugis sa kanya, “Wala kang nalalaman”?

17 Hindi magtatagal, ang kagubatan ng Lebanon ay magiging matabang lupain, at ang matabang lupain ay magiging kagubatan. 18 Sa araw na iyon, ang bingi ay makakarinig ng binabasang aklat. At ang bulag, na walang nakikita kundi kadiliman ay makakakita na. 19 Muling sasaya ang mga mapagpakumbaba at mga dukha dahil sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. 20 Sapagkat mawawala ang mga malulupit at ang mga nangungutya. At mamamatay ang lahat ng mahilig sa pagkakasala, 21 pati na ang lahat ng naninira ng kapwa, ang mga nagsisinungaling para mapaniwala nila ang mga hukom, at ang mga pekeng saksi para hindi mabigyan ng katarungan ang mga walang kasalanan.

22 Kaya ang Panginoon, ang Dios na nagligtas kay Abraham ay nagsabi tungkol sa lahi ni Jacob, “Mula ngayon, wala na silang dapat ikahiya o ikatakot man. 23 Sapagkat kapag nakita nila ang mga ginawa ko sa kanila, igagalang nila ako, ang Banal na Dios ni Jacob. At magkakaroon sila ng takot sa akin, ang Dios ng Israel. 24 Ang mga hindi nakakaunawa ng katotohanan ay makakaunawa na, at ang mga nagrereklamo kapag tinuturuan ay matutuwa na.”

3 Juan

1-2 Mula sa namumuno sa iglesya.

Mahal na kaibigang Gaius, na lubos kong minamahal[a]:

Idinadalangin ko na maging malusog ka at sanaʼy nasa mabuting kalagayan, tulad ng buhay mong espiritwal na alam kong nasa mabuti ring kalagayan. Labis akong natuwa nang dumating dito ang ilang mga kapatid at ibinalita sa akin na naging tapat ka sa katotohanan at namumuhay ayon dito. Wala ng higit na makakapagpasaya sa akin kundi ang malamang namumuhay ayon sa katotohanan ang mga anak ko sa pananampalataya.

Mahal kong kaibigan, maaasahan ka talaga, dahil inaasikaso mo ang mga kapatid na napapadaan diyan, kahit na ang mga hindi mo kakilala. Ibinalita nila sa iglesya rito ang tungkol sa pag-ibig mo. Kung maaari, tulungan mo sila sa paraang kalugod-lugod sa Dios upang makapagpatuloy sila sa kanilang paglalakbay. Sapagkat pumupunta sila sa ibaʼt ibang lugar upang ipangaral ang tungkol sa Panginoon, nang hindi tumatanggap ng kahit anong tulong sa mga taong hindi kumikilala sa Dios. Kaya dapat lang na tulungan natin sila, nang sa ganoon ay maging kabahagi tayo sa kanilang gawain para sa katotohanan.

Sumulat ako sa iglesya riyan tungkol sa bagay na ito, ngunit hindi kami kinilala ni Diotrefes na gustong manguna sa inyo. 10 Kaya kapag pumunta ako riyan, sasabihin ko sa inyo ang mga pinaggagawa niya – ang mga paninirang ikinakalat niya tungkol sa amin. Bukod pa rito, hindi niya tinatanggap ang mga kapatid na dumaraan diyan, at pinagbabawalan pa niya ang iba na tumulong sa kanila. At ang mga gusto namang tumulong ay pinapaalis niya sa iglesya.

11 Mahal kong kaibigan, huwag mong gayahin ang masamang ginagawa ng taong iyan. Sa halip, gawin mo ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Dios, at ang gumagawa ng masama ay hindi nakakakilala sa Dios. 12 Tingnan mo si Demetrius. Sinasabi ng lahat ng mga mananampalataya na mabuti siyang tao, at nakikita sa buhay niya na sumusunod siya sa katotohanan. Kami rin ay nagpapatotoo na mabuti siyang tao, at alam mong totoo ang sinasabi namin. 13 Marami pa sana akong sasabihin sa iyo, ngunit hindi ko na isusulat. 14 Umaasa ako na madadalaw kita sa lalong madaling panahon at mapag-usapan natin ito.

15 Sumaiyo nawa ang kapayapaan. Kinukumusta ka ng mga kaibigan natin dito. Ikumusta mo rin ako sa bawat isang kaibigan natin diyan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®