M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Bayan ng mga Levita
35 Sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na bigyan nila ang mga Levita ng mga bayan na titirhan ng mga ito mula sa mga lupaing matatanggap nila. 3 Sa ganitong paraan, may matitirhang bayan ang mga Levita at may pastulan para sa kanilang mga hayop. 4 Ang agwat ng pastulang inyong ibibigay sa palibot ng kanilang bayan ay mga 450 metro mula sa pader ng kanilang mga bayan. 5 Pagkatapos, sumukat kayo ng 900 metro sa bawat direksyon ng bayan – sa silangan, sa timog, sa kanluran at sa hilaga – kaya nasa gitna ang bayan nito. Ito ang pastulan para sa mas malaking mga bayan.
6 “Bigyan din ninyo ang mga Levita ng anim na bayan na magiging lungsod na tanggulan, kung saan makakatakas papunta roon ang taong makakapatay nang hindi sinasadya. Hindi ito kasama sa 42 bayan na inyong ibibigay sa kanila. 7 Kaya 48 lahat ang mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita kasama ang kanilang mga pastulan. 8 Manggagaling ang mga bayan na ito sa mga lupain ng mga lahi ng Israel. Ang lahi na may maraming parte ay magbibigay ng maraming bayan at ang lahi na may kaunting parte ay magbibigay ng kaunti.”
Ang Lungsod na Tanggulan(A)
9 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, 10 “Sabihin mo sa mga Israelita na kapag tumawid na sila sa Jordan papunta sa Canaan, 11 pumili sila ng mga bayan na magiging lungsod na tanggulan kung saan makakatakas papunta roon ang taong makakapatay nang hindi sinasadya. 12 Mapoprotektahan siya ng lungsod na ito laban sa mga taong gustong gumanti sa kanya. Hindi siya dapat patayin hanggaʼt hindi pa siya nahahatulan sa harap ng kapulungan. 13 Ang anim na bayan na ito ang magiging lungsod ninyong tanggulan. 14 Ilagay ninyo sa silangan ng Jordan ang tatlong lungsod at tatlo sa Canaan. 15 Ang anim na bayan na ito ay magiging tanggulan hindi lang ng mga Israelita kundi pati ng mga dayuhan na naninirahan kasama ninyo para ang sinuman sa kanila na makapatay nang hindi sinasadya ay makakatakas papunta dito.
16 “Pero kung hinampas ng isang tao ang sinuman ng bakal at namatay ito, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya. 17 Kung binato ng isang tao ang sinuman at namatay ito, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya. 18 O halimbawa, hinampas ng kahoy ng isang tao ang sinuman at namatay ito, ituturing din na kriminal ang taong iyon, at kailangang patayin din siya. 19 Ang malapit na kamag-anak ng pinatay ang may karapatang pumatay sa kriminal. Papatayin niya ang kriminal kung siyaʼy makikita niya.
20 “Kung napatay ng isang tao dahil sa kanyang galit ang sinuman sa pamamagitan ng panunulak, o paghahagis ng kahit anong bagay, 21 o pagsuntok, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya. Ang malapit na kamag-anak ng napatay ang may karapatang pumatay sa kriminal. Papatayin niya ang kriminal kung siyaʼy makikita niya.
22 “Pero halimbawang ang isang taong walang sama ng loob ang nakapatay sa isang tao na nahagisan niya ng kahit anong bagay o natulak na hindi sinasadya, 23 o nahulugan niya ng bato nang hindi niya nakikita, at dahil nga napatay niya ang tao, kahit hindi niya kaaway, at hindi niya sinasadya ang pagkakapatay sa kanya, 24 dadalhin pa rin siya sa kapulungan kasama ng taong gustong maghiganti sa kanya, at hahatulan siya ayon sa mga tuntuning ito. 25 Kung mapatunayan na hindi niya sinasadya ang pagpatay, kailangang proteksyunan ng sambayanan ang taong nakapatay laban sa mga tao na gustong maghiganti sa kanya, at ibabalik siya sa lungsod na tanggulan, kung saan siya tumakas. Kailangang magpaiwan siya roon hanggang hindi pa namamatay ang punong pari na itinalaga sa paglilingkod.[a]
26 “Pero kapag lumabas sa lungsod na tanggulan ang nakapatay 27 at makita siya ng taong gustong gumanti sa kanya, maaari siyang patayin ng taong iyon. Walang pananagutan ang taong nakapatay sa kanya. 28 Kaya dapat na magpaiwan ang taong nakapatay sa lungsod na tanggulan hanggang hindi pa namamatay ang punong pari, at pagkatapos ay makakauwi na siya sa kanila.
29 “Ito ang mga tuntuning dapat ninyong sundin hanggang sa susunod pang mga henerasyon, kahit saan kayo manirahan.
30 “Ang sinumang pumatay sa kanyang kapwa ay kailangang patayin, pero kailangang may mga saksi na magpapatotoo na siyaʼy nakapatay. Kung isang saksi lang ang magpapatotoo, hindi papatayin ang nasabing tao.
31 “Huwag kayong tatanggap ng bayad para sa buhay ng isang kriminal. Kailangang patayin siya. 32 Huwag din kayong tatanggap ng bayad para sa buhay ng taong tumakas sa lungsod na tanggulan upang makabalik siya sa kanyang lugar bago mamatay ang punong pari. 33 Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang pagdanak ng dugo sa lupaing inyong tinitirhan. Dahil ang pagpatay ay makakapagparumi sa lupain na inyong tinitirhan at walang makapaglilinis nito maliban sa dugo ng taong nakapatay. 34 Kaya huwag ninyong dudungisan ang lupaing inyong tinitirhan, dahil ako mismo ang Panginoon, ay naninirahan kasama ninyong mga Israelita.”
Panalangin para sa Kalayaan ng Bansa
79 O Dios, sinalakay ng mga dayuhan ang lupaing pag-aari ninyo.
Nilapastangan nila ang inyong banal na templo at winasak ang Jerusalem.
2 Ipinakain nila sa mababangis na ibon at hayop ang bangkay ng inyong tapat na mga lingkod.
3 Ibinuhos nila ang dugo ng inyong mga mamamayan na parang tubig sa buong Jerusalem,
at wala ni isa mang natira sa kanila upang ilibing ang mga namatay.
4 Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan ng mga bansang nasa palibot namin.
5 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
Wala na ba itong katapusan?
Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong panibugho?
6 Doon nʼyo ibuhos ang inyong galit,
sa mga bansa at kaharian na ayaw kumilala at sumamba sa inyo.
7 Dahil pinatay nila ang mga mamamayan[a] nʼyo at winasak ang kanilang mga lupain.
8 Huwag nʼyo kaming parusahan dahil sa kasalanan ng aming mga ninuno.
Sa halip ay iparating nʼyo agad ang inyong habag sa amin dahil kami ay lugmok na.
9 O Dios na aming Tagapagligtas, tulungan nʼyo kami,
para sa kapurihan ng inyong pangalan.
Iligtas nʼyo kami at patawarin sa aming mga kasalanan,
alang-alang sa inyong pangalan.
10 Huwag nʼyo pong hayaan na sabihin sa amin ng ibang mga bansa,
“Nasaan na ang inyong Dios?”
Habang kami ay nakatingin, ipaunawa nʼyo sa mga bansang ito na maghihiganti kayo sa kanila dahil sa pagpatay nila sa inyong mga lingkod.
11 Pakinggan nʼyo ang hinaing ng mga mamamayan nʼyo na binihag nila.
Nakatakda silang patayin kaya palayain nʼyo sila sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 O Panginoon, gantihan nʼyo ng pitong ulit ang mga kalapit naming bansa dahil sa ginawa nilang pangungutya sa inyo.
13 At kaming mga mamamayan, na inyong inaalagaan na gaya ng mga tupa sa inyong pastulan ay magpapasalamat sa inyo magpakailanman.
Purihin kayo ng walang hanggan.
27 Sa araw na iyon, gagamitin ng Panginoon ang kanyang matalim at makapangyarihang espada para patayin ang Leviatan, ang maliksi at gumagapang na dragon sa karagatan.
2 “Sa araw na iyon, aawit kayo tungkol sa ubasan na umaani nang sagana, na larawan ng aking bayan. 3 Ako ang Panginoon na nag-aalaga ng ubasan. Dinidiligan ko ito at binabantayan araw-gabi para hindi masira. 4 Hindi na ako galit sa ubasang ito. Pero sa sandaling may makita akong mga halamang may tinik, tatanggalin ko iyon at susunugin. 5 Pero maliligtas siya kung siyaʼy makikipagkaibigan at hihingi ng kalinga sa akin.”
6 Darating ang araw na ang mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob ay magkakaugat tulad ng halaman. Magkakasanga ito, mamumulaklak, at mamumunga ng marami at pupunuin ang buong mundo. 7 Hindi pinaparusahan ng Dios ang Israel katulad ng pagpaparusa niya at pagpatay sa mga kaaway nila. 8 Ipinabihag ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan bilang parusa sa kanila. Ipinatangay niya sila sa napakalakas na hangin mula sa silangan. 9 Mapapatawad lang sila kung gigibain nila ang mga altar nilang bato at kung didikdikin ng pino at itatapon ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at ang mga altar na sinusunugan nila ng insenso.
10 Nawasak na ang napapaderang lungsod. Para na itong ilang. Wala nang nakatira rito. Naging pastulan na lang ito at pahingahan ng mga baka. Inubos ng mga baka ang mga dahon ng mga sanga. 11 At nang mabali at matuyo ang mga sanga, tinipon ito ng mga babae at ginawang panggatong. Dahil sa walang pang-unawa ang mga taong ito, hindi sila kaaawaan ng Dios na lumikha sa kanila. 12 Sa araw na iyon, titipunin ng Panginoon ang mga Israelita mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa daluyan ng tubig ng Egipto na parang nagtitipon ng mga butil sa giikan. 13 Pagtunog ng trumpeta nang malakas, magsisibalik sa Jerusalem ang nahihirapang mga Israelita na binihag ng Asiria at Egipto. At sasambahin nila ang Panginoon, sa banal na bundok ng Jerusalem.
Ang Pag-ibig, Pananampalataya, at Tagumpay
5 Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ang Cristo ay anak ng Dios. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa kanyang anak. 2 Sa ganitong paraan natin malalaman na iniibig natin ang mga anak ng Dios: Kung minamahal natin ang Dios at sinusunod natin ang kanyang mga utos. 3 Dahil ang tunay na umiibig sa Dios ay sumusunod sa kanyang utos, at hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos. 4 Sapagkat ang bawat anak ng Dios ay nagtatagumpay laban sa mundo. Napagtatagumpayan niya ito sa pamamagitan ng pananampalataya. 5 At sino ba ang nagtatagumpay laban sa mundo? Ang sumasampalataya na si Jesus ay Anak ng Dios. 6 Si Jesus na naparito sa mundo ay napatunayang Anak ng Dios sa pamamagitan ng tubig nang magpabautismo siya at sa pamamagitan ng dugo nang mamatay siya. Hindi lang sa tubig kundi sa pamamagitan din ng dugo. At ang mga bagay na itoʼy pinatotohanan din sa atin ng Banal na Espiritu, dahil ang Espiritu ay katotohanan. 7 Kaya may tatlong nagpapatotoo tungkol kay Jesus: 8 ang Banal na Espiritu, ang tubig nang magpabautismo siya, at ang dugo nang mamatay siya. At ang tatlong itoʼy nagkakaisa. 9 Tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ngunit higit na maaasahan ang patotoo ng Dios dahil siya mismo ang nagpatotoo tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sinumang sumasampalataya sa Anak ng Dios ay naniniwala sa patotoo ng Dios. Ang sinumang hindi naniniwala sa patotoong ito ay ginagawang sinungaling ang Dios dahil hindi siya naniniwala sa patotoo ng Dios tungkol sa kanyang Anak. 11 At ito ang patotoo ng Dios: Binigyan niya tayo ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na itoʼy nasa kanyang Anak. 12 Ang sinumang nasa kanya ang Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang sinumang wala sa kanya ang Anak ng Dios ay walang buhay na walang hanggan.
Ang Buhay na Walang Hanggan
13 Isinusulat ko ito sa inyo na mga sumasampalataya sa Anak ng Dios upang malaman ninyong mayroon kayong buhay na walang hanggan. 14 At may kapanatagan tayo sa paglapit natin sa Dios, dahil naniniwala tayong ibibigay niya sa atin ang anumang hilingin natin na ayon sa kanyang kalooban. 15 At kung alam nating nakikinig sa atin ang Dios, alam nating tinatanggap na natin ang hinihiling natin sa kanya.
16 Kung nakikita ninyo ang inyong kapatid kay Cristo na gumagawa ng kasalanang hindi hahantong sa espiritwal na kamatayan, ipanalangin ninyo siya at bibigyan siya ng Dios ng buhay. Ito ay para lang sa mga nakagawa ng kasalanang hindi hahantong sa espiritwal na kamatayan. May mga kasalanang nagdudulot ng espiritwal na kamatayan. Hindi ko sinasabing ipanalangin ninyo ang mga taong nakagawa ng ganitong kasalanan. 17 Ang lahat ng gawaing hindi matuwid ay kasalanan, ngunit may mga kasalanang hindi hahantong sa espiritwal na kamatayan.
18 Alam nating ang sinumang naging anak ng Dios ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan. Iniingatan siya ng Anak ng Dios, at hindi siya maaaring saktan ng diyablo. 19 Ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng diyablo, ngunit alam nating tayoʼy mga anak ng Dios. 20 Alam din nating ang Anak ng Dios ay naparito sa mundo, at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Dios. At tayo nga ay nasa tunay na Dios sa pamamagitan ng kanyang anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.
21 Mga anak, lumayo kayo sa mga dios-diosan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®