Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 33

Ang mga Lugar na Dinaanan ng mga Israelita mula Egipto Papuntang Moab

33 Ito ang mga lugar na dinaanan ng mga Israelita nang umalis sila sa Egipto na nakagrupo ang bawat lahi sa ilalim ng pangunguna nina Moises at Aaron. Ayon sa utos ng Panginoon, inilista ni Moises ang kanilang dinaanan na mga lugar mula sa kanilang pinanggalingan. Umalis sila sa Rameses nang ika-15 araw ng unang buwan pagkatapos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Umalis silang may lakas ng loob, habang nakatingin ang mga Egipcio na naglilibing ng lahat ng panganay nilang lalaki na pinatay ng Panginoon dahil hinatulan sila ng Panginoon sa kanilang pagsamba sa mga dios-diosan nila.

Mula sa Rameses, nagkampo sila sa Sucot.

Mula sa Sucot, nagkampo sila sa Etam, na tabi ng disyerto.

Mula sa Etam, nagbalik sila papunta sa Pi Harirot na nasa silangan ng Baal Zefon, at nagkampo malapit sa Migdol.

Mula sa Pi Harirot, tumawid sila sa dagat at pumunta sa disyerto. Naglakbay sila sa loob ng tatlong araw sa disyerto ng Etam at nagkampo sila sa Mara. Mula sa Mara, nagkampo sila sa Elim, kung saan may 12 bukal at 70 puno ng palma.

10 Mula sa Elim nagkampo sila sa tabi ng Dagat na Pula. 11 Mula sa Dagat na Pula nagkampo sila sa ilang ng Sin.

12 Mula sa ilang ng Sin, nagkampo sila sa Dofka.

13 Mula sa Dofka, nagkampo sila sa Alus.

14 Mula sa Alus, nagkampo sila sa Refidim, kung saan walang tubig na naiinom ang mga tao.

15 Mula sa Refidim, nagkampo sila sa disyerto ng Sinai.

16-36 Ito pa ang mga lugar na kanilang pinagkampuhan nang naglalakbay sila mula sa disyerto ng Sinai papunta sa Kadesh, sa ilang ng Zin: Kibrot Hataava, Hazerot, Ritma, Rimon Perez, Libna, Risa, Kehelata, Bundok ng Shefer, Harada, Makelot, Tahat, Tera, Mitca, Hasmona, Moserot, Bene Jaakan, Hor Hagidgad, Jotbata, Abrona, Ezion Geber at hanggang sa makarating sila sa Kadesh sa ilang ng Zin.

37 Mula sa Kadesh, nagkampo sila sa Bundok ng Hor, sa hangganan ng lupain ng Edom. 38-39 Sa utos ng Panginoon, umakyat si Aaron sa Bundok ng Hor at doon siya namatay sa edad na 123 taon. Nangyari ito noong unang araw ng ikalimang buwan, nang ika-40 taon mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto.

40 Ngayon, ang hari ng Canaan na si Arad na naninirahan sa Negev ay nakabalita na paparating ang mga mamamayan ng Israel.

41-48 Mula naman sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga Israelita sa kanilang paglalakbay. Ito ang mga lugar na kanilang pinagkampuhan: Zalmona, Punon, Obot, Iye Abarim, na nasa hangganan ng Moab, Dibon Gad, Almon Diblataim, sa mga bundok ng Abarim na malapit sa Nebo, at hanggang sa nakarating sila sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico. 49 Nagkampo sila roon sa tabi ng Jordan mula sa Bet Jeshimot hanggang sa Abel Shitim na sakop pa rin ng kapatagan ng Moab. 50 At habang nagkakampo sila roon sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico, sinabi ng Panginoon kay Moises, 51 “Sabihin mo sa mga Israelita na kung tatawid sila sa Ilog ng Jordan papunta sa Canaan, 52 palayasin nila ang lahat ng naninirahan doon at gibain ang lahat ng dios-diosan nila na gawa sa mga bato at metal, at ang lahat ng kanilang sambahan sa matataas na lugar.[a] 53 Sasakupin ninyo ang mga lupaing iyon at doon kayo titira dahil ibinibigay ko ito sa inyo. 54 Partihin ninyo ang lupa sa pamamagitan ng palabunutan ayon sa dami ng bawat lahi. Ang lahi na may maraming bilang ay partihan ninyo ng malaki, at ang lahi na may kakaunting bilang ay partihan ninyo ng maliit. Kung ano ang mabunot nila, iyon na ang kanilang parte. Sa pamamagitan nito, mahahati ang lupa sa bawat lahi.

55 “Pero kung hindi ninyo palalayasin ang mga naninirahan doon, ang mga matitira sa kanilaʼy magiging parang puwing sa inyong mga mata at tinik sa inyong mga tagiliran. Magbibigay sila ng kaguluhan sa inyong paninirahan doon. 56 At gagawin ko sa inyo ang parusa na dapat para sa kanila.”

Salmo 78:1-37

Ang Patnubay ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

78 Mga kababayan,[a] ang mga turo koʼy inyong pakinggan.
Tuturuan ko kayo sa pamamagitan ng kasaysayan.[b]
    Sasabihin ko sa inyo ang mga lihim na katotohanan ng nakaraan.
Napakinggan na natin ito at nalaman.
    Sinabi ito sa atin ng ating mga ninuno.
Huwag natin itong ilihim sa ating mga anak;
    sabihin din natin ito sa mga susunod na salinlahi.
    Sabihin natin sa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon at ang mga kahanga-hanga niyang gawa.
Ibinigay niya ang kanyang mga kautusan sa mga mamamayan ng Israel na mula sa lahi ni Jacob.
    Iniutos niya sa ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak,
upang malaman din ito ng mga susunod na lahi at nang ituro rin nila ito sa kanilang mga anak.
Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Dios at hindi nila makakalimutan ang kanyang ginawa, at susundin nila ang kanyang mga utos,
upang hindi sila maging katulad ng kanilang mga ninuno na matitigas ang ulo, suwail, hindi lubos ang pagtitiwala sa Dios, at hindi tapat sa kanya.
Tulad ng mga taga-Efraim, bagamaʼt may mga pana sila,
    pero sa oras naman ng labanan ay nagsisipag-atrasan.
10 Hindi nila sinunod ang kasunduan nila sa Dios,
    maging ang kanyang mga utos.
11 Nakalimutan na nila ang mga kahanga-hanga niyang ginawa na ipinakita niya sa kanila.
12 Gumawa ang Dios ng mga himala roon sa Zoan sa lupain ng Egipto at nakita ito ng ating[c] mga ninuno.
13 Hinawi niya ang dagat at pinadaan sila roon;
    ginawa niyang tila magkabilang pader ang tubig.
14 Sa araw ay pinapatnubayan niya sila sa pamamagitan ng ulap,
    at sa gabi naman ay sa pamamagitan ng liwanag ng apoy.
15 Biniyak niya ang mga bato sa ilang at dumaloy ang tubig at binigyan sila ng maraming inumin mula sa kailaliman ng lupa.
16 Pinalabas niya ang tubig mula sa bato at ang tubig ay umagos gaya ng ilog.
17 Ngunit ang ating mga ninuno ay patuloy na nagkasala sa kanya. Naghimagsik sila sa Kataas-taasang Dios doon sa ilang.
18 Sinadya nilang subukin ang Dios upang hingin ang mga pagkaing gusto nila.
19 Kinutya nila ang Dios nang sabihin nilang,
    “Makakapaghanda ba ang Dios ng pagkain dito sa ilang?
20 Oo ngaʼt umagos ang tubig nang hampasin niya ang bato,
    ngunit makapagbibigay din ba siya ng tinapay at karne sa atin?”
21 Kaya nang marinig ito ng Panginoon nagalit siya sa kanila.
    Nag-apoy sa galit ang Panginoon laban sa lahi ni Jacob,
22 dahil wala silang pananampalataya sa kanya, at hindi sila nagtitiwala na ililigtas niya sila.
23 Ganoon pa man, iniutos niyang bumukas ang langit,
24 at pinaulanan sila ng pagkain na tinatawag na manna.
    Ibinigay ito sa kanila upang kainin.
25 Kinain nila ang pagkain ng mga anghel, at binigyan sila nito ng Dios hanggaʼt gusto nila.
26 Pinaihip niya ang hangin mula sa silangan at sa timog sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
27 Pinaulanan din sila ng napakaraming ibon, na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat.
28 Pinadapo niya ang mga ito sa palibot ng kanilang mga tolda sa kampo.
29 Kaya kumain sila hanggang sa mabusog, dahil ibinigay sa kanila ng Dios ang gusto nila.
30 Ngunit habang kumakain sila at nagpapakabusog,
31 nagalit ang Dios sa kanila.
Pinatay niya ang makikisig na mga kabataan ng Israel.
32 Sa kabila ng lahat ng ginawa ng Dios sa kanila,
    nagpatuloy pa rin sila sa pagkakasala.
    Kahit na gumawa siya ng mga himala,
    hindi pa rin sila naniwala.
33 Kaya agad niyang winakasan ang buhay nila sa pamamagitan ng biglaang pagdating ng kapahamakan.
34 Nang patayin ng Dios ang ilan sa kanila,
    ang mga natira ay lumapit na sa kanya,
    nagsisi at nagbalik-loob sa kanya.
35 At naalala nila na ang Kataas-taasang Dios ang kanilang Bato na kanlungan at Tagapagligtas.
36 Nagpuri sila sa kanya, ngunit sa bibig lang, kaya sinungaling sila.
37 Hindi sila tapat sa kanya at sa kanilang kasunduan.

Isaias 25

Purihin ang Dios

25 Panginoon, kayo ang aking Dios! Pupurihin kita at pararangalan dahil kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Tinupad mo ang iyong mga plano noong unang panahon. Winasak mo ang mga lungsod ng taga-ibang bansa pati ang may mga pader. Winasak mo rin ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod, at hindi na nila ito maitatayong muli. Kaya pararangalan ka ng mga taong makapangyarihan at igagalang ka ng mga malulupit na mga bansa. Ikaw ang takbuhan ng mga dukha at ng mga nangangailangan sa panahon ng kahirapan. Ikaw ang kanlungan sa panahon ng bagyo at tag-init. Sapagkat ang paglusob ng mga malulupit na taoʼy parang bagyo na humahampas sa pader, at parang init sa disyerto. Pero pinatahimik mo ang sigawan ng mga dayuhan. Pinatigil mo ang awitan ng malulupit na mga tao, na parang init na nawala dahil natakpan ng ulap.

Dito sa Bundok ng Zion, ang Panginoong Makapangyarihan ay maghahanda ng isang piging para sa lahat. Masasarap na pagkain at inumin ang kanyang inihanda. At sa bundok ding ito, papawiin niya ang kalungkutan[a] ng mga tao sa lahat ng bansa. Aalisin din ng Panginoong Dios ang kamatayan at papahirin niya ang mga luha ng lahat ng tao. Aalisin niya ang kahihiyan ng kanyang mga mamamayan sa buong mundo. Mangyayari nga ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.

Kapag itoʼy nangyari na, sasabihin ng mga tao, “Siya ang ating Dios! Nagtiwala tayo sa kanya, at iniligtas niya tayo. Siya ang Panginoon na ating inaasahan. Magalak tayoʼt magdiwang dahil iniligtas niya tayo.”

10 Talagang tutulungan ng Panginoon ang Bundok ng Zion, pero parurusahan niya ang Moab. Tatapakan niya ito na parang dayami sa tapunan ng dumi. 11 Pagsisikapan nilang makaligtas sa kalagayang iyon na parang taong kakampay-kampay sa tubig. Pero kahit na magaling silang lumangoy, ilulubog pa rin sila ng Panginoon. Ibabagsak sila dahil sa kanilang pagmamataas. 12 Wawasakin niya ang kanilang mataas at matibay na pader hanggang sa madurog at kumalat ito sa lupa.

1 Juan 3

Mga Anak ng Dios

Pag-isipan ninyo kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Ama sa atin! Tinawag niya tayong mga anak niya, at tunay nga na tayoʼy mga anak niya! Kaya hindi tayo nakikilala ng mga tao sa mundo dahil hindi nila kilala ang Dios. Mga minamahal, mga anak na tayo ng Dios. Ngunit hindi pa naihahayag kung magiging ano tayo sa hinaharap. Alam natin na sa pagbabalik ni Cristo, tayo ay magiging katulad niya dahil makikita natin kung sino talaga siya. Kaya ang sinumang may ganitong pag-asa kay Cristo ay dapat maging matuwid sa kanyang buhay, tulad ng buhay ni Cristo na matuwid. Ang lahat ng nagkakasala ay lumalabag sa Kautusan ng Dios dahil ang kasalanan ay paglabag sa Kautusan. Alam ninyong si Cristo na walang kasalanan ay naparito sa mundo upang alisin ang ating mga kasalanan. Ang sinumang nananatili kay Cristo ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan. Ang nagpapatuloy sa kasalanan ay hindi pa nakakita o nakakilala sa kanya.

Mga anak, huwag kayong padadaya kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng tama ay matuwid, tulad ni Cristo na matuwid. Ngunit ang nagpapatuloy sa kasalanan ay kampon ng diyablo, dahil ang diyablo ay gumagawa na ng kasalanan mula pa sa simula. Ito ang dahilan kung bakit naparito ang Anak ng Dios, upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. Ang sinumang naging anak ng Dios ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan dahil ang katangian ng Dios ay nasa kanya na. At dahil nga ang Dios ay kanyang Ama, hindi na siya nagpapatuloy sa kasalanan. 10 At dito makikilala kung sino ang mga anak ng Dios at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang lahat ng hindi gumagawa ng matuwid o hindi nagmamahal sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Dios.

Magmahalan Tayo

11 Ito ang aral na narinig ninyo nang sumampalataya kayo: Dapat tayong magmahalan. 12 Huwag nating tularan si Cain, na kampon ng diyablo kaya pinatay niya ang kanyang kapatid. At bakit niya pinatay ang kanyang kapatid? Sapagkat masama ang mga gawa niya, at matuwid naman ang mga gawa ng kanyang kapatid. 13 Kaya huwag kayong magtaka, mga kapatid, kung galit sa inyo ang mga makamundo. 14 Alam nating inilipat na tayo sa buhay na walang hanggan mula sa kamatayan dahil minamahal natin ang ating mga kapatid. Ang sinumang hindi nagmamahal sa kanyang kapwa ay nananatili sa kamatayan. 15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan. 16 Sa ganitong paraan natin nalalaman ang tunay na pag-ibig: ibinigay ni Jesu-Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya dapat din nating ialay ang ating buhay para sa ating mga kapatid. 17 Kung mayroon man sa atin ang nasa mabuting pamumuhay at nakikita ang isang kapatid na nangangailangan ngunit hindi naman niya ito tinutulungan, masasabi ba natin na sumasakanya ang pag-ibig ng Dios? 18 Mga anak, huwag tayong magmahalan sa salita lang, kundi ipakita natin sa gawa na tunay tayong nagmamahalan. 19 Sa ganitong paraan, mapapatunayan natin na tayo nga ay nasa katotohanan at magiging panatag ang ating kalooban sa kanyang harapan 20 kahit inuusig man tayo ng ating konsensya. Sapagkat ang Dios ay mas higit kaysa sa ating konsensya at nalalaman niya ang lahat ng bagay. 21 Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating konsensya, panatag tayong makakalapit sa Dios. 22 At matatanggap natin ang anumang hinihiling natin sa kanya, dahil sumusunod tayo sa kanyang mga utos at ginagawa ang naaayon sa kanyang kalooban. 23 At ito ang kanyang utos: Dapat tayong sumampalataya sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan gaya ng iniutos niya sa atin. 24 Ang mga sumusunod sa utos niya ay nananatili sa kanya, at siyaʼy nananatili rin sa kanila. At malalaman natin na nananatili ang Dios sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®