M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kautusan tungkol sa Panata
30 Sinabi ni Moises sa mga pinuno ng lahi ng Israel, “Ito ang mga utos ng Panginoon: 2 Kung ang isang lalaki ay gagawa ng panata o susumpa sa Panginoon na gagawin niya o hindi ang isang bagay, kailangang tuparin niyang lahat ang kanyang sinabi. 3 Kung ang isang dalaga na naninirahan pa sa bahay ng kanyang ama ay gumawa ng panata o nanumpa sa Panginoon na gagawin niya o hindi ang isang bagay, 4 at nalaman ito ng kanyang ama pero hindi naman ito tumutol, kailangang tuparin niya ito. 5 Pero kung tumutol ang kanyang ama nang malaman ito, hindi na niya ito kailangang tuparin. Patatawarin siya ng Panginoon dahil tumutol ang kanyang ama.
6 “Kung ang isang dalaga ay manumpa o gumawa ng panata na gagawin niya o hindi ang isang bagay, pagkatapos nag-asawa siya, kahit na pabigla-bigla man o hindi ang kanyang pangako, 7 at nalaman ito ng kanyang asawa pero hindi naman ito tumutol, kailangang gawin niya ang kanyang ipinangako. 8 Pero kung tumutol ang kanyang asawa nang malaman ito, hindi na niya ito kailangang tuparin, at wala na siyang pananagutan sa Panginoon.
9 “Pero kung ang isang biyuda o babaeng hiniwalayan ng asawa ay gumawa ng panata o nanumpa na gagawin niya o hindi ang isang bagay, kailangang tuparin niya ito.
10 “At kung ang isang babaeng may asawa ay gumawa ng panata o nanumpa na gagawin niya o hindi ang isang bagay, 11 at nalaman ito ng kanyang asawa pero tumahimik lang ito at hindi tumutol, kailangang tuparin niya ito. 12 Pero kung tumutol ang kanyang asawa nang malaman ito, hindi na niya ito kailangang tuparin. Patatawarin siya ng Panginoon dahil tumutol ang kanyang asawa. 13 May karapatang pumayag o tumutol ang kanyang asawa sa kahit anong ginawa niyang sumpa o panata. 14 Pero kung hindi tumutol ang kanyang asawa sa mismong araw na nalaman niya ito, pumapayag ang kanyang asawa na tuparin niya ito. 15 Pero kung pinalipas pa ng kanyang asawa ang ilang araw bago pa tumutol, ang kanyang asawa ang parurusahan sa kanyang kasalanan.”
16 Iyon ang mga kautusan na ibinigay ng Panginoon kay Moises tungkol sa lalaki at sa kanyang asawa, at tungkol sa ama at sa kanyang anak na dalagitang nakatira sa kanyang bahay.
Panalangin para sa Bansa sa Oras ng Kaguluhan
74 O Dios, hanggang kailan mo kami itatakwil?
Bakit kayo nagagalit sa mga taong inyong kinakalinga?
2 Alalahanin nʼyo ang mga mamamayan na inyong pinili, ang lahing tinubos nʼyo, mula pa noong una at ginawa nʼyong pinakatangi-tanging kayamanan.
Alalahanin nʼyo rin ang bundok ng Zion na inyong tahanan.
3 Puntahan nʼyo ang lugar na sira pa rin hanggang ngayon;
tingnan nʼyo kung paanong sinira ng mga kaaway ang lahat sa templo.
4 Sumigaw sila sa loob ng inyong templo.
Nagtaas pa sila roon ng mga bandila bilang simbolo ng kanilang tagumpay.
5 Sinibak nila ang templo na parang pumuputol ng punongkahoy sa gubat gamit ang palakol.
6 Winasak nila ang mga inukit na mga kagamitan sa pamamagitan ng mga palakol.
7 Nilapastangan at sinunog nila ang inyong tahanan.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Lipulin natin silang lahat!”
Sinunog nila ang lahat ng lugar na pinagsasambahan sa inyo, O Dios.
9 Wala nang palatandaan na kasama namin kayo.
Wala nang propetang naiwan at walang nakakaalam kung hanggang kailan matatapos ang mga nangyayaring ito sa amin.
10 O Dios, hanggang kailan kayo kukutyain ng aming mga kaaway?
Papayagan nʼyo ba silang lapastanganin ang inyong pangalan habang buhay?
11 Bakit wala kayong ginagawa?
Kumilos na kayo![a]
Puksain nʼyo na sila!
12 Kayo, O Dios, ang aming Hari mula pa noong una.
Paulit-ulit nʼyo nang iniligtas ang mga tao sa mundo.[b]
13 Hinati nʼyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at dinurog ang ulo ng mga dambuhalang hayop sa dagat.
14 Dinurog nʼyo ang ulo ng dragon na Leviatan at ipinakain ang bangkay nito sa mga hayop sa ilang.
15 Kayo ang nagpapadaloy ng mga bukal at mga batis, at ang ilog na hindi natutuyo ay pinapatuyo ninyo.
16 Kayo ang gumawa ng araw at ng gabi at naglagay ng araw at ng buwan sa kanilang kinalalagyan.
17 Kayo rin ang naglagay ng mga hangganan sa mundo
at lumikha ng tag-araw at taglamig.
18 Alalahanin nʼyo Panginoon, kung paano kayo pinahiya at kinutya ng mga hangal na kaaway.
Kung paano nilapastangan ng mga mangmang na ito ang inyong pangalan.
19 Huwag nʼyong ibigay sa kanilang mga kaaway na parang mababangis na hayop ang inyong mga mamamayan na parang kalapati.
Huwag nʼyong lubusang kalimutan ang inyong mga mamamayan na laging inaapi.
20 Alalahanin nʼyo ang kasunduan ninyo sa amin,
dahil laganap ang kalupitan sa madidilim na lugar ng lupaing ito.
21 Huwag nʼyong payagang mapahiya ang mga mahihirap at nangangailangan.
Purihin sana nila kayo.
22 Sige na po, O Dios, ipagtanggol nʼyo ang inyong karangalan.
Alalahanin nʼyo kung paano kayo laging hinihiya ng mga hangal na ito.
23 Huwag nʼyong balewalain ang walang tigil na paghiyaw ng inyong mga kaaway upang ipakita ang kanilang galit.
Ang Mensahe tungkol sa Jerusalem
22 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Lambak ng Pangitain.[a]
Ano ang nangyayari? Bakit kayo umaakyat sa mga bubong? 2 Nagkakagulo at nagsisigawan ang mga tao sa bayan. Ang mga namatay sa inyo ay hindi sa digmaan namatay. 3 Ang lahat ninyong pinuno ay nagsitakas at nahuli nang walang kalaban-laban. Ang ilan sa inyo ay tumangkang tumakas, pero nahuli pa rin. 4 Hayaan ninyo akong umiyak para sa aking mga kababayan na namatay. Huwag ninyo akong aliwin. 5 Sapagkat itinakda ng Panginoong Dios na Makapangyarihan ang araw na ito ng pagkakagulo, pagtatakbuhan, at pagkalito ng mga tao sa Lambak ng Pangitain. Ang mga pader nito ay nagbabagsakan at ang sigawan ng mga tao ay dinig hanggang sa kabundukan. 6 Sumasalakay ang mga sundalo ng Elam na sakay ng mga kabayo at may mga pana. Ang mga sundalo ng Kir ay sumasalakay din na may mga hawak na kalasag. 7 Pinapalibutan nila ang inyong mga lambak na sagana sa ani, at nagtitipon-tipon sila sa mga pintuan ng inyong lungsod. 8 Nakuha na nila ang mga pangproteksyon ng Juda.
Kumuha kayo ng mga sandata sa taguan nito. 9 Tiningnan ninyo ang mga pader ng Lungsod ni David upang malaman ninyo kung nasaan ang mga sira nito. Nag-imbak kayo ng tubig sa imbakan sa ibaba. 10 Tiningnan ninyo ang mga bahay sa Jerusalem at giniba ang ilan para gamitin ang mga bato sa pag-aayos ng nagibang pader ng lungsod. 11 Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader, at itoʼy pinuno ninyo ng tubig mula sa dating imbakan. Pero hindi ninyo naisip ang Dios na siyang nagplano nito noong una pa at niloob niya na mangyari ito.
12 Nanawagan sa inyo ang Panginoong Dios na Makapangyarihan na kayoʼy magdalamhati, umiyak, magpakalbo at magsuot ng damit na panluksa[b] bilang tanda ng inyong pagsisisi. 13 Sa halip, nagdiwang kayo at nagsaya. Nagkatay kayo ng mga baka at tupa, at nagkainan at nag-inuman. Sabi ninyo, “Magpakasaya tayo, kumain tayoʼt uminom, dahil baka bukas, mamamatay na tayo.”
14 Sinabi sa akin ng Panginoong Makapangyarihan na hindi niya kayo patatawarin sa kasalanang ito habang kayoʼy nabubuhay.
Ang Mensahe para kay Shebna
15 Inutusan ako ng Panginoong Dios na Makapangyarihan na puntahan ko si Shebna na katiwala ng palasyo, at sabihin sa kanya, 16 “Sino ka ba para humuhukay sa gilid ng bundok para gumawa ng libingang kasama ng mga bayani? Sino ang nagbigay sa iyo ng pahintulot na gawin ito? 17 Mag-ingat ka! Kahit na ikaw ay makapangyarihan, huhulihin ka at itatapon ng Panginoon. 18 Bibilugin ka niya na parang bola at itatapon sa maluwang na lupain. Doon ka mamamatay at doon din mawawasak ang mga karwaheng ipinagmamalaki mo. Nagdulot ka ng kahihiyan sa iyong amo. 19 Sinasabi pa ng Panginoon sa iyo, ‘Paaalisin kita sa iyong katungkulan. 20 Sa araw na iyon, tatawagin ko ang lingkod kong si Eliakim na anak ni Hilkia. 21 Ipapasuot ko sa kanya ang damit mong pang-opisyal pati ang iyong sinturon, at ibibigay ko sa kanya ang kapangyarihan mo. Siya ang magiging pinakaama ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda. 22 Ibibigay ko sa kanya ang susi ng kaharian ni David. Kapag binuksan niya ang pintuan, walang makapagsasara nito, at kapag sinarhan niya walang makapagbubukas nito. 23 Palalakasin ko siya sa kanyang katungkulan na parang matibay na sabitan sa dingding, at magbibigay siya ng karangalan sa kanyang pamilya. 24 At ang buo niyang pamilya at mga kamag-anak ay aasa sa kanya. Para siyang sabitan na pinagsasabitan ng sari-saring maliliit na lalagyan mula sa tasa hanggang sa mga palayok. 25 Sa araw na iyon kapag marami na ang nakasabit sa kanya, mahuhulog siya at mawawasak ang lahat ng nakasabit sa kanya. Mangyayari nga ito dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Ang Pagbabalik ng Panginoon
3 Mga minamahal, pangalawang sulat ko na ito sa inyo. Sa mga sulat ko, sinikap kong gisingin ang kaisipan nʼyo sa kabutihan, sa pamamagitan ng pagpapaalala sa inyo ng ilang bagay. 2 Nais kong ipaalala sa inyo ang mga salita ng mga propeta ng Dios noong una at ang utos na ibinigay sa inyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. 3 Una sa lahat, dapat ninyong maunawaan na sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak at susundin ang masasama nilang nasa. 4 Sasabihin nila, “Hindi baʼt nangako si Cristo na babalik siya? Nasaan na siya ngayon? Namatay na ang mga magulang namin pero wala pa ring pagbabago mula nang likhain ang mundo.” 5 Sinasadya nilang kalimutan ang katotohanan na nilikha ng Dios ang langit sa pamamagitan ng kanyang salita. At nilikha niya ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig.[a] 6 At sa pamamagitan din ng tubig, bumaha sa mundo at nalipol ang lahat. 7 Sa pamamagitan din ng kanyang salita, itinakdang tupukin ng Dios sa apoy ang kasalukuyang langit at lupa sa Araw ng Paghuhukom at paglipol sa masasama.
8 Ngunit huwag sana ninyong kakalimutan mga minamahal, na sa Panginoon, walang pinagkaiba ang isang araw sa isang libong taon. Para sa kanya ang mga ito ay pareho lang. 9 Hindi nagpapabaya ang Panginoon sa pagtupad sa pangako niya, gaya ng inaakala ng ilan. Ang totoo, binibigyan lang niya ng pagkakataong magsisi ang lahat sa mga kasalanan nila, dahil ayaw niyang mapahamak ang sinuman. 10 Ang araw ng Panginoon ay darating na tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, biglang mawawala ang kalangitan na may nakakapangilabot na ugong. Masusunog ang lupa[b], at mawawala ang lahat ng nasa lupa. 11 Kung ganito ang magiging kahihinatnan ng lahat, dapat kayong mamuhay nang banal at makadios, 12 habang hinihintay nʼyo ang araw ng pagdating ng Dios at ginagawa ang makakayanan nʼyo para mapadali ang pagdating niya. Sa araw na ito, masusunog ang langit sa apoy at matutunaw ang lahat ng nasa lupa sa tindi ng init. 13 Ngunit ayon sa pangako niya, may maaasahan din tayong bagong langit at lupa na paghaharian ng katarungan.
14 Kaya nga, mga minamahal, habang inaasahan nʼyo ang bagay na ito, pagsikapan ninyong mamuhay nang mapayapa, malinis, at walang kapintasan sa paningin niya. 15 Alalahanin nʼyo na kaya hindi pa dumarating ang Panginoon ay para bigyan ng pagkakataong maligtas ang mga tao, gaya nga ng mga isinulat sa inyo ng mahal nating kapatid na si Pablo sa pamamagitan ng karunungang ibinigay sa kanya ng Panginoon. 16 At ito rin ang sinasabi niya sa lahat ng sulat niya. May ilang bahagi sa mga sulat niya na mahirap intindihin, na binibigyan ng maling kahulugan ng mga hangal at mahihina ang pananampalataya, gaya ng ginagawa nila sa ibang mga Kasulatan. Kaya sila mismo ang nagpapahamak sa sarili nila. 17 Mga minamahal, alam na ninyo ito kahit noon pa. Kaya mag-ingat kayo nang hindi kayo maloko sa pamamagitan ng mga maling aral ng mga taong suwail, at mawalay sa mabuti ninyong kalagayan sa Dios. 18 Sa halip, lumago kayo sa biyaya ng Dios at sa pagkakakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Purihin siya ngayon at magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®