Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 29

Ang mga Handog sa Pista ng Pagpapatunog ng mga Trumpeta(A)

29 “Sa unang araw ng ikapitong buwan, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sumamba sa Panginoon. Sa araw na iyon ay patunugin ninyo ang mga trumpeta. Pagkatapos, mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog na ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. Sa paghahandog ninyo ng mga ito, samahan ninyo ito ng mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Magandang klaseng harina na hinaluan ng langis ang ihalo ninyo – anim na kilo sa bawat batang toro, apat na kilo para sa lalaking tupa at dalawang kilo sa bawat batang tupa. Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para mapatawad ang inyong mga kasalanan. Ihandog ninyo ito bukod pa sa buwanan at pang-araw-araw na mga handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at mga handog na inumin. Mga handog ito na sinusunog, at ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon.

Mga Handog sa Araw ng Pagtubos(B)

“Sa ikasampung araw nitong ikapitong buwan, magtipon kayo para sumamba sa Panginoon. Kailangang mag-ayuno kayo at huwag na huwag kayong magtatrabaho. Pagkatapos, mag-alay kayo ng handog na sinusunog, na ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. Sa paghahandog ninyo, samahan ito ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ang isama ninyo ay magandang klaseng harina na hinaluan ng langis – anim na kilo sa bawat batang toro, apat na kilo sa bawat lalaking tupa 10 at dalawang kilo sa bawat batang tupa. 11 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod sa isa pang handog sa paglilinis para sa kapatawaran ng inyong kasalanan at sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, at sa handog na inumin.

Ang mga Handog sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol(C)

12 “Sa ika-15 araw ng buwan ding iyon, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sumamba sa Panginoon. Magdiwang kayo ng pista para sa Panginoon sa loob ng pitong araw. 13 Mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog na ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon. Sa unang araw, ito ang inyong ihandog: 13 batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 14 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Haluan ninyo ito ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis – anim na kilo sa bawat batang toro, apat na kilo sa bawat lalaking tupa 15 at dalawang kilo sa bawat batang tupa. 16 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

17 “Sa ikalawang araw, ito ang inyong ihandog: 12 batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 18 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 19 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

20 “Sa ikatlong araw, maghandog kayo ng 11 batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 21 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 22 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

23 “Sa ikaapat na araw, ito ang inyong ihandog: sampung batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 24 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 25 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

26 “Sa ikalimang araw, ito ang inyong ihandog: siyam na batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 27 Sa paghahandog ninyo nito, samahan nʼyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 28 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

29 “Sa ikaanim na araw, ito ang inyong ihandog: walong batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 30 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 31 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

32 “Sa ikapitong araw, ito ang inyong ihandog: pitong batang toro, dalawang lalaking tupa at 14 na batang tupa na isang taong gulang. Kailangang walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 33 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 34 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

35 “Sa ikawalong araw, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sa pagsamba sa Panginoon. 36 Mag-alay kayo ng handog na sinusunog na ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na isang taong gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 37 Sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng tamang dami ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. 38 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog na may kasamang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin.

39 “Bukod pa sa mga handog para sa pagtupad ng inyong panata at mga handog na kusang-loob, maghandog din kayo sa Panginoon sa nakatakdang mga pista ng mga handog na ito, mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, mga handog na inumin at mga handog para sa mabuting relasyon.”

40 Sinabing lahat ito ni Moises sa mga Israelita ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

Salmo 73

Ang Makatarungang Hatol ng Dios

73 Tunay na mabuti ang Dios sa Israel,
    lalo na sa mga taong malilinis ang puso.
Ngunit ako, halos mawalan na ako ng pananampalataya.
Nainggit ako nang makita ko na ang mayayabang at masasama ay umuunlad.
Malulusog ang kanilang mga katawan
    at hindi sila nahihirapan.
Hindi sila naghihirap at nababagabag na tulad ng iba.
Kaya ipinapakita nila ang kanilang kayabangan at kalupitan.[a]
Ang kanilang puso ay puno ng kasamaan,
    at ang laging iniisip ay paggawa ng masama.
Kinukutya nila at pinagsasabihan ng masama ang iba.
    Mayayabang sila at nagbabantang manakit.
Nagsasalita sila ng masama laban sa Dios at sa mga tao.
10 Kaya kahit na ang mga mamamayan ng Dios ay lumilingon sa kanila at pinaniniwalaan ang mga sinasabi nila.
11 Sinasabi nila, “Paano malalaman ng Dios?
    Walang alam ang Kataas-taasang Dios.”

12 Ganito ang buhay ng masasama:
    wala nang problema, yumayaman pa.
13 Bakit ganoon? Wala bang kabuluhan ang malinis kong pamumuhay at paglayo sa kasalanan?
14 Nagdurusa ako buong araw.
    Bawat umaga akoʼy inyong pinarurusahan.
15 Kung sasabihin ko rin ang sinabi nila,
    para na rin akong nagtraydor sa inyong mga mamamayan.
16 Kaya sinikap kong unawain ang mga bagay na ito,
    ngunit napakahirap.
17 Pero nang pumunta ako sa inyong templo,
    doon ko naunawaan ang kahihinatnan ng masama.
18 Tunay na inilalagay nʼyo sila sa madulas na daan,
    at ibinabagsak sa kapahamakan.
19 Bigla silang mapapahamak;
    mamamatay silang lahat at nakakatakot ang kanilang kahahantungan.
20 Para silang isang panaginip na pagsapit ng umaga ay wala na.
    Makakalimutan na sila kapag pinarusahan nʼyo na.

21 Nang nasaktan ang aking damdamin at nagtanim ako ng sama ng loob,
22 para akong naging hayop sa inyong paningin,
    mangmang at hindi nakakaunawa.
23 Ngunit patuloy akong lumapit sa inyo at inakay nʼyo ako.
24 Ginagabayan ako ng inyong mga payo,
    at pagkatapos ay tatanggapin nʼyo ako bilang isang pangunahing pandangal.
25 Walang sinuman sa langit ang kailangan ko kundi kayo lamang.
    At walang sinuman sa mundo ang hinahangad ko maliban sa inyo.
26 Manghina man ang aking katawan at isipan, kayo, O Dios, ang aking kalakasan.
    Kayo lang ang kailangan ko magpakailanman.
27 Ang mga taong lumalayo sa inyo ay tiyak na mapapahamak.
    Ang mga nagtaksil sa inyo ay lilipuling lahat.
28 Ngunit ako, minabuti kong maging malapit sa Dios.
    Kayo, Panginoong Dios, ang pinili kong kanlungan,
    upang maihayag ko ang lahat ng inyong mga ginawa.

Isaias 21

Ang Mensahe tungkol sa Babilonia

21 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Babilonia:[a]

Sasalakay ang mga kaaway na parang buhawi. Dadaan ito sa Negev mula sa ilang, sa nakakapangilabot na lupain. Nakita ko ang isang kakila-kilabot na pangitain tungkol sa kataksilan at kapahamakan.

Kayong mga taga-Elam at taga-Media, palibutan ninyo ang Babilonia at salakayin. Wawakasan na ng Dios ang pagpapahirap niya sa ibang bansa.

Ang nakita kong ito sa pangitain ay nagdulot sa akin ng matinding takot at nakadama ako ng pananakit ng katawan, na para bang babaeng naghihirap sa panganganak. Kinakabahan ako at nanginginig sa takot. Sana makapagpahinga ako paglubog ng araw, pero hindi maaari, dahil takot ako sa maaaring mangyari.

Naghahanda ng piging ang mga pinuno. Naglalagay sila ng mga pansapin para upuan. Kumakain sila at umiinom, nang biglang may sumigaw, “Magmadali kayo! Humanda kayo sa digmaan.”

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Maglagay ka ng tagapagbantay sa lungsod na magbabalita ng makikita niya. Kinakailangang magbantay siya nang mabuti at ipaalam agad kapag nakakita siya ng mga karwahe na hila-hila ng dalawang kabayo, at mga sundalo na nakasakay sa mga asno at mga kamelyo.”

Sumigaw ang bantay, “Ginoo, araw-gabiʼy nagbabantay po ako sa tore. At ngayon, tingnan nʼyo! May dumarating na mga karwahe na hila-hila ng dalawang kabayo.” At sinabi pa ng bantay, “Nawasak na ang Babilonia! Ang lahat ng imahen ng kanyang mga dios-diosan ay nagbagsakan sa lupa at nawasak lahat.”

10 Pagkatapos, sinabi ko, “Mga kapwa kong mga Israelita, na parang mga trigong ginigiik,[b] sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na aking napakinggan sa Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel.”

Ang Mensahe tungkol sa Edom

11 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Edom:[c]

May taong mula sa Edom[d] na palaging nagtatanong sa akin, “Tagapagbantay, matagal pa ba ang umaga?” 12 Sumagot ako, “Mag-uumaga na pero sasapit na naman ang gabi. Kung gusto mong magtanong ulit bumalik ka na lang.”

Ang Mensahe tungkol sa Arabia

13 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Arabia:

Kayong mga mamamayan ng Dedan, na pulu-pulutong na naglalakbay at nagkakampo sa mga ilang ng Arabia, 14 bigyan ninyo ng tubig ang mga nauuhaw. Kayong mga nakatira sa Tema, bigyan ninyo ng pagkain ang mga taong nagsitakas mula sa kani-kanilang mga lugar. 15 Tumakas sila mula sa mahigpit na labanan at hinahabol sila ng kanilang mga kaaway na may mga espada at mga pana.

16 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Sa loob ng isang taon magwawakas ang kapangyarihan ng Kedar. 17 Kakaunti ang matitira sa matatapang niyang sundalo na gumagamit ng pana.” Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel.

2 Pedro 2

Ang mga Huwad na Guro

Ngunit nagkaroon din ng mga huwad na propeta sa mga mamamayan ng Israel noong araw, at ganito rin ang mangyayari sa inyo. Magkakaroon ng mga huwad na guro sa inyo at palihim nilang ituturo ang mga aral na makakasira sa pananampalataya ninyo. Itatakwil nila maging ang Panginoon na tumubos sa kanila, kaya biglang darating sa kanila ang kapahamakan. Sa kabila nito, marami pa ring susunod sa nakakahiya nilang pamumuhay, at dahil sa kanila, malalapastangan ang katotohanang sinusunod natin. Dahil sa kasakiman nila, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng matatamis na salita para kwartahan kayo. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila, at malapit na silang lipulin.

Kahit nga ang mga anghel ay hindi kinaawaan ng Dios nang nagkasala sila. Sa halip, itinapon sila sa malalim at madilim na hukay para roon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. Hindi rin kinaawaan ng Dios ang mga tao noong unang panahon dahil sa kasamaan nila, kundi nilipol silang lahat sa baha. Tanging si Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay at ang pito niyang kasama ang nakaligtas. Hinatulan din ng Dios ang mga lungsod ng Sodom at Gomora dahil sa kasamaan nila, at sinunog ang mga ito, para ipakita ang mangyayari sa masasama. Pero iniligtas ng Dios si Lot, isang taong matuwid na nababahala sa malaswang pamumuhay ng mga tao. Habang naninirahan doon si Lot, araw-araw niyang nasasaksihan ang masasama nilang gawain at labis na naghihirap ang kalooban niya. 9-10 Kaya makikita natin na alam ng Panginoon kung paano iligtas sa mga pagsubok ang mga matuwid, at kung paano parusahan ang masasama. Parurusahan niya lalo na ang mga sumusunod sa masasamang nasa ng kanilang laman at ayaw magpasakop sa kanya, hanggang sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Ang binabanggit kong mga huwad na guro ay mayayabang at mapangahas. Hindi sila natatakot lapastanganin ang mga makapangyarihang nilalang. 11 Kahit ang mga anghel, na higit pang malakas at makapangyarihan sa mga gurong ito, ay hindi nilalapastangan ang mga makapangyarihang nilalang sa harap ng Panginoon. 12 Pero nilalapastangan ng mga gurong ito ang mga bagay na wala naman silang alam. Para silang mga hayop na walang isip at ipinanganak para hulihin at patayin. Talagang lilipulin ang mga taong ito. 13 Ito ang kabayaran sa ginagawa nilang kasamaan. Mahilig silang gumawa ng lantarang kalaswaan. Malaking kahihiyan at kapintasan ang dala nila sa inyo. Natutuwa silang lokohin kayo habang kumakain silang kasama ninyo sa mga pagsasalo-salo ninyo. 14 Kung tumingin sila sa babae, puno ito ng pagnanasa. Wala silang tigil sa paggawa ng kasalanan at hinihikayat pa ang mga taong mahihina. Sanay sila sa pagiging sakim. Mga isinumpa sila! 15 Tinalikuran nila ang tamang daan, kaya sila naligaw. Sinunod nila ang halimbawa ni Balaam na anak ni Beor na pumayag masuhulan sa paggawa ng masama. 16 At dahil nilabag niya ang utos ng Dios, sinumbatan siya ng asno[a] niyang nakapagsalita na parang tao upang mapigilan siya sa kabaliwan niya.

17 Ang mga huwad na gurong itoʼy tulad ng mga natuyong batis at mga ulap na tinatangay ng malakas na hangin. Inilaan na sila ng Dios sa kadiliman. 18 Mayabang silang magsalita, pero wala namang kabuluhan. Sinasabi nilang hindi masama ang pagsunod sa masasamang nasa ng laman. Kaya nahihikayat nilang bumalik sa imoralidad ang mga taong kakatalikod pa lamang sa masamang pamumuhay. 19 Ipinapangako nila ang kalayaan sa mga nahihikayat nila, pero sila mismo ay mga alipin ng kasalanang magpapahamak sa kanila. Sapagkat alipin ang tao ng anumang kumokontrol sa kanya. 20 Ang mga taong nakakilala na kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas ay tumalikod na sa kasamaan ng mundo. Ngunit kung muli silang bumalik sa kasamaan at maging alipin muli nito, mas masahol pa sa dati ang magiging kalagayan nila. 21 Mas mabuti pang hindi na nila natagpuan ang landas patungo sa matuwid na pamumuhay, kaysa sa natagpuan ito at talikuran lang sa bandang huli ang mga banal na utos na ibinigay sa kanila. 22 Bagay sa kanila ang kasabihan,

    “Ang asoʼy kumakain ng suka niya.”[b]
    At, “Ang baboy, paliguan man ay babalik din sa kanyang lubluban.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®