M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pang-araw-araw na mga Handog(A)
28 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na kailangan silang maghandog sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy[a] sa nakatakdang panahon. Ang mga handog na ito ay ang pagkain ko, at ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa akin. Kaya sabihin mo ito sa mga Israelita: 3 ‘Ito ang mga handog sa pamamagitan ng apoy na inyong iaalay sa Panginoon araw-araw: dalawang tupa na isang taong gulang at walang kapintasan. 4 Ang isang handog ay sa umaga at isa sa hapon, 5 kasama ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis ng olibo. 6 Ito ang pang-araw-araw na handog na inyong susunugin na iniutos noon ng Panginoon sa inyo sa Bundok ng Sinai. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 7 Ang handog na inumin na isasama sa bawat tupa ay isang litrong alak at ibubuhos ito sa banal na lugar para sa Panginoon. 8 Ito rin ang gagawin ninyo sa ikalawang tupa na ihahandog ninyo sa hapon. Samahan din ninyo ito ng isang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.
Ang mga Handog sa Araw ng Pamamahinga
9 “ ‘Sa araw ng Pamamahinga, maghandog kayo ng dalawang tupa na isang taong gulang at walang kapintasan, kasama ang handog na inumin at ang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis. 10 Ito ang handog na sinusunog tuwing Araw ng Pamamahinga, bukod pa sa pang-araw-araw na handog kasama ang handog na inumin.
Ang Buwanang Handog
11 “ ‘Sa bawat unang araw ng buwan, maghahandog kayo ng handog na sinusunog sa Panginoon. Ang inyong handog ay dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taong gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 12 Ang bawat toro ay sasamahan ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na mga anim na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, bawat isang lalaking tupa ay sasamahan din ng handog na may mga apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang pagpaparangal sa Panginoon. 13 At ang batang lalaking tupa ay sasamahan ng handog na dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang pagpaparangal sa Panginoon. Itoʼy mga handog na sinusunog, ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon. 14 Ang bawat toro ay sasamahan ng handog na inumin na dalawang litrong katas ng ubas. At ang bawat batang tupa ay sasamahan ng mga isang litrong alak. Ito ang buwanang handog na sinusunog na inyong gagawin sa bawat simula ng buwan sa buong taon. 15 Maghandog pa kayo sa Panginoon ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. Gawin ninyo ito bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa mga handog na inumin.’
Ang Pista ng Paglampas ng Anghel(B)
16 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa ika-14 na araw ng unang buwan. 17 Bukas magsisimula ang pitong araw na pista. At sa loob ng pitong araw, huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. 18 Sa unang araw ng pista, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sumamba sa Panginoon. 19 Maghandog kayo sa Panginoon ng handog na sinusunog na dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taong gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 20 At sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, anim na kilo sa bawat toro, apat na kilo sa lalaking tupa 21 at dalawang kilo sa bawat batang tupa. 22 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para mapatawad ang inyong mga kasalanan. 23 Ialay ninyo ang mga handog na ito bukod pa sa inyong pang-araw-araw na handog na sinusunog tuwing umaga. 24 Sa ganitong paraan ninyo ialay itong mga handog sa pamamagitan ng apoy bilang pagkain para sa Panginoon. Gawin ninyo ito bawat araw sa loob ng pitong araw. Ang mabangong samyo ng mga handog na ito ay makalulugod sa Panginoon. Ihandog ninyo ito bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa handog na inumin. 25 Sa ikapitong araw, muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon. At huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon.
Ang mga Handog sa Panahon ng Pista ng Pag-aani(C)
26 “Sa unang araw ng Pista ng Pag-aani, sa panahon na maghahandog kayo sa Panginoon ng bagong ani ng trigo, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo bilang pagsamba sa Panginoon. 27 Maghandog kayo ng handog na sinusunog: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taong gulang. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon. 28 At sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, anim na kilo sa bawat toro, apat na kilo sa lalaking tupa 29 at dalawang kilo sa bawat batang tupa. 30 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan. 31 Ihandog ninyo ito kasama ang mga handog na inumin bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Siguraduhin ninyo na ang mga hayop na ito ay walang kapintasan.
Panalangin para sa Hari
72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
2 para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
3 Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
4 Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
at durugin ang mga umaapi sa kanila.
5 Manatili sana siya[a] magpakailanman,
habang may araw at buwan.
6 Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
7 Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.
8 Lumawak sana nang lumawak ang kanyang kaharian,[b]
mula sa ilog ng Eufrates hanggang sa pinakadulo ng mundo.[c]
9 Magpasakop sana sa kanya ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.
10 Magbigay sana ng mga kaloob sa kanya ang mga hari ng Tarshish,
ng malalayong isla, ng Sheba at Seba.
11 Magpasakop sana ang lahat ng hari sa kanya
at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.
12 Dahil tinutulungan niya ang mga napabayaang dukha
na humingi ng tulong sa kanya.
13 Kahahabagan niya ang mga dukha at nangangailangan at silaʼy kanyang tutulungan.
14 Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.
15 Mabuhay sana ang hari nang matagal.
Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba.
Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Dios.
16 Sumagana sana ang ani sa lupain kahit na sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon.
At dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod,
kasindami ng damo sa mga parang.
17 Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw.
Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Dios ang lahat ng bansa,
at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Dios.
18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
Amen! Amen!
20 Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.
Ang Mensahe tungkol sa Egipto
19 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Egipto:
Makinig kayo! Ang Panginoon ay nakasakay sa ulap at mabilis na pumunta sa Egipto. Nanginginig sa takot ang mga dios-diosan ng Egipto, at kinakabahan ang mga Egipcio.
2 Sinabi ng Panginoon, “Pag-aawayin ko ang mga taga-Egipto: Kapatid laban sa kapatid, kapitbahay laban sa kapitbahay, lungsod laban sa lungsod, at kaharian laban sa kaharian. 3 Masisiraan ng loob ang mga taga-Egipto, at guguluhin ko ang mga plano nila. Sasangguni sila sa mga dios-diosan, sa kaluluwa ng mga patay, sa mga mangkukulam at mga espiritista. 4 Ipapasakop ko sila sa isang malupit na hari.” Iyon nga ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan.
5 Matutuyo ang Ilog ng Nilo. 6 Ang mga sapa at mga batis na dinadaluyan nito ay babaho at matutuyo. Malalanta ang mga tambo at mga talahib, 7 ang lahat ng tanim sa pampang ng ilog. Matutuyo at titigas ang lupa malapit sa Ilog ng Nilo at mamamatay ang mga halaman dito. 8 Iiyak, maghihinagpis, at manghihina ang mga mangingisda sa Ilog ng Nilo, 9 at malulungkot ang mga gumagawa ng mga telang linen. 10 Manlulumo ang mga manghahabi at ang iba pang mga manggagawa.
11 Hangal ang mga pinuno ng Zoan! Kinikilala silang mga pinakamatalinong tagapayo ng Faraon,[a] pero ang kanilang mga payo ay walang kabuluhan. Paano nila nasabi sa Faraon, “Lahi kami ng matatalino at ng mga hari noong unang panahon.”
12 Faraon, nasaan na ngayon ang matatalino mong tao? Kung talagang matatalino sila, itanong mo kung ano ang plano ng Panginoong Makapangyarihan para sa Egipto. 13 Talagang mga mangmang ang mga pinuno ng Zoan at Memfis.[b] Madali silang malinlang. Silang mga pinuno ang siyang dapat sanang manguna sa mga mamamayan ng Egipto, pero sila pa ang luminlang sa kanila. 14 Ginugulo ng Panginoon ang isip ng mga Egipcio. Pamali-mali ang mga hakbang na kanilang ginagawa. Para silang mga lasing na pasuray-suray at nagsusuka. 15 Walang sinuman sa buong Egipto, mayaman man o mahirap, marangal man o aba, ang makakatulong sa kanyang bansa.
16 Sa mga araw na iyon, ang mga taga-Egipto ay magiging mahina na parang babae. Manginginig sila sa takot sa parusang ihahatol sa kanila ng Panginoong Makapangyarihan. 17 Matatakot sila sa Juda, kahit marinig lang nila ang pangalan nito. Mangyayari ito sa kanila dahil sa plano ng Panginoong Makapangyarihan laban sa kanila.
18 Sa araw na iyon, limang lungsod ng Egipto ang susunod sa Panginoong Makapangyarihan, at magsasalita sila sa wikang Hebreo.[c] Isa sa mga lungsod na itoʼy tatawaging, Lungsod ng Araw.[d]
19 Sa araw na iyon, itatayo ang isang altar para sa Panginoon sa lupain ng Egipto, at itatayo ang isang alaalang bato sa hangganan nito. 20 Magiging tanda ito at patunay na naroon ang Panginoong Makapangyarihan sa lupain ng Egipto. Kung ang mga taga-Egipto ay hihingi ng tulong sa Panginoon sa dahilang pinapahirapan sila ng mga umaapi sa kanila, padadalhan sila ng magliligtas at kakalinga sa kanila. 21 Ipapakilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa kanila, at sa araw na iyon ay kikilalanin nila ang Panginoon. Sasambahin nila siya sa pamamagitan ng sari-saring mga handog. Magsisipanata sila sa Panginoon, at tutuparin nila iyon. 22 Parurusahan ng Panginoon ng salot ang mga taga-Egipto, pero pagagalingin din niya ang mga ito. Dudulog sila sa Panginoon, at didinggin niya ang mga dalangin nila at pagagalingin sila.
23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng malapad na daan mula sa Egipto papuntang Asiria. Ang mga taga-Egipto at mga taga-Asiria ay magpaparooʼt parito sa Egipto at sa Asiria, at magkasama silang sasamba. 24 Sa araw na iyon, magsasama ang Israel, Egipto, at ang Asiria. At ang tatlong bansang ito ay magiging pagpapala sa buong mundo. 25 Pagpapalain sila ng Panginoong Makapangyarihan at sasabihin, “Pinagpapala ko ang mga taga-Egipto na aking mga mamamayan, ang mga taga-Asiria na aking nilalang, at ang mga taga-Israel na pagmamay-ari ko.”
Ang Mensahe Tungkol sa Egipto at sa Etiopia
20 Ayon sa utos ni Haring Sargon ng Asiria, sinalakay ng kumander ng mga sundalo ng Asiria ang Ashdod, at naagaw nila ito. 2 Bago ito nangyari, sinabi ng Panginoon kay Isaias na anak ni Amoz, “Hubarin mo ang iyong damit na panluksa at tanggalin mo ang iyong sandalyas.” Ginawa ito ni Isaias, at palakad-lakad siyang nakahubad at nakayapak.
3 Sinabi ng Panginoon, “Ang lingkod kong si Isaias ay palakad-lakad nang hubad at nakayapak sa loob ng tatlong taon. Itoʼy isang babala para sa Egipto at Etiopia.[e] 4 Sapagkat bibihagin ng hari ng Asiria ang mga taga-Egipto at mga taga-Etiopia,[f] bata man o matanda. Bibihagin sila nang hubad at nakayapak. Makikita ang kanilang puwit, at talaga ngang mapapahiya ang mga Egipcio. 5 Ang mga umaasa sa Etiopia at ipinagmamalaki ang Egipto ay manlulupaypay at mapapahiya. 6 Sa araw na mangyari iyon, sasabihin ng mga Filisteo,[g] ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa mga bansang ating inaasahan at hinihingan ng tulong para tayoʼy maligtas sa hari ng Asiria. Paano na tayo maliligtas?’ ”
Pagbati Mula kay Pedro
1 Mula kay Simon Pedro na lingkod at apostol ni Jesu-Cristo.
Mahal kong mga kapatid na kabahagi sa napakahalagang pananampalataya na tinanggap din namin. Ang pananampalatayang itoʼy ibinigay sa atin ni Jesu-Cristo na ating Dios at Tagapagligtas, dahil matuwid siya.
2 Sumainyo nawa ang higit pang biyaya at kapayapaan dahil sa pagkakakilala ninyo sa ating Dios at Panginoong Jesu-Cristo.
Pinili Tayo ng Dios na Maging mga Anak Niya
3 Ang kapangyarihan ng Dios ang nagbigay sa atin ng lahat ng kailangan natin para mamuhay nang may kabanalan. Itoʼy sa pamamagitan ng pagkakakilala natin sa kanya na tumawag sa atin. Tinawag niya tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan niya at kabutihan. 4 At sa pamamagitan din nito, ipinagkaloob niya sa atin ang mahahalaga at dakila niyang mga pangako. Ginawa niya ito para makabahagi tayo sa kabanalan ng Dios at matakasan ang mapanirang pagnanasa na umiiral sa mundong ito. 5 Dahil dito, pagsikapan ninyong maidagdag sa pananampalataya nʼyo ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; 6 sa kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili, ang pagtitiis; sa pagtitiis, ang kabanalan; 7 sa kabanalan, ang pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo; at sa pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo, ang pag-ibig sa lahat. 8 Sapagkat kung ang mga katangiang ito ay nasa inyo at lumalago, nagiging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang pagkakakilala nʼyo sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 9 Ngunit ang mga nagkukulang sa mga katangiang ito ay mga bulag sa katotohanan. Nakalimutan na nilang nilinis na sila ng Dios sa dati nilang mga kasalanan.
10 Kaya nga, minamahal kong mga kapatid kay Cristo, pagsikapan ninyong mapatunayan na mga tinawag nga kayo at pinili ng Dios. Sapagkat kung gagawin nʼyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod, 11 kundi buong galak kayong tatanggapin sa walang katapusang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
12 Kaya lagi ko kayong pinapaalalahanan tungkol sa mga bagay na ito, kahit alam nʼyo na ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang tinanggap ninyo. 13 At sa palagay ko, nararapat lang na paalalahanan ko kayo sa mga bagay na ito habang nabubuhay pa ako, 14 dahil alam kong hindi na ako magtatagal sa mundong ito. Ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo ang nagpahayag nito sa akin. 15 Kaya gagawin ko ang lahat para makatiyak akong maaalala nʼyo pa rin ang mga itinuro ko kahit wala na ako rito.
Naging Saksi Kami sa Kapangyarihan ni Cristo
16 Ang mga ipinangaral namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi kwentong gawa-gawa lang. Nasaksihan namin mismo ang kadakilaan niya. 17 Sapagkat nang parangalan at papurihan si Jesu-Cristo ng Dios Ama, narinig namin ang tinig ng Makapangyarihang Dios na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” 18 Narinig namin mismo ang tinig na nanggaling sa langit noong kasama namin si Jesus doon sa banal na bundok. 19 Dahil nga rito, lalong tumibay ang paniniwala namin sa mga ipinahayag ng mga propeta noon. Kaya nararapat lang na bigyan nʼyo ng pansin ang mga sinabi nila, dahil para itong ilaw na tumatanglaw sa madilim na lugar hanggang sa araw ng pagdating ng Panginoon. Tulad siya ng tala sa umaga na nagbibigay-liwanag sa isipan ninyo.[a] 20 Higit sa lahat, dapat ninyong tandaan na ang lahat ng isinulat ng mga propeta sa Kasulatan ay hindi ayon sa sarili nilang interpretasyon. 21 Sapagkat hindi galing sa sarili nilang kalooban ang mga ipinangaral nila kundi sa Banal na Espiritu na nag-udyok sa kanila upang sabihin ang salita ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®