Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 27

Ang mga Anak na Babae ni Zelofehad

27 Si Zelofehad ay may mga anak na babae na sina Mahlah, Noe, Hogla, Milca at Tirza. Si Zelofehad ay anak ni Hefer at apo ni Gilead na anak ni Makir at apo ni Manase. Si Manase ay anak ni Jose. Ngayon, nagpunta ang mga babaeng ito sa pintuan ng Toldang Tipanan at tumayo sa harapan nina Moises, Eleazar, ng mga pinuno at ng buong kapulungan ng Israel. Sinabi ng mga babae, “Namatay ang aming ama roon sa ilang na walang anak na lalaki. Pero namatay siya hindi dahil sa tagasunod siya ni Kora na nagrebelde sa Panginoon, kundi dahil sa sarili niyang kasalanan. Dahil lang po ba sa walang anak na lalaki ang aming ama, mawawala na ang kanyang pangalan sa sambahayan ng Israel? Bigyan din ninyo kami ng lupa tulad ng natanggap ng aming mga kamag-anak.”

Kaya sinabi ni Moises sa Panginoon ang kanilang hinihingi. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tama ang sinabi ng mga anak na babae ni Zelofehad. Kailangang bigyan mo sila ng lupa kasama ng mga kamag-anak ng kanilang ama. Ibigay sa kanila ang lupa na dapat sana ay sa kanilang ama.

“At sabihin mo sa mga Israelita na kung mamatay ang isang tao na hindi nagkaanak ng lalaki, kailangang ibigay sa kanyang anak na babae ang kanyang lupa. At kung wala siyang anak na babae, ibigay sa kanyang kapatid na lalaki. 10 At kung wala siyang kapatid na lalaki, ibigay ang kanyang lupa sa kapatid na lalaki ng kanyang ama. 11 Kung walang kapatid na lalaki ang kanyang ama, ibigay ang kanyang lupa sa pinakamalapit niyang kamag-anak at ang kanyang kamag-anak ang magmamana ng lupa. Itoʼy susundin ng mga Israelita bilang isang legal na kautusang dapat sundin, ayon sa iniutos ko sa iyo, Moises.”

Pinili si Josue Bilang Kapalit ni Moises(A)

12 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka sa kabundukan ng Abarim at tingnan mo roon ang lupaing ibinigay ko sa mga Israelita. 13 Pagkatapos mong makita ito, sasama ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno, tulad ng kapatid mong si Aaron. 14 Dahil noong nagrebelde ang mga Israelita sa akin doon sa bukal ng ilang ng Zin, sinuway ninyo ni Aaron ang aking utos na ipakita ang aking kabanalan sa mga mamamayan.” (Ang bukal na ito ay ang Meriba na nasa Kadesh sa ilang ng Zin.) 15 Sinabi ni Moises sa Panginoon, 16 “O Panginoon, Dios na pinanggagalingan ng buhay ng lahat ng tao, pumili po sana kayo ng isang tao na mamumuno sa mga mamamayang ito 17 at mangunguna sa kanila sa labanan, upang ang inyong mga mamamayan ay hindi maging tulad ng mga tupang walang tagapagbantay.”

18 Kaya sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ipatawag si Josue na anak ni Nun, na puspos ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanyang ulo. 19 Patayuin siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong kapulungan, at ipaalam mo sa kanila na pinili mo siya para pumalit sa iyo. 20 Ibigay mo sa kanya ang iba mong kapangyarihan upang sundin siya ng buong mamamayan ng Israel. 21 Kay Eleazar niya malalaman ang aking pasya sa pamamagitan ng paggamit ni Eleazar ng ‘Urim’[a] sa aking presensya. Sa pamamagitan nito, masusubaybayan ni Eleazar si Josue at ang lahat ng mga Israelita sa kanilang gagawin.”

22 Kaya ginawa ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Ipinatawag niya si Josue at pinatayo sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong kapulungan. 23 At ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon, ipinatong niya ang kanyang kamay kay Josue at ipinahayag na si Josue ang papalit sa kanya.

Salmo 70-71

Dalangin para Tulungan ng Dios

(Salmo 40:13-17)

70 Panginoong Dios,
    iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
Mapahiya sana at malito ang mga nagnanais na mamatay ako.
    Magsitakas sana na hiyang-hiya ang mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
Mapaatras sana sa kahihiyan ang mga kumukutya sa akin.
Ngunit labis sanang magalak sa inyo ang mga lumalapit sa inyo.
    Ang lahat sana ng nagnanais ng inyong pagliligtas ay laging magsabi, “Dakila ka, o Dios!”
Ngunit ako, akoʼy dukha at nangangailangan.
    O Dios, agad nʼyo po akong lapitan!
    Kayo ang tumutulong sa akin at aking Tagapagligtas.
    Panginoon, agad nʼyo po akong tulungan.

Panalangin para sa Habang Buhay na Pagliligtas

71 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
    Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.
Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat ikaw ay matuwid.
    Dinggin nʼyo ako at iligtas.
Kayo ang aking maging batong kanlungan na lagi kong malalapitan.
    Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.
O Dios ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.
Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios.
    Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo.
Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan.
    Pupurihin ko kayo magpakailanman.
Naging halimbawa ang buhay ko para sa marami,
    dahil kayo ang aking naging kalakasan at tagapag-ingat.
Maghapon ko kayong pinapupurihan dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.
Huwag nʼyo akong iiwan kapag akoʼy matanda na.
    Huwag nʼyo akong pababayaan kapag akoʼy mahina na.
10 Dahil nag-uusap-usap ang aking mga kaaway at nagpaplano na akoʼy patayin.
11 Sinasabi nilang, “Pinabayaan na siya ng Dios,
    kaya habulin natin siya at dakpin dahil wala namang magliligtas sa kanya.”
12 O Dios ko, huwag nʼyo po akong layuan;
    at agad akong tulungan.
13 Nawa silang nagpaparatang sa akin ay mapahiya at mapahamak.
    Ang mga nagnanais na akoʼy saktan ang siya sanang kutyain at malagay sa kahihiyan.
14 Ngunit ako, O Dios ay palaging aasa at lalo pang magpupuri sa inyo.
15 Maghapon kong sasabihin
    na matuwid kayo at nagliligtas,
    kahit na hindi ko lubusang maunawaan.
16 Pupunta ako sa inyong templo Panginoong Dios
    at pupurihin ko ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
    Ihahayag ko sa mga tao na kayo ay makatarungan.
17 O Dios, mula pagkabataʼy itinuro nʼyo na sa akin ang tungkol sa inyong mga kahanga-hangang gawa at hanggang ngayon,
    inihahayag ko ito sa mga tao.
18 At ngayong akoʼy matanda na at maputi na ang buhok,
    huwag nʼyo akong pabayaan, O Dios.
    Maihayag ko sana ang inyong lakas at kapangyarihan sa susunod na henerasyon,
    at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.
19 O Dios, ang inyong katuwiran ay hindi kayang maunawaan ng lubusan.
    Kahanga-hanga ang inyong mga gawa.
    Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.
20 Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako ng maraming hirap, bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay.
    Katulad koʼy patay na muli nʼyong bubuhayin.
21 Bibigyan nʼyo ako ng mas higit na karangalan,
    at muli akong aaliwin.
22 O Dios ko, dahil sa inyong katapatan pupurihin ko kayo sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa.
    O Banal na Dios ng Israel,
    aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.
23 Dahil akoʼy iniligtas nʼyo, sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog
    at umaawit ng papuri sa inyo.
24 Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan ang mga nagnais na mapahamak ako.

Isaias 17-18

Ang Mensahe Tungkol sa Damascus

17 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Damascus:[a] “Makinig kayo! Ang Damascus ay hindi na magiging lungsod dahil magigiba ito. Wala nang titira sa lungsod ng Aroer. Magiging pastulan na lamang ito ng mga hayop, at walang gagambala sa kanila roon. Mawawasak ang mga napapaderang mga lungsod ng Israel,[b] at mawawala ang kapangyarihan ng Damascus. Ang sasapitin ng mga matitira sa Aram[c] ay katulad ng sinapit ng mga taga-Israel. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.

“Pagdating ng araw na iyon, mawawala na ang kapangyarihan ng Israel, at ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan. Matutulad siya sa taniman ng mga butil na ginapas na ng mga nag-aani, tulad ng taniman sa Lambak ng Refaim pagkatapos ng anihan. Iilan lang ang matitira sa kanyang mga mamamayan. Matutulad siya sa puno ng olibo pagkatapos pitasin ang mga bunga. Maaaring dalawa o tatlo lamang ang bungang matitira sa pinakamataas na mga sanga, at apat o limang bunga sa ibang mga sanga. Ako, ang Panginoong Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”

Sa araw na iyon, lalapit na ang mga tao sa lumikha sa kanila, sa Banal na Dios ng Israel. Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila mismo ang gumawa. Hindi na rin nila papansinin ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, pati ang mga altar na pinagsusunugan nila ng insenso na gawa rin lang ng kanilang mga kamay. Sa araw na iyon, ang matitibay nilang lungsod ay mawawasak at iiwan na lang nila, katulad ng mga lungsod ng mga Amoreo at Hiveo[d] na iniwan ng mga ito nang dumating ang mga Israelita.

10 Kinalimutan ninyo ang Dios na inyong Tagapagligtas at Bato na kanlungan. Kaya kahit na magtanim kayo ng magagandang klaseng tanim, katulad ng ubas na galing sa ibang lugar, 11 at kahit na tumubo ito at mamulaklak sa araw din na inyong itinanim, wala kayong makukuhang bunga. Nagpagod lang kayo at naghirap.

12 Tingnan nʼyo! Nagkakagulo ang napakaraming tao mula sa mga bansa. Ang ingay nila ay parang ugong ng malalaking alon. 13 Pero kahit na katulad sila ng malalaking alon na umuugong, tatakas sila kapag sinaway sila ng Dios. Matutulad sila sa ipa sa mga burol na ipinapadpad ng hangin at ng dayaming tinatangay ng ipu-ipo. 14 Sa gabiʼy naghahasik sila ng lagim, pero kinaumagahan nilipol sila. Iyan ang mangyayari sa mga sumasalakay sa atin at mananamsam ng mga ari-arian natin.

Ang Mensahe tungkol sa Etiopia

18 Nakakaawa ang mga lugar malapit sa mga ilog ng Etiopia,[e] na may mga pagaspas ng pakpak ng mga kulisap na naririnig.[f] Mula sa lugar na ito ay may mga sugong nakasakay sa sasakyang yari sa tambo[g] at dumadaan sa Ilog ng Nilo.

Kayong mabibilis na sugo, bumalik na kayo sa inyong lupain na hinahati ng mga ilog. Bumalik na kayo sa inyong mga mamamayan na matatangkad at makikinis ang balat, mga taong makapangyarihan at kinakatakutan kahit saan.

Kayong lahat ng naninirahan sa mundo, abangan ninyo ang pagtaas ng bandila sa ibabaw ng bundok, at pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta. Sapagkat ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Mula sa aking luklukan, panatag akong nagmamasid na parang nagniningning na araw sa katanghaliang tapat, at parang namumuong ambon sa maalinsangang gabi sa panahon ng anihan.”

Bago pa dumating ang panahon ng pag-ani, sa panahon pa lang ng pamumulaklak ng mga ubas at unti-unting paghinog ng mga bunga nito, puputulin na ng Dios ang mga sanga nito. Lilipulin ng Dios ang mga taga-Etiopia, at ang mga bangkay nila ay ipapaubaya sa ibong mandaragit at mababangis na hayop. Magiging pagkain sila ng mga ibon sa panahon ng tag-araw at ng mababangis na hayop sa panahon ng taglamig. Pero darating ang araw na tatanggap ang Panginoong Makapangyarihan ng mga handog mula sa lupaing ito na hinahati ng mga ilog. Ang mga mamamayan nitoʼy matatangkad, makikinis ang balat, makapangyarihan, at kinatatakutan kahit saan. Dadalhin nila ang kanilang mga regalo sa Bundok ng Zion, kung saan sinasamba ang Panginoong Makapangyarihan.

1 Pedro 5

Mga Bilin sa mga Namumuno sa Iglesya at sa mga Kabataan

Sa mga namumuno sa iglesya, may nais akong ipakiusap sa inyo bilang isa ring namumuno sa iglesya at nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo, at makakabahagi rin sa kaluwalhatian niya sa kanyang pagdating. Alagaan ninyong mabuti ang mga mananampalatayang[a] kasama ninyo. Katulad sila ng mga tupa at kayo ang mga tagapag-alaga nila. Dapat taos-puso ninyo silang pangalagaan, dahil ito ang nais ng Dios. Hindi dahil sa napipilitan lang kayo, o dahil sa may hinihintay kayong kapalit, kundi dahil sa nais talaga ninyong makatulong sa kanila. Huwag kayong maghahari-harian sa mga mananampalatayang ipinagkatiwala sa inyo upang alagaan, kundi maging halimbawa kayo sa kanila. At pagdating ni Cristo na siyang Pangulong Tagapag-alaga, tatanggap kayo ng gantimpalang napakaganda at hindi kukupas kailanman.

At kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat na mga mananampalataya, magpakumbaba kayo at maglingkod sa isaʼt isa, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Kinamumuhian ng Dios ang mga mapagmataas, ngunit kinakaawaan niya ang mga mapagpakumbaba.”[b] Kaya magpasakop kayo sa kapangyarihan ng Dios, dahil darating ang araw na pararangalan niya kayo. Ipagkatiwala nʼyo sa kanya ang lahat ng kabalisahan nʼyo, dahil nagmamalasakit siya sa inyo. Humanda kayo at mag-ingat, dahil ang kaaway ninyong si Satanas ay umaali-aligid na parang leong umaatungal at naghahanap ng malalapa. Patatagin ninyo ang inyong pananampalataya sa Dios at labanan ninyo si Satanas. Alalahanin ninyong hindi lang kayo ang naghihirap kundi pati ang mga kapatid nʼyo kay Cristo sa buong mundo. Nararanasan din nila ang mga paghihirap na ito. 10 Maikling panahon lang ang paghihirap ninyo. Pagkatapos nito, tutulungan kayo ng Dios para maging ganap ang buhay ninyo. At siya rin ang magpapatatag at magpapalakas sa inyo, dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Pinili niya kayo upang makabahagi rin sa walang hanggang kaluwalhatian niya sa pamamagitan ng pakikipag-isa ninyo kay Cristo. 11 Purihin siya sa kapangyarihan niyang walang hanggan! Amen.

Mga Pangangamusta

12 Isinulat ko sa inyo ang maikling sulat na ito sa tulong ni Silvanus. Kapatid natin siya kay Cristo at talagang mapagkakatiwalaan. Napalakas ko sana ang inyong loob sa pamamagitan ng sulat na ito at napatunayan ko ang kabutihan sa atin ng Dios. Manatili kayo sa kabutihan niya.

13 Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa Babilonia. Katulad nʼyo, mga pinili rin sila ng Dios na maging mga anak niya. Kinukumusta rin kayo ni Marcos na itinuturing kong anak. 14 Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.[c]

Sa inyong lahat na nakay Cristo, sumainyo nawa ang kapayapaan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®