M’Cheyne Bible Reading Plan
Ipinatawag ni Haring Balak si Balaam
22 Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang sa nakarating sila sa kapatagan ng Moab, at nagkampo sila sa silangan ng Ilog ng Jordan, sa harapan ng Jerico.
2 Alam ni Haring Balak ng Moab, na anak ni Zipor, ang lahat ng ginawa ng mga Israelita sa mga Amoreo, 3 at natakot siya at ang mga Moabita dahil sa dami ng mga Israelita.
4 Sinabi ng mga Moabita sa mga tagapamahala ng Midian, “Uubusin talaga tayo ng mga taong ito, tulad ng baka na nanginginain ng mga damo.”
Kaya si Balak na anak ni Zipor, na siyang hari ng Moab nang mga panahong iyon 5 ay nagsugo ng mga mensahero para ipatawag si Balaam na anak ni Beor na naninirahan sa Petor. Sa Petor, malapit sa Ilog ng Eufrates ipinanganak si Balaam. Ito ang mensahe ni Balak:
May mga taong nanggaling sa Egipto at masyado silang marami at naninirahan sila malapit sa amin. 6 Kaya pumunta ka rito at sumpain ang mga taong ito dahil mas makapangyarihan sila kaysa sa amin. At baka sakaling matalo ko sila at maitaboy palayo sa aking lupain. Dahil nalalaman ko na ang sinumang isinusumpa mo ay nasusumpa.
7 Kaya naglakbay ang mga tagapamahala ng Moab at Midian na dala ang bayad para kay Balaam. Sinabi nila sa kanya ang sinabi ni Balak. 8 At sinabi ni Balaam sa kanila, “Dito na lang kayo matulog ngayong gabi at sasabihin ko sa inyo bukas kung ano ang sasabihin ng Panginoon sa akin.” Kaya roon natulog ang mga pinuno ng Moab.
9 Nagtanong ang Dios kay Balaam, “Sino ang mga taong ito na kasama mo?” 10 Sumagot si Balaam sa Dios, “Sila po ang mga mensaherong isinugo ni Haring Balak ng Moab, na anak ni Zipor. Ganito ang kanyang mensahe: 11 May mga taong nanggaling sa Egipto at masyado silang marami. Kaya pumunta ka rito at sumpain ang mga taong ito para sa akin dahil baka matalo ko sila at maitaboy palayo.”
12 Pero sinabi ng Dios kay Balaam, “Huwag kang sasama sa kanila. At huwag mong isusumpa ang mga taong sinasabi nila, dahil pinagpala ko ang mga iyon.”
13 Paggising ni Balaam kinaumagahan, sinabihan niya ang mga pinuno ni Balak, “Umuwi na lang kayo sa inyong bansa dahil hindi pumayag ang Panginoon na sumama ako sa inyo.”
14 Kaya umuwi ang mga pinuno ng Moab at pumunta kay Balak at sinabi, “Ayaw sumama ni Balaam sa amin.”
15 Kaya muling nagpadala si Balak ng mga pinuno na mas marami at mas marangal pa sa nauna. 16 Pumunta sila kay Balaam at sinabi:
“Ito ang ipinapasabi ni Balak na anak ni Zipor: Huwag mong payagan na may humadlang sa pagpunta mo rito. 17 Babayaran kitang mabuti at gagawin ko ang anumang gustuhin mo. Sige na, pumunta ka na rito at sumpain ang mga taong ito para sa akin.”
18 Pero sumagot si Balaam sa kanila, “Kahit na ibigay pa ni Balak sa akin ang palasyo niyang puno ng pilak at ginto, hindi ko magagawang suwayin ang utos ng Panginoon na aking Dios, kahit na sa malaki o maliit lang na bagay. 19 Pero rito na lang muna kayo matulog ngayong gabi katulad ng ginawa ng iba ninyong mga kasama dahil baka may iba pang sabihin ang Panginoon sa akin.”
20 Noong gabing iyon, sinabi ng Dios kay Balaam, “Pumunta rito ang mga taong ito para tawagin ka, sumama ka na lang sa kanila, pero ang mga sasabihin ko lang sa iyo ang gawin mo.”
Ang Asno ni Balaam
21 Kaya kinaumagahan, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ng Moab 22 kasama ang kanyang dalawang katulong. Pero habang naglalakbay[a] si Balaam, nagalit ang Panginoon, kaya hinarang siya ng anghel ng Panginoon sa daan. 23 Pagkakita ng asno na nakatayo ang anghel ng Panginoon sa daan na may hawak na espada, lumihis ng daan ang asno at nagpunta sa bukid. Kaya pinalo ito ni Balaam at pinabalik sa daan.
24 Pagkatapos, tumayo ang anghel ng Panginoon sa makitid na daan sa gitna ng dalawang pader ng mga ubasan. 25 Pagkakita ng asno sa anghel ng Panginoon, sumiksik siya sa pader at naipit ang paa ni Balaam sa pader kaya pinalo na naman ito ni Balaam.
26 Pagkatapos, lumakad sa unahan ang anghel ng Panginoon at tumayo sa mas makitid na daan na hindi na talaga makakadaan kahit sa magkabilang gilid. 27 Pagkakita ng asno sa anghel ng Panginoon, tumumba na lang ito at nagalit si Balaam, at pinalo na naman niya ito ng kanyang baston. 28 Pagkatapos, pinagsalita ng Panginoon ang asno, at sinabi niya kay Balaam, “Ano ba ang nagawa ko sa iyo para paluin mo ako ng tatlong beses?” 29 Sumagot si Balaam sa asno, “Ginawa mo akong parang luku-luko. Kung may espada lang ako, papatayin kita ngayon din.” 30 Sinabi ng asno kay Balaam, “Hindi baʼt ako ang asnong palagi mong sinasakyan? Umasal ba ako dati nang gaya nito?” Sumagot si Balaam, “Hindi.”
31 Pagkatapos, ipinakita ng Panginoon kay Balaam ang anghel na nakatayo sa daan na may hawak na espada. Kaya nagpatirapa si Balaam.
32 Nagtanong sa kanya ang anghel ng Panginoon, “Bakit mo ba pinalo ang asno mo ng tatlong beses? Nandito ako para harangan ka dahil masama sa aking paningin ang inasal mo. 33 Nakita ako ng iyong asno at umiwas siya sa akin ng tatlong beses. Kung hindi siya umiwas sa akin, pinatay na sana kita at pinabayaang mabuhay ang iyong asno.”
34 Sinabi ni Balaam sa anghel ng Panginoon, “Nagkasala po ako! Hindi ko alam na nakatayo pala kayo riyan sa daan para humarang sa akin. Kung masama para sa inyong magpatuloy ako, uuwi na lang po ako.”
35 Sinabi ng anghel ng Panginoon kay Balaam, “Sasama ka sa mga taong iyon, pero sabihin mo lang sa kanila ang mga sasabihin ko sa iyo.” Kaya sumama si Balaam sa mga pinuno ni Balak.
36 Nang malaman ni Balak na paparating si Balaam, sumalubong siya roon sa isang bayan ng Moab malapit sa Arnon, sa hangganan ng kanyang teritoryo.
37 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Hindi baʼt dali-dali kitang ipinatawag? Bakit hindi ka kaagad nagpunta? Iniisip mo ba na hindi kita babayaran?” 38 Sumagot si Balaam, “Nandito na ako. Pero sasabihin ko lang sa iyo kung ano ang ipinapasabi ng Dios sa akin.”
39 Pagkatapos, sumama si Balaam kay Balak sa Kiriat Huzot. 40 At naghandog doon si Balak ng baka at tupa. Ibinigay niya ang ibang mga karne kay Balaam at sa mga pinuno na kasama niya. 41 Kinaumagahan, dinala ni Balak si Balaam sa Bamot Baal at doon nakita niya sa ibaba ang buong[b] mamamayan ng Israel.
Magtiwala sa Pag-iingat ng Dios
62 Sa Dios lang ako may kapahingahan;
ang kaligtasan koʼy nagmumula sa kanya.
2 Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
Siya ang aking tanggulan, kaya ligtas ako sa kapahamakan.
3 Kayong mga kaaway ko, hanggang kailan kayo sasalakay upang akoʼy patayin?
Tulad koʼy pader na malapit nang magiba at bakod na malapit nang matumba.
4 Gusto lamang ninyong maalis ako sa aking mataas na katungkulan.
Tuwang-tuwa kayo sa pagsisinungaling.
Kunwariʼy pinupuri ninyo ako ngunit sa puso ninyoʼy isinusumpa ako.
5 Sa Dios ko lang matatamo ang kapahingahan dahil binibigyan niya ako ng pag-asa.
6 Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
Siya ang aking tanggulan kaya ligtas ako sa kapahamakan.
7 Nasa Dios ang aking kaligtasan at karangalan.
Siya ang matibay kong batong kanlungan.
Siya ang nag-iingat sa akin.
8 Kayong mga mamamayan ng Dios, magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng oras!
Sabihin sa kanya ang lahat ng inyong suliranin,
dahil siya ang nag-iingat sa atin.
9 Ang tao, dakila man o mangmang, ay hindi mapagkakatiwalaan.
Pareho lang silang walang kabuluhan.
Magaan pa sila kaysa sa hangin kapag tinimbang.
10 Huwag kayong umasa sa perang nakuha sa pangingikil at pagnanakaw.
Dumami man ang inyong kayamanan,
huwag ninyo itong mahalin.
11 Hindi lang isang beses kong narinig na sinabi ng Dios na nasa kanya ang kapangyarihan
12 at tapat ang kanyang pag-ibig.
Tiyak na gagantimpalaan ng Panginoon ang tao ayon sa kanyang mga ginawa.
Pananabik sa Dios
63 O Dios, kayo ang aking Dios.
Hinahanap-hanap ko kayo.
Nananabik ako sa inyo nang buong pusoʼt kaluluwa,
na tulad ng lupang tigang sa ulan.
2 Nakita ko ang inyong kapangyarihan at kaluwalhatian sa inyong templo.
3 Ang inyong pag-ibig ay mahalaga pa kaysa sa buhay,
kaya pupurihin ko kayo.
4 Pasasalamatan ko kayo habang akoʼy nabubuhay.
Itataas ko ang aking mga kamay sa paglapit sa inyo.
5 Masisiyahan ako tulad ng taong nabusog sa malinamnam na handaan.
At magpupuri ako sa inyo ng awit ng kagalakan[a]
6 Sa aking paghiga, kayo ang naaalala ko.
Sa buong magdamag kayo ang iniisip ko.
7 Dahil kayo ang tumutulong sa akin, aawit[b] ako,
habang akoʼy nasa inyong pangangalaga.[c]
8 Lumapit ako sa inyo at inalalayan nʼyo ako ng inyong kanang kamay upang hindi ako mapahamak.
9 Ngunit silang nagtatangka sa aking buhay ay mapupunta sa lugar ng mga patay.
10 Mamamatay sila sa labanan at ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga asong-gubat.[d]
11 Matutuwa ang hari sa ginawa ng Dios sa kanya.
Matutuwa rin ang mga nangako sa Panginoon.
Ngunit ang lahat ng sinungaling ay patatahimikin ng Panginoon!
Ang Mapayapang Kaharian
11 Ang maharlikang angkan ni David[a] ay parang punong pinutol. Pero kung papaanong ang tuod ay nagkakaroon ng usbong, darating din ang isang bagong hari mula sa angkan ni David. 2 Mananatili sa kanya ang Espiritu ng Panginoon at magbibigay ito sa kanya ng karunungan, pang-unawa, kakayahan sa pagpaplano, kapangyarihan, kaalaman, at takot sa Panginoon. 3 Magiging kagalakan niya ang pagsunod sa Panginoon. Hindi siya mamumuno at hahatol batay lang sa kanyang nakita o narinig sa iba. 4 Bibigyan niya ng katarungan ang mga mahihirap at ipagtatanggol ang kanilang mga karapatan. Sa pamamagitan ng kanyang salita, parurusahan niya ang mga tao sa mundo at mamamatay ang masasamang tao. 5 Paiiralin niya ang katarungan at katapatan, ito ang magiging pinakasinturon niya.
6 Magiging lubos ang kapayapaan sa kanyang paghahari. Ang asong lobo ay maninirahang kasama ng tupa. Mahihigang magkakasama ang kambing at leopardo. Magsasama ang guya at batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila ay mga batang paslit. 7 Magkasamang kakain ang baka at ang oso, at ang mga anak nila ay magkakatabing hihiga. Ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka. 8 Kahit maglaro ang mga paslit sa tabi ng lungga ng makamandag na ahas, o kahit na isuot nila ang kamay nila sa lungga nito, hindi sila mapapahamak. 9 Walang mamiminsala o gigiba sa Zion, ang banal kong bundok. Sapagkat magiging laganap sa buong mundo ang pagkilala sa Panginoon katulad ng karagatan na puno ng tubig.
10 Darating ang araw at isisilang ang bagong hari mula sa lahi ni David na magsisilbing hudyat sa mga bansa para magtipon sila. Magtitipon sila sa kanya, at magiging maluwalhati ang lugar na tinitirhan niya. 11 Sa araw na iyon, muling gagamitin ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan para pauwiin ang mga natitira sa mga mamamayan niya na dinalang bihag sa Asiria, Egipto, Patros, Etiopia,[b] Elam, Babilonia, Hamat at sa iba pang malalayong lugar. 12 Itataas ng Panginoon ang isang bandila para ipakita sa mga bansa na tinitipon na niya ang mga mamamayan ng Israel at Juda mula sa ibaʼt ibang dako ng mundo. 13 Mawawala na ang inggit ng Israel sa Juda at ang galit ng Juda sa Israel. 14 Magkasama silang lulusob sa mga Filisteo sa kanluran. Lulusubin din nila ang mga bansa sa silangan at sasamsamin ang mga ari-arian ng mga ito. Sasakupin nila ang Edom at Moab, at ang mga Ammonita ay magpapasakop din sa kanila. 15 Patutuyuin ng Panginoon ang Dagat ng Egipto at paiihipin ang mainit na hangin sa Ilog ng Eufrates para maging pitong maliliit na daluyan ng tubig na matatawid ng taong naglalakad. 16 Kung paanong may malapad na daan na dinaanan ng mga mamamayan ng Israel noong umalis sila sa Egipto, mayroon ding malapad na daan para sa mga natitira niyang mga mamamayan sa Asiria.
Awit ng Pasasalamat
12 Sa araw na iyon, aawit kayo:
“Panginoon, pinupuri[c] ko kayo. Nagalit kayo sa akin, pero hindi na ngayon, at ngayoʼy inaaliw nʼyo na ako.
2 Kayo, O Dios ang aking Tagapagligtas.
Magtitiwala po ako sa inyo at hindi matatakot.
Kayo, Panginoon, ang nagbibigay ng lakas sa akin, at kayo ang aking awit.
Kayo nga ang nagligtas sa akin.”
3 Kung paanong ang malamig na tubig ay nagbibigay kagalakan sa nauuhaw, kayo naman ay magagalak kapag iniligtas na kayo ng Panginoon. 4 Pagsapit ng araw na iyon, aawit kayo:
“Purihin ninyo ang Panginoon!
Sambahin nʼyo siya!
Sabihin nʼyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa.
Sabihin nʼyo na karapat-dapat siyang purihin.[d]
5 Umawit kayo sa Panginoon dahil kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa.
Ipahayag nʼyo ito sa buong mundo.
6 Sumigaw kayo at umawit sa galak, kayong mga taga-Zion.
Sapagkat makapangyarihan ang Banal na Dios ng Israel na nasa piling ninyo.”
Paalala sa mga Mayayaman
5 Kayong mayayaman, makinig kayo! Umiyak kayoʼt maghinagpis dahil sa mga kahirapang darating sa inyo. 2 Nabubulok na ang mga kayamanan nʼyo at sinisira na ng insekto ang mga damit ninyo. 3 Itinatago nʼyo lang ang mga pera nʼyo at hindi naman napapakinabangan. Sa mga huling araw, hahatulan kayo sa impyerno dahil sa pera ninyong hindi naman ginamit sa kabutihan. Sayang lang ang mga itinago nʼyo dahil malapit na ang katapusan ng mundo. 4 Pakinggan ninyo ang reklamo ng mga manggagawa laban sa inyo. Pinagtrabaho ninyo sila sa inyong bukirin pero hindi ninyo binigyan ng sahod. Nakarating na sa Panginoong Makapangyarihan ang mga hinaing nila. 5 Namuhay kayo nang marangya at maluho sa mundong ito. Para nʼyo na ring pinataba ang sarili nʼyo para sa araw ng pagkatay. 6 Hinatulan ninyoʼt ipinapatay ang mga taong walang kasalanan kahit hindi sila lumalaban sa inyo.
Pagtitiyaga at Pananalangin
7 Mga kapatid, maging matiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Pagmasdan ninyo ang magsasaka: matiyaga niyang hinihintay ang unang pag-ulan. At pagkatapos niyang magtanim, matiyaga rin siyang naghihintay sa susunod na ulan at anihan. 8 Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob dahil nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
9 Huwag kayong magsisihan, mga kapatid, para hindi kayo hatulan ng Dios. Malapit nang dumating ang Hukom. 10 Tularan nʼyo ang pagtitiyaga at pagtitiis ng mga propeta na mga tagapagsalita ng Panginoon. 11 Hindi baʼt itinuturing nating mapalad ang mga taong nagtitiis? Alam nʼyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at alam naman ninyo kung paano siya tinulungan ng Panginoon sa bandang huli. Sadyang mabuti at maawain ang Panginoon.
12 Higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa sa mga pangako ninyo. Huwag ninyong sabihin, “Saksi ko ang langit,” o “Saksi ko ang lupa,” o ano pa man. Sabihin nʼyo lang na “Oo” kung oo, at “Hindi” kung hindi, para hindi kayo hatulan ng Dios.
13 Mayroon bang dumaranas ng paghihirap sa inyo? Dapat siyang manalangin sa Dios. Mayroon bang masaya sa inyo? Dapat siyang umawit ng mga papuri. 14 Mayroon bang may sakit sa inyo? Dapat niyang ipatawag ang mga namumuno sa iglesya para ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Ang panalanging may pananampalataya ay nakapagpapagaling ng may sakit. Ibabangon siya ng Panginoon at patatawarin kung nagkasala siya. 16 Kaya nga, ipagtapat ninyo sa isaʼt isa ang mga kasalanan nʼyo at ipanalangin ang isaʼt isa para gumaling kayo. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid, 17 katulad ni propeta Elias. Tao rin siyang tulad natin. Mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, at hindi nga umulan ng tatloʼt kalahating taon. 18 At nang nanalangin siya para umulan, bumuhos ang ulan, at namunga ang mga pananim.
19 Mga kapatid, kung nalilihis sa katotohanan ang isa sa inyo at may nakapagpabalik sa kanya sa tamang landas, 20 dapat ninyong malaman na ang nagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang masamang pamumuhay ay nagliligtas ng kaluluwa ng taong iyon sa kamatayan, at magdudulot ng kapatawaran ng maraming kasalanan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®