M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Tubig na Lumabas sa Bato(A)
20 Noong unang buwan, dumating ang buong mamamayan ng Israel sa ilang ng Zin, at nagkampo sila sa Kadesh. Doon namatay si Miriam at inilibing.
2 Walang tubig doon, kaya nagtipon na naman ang mga tao laban kina Moises at Aaron. 3 Nakipagtalo sila kay Moises at sinabi, “Mabuti pang namatay na lang kami kasama ng mga kababayan naming namatay noon sa presensya ng Panginoon. 4 Bakit dinala mo kaming mga mamamayan ng Panginoon dito sa disyerto? Para ba mamatay kasama ng aming mga alagang hayop? 5 Bakit ba pinalabas mo pa kami sa Egipto at dinala kami rito sa walang kwentang lugar na kahit trigo, igos, ubas o pomegranata ay wala? At walang tubig na mainom!”
6 Kaya iniwan nina Moises at Aaron ang mga mamamayan, at nagpunta sila sa Toldang Tipanan at nagpatirapa sila para manalangin. Pagkatapos, nagpakita sa kanila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. 7 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 8 “Kunin mo ang iyong baston at tipunin ninyo ni Aaron ang buong mamamayan. At habang nakatingin sila, utusan mo ang bato na maglabas ng tubig, at mula dito aagos ang tubig. Sa pamamagitan nito, mabibigyan ninyo ng tubig ang mamamayan para makainom sila at ang kanilang mga hayop.”
9 Kaya kinuha ni Moises ang baston sa presensya ng Panginoon, doon sa may Toldang Tipanan, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. 10 Pagkatapos, tinipon nina Aaron ang buong mamamayan sa harapan ng bato, at sinabi ni Moises sa kanila, “Makinig kayong mga suwail, dapat ba namin kayong bigyan ng tubig mula sa batong ito?” 11 Pagkatapos, itinaas ni Moises ang kanyang baston, pinalo ng dalawang beses ang bato, at bumulwak ang tubig mula rito, at uminom ang mamamayan at ang kanilang mga hayop.
12 Pero sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Dahil sa hindi kayo naniwala sa akin na ipapakita ko sa inyo ang aking kabanalan sa harap ng mga Israelita, hindi kayo ang mamumuno sa pagdadala ng mga mamamayang ito sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”
13 Ang lugar na ito ay tinatawag na Meriba[a] dahil nakipagtalo ang mga Israelita sa Panginoon sa lugar na ito, at dito rin ipinakita ng Panginoon ang kanyang kabanalan.
Hindi Pinayagan ng mga taga-Edom na Dumaan ang mga Israelita
14 Habang naroon pa ang mga Israelita sa Kadesh, nagsugo si Moises ng mga mensahero sa hari ng Edom na nagsasabi, “Ito ang mensahe mula sa iyong kamag-anak, ang mamamayan ng Israel: Nalalaman mo ang lahat ng kahirapan na aming napagdaanan. 15 Pumunta ang aming mga ninuno sa Egipto, at matagal silang nanirahan doon. Inapi kami at ang aming mga ninuno ng mga Egipcio, 16 pero humingi kami ng tulong sa Panginoon at pinakinggan niya kami at pinadalhan ng anghel na naglabas sa amin sa Egipto.
“Ngayon, naririto kami sa Kadesh, ang bayan sa tabi ng iyong teritoryo. 17 Kung maaari, payagan mo kaming dumaan sa inyong lupain. Hindi kami dadaan sa inyong mga bukid o ubasan o iinom sa inyong mga balon. Dadaan lang kami sa inyong pangunahing daan[b] at hindi kami dadaan sa ibang mga daan hanggang sa makalabas kami sa inyong teritoryo.”
18 Pero ito ang sagot ng hari ng Edom, “Huwag kayong dadaan dito sa amin. Kung dadaan kayo, sasalakayin namin kayo at papatayin.” 19 Sumagot ang mga Israelita, “Dadaan lang kami sa pangunahing daan; at kung makakainom kami at ang aming mga hayop ng inyong tubig, babayaran namin ito. Dadaan lang kami sa inyo.”
20 Sumagot muli ang hari ng Edom:
“Hindi kayo maaaring dumaan dito!” Pagkatapos, tinipon ng hari ng Edom ang kanyang malalakas na sundalo para makipaglaban sa mga Israelita. 21 Dahil ayaw magpadaan ng mga taga-Edom sa kanilang teritoryo, humanap na lang ang mga Israelita ng ibang madaraanan.
Namatay si Aaron
22 Umalis ang buong mamamayan ng Israel sa Kadesh, at pumunta sa Bundok ng Hor. 23 Doon sa Bundok ng Hor, malapit sa hangganan ng Edom, sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 24 “Dumating na ang panahon Aaron na isasama ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno. Hindi ka makakapasok sa lupaing ibibigay ko sa mga Israelita dahil sumuway kayong dalawa ni Moises sa aking utos doon sa bukal ng Meriba. 25 Ngayon, Moises, dalhin mo si Aaron at ang anak niyang si Eleazar sa Bundok ng Hor. 26 Pagkatapos, hubaran mo si Aaron ng kanyang damit pampari at ipasuot ito sa anak niyang si Eleazar, dahil mamamatay si Aaron doon sa bundok at isasama na sa piling ng mga yumao niyang ninuno.”
27 Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Umakyat sila sa Bundok ng Hor, habang nakatingin ang buong mamamayan. 28 Pagkatapos, hinubad ni Moises ang damit pampari ni Aaron, at ipinasuot niya ito kay Eleazar. At namatay si Aaron doon sa itaas ng bundok. Pagkatapos, bumaba sila Moises at Eleazar mula sa bundok. 29 Nang malaman ng buong mamamayan na patay na si Aaron, nagluksa sila para sa kanya sa loob ng 30 araw.
Mapapahamak ang Masasama
58 Kayong mga pinuno, matuwid ba ang paghatol ninyo sa mga tao?
2 Hindi! Dahil paggawa ng masama ang laging iniisip ninyo at namiminsala kayo sa iba saanman kayo naroroon.
3 Ang masasama ay lumalayo sa Dios
at mula nang isilang ay nagsisinungaling na.
4-5 Para silang mga ahas na makamandag.
Parang kobrang hindi nakikinig sa tinig ng mahuhusay na tagapagpaamo niya.
6 O Panginoong Dios, sirain nʼyo ang kanilang kakayahan sa pamiminsala
na parang binabali nʼyo ang kanilang mga ngipin na parang pangil ng mga leon!
7 Mawala sana silang tulad ng tubig na natutuyo
at gawin mo ring walang silbi ang kanilang mga armas.
8 Maging tulad sana sila ng kuhol na parang natutunaw habang gumagapang,
o ng sanggol na patay nang ipinanganak, na hindi pa nakakita ng liwanag.
9 Mabilis silang tatangayin ng Dios,
maging ang mga nabubuhay pa,
mabilis pa sa pag-init ng palayok na inaapuyan ng malakas.
10 Magagalak ang mga matuwid kapag nakita na nilang pinaghigantihan ng Dios ang masasama, at dumanak na ang kanilang dugo.[a]
11 At sasabihin ng mga tao, “Tunay ngang may gantimpala ang matutuwid
at mayroong Dios na humahatol sa mga tao sa mundo.”
Panalangin Laban sa Masama
59 O Dios, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway.
At sa mga kumakalaban sa akin, ako ay inyong ingatan.
2 Iligtas nʼyo ako sa masasama at sa mga mamamatay-tao.
3 Panginoon, tingnan nʼyo!
Inaabangan nila ako para patayin,
kahit na wala akong nagawang kasalanan sa kanila.
4-5 Wala akong nagawang kasalanan,
ngunit handa silang salakayin ako.
Sige na po, Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel.
Tingnan nʼyo na ang nangyayari; tulungan nʼyo ako!
Kumilos na kayo, at parusahan nʼyo ang mga bansang hindi sumasampalataya sa inyo.
Huwag nʼyong kahabagan ang mga taksil na iyon.
6 Bumabalik sila kapag gabi at tumatahol
gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
7 Pakinggan nʼyo ang kanilang pananalita; kasing sakit ng tusok ng espada.
At sinasabi pa nila, “Wala namang nakakarinig sa atin.”
8 Ngunit, pinagtatawanan nʼyo lang sila Panginoon.
Kinukutya nʼyo ang mga taong hindi sumasampalataya sa inyo.
9 O Dios ikaw ang aking kalakasan.
Maghihintay ako sa inyo dahil ikaw ang aking tagapagtanggol,
10 at ikaw ang Dios na nagmamahal sa akin.
Manguna ka sa akin at ipakita mo sa akin ang pagbagsak ng aking mga kaaway.
11 Pero huwag nʼyo silang patayin agad
para hindi makalimutan ng aking mga kababayan
kung paano nʼyo pinarurusahan ang inyong mga kaaway.
O Panginoon na aming pananggalang,
iligaw nʼyo at ibagsak ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 Nagkakasala sila dahil sa kasamaan ng kanilang sinasabi.
Mahuli sana sila sa kanilang kayabangan.
Nagmumura sila at nagsisinungaling,
13 kaya sa inyong galit, lipulin nʼyo sila hanggang sa silaʼy maglaho.
Sa gayon ay malalaman ng buong mundo na kayo, O Dios, ang naghahari sa Israel.
14 Bumabalik ang mga kaaway ko kapag gabi at tumatahol
gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
15 Naglilibot sila para humanap ng pagkain at umaalulong kapag hindi nabusog.
16 Ngunit ako ay aawit tungkol sa inyong kapangyarihan.
Tuwing umaga aawit ako nang may kagalakan tungkol sa inyong pag-ibig.
Sapagkat kayo ang aking kanlungan sa oras ng kagipitan.
17 O Dios, kayo ang aking kalakasan.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo,
dahil kayo ang aking kanlungan at Dios na sa akin ay nagmamahal.
Ang Galit ng Dios sa Israel
8 Sinabi ng Panginoon na parurusahan niya ang Israel, ang lahi ni Jacob. 9 At alam[a] ito ng lahat ng tao sa Israel,[b] pati ng mga nasa Samaria na kabisera nito. Pero nagmamataas pa rin sila at payabang na sinasabi, 10 “Mawasak man ang mga itinayo naming bahay na yari sa brik at kahoy na sikomoro, papalitan naman namin ito ng bato at kahoy na sedro.”
11 Kaya ipapasalakay sila ng Panginoon sa mga taga-Asiria na kaaway ni Haring Rezin. 12 Ang Israel ay wawasakin ng mga taga-Aram sa gawing silangan, at ng mga Filisteo sa gawing kanluran, tulad ng mabangis na hayop na sisila sa kanila. Pero hindi pa napapawi ang galit ng Panginoon, kaya nakahanda pa siyang magparusa sa kanila.
13 Dahil ayaw pa ring magbalik-loob ng mga Israelita sa Panginoong Makapangyarihan na nagparusa sa kanila, 14 hindi magtatagal ay paparusahang muli ng Panginoon ang buong Israel. Matutulad sila sa hayop na puputulan ng buntot at ulo. 15 Ang ulo ay ang mga pinuno at ang mga iginagalang na tao, at ang buntot ay ang mga sinungaling na propeta. 16 Ang mga namumuno sa mga mamamayan ng Israel ay ang mga nanlilinlang sa kanila, kaya naliligaw ang mga mamamayan. 17 Dahil dito, hindi nalulugod ang Panginoon sa mga kabataan nilang lalaki, at hindi niya kinakaawaan ang mga ulila nilaʼt mga biyuda. Sapagkat masama ang lahat at hindi makadios; nakakahiya ang lahat ng sinasabi nila.
Kaya hindi pa rin mapapawi ang galit ng Panginoon, at nakahanda pa siyang magparusa sa kanila. 18 Sapagkat ang kasamaan nila ay tulad ng apoy na tumutupok ng mga halamang may tinik. Naglalagablab ito na parang apoy na tumutupok ng mga kahoy, at ang makapal na usok ay pumapailanlang. 19 Dahil sa galit ng Panginoong Makapangyarihan, masusunog ang kanilang lupain, at silaʼy magiging panggatong na lalamunin ng apoy.
Ayaw nilang kaawaan kahit na kapwa nila Israelita. 20 Anumang pagkain ang makita nila ay kukunin nila at kakainin, pero hindi pa rin sila mabubusog. Kaya kakainin na nila pati ang kanilang mga anak.[c] 21 Mag-aaway ang Manase at ang Efraim, at lulusubin nilang dalawa ang Juda. Pero ang galit ng Panginoon ay hindi pa rin mapapawi at nakahanda pa siyang magparusa sa kanila.
10 1-2 Nakakaawa kayong mga gumagawa ng mga di-makatarungang kautusan na umaapi sa mga mahihirap kong mamamayan at nagkakait ng katarungan sa kanila. Sa pamamagitan ng mga kautusang iyon, kinukuha ninyo ang mga ari-arian ng mga biyuda at mga ulila. 3 Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa sa inyo? Ano ang gagawin nʼyo pagdating ng panganib mula sa malayo? Kanino kayo hihingi ng tulong? At saan ninyo itatago ang mga kayamanan ninyo? 4 Walang matitira sa inyo. Mabibihag o mamamatay kayo, pero ang galit ng Panginoon ay hindi pa mapapawi. Nakahanda pa rin siyang magparusa sa inyo.
Ang Dila
3 Mga kapatid, huwag basta-bastang maghangad na maging tagapagturo ang marami sa inyo, dahil alam ninyong mas mabigat ang paghatol sa aming mga nagtuturo. 2 Lahat tayo ay madalas magkamali. Kung mayroon mang hindi nagkakamali sa pananalita niya, isa siyang taong ganap at may kakayahang pigilin ang kanyang sarili. 3 Nirerendahan natin ang mga kabayo para sumunod saan man natin gustong papuntahin. 4 Isipin nʼyo rin ang mga barko na kahit napakalaki at itinutulak ng malakas na hangin ay napapabaling ng maliit na timon at napapapunta ng kapitan saan man niya gustuhin. 5 Ganoon din naman ang dila natin; kahit na maliit na bahagi ng katawan, nakakagawa ng malaking kayabangan. Isipin nʼyo kung gaano kalawak na gubat ang masusunog na galing lang sa maliit na apoy. 6 Ang dila ay tulad ng apoy. Napakaraming kasamaan ang nagmumula sa ating dila at ito ay nagpaparumi sa buong pagkatao natin. Katulad ito ng apoy na nanggagaling sa impyerno, at sumisira sa buong buhay natin. 7 Lahat ng uri ng hayop na lumalakad, lumilipad, gumagapang o nakatira sa tubig ay napapaamo ng tao. 8 Pero walang taong nakakagawa nito sa dila. Wala itong tigil sa kasamaan at puno ng lasong nakamamatay. 9 Sa pamamagitan ng dila, pinupuri natin ang ating Panginoon at Ama, pero sa pamamagitan din nito ay isinusumpa natin ang ating kapwa na nilikhang kalarawan ng Dios. 10 Mula sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at pagsumpa. Mga kapatid, hindi dapat ganyan. 11 Maaari bang lumabas sa iisang bukal ang matabang na tubig at ang maalat na tubig? Hindi! 12 Mga kapatid, hindi rin maaaring mamunga ng olibo ang puno ng igos o ng igos ang ubas. Hindi rin maaaring makakuha ng tubig-tabang sa tubig-alat.
Ang Karunungang Mula sa Dios
13 Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya na talagang marunong siya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay na may pagpapakumbaba. 14 Kung pagkainggit at pagkamakasarili naman ang umiiral sa inyong puso, huwag ninyong ipagyabang na may karunungan kayo, dahil pinasisinungalingan nʼyo ang katotohanan. 15 Ang ganitong karunungan ay hindi nagmumula sa Dios kundi sa mundo. Mula ito sa diyablo at hindi sa Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kung saan umiiral ang pagkainggit at pagkamakasarili, naroon din ang kaguluhan at lahat ng uri ng kasamaan. 17 Ngunit ang taong may karunungang mula sa Dios, una sa lahat ay may malinis na pamumuhay. Maibigin siya sa kapayapaan, mahinahon, masunurin, puno ng awa at kabutihan, walang pinapaboran, at hindi nagkukunwari. 18 Ang taong maibigin sa kapayapaan at nagpapalaganap nito ay nagdudulot ng maayos na relasyon sa iba.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®