M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagrebelde ang mga Israelita
14 Nang gabing iyon, humagulgol ang lahat ng mamamayan. 2 Nagreklamo sila kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pang namatay na lang tayo sa Egipto o rito sa disyerto. 3 Bakit pa ba tayo dadalhin ng Panginoon sa lupaing iyon? Para lang ba mamatay tayo sa labanan at bihagin ang ating mga asawaʼt anak? Mabuti pa sigurong bumalik na lang tayo sa Egipto.” 4 At nag-usap-usap sila, “Pumili tayo ng pinuno at bumalik sa Egipto!”
5 Pagkatapos, nagpatirapa sina Moises at Aaron sa harapan ng lahat ng mamamayan ng Israel na nagkakatipon doon. 6 Pinunit ni Josue na anak ni Nun at ni Caleb na anak ni Jefune ang kanilang mga damit sa kalungkutan. Ang dalawang ito ay kasama sa pag-espiya sa lupain. 7 Sinabi nila sa mga mamamayan ng Israel, “Napakabuti ng lupaing aming pinuntahan. 8 Kung nalulugod ang Panginoon sa atin, gagabayan niya tayo papunta sa lupang iyon – ang maganda at masaganang lupain,[a] at ibibigay niya ito sa atin. 9 Huwag lang kayong magrerebelde sa Panginoon. At huwag kayong matatakot sa mga tao roon dahil matatalo natin sila. Walang tutulong sa kanila, pero ang Panginoon ang tutulong sa atin. Kaya huwag kayong matakot sa kanila.”
10 Babatuhin sana sila ng buong kapulungan, pero biglang nagpakita sa kanila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ibabaw ng Toldang Tipanan. 11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan pa ba ako itatakwil ng mga taong ito? Hanggang kailan pa ba sila hindi maniniwala sa akin sa kabila ng lahat ng mga himalang ginawa ko sa kanila? 12 Padadalhan ko sila ng salot at papatayin ko sila, pero gagawin kitang isang bansa na mas makapangyarihan at matatag kaysa sa kanila.” 13 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Ano na lang po ang sasabihin ng mga Egipcio kung mababalitaan nila ito? Hindi baʼt nalalaman nila na kinuha ninyo ang mga Israelita sa kanila sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan? 14 Kapag pinatay po ninyo ang inyong mamamayan, sasabihin nila ito sa mga naninirahan sa Canaan. Narinig ng mga Cananeo na kayo, Panginoon ay sumasama sa mga Israelita, at nagpapakita sa kanila sa pamamagitan ng ulap na gumagabay sa kanila. Pinangungunahan nʼyo sila kapag gabi sa pamamagitan ng apoy na parang haligi, at kapag araw sa pamamagitan ng ulap na parang haligi rin. 15 Ngayon, kapag pinatay po ninyong lahat ang inyong mamamayan, sasabihin ng mga bansang nakarinig ng inyong katanyagan, 16 ‘Hindi kayang dalhin ng Panginoon ang mga Israelita sa lupaing ipinangako niya sa kanila, kaya pinatay na lang niya sila sa disyerto.’
17 “Kaya ngayon, O Panginoon, sana po ay ipakita ninyo ang inyong kapangyarihan ayon sa inyong sinabi na mapagmahal kayo 18 at hindi madaling magalit, at mapagpatawad sa mga kasalanan ng tao. Pero pinarurusahan po ninyo ang mga nagkakasala, hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon. 19 Ayon sa inyong dakilang pagmamahal, patawarin po ninyo ang mga kasalanan ng mga taong ito, gaya ng pagpapatawad ninyo sa kanila mula nang lumabas sila sa Egipto.”
20 Sumagot ang Panginoon, “Patatawarin ko sila ayon sa iyong hiniling. 21 Ngunit sumusumpa ako, ang Panginoong nabubuhay, habang ang buong mundo ay napupuno ng aking dakilang presensya, 22-23 walang sinuman sa kanila ang makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno. Dahil kahit nakita nila ang aking makapangyarihang presensya at ang mga himala na ginawa ko sa Egipto at sa disyerto, palagi pa rin nila akong sinusubok at hindi sila sumusunod sa akin. Kaya hindi makakapasok sa lupaing iyon ang mga nagtatakwil sa akin. 24 Ngunit papapasukin ko sa lupain na kanyang tiningnan si Caleb na aking lingkod, dahil iba ang kanyang pag-uugali sa iba at sumusunod siya sa akin nang buong puso niya. Maninirahan ang kanyang mga angkan sa lupaing iyon. 25 Huwag muna kayong dumiretso dahil may mga Cananeo at mga Amalekita na naninirahan sa mga lambak, kundi magbalik kayo bukas sa disyerto, sa daang papunta sa Dagat na Pula.” 26 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 27 “Hanggang kailan pa ba ang pagrereklamo sa akin ng masasamang mamamayang ito? Narinig ko ang mga reklamo ng mga Israelita. 28 Kaya sabihin mo ito sa kanila: Ako, ang Panginoon na buhay, ay sumusumpa na gagawin ko sa inyo ang inyong hinihiling. 29 Mamamatay kayo rito sa disyerto. Dahil nagreklamo kayo sa akin, walang kahit isa sa inyo na may edad na 20 taong gulang pataas 30 ang makakapasok sa lupaing ipinangako ko na ibibigay sa inyo na inyong titirhan, maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune at kay Josue na anak ni Nun. 31 Tungkol naman sa inyong mga anak na sinabi ninyong bibihagin, dadalhin ko sila sa lupain na inyong itinakwil at magiging kanila ito. 32 Ngunit mamamatay kayo sa disyerto. 33 Ang inyong mga anak ay magiging tulad ng mga tagapagbantay ng tupa na palibot-libot sa disyerto sa loob ng 40 taon. Sa pamamagitan nito, magdurusa sila dahil sa inyong pagtataksil sa akin hanggang sa mamatay kayong lahat. 34 Dahil ang mga espiya sa lupain ay tumira roon ng 40 araw, magdurusa rin kayo ng 40 taon dahil sa inyong kasalanan, para malaman ninyo kung paano ako magalit sa mga kumakalaban sa akin. 35 Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito at siguradong gagawin ko ang mga bagay na ito sa masasamang mamamayang ito na nagkaisang kumalaban sa akin. Mamamatay silang lahat sa disyerto.”
36-37 Ang mga taong inutusan ni Moises para sa pag-espiya, na nagbalita ng masama tungkol sa lupain na siyang naging dahilan ng pagrereklamo ng mga Israelita ay namatay sa karamdaman sa presensya ng Panginoon. 38 Sa 12 espiya, si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune lang ang hindi namatay.
Natalo ang mga Israelita sa Kanilang Pagsalakay sa Canaan(A)
39 Nang sinabi ito ni Moises sa lahat ng mga Israelita, nagluksa sila. 40 At kinabukasan, maaga silang bumangon para umakyat sa kabundukan ng Canaan. Sinabi nila, “Napag-isip-isip namin na nagkasala kami, at ngayoʼy handa na kami sa pagpunta sa lugar na ipinangako ng Panginoon.”
41 Pero sinabi ni Moises, “Bakit sinuway ninyo ang utos ng Panginoon na magbalik kayo sa disyerto? Hindi kayo magtatagumpay! 42 Huwag kayong lalakad, dahil hindi kayo sasamahan ng Panginoon, at matatalo lang kayo ng inyong mga kaaway. 43 Sa oras na makipaglaban sa inyo ang mga Cananeo at mga Amalekita, mamamatay kayo; hindi sasama ang Panginoon dahil siyaʼy itinakwil ninyo.” 44 Pero naglakbay sila sa kabundukan ng Canaan kahit hindi sumama sa kanila si Moises at ang Kahon ng Kasunduan. 45 Pagkatapos, sinalakay sila ng mga Amalekita at ng mga Cananeo na naninirahan doon sa kabundukan, at natalo sila, at hinabol pa sila hanggang sa Horma.
Ang Tunay na Pagsamba
50 Ang Panginoong Dios na makapangyarihan ay nagsasalita at nananawagan sa lahat ng tao sa buong mundo.
2 Nagliliwanag siya mula sa Zion,
ang magandang lungsod na walang kapintasan.
3 Darating ang Dios at hindi lang siya basta mananahimik.
Sa unahan niyaʼy may apoy na nagngangalit,
at may bagyong ubod ng lakas sa kanyang paligid.
4 Tinawag niya ang buong langit at mundo para sumaksi
sa paghatol niya sa kanyang mga mamamayan.
5 Sinabi niya, “Tipunin sa aking harapan ang mga tapat kong pinili
na nakipagkasundo sa akin sa pamamagitan ng paghahandog.”
6 Inihahayag ng kalangitan na ang Dios ay matuwid,
dahil siya nga ang Dios na may karapatang mamuno at humatol.
7 Sinabi pa ng Dios, “Kayong mga mamamayan ko,
pakinggan ninyo ang aking sasabihin!
Ako ang Dios, na inyong Dios.
Sasaksi ako laban sa inyo, mga taga-Israel!
8 Hindi dahil sa inyong mga sinusunog na handog
na palagi ninyong iniaalay sa akin.
9 Hindi ko kailangan ang inyong mga baka[a] at mga kambing.
10 Sapagkat akin ang lahat ng hayop:
ang mga hayop sa gubat at ang mga baka sa libu-libong mga burol.
11 Kilala ko rin ang lahat ng ibon sa mga bundok,
at ang lahat ng hayop sa parang ay akin.
12 Kung magutom man ako, hindi ako hihingi sa inyo ng pagkain,
dahil ang daigdig at ang lahat ng nasa loob nito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng karne ng toro?
Hindi!
Umiinom ba ako ng dugo ng kambing?
Hindi!
14 Ang kailangan kong handog ay ang inyong pasasalamat
at ang pagtupad sa mga ipinangako ninyo sa akin na Kataas-taasang Dios.
15 Tumawag kayo sa akin sa oras ng inyong kagipitan.
At ililigtas ko kayo at akoʼy pararangalan ninyo.”
16 Ngunit sinabi ng Dios sa mga masama,
“Wala kayong karapatang banggitin ang aking mga kautusan at kasunduan!
17 Namumuhi kayo sa aking pagdidisiplina.
Hindi ninyo pinapansin ang mga sinasabi ko.
18 Kapag nakakita kayo ng magnanakaw,
nakikipagkaibigan kayo sa kanya at nakikisama rin kayo sa mga nakikiapid.
19 Lagi kayong nagsasalita ng masama at kay dali para sa inyong magsinungaling.
20 Sinisiraan ninyo ang inyong mga kapatid.
21 Hindi ako kumibo nang gawin ninyo ang mga bagay na ito,
kaya inakala ninyong katulad din ninyo ako.
Ngunit sasawayin ko kayo at ipapakita ko sa inyo kung gaano kayo kasama.
22 Pakinggan ninyo ito, kayong mga nakalimot sa Dios,
dahil kung hindi ay lilipulin ko kayo at walang makapagliligtas sa inyo.
23 Ang naghahandog sa akin ng pasasalamat ay pinaparangalan ako
at ang nag-iingat sa kanyang pag-uugali ay ililigtas ko.”
Ang Parusa sa Jerusalem at Juda
3 Makinig kayo! Kukunin ng Panginoon, ang Panginoong Makapangyarihan, ang lahat ng inaasahan ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda: ang pagkain at tubig nila, 2 ang mga bayani, kawal, hukom, propeta, manghuhula, tagapamahala, 3 kapitan ng mga kawal, mararangal na tao, mga tagapayo, at ang mga dalubhasang salamangkero[a] nila at mga manggagayuma. 4 Ang pamumunuin ng Panginoon sa kanila ay mga kabataan. 5 Aapihin ng bawat isa ang kanyang kapwa. Lalabanan ng mga bata ang matatanda, at lalabanan ng mga hamak ang mararangal.
6-7 Sa mga araw na iyon, pupuntahan ng isang tao ang kanyang kamag-anak at sasabihin, “Maayos pa naman ang damit mo, ikaw na lang ang mamuno sa amin sa panahong ito na wasak ang ating lugar.” Pero sasagot siya, “Hindi ko kayo matutulungan. Wala ring pagkain o damit ang aking pamilya, kaya huwag nʼyo akong gagawing pinuno.”
8 Tiyak na mawawasak ang Jerusalem at Juda, dahil nilalabag nila ang Panginoon sa kanilang mga salita at gawa. Nilalapastangan nila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. 9 Halatang-halata sa mga mukha nila ang kanilang pagkakasala. Hayagan silang gumagawa ng kasalanan tulad ng Sodom at Gomora. Hindi na nila ito itinatago. Nakakaawa sila! Sila na mismo ang nagpapahamak sa sarili nila.
10 Sabihin ninyo sa mga matuwid na mapalad sila, dahil aanihin nila ang bunga ng mabubuti nilang gawa. 11 Pero nakakaawa ang masasama, dahil darating sa kanila ang kapahamakan. Gagantihan sila ayon sa mga ginawa nila.
12 Sinabi ng Panginoon, “Inaapi ng mga kabataan ang mga mamamayan ko. Pinamumunuan sila ng mga babae.
“Mga mamamayan ko, nililinlang kayo ng mga pinuno ninyo. Inaakay nila kayo sa maling daan.”
13 Nakahanda na ang Panginoon para hatulan ang kanyang mga mamamayan.[b] 14 Hahatulan niya ang mga tagapamahala at mga pinuno ng mga mamamayan niya. Ito ang paratang niya sa kanila, “Sinira ninyo ang aking ubasan na siyang aking mga mamamayan. Ang mga bahay ninyo ay puno ng mga bagay na sinamsam ninyo sa mga mahihirap. 15 Bakit ninyo inaapi ang mga mamamayan ko at ginigipit ang mga mahihirap?” Iyan ang sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan.
16 Sinabi pa ng Panginoon, “Mayayabang ang mga babae sa Jerusalem. Akala mo kung sino sila kung maglakad. Pinakakalansing pa nila ang mga alahas sa mga paa nila, at kapag tumitingin sila ay may kasama pang kindat. 17 Kaya patutubuan ko ng mga galis ang mga ulo nila at makakalbo sila.”
18 Sa araw na iyon, kukunin ng Panginoon ang mga alahas sa kanilang paa, ulo, at leeg. 19 Kukunin din sa kanila ang kanilang mga hikaw, pulseras, belo, 20 turban, alahas sa braso, sinturon, pabango at mga anting-anting. 21 Kukunin pati ang kanilang mga singsing sa daliri at ilong, 22 ang kanilang mga mamahaling damit, mga kapa, mga balabal, mga pitaka, 23 mga salamin, mga damit na telang linen, mga putong, at mga belo. 24 Kung dati silang mabango, babaho sila. Lubid ang isisinturon nila, at kakalbuhin ang magaganda nilang buhok. Ang magagara nilang damit ay papalitan ng sako, at mawawala ang kanilang kagandahan.
25 Mamamatay sa digmaan ang mga lalaki ng Jerusalem kahit na ang matatapang nilang mga kawal. 26 May mga iyakan at pagluluksa sa mga pintuan ng bayan. At ang lungsod ay matutulad sa babaeng nakalupasay sa lupa, na nawalan ng lahat ng ari-arian.
4 Sa mga araw na iyon, pitong babae ang mag-aagawan sa isang lalaki at sasabihin nila, “Kami na ang bahala sa pagkain at damit namin, pakasalan mo lang kami para hindi kami kahiya-hiya dahil wala kaming asawa.”
Muling Pagpapalain ang Jerusalem
2 Darating ang araw na pasasaganain at pagagandahin ng Panginoon ang mga pananim[c] sa Israel, at ang mga ani ng lupain ay magiging karangalan at kaligayahan ng natitirang mga tao sa Jerusalem. 3 Tatawaging banal ang mga natirang buhay sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. 4 Sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, hahatulan niya at lilinisin ang kasamaan ng mga babae sa Jerusalem at ang mga patayan doon. 5 Pagkatapos, lilikha ang Panginoon ng ulap na lililim sa ibabaw ng Jerusalem[d] at sa mga nagtitipon doon. Lilikha rin siya ng nagniningas na apoy na magbibigay ng liwanag kung gabi. Tatakip ito sa Jerusalem na parang isang malapad na tolda, 6 at parang kubol na magsisilbing lilim sa init ng araw at kublihan sa panahon ng bagyo at ulan.
Mga Dakilang Halimbawa ng Pananampalataya
11 Ang pananampalataya ay ang katiyakan na matatanggap natin ang mga bagay na inaasahan natin. At ito ay ang pagiging sigurado sa mga bagay na hindi natin nakikita. 2 Dahil sa pananampalataya ng mga ninuno natin, kinalugdan sila ng Dios. 3 Dahil sa pananampalataya, alam natin na ang sanlibutan ay ginawa ng Dios sa pamamagitan ng kanyang salita. Kaya ang mga bagay na nakikita natin ay galing sa mga hindi nakikita.
4 Dahil sa pananampalataya, nag-alay si Abel ng mas mabuting handog kaysa kay Cain. At dahil sa pananampalataya niya, itinuring siyang matuwid ng Dios, dahil tinanggap ng Dios ang handog niya. Kaya kahit patay na si Abel, may itinuturo pa rin siya sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya niya.
5 Dahil sa pananampalataya, hindi namatay si Enoc kundi dinala siya sa langit,[a] “Hindi na siya nakita pa dahil dinala siya ng Dios.”[b] Ayon sa Kasulatan dinala siya dahil nalugod ang Dios sa buhay niya. 6 Hindi makapagbibigay-lugod sa Dios ang taong walang pananampalataya, dahil ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat maniwalang may Dios at nagbibigay siya ng gantimpala sa mga taong humahanap sa kanya.
7 Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Dios tungkol sa mga bagay na mangyayari kahit hindi pa niya nakikita. Kaya gumawa siya ng isang barko para mailigtas niya ang kanyang sarili at ang pamilya niya. At sa pananampalataya niya, hinatulan ang mga tao sa mundo, pero itinuring siyang matuwid ng Dios.
8 Dahil sa pananampalataya, sinunod ni Abraham ang utos ng Dios na pumunta sa lugar na ipinangako sa kanya. Umalis siya sa bayan niya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. 9 Dahil din sa pananampalataya, nanirahan si Abraham sa lupaing ipinangako sa kanya ng Dios kahit na sa tolda lang siya tumira na parang isang dayuhan. Tumira rin sa tolda ang anak niya na si Isaac at apong si Jacob, na mga tagapagmana rin ng pangako ng Dios. 10 Sapagkat ang talagang inaasahan ni Abraham ay isang lungsod na may matibay na pundasyon, na ang Dios mismo ang nagplano at nagtayo.
11 Dahil sa pananampalataya, nagkaanak si Abraham kahit na matanda na siya at baog ang asawa niyang si Sara, dahil naniwala si Abraham na tutuparin ng Dios ang pangako niya na magkakaanak si Sara. 12 Kaya mula kay Abraham, na wala nang pag-asang magkaanak pa,[c] nagmula ang isang lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.
13 Ang lahat ng taong itoʼy namatay na sumasampalataya. Hindi man nila natanggap ang mga pangako ng Dios noong nabubuhay pa sila, natitiyak naman nilang darating ang araw na matatanggap nila ang kanilang hinihintay. Itinuring nilang mga dayuhan ang sarili nila at naninirahan lang sa mundong ito. 14 Ang mga taong may ganitong pananaw ay nagpapahiwatig na naghahanap sila ng sariling bayan. 15 Kung ang bayang iniwan nila ang iniisip nila, may pagkakataon pa silang makabalik. 16 Ngunit hinahangad nila ang mas mabuting lugar, at itoʼy walang iba kundi ang lungsod na nasa langit. Kaya hindi ikinakahiya ng Dios na siyaʼy tawagin nilang Dios, dahil ipinaghanda niya sila ng isang lungsod.
17-18 Dahil sa pananampalataya, handang ihandog ni Abraham ang kaisa-isa niyang anak na si Isaac nang subukin siya ng Dios. Kahit na alam niyang si Isaac ang ipinangako ng Dios na pagmumulan ng kanyang lahi, handa pa rin niya itong ialay.[d] 19 Sapagkat nanalig si Abraham na kung mamamatay si Isaac, muli siyang bubuhayin ng Dios. At ganoon nga ang nangyari – parang bumalik sa kanya si Isaac mula sa kamatayan.
20 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau para maging mabuti ang hinaharap nila.
21 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Jacob ang mga anak ni Jose bago siya namatay. At sumamba siya sa Dios habang nakatukod sa kanyang tungkod.
22 Dahil sa pananampalataya, sinabi ni Jose nang malapit na siyang mamatay na aalis ang mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin niyang dalhin nila ang mga buto niya kapag umalis na sila.
23 Dahil sa pananampalataya, hindi natakot sumuway ang mga magulang ni Moises sa utos ng hari. Sapagkat nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.
24 Dahil sa pananampalataya, nang malaki na si Moises ay tumanggi siyang tawaging anak ng prinsesa ng Egipto. 25 Mas ginusto niyang makibahagi sa paghihirap na dinaranas ng mga taong sakop ng Dios kaysa lasapin ang mga panandaliang kaligayahan na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang mas mahalaga ang maalipusta para kay Cristo kaysa sa mga kayamanan ng Egipto, dahil inaasam niya ang gantimpalang matatanggap niya.
27 Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Moises ang Egipto at hindi siya natakot kahit na magalit ang hari sa kanya. Nanindigan siya dahil parang nakita niya ang Dios na hindi nakikita. 28 Dahil sa pananampalataya niya, sinimulan niya ang pagdaraos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Inutusan niya ang mga Israelita na pahiran ng dugo ng tupa ang mga pintuan nila, para maligtas ang mga panganay nila sa anghel na papatay sa mga panganay ng mga Egipcio.
29 Dahil sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang dumadaan sa tuyong lupa. Pero nang sinubukang tumawid ng mga humahabol na Egipcio, nalunod sila.
30 Dahil sa pananampalataya, gumuho ang mga pader ng Jerico matapos itong ikutan ng mga Israelita sa loob ng pitong araw.
31 Dahil sa pananampalataya, tinulungan ni Rahab na babaeng bayaran ang mga espiya at hindi siya pinatay kasama ng mga kababayan niyang suwail sa Dios.
32 Kailangan ko pa bang magbigay ng maraming halimbawa? Kakapusin ako ng panahon kung iisa-isahin ko pa ang mga ginawa nina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at ng iba pang mga propeta. 33 Dahil sa pananampalataya nila, nilupig nila ang mga kaharian, namahala sila nang may katarungan, at tinanggap nila ang mga ipinangako ng Dios. Dahil sa pananampalataya nila, hindi sila ginalaw ng mga leon, 34 hindi sila napaso sa nagliliyab na apoy, at nakaligtas sila sa kamatayan sa pamamagitan ng espada. Ang iba sa kanilaʼy mahihina, pero pinalakas sila ng Dios. At naging makapangyarihan sila sa digmaan at nilupig ang mga dayuhang hukbo. 35 May mga babae naman na dahil sa pananampalataya nila sa Dios ay muling nabuhay ang kanilang mga anak na namatay. Ang iba namang sumasampalataya sa Dios ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Tinanggihan nila ang alok na kalayaan kapalit ng pagtalikod nila sa kanilang pananampalataya dahil nalalaman nilang darating ang araw na bubuhayin sila ng Dios at matatanggap nila ang mas mabuting gantimpala. 36 Ang iba naman ay dumanas ng mga panlalait at panghahagupit dahil sa pananampalataya nila, at ang iba ay ikinadena at ibinilanggo. 37 Pinagbabato ang iba hanggang sa mamatay, ang iba naman ay nilagari hanggang mahati ang katawan nila, at mayroon ding pinatay sa espada. Ang ilan sa kanila ay nagdamit na lang ng balat ng tupa at kambing. Naranasan nilang maghikahos, usigin at apihin. 38 Nagtago sila sa mga ilang, mga kabundukan, mga kweba at mga lungga sa lupa. Hindi karapat-dapat ang mundong ito para sa kanila.
39 Kinalugdan silang lahat ng Dios dahil sa pananampalataya nila. Ngunit hindi nila natanggap sa panahon nila ang ipinangako ng Dios sa kanila. 40 Itoʼy dahil may mas mabuting plano ang Dios para sa atin, dahil nais niyang makasama nila tayo kapag tinupad na niya ang ipinangako niya sa kanila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®