Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 11

Nagreklamo ang mga Israelita kay Moises

11 Nagreklamo ang mga Israelita kay Moises dahil sa hirap na kanilang dinaranas. Nang marinig ito ng Panginoon, nagalit siya at nagpadala siya ng apoy na sumunog sa ilang dulong bahagi ng kampo. Dahil dito, humingi ng tulong ang mga Israelita kay Moises, at nanalangin si Moises sa Panginoon, at namatay ang apoy. Kaya ang lugar na iyon ay pinangalanang Tabera,[a] dahil nagpadala ang Panginoon ng apoy sa kanila.

May mga grupo ng dayuhan na sumama sa mga Israelita na naghahanap ng mga pagkaing gusto nilang kainin, kaya nagreklamo pati ang mga Israelita na nagsasabi, “Kung makakakain man lang sana tayo ng karne. Noong naroon tayo sa Egipto, nakakakain tayo ng mga libreng isda at ng mga pipino, melon, sibuyas at mga bawang. Pero dito wala tayong ganang kumain;[b] puro ‘manna’ lang ang ating kinakain.”

Ang mga “manna” na ito ay parang mga buto na maliliit at mapuputi. 8-9 Pinupulot ito ng mga Israelita sa lupa tuwing umaga at ginigiling nila ito o binabayo sa lusong. Pagkatapos, niluluto nila ito sa banga at ginagawang manipis na tinapay. Ang lasa nito ay katulad ng tinapay na niluto sa langis ng olibo.

10 Narinig ni Moises ang reklamo ng bawat pamilya sa pintuan ng kanilang mga tolda. Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanila, at dahil ditoʼy nabahala si Moises. 11 Nagtanong siya sa Panginoon, “Bakit nʼyo po ako binigyan na inyong lingkod ng malaking problema? Ano po ba ang ginawa ko na hindi kayo natuwa kaya ibinigay ninyo sa akin ang problema ng mga taong ito? 12 Mga anak ko po ba sila? Ama ba nila ako? Bakit ninyo sinasabi sa akin na alagaan ko sila katulad ng isang yaya na kumakarga sa isang bata, at dalhin sila sa lupaing ipinangako ninyo sa kanilang mga ninuno? 13 Saan po ba ako kukuha ng karne para sa mga taong ito? Dahil patuloy ang pagrereklamo nila sa akin na bigyan ko sila ng karneng makakain nila. 14 Hindi ko po sila kayang alagaang lahat nang mag-isa. Napakahirap nito para sa akin. 15 Kung ganito lang po ang pagtrato ninyo sa akin, patayin na lang ninyo ako ngayon. Kung nalulugod kayo sa akin, huwag ninyo akong pabayaang magdusa.”

16 Kaya sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tipunin mo ang 70 sa mga tagapamahala ng Israel na kilalang-kilala mo na mga pinuno ng mga mamamayan, at papuntahin sila sa Toldang Tipanan at patayuin sila roon kasama mo. 17 Bababa ako at makikipag-usap sa iyo roon, at ibibigay ko sa kanila ang ibang kapangyarihan[c] na ibinigay ko sa iyo upang makatulong sila sa pamamahala ng mga tao para hindi lang ikaw mag-isa ang namamahala.

18 “Pagkatapos, sabihin mo sa mga tao na linisin nila ang kanilang sarili[d] dahil bukas, may makakain na silang karne. Sabihin mo ito sa kanila: ‘Narinig ko ang inyong reklamo na gusto ninyong kumain ng karne. At sinasabi ninyo na mas mabuti pa ang inyong kalagayan sa Egipto. Kaya bukas, bibigyan ko kayo ng karne para makakain kayo. 19 Hindi lang isang araw, o dalawa, o lima, o 10, o 20 araw ang pagkain ninyo nito, 20 kundi isang buwan, hanggang sa magsawa kayo[e] at hindi na kayo makakain nito. Dahil itinakwil ninyo ako na sumasama sa inyo, at nagreklamo kayo sa akin na sanaʼy hindi na lang kayo umalis sa Egipto.’ ”

21 Pero sinabi ni Moises, “600,000 lahat ang tao na kasama ko, at ngayoʼy sinasabi po ninyo na bibigyan ninyo sila ng karne na kanilang kakainin sa loob ng isang buwan? 22 Kahit po katayin pa namin ang lahat ng tupa at baka o kahit hulihin pa namin ang mga isda sa dagat, hindi po ito magkakasya sa kanila.” 23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “May limitasyon ba ang aking kapangyarihan? Makikita mo ngayon kung mangyayari ang sinabi ko o hindi.”

24 Kaya lumakad si Moises at sinabi sa mga tao ang sinabi ng Panginoon. Tinipon niya ang 70 tagapamahala at pinatayo sa palibot ng Tolda. 25 Pagkatapos, bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap at nakipag-usap kay Moises. Kinuha niya ang ibang kapangyarihan[f] ni Moises at ibinigay sa 70 tagapamahala. At nang matanggap nila ito, nagsalita sila kagaya ng mga propeta pero hindi na ito nangyari pang muli.

26 Ang dalawa sa 70 tagapamahala na sina Eldad at Medad ay nagpaiwan sa kampo at hindi pumunta sa Tolda. Pero natanggap din nila ang kapangyarihan at nagsalita rin sila na kagaya ng mga propeta. 27 May isang binata na nagtatakbo papunta kay Moises at sinabi na nagsasalita sina Eldad at Medad doon sa kampo na kagaya ng mga propeta. 28 Sinabi ni Josue na anak ni Nun, na naging katulong ni Moises mula noong bata pa ito, “Amo, patigilin po ninyo sila.” 29 Pero sumagot si Moises, “Nababahala ka ba kung ano ang magiging resulta nito sa aking pagkapinuno? Kung sa akin lang, gusto kong bigyan ng Panginoon ng kapangyarihan ang lahat ng mamamayan at makapagsalita sila kagaya ng mga propeta.” 30 Pagkatapos, bumalik sa kampo si Moises at ang mga tagapamahala ng Israel.

31 Ngayon, nagpadala ang Panginoon ng hangin na nagdala ng mga pugo mula sa dagat. Lumipad-lipad sila sa palibot ng kampo at ibinagsak sa lupa; mga tatlong talampakan ang taas ng bunton nito at mga ilang kilometro ang lawak ng ibinunton na mga pugo. 32 Kaya nang araw na iyon at nang sumunod pang araw, nanghuli ang mga tao ng mga pugo araw at gabi. Walang nakakuha nang bababa pa sa 30 sako at ibinilad nila ito sa palibot ng kampo. 33 Pero habang nginunguya pa nila ang karne at hindi pa nalululon ito, nagalit ang Panginoon sa kanila, at pinadalhan sila ng salot. 34 Kaya tinawag ang lugar na iyon na Kibrot Hataava[g] dahil doon inilibing ang mga taong matatakaw sa karne. 35 Mula roon, naglakbay ang mga Israelita sa Hazerot, at doon nagkampo.

Salmo 48

Ang Zion ang Bayan ng Dios

48 Dakila ang Panginoon na ating Dios,
    at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan,
    ang kanyang banal na bundok.
Itoʼy mataas at maganda,
    at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
    Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,
    at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.

Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.
Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
    nagulat, natakot at nagsitakas sila.
Dahil sa takot, nanginig sila
    gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
Winasak sila ng Dios tulad ng mga barkong panglayag[a]
    na sinisira ng hanging amihan.

Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Dios,
    pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan.
    Siya ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan,
    at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.

Sa loob ng inyong templo, O Dios,
    iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Dios, dakila ang pangalan nʼyo,
    at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
    Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,[b]
    at ng mga bayan ng Juda,
    dahil sa inyong makatarungang paghatol.

12 Mga mamamayan ng Dios,
    libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
    upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 “Siya ang Dios, ang Dios natin magpakailanman.
    Siya ang gagabay sa atin habang buhay.”

Isaias 1

Ang aklat na itoʼy tungkol sa ipinahayag ng Dios kay Isaias na anak ni Amoz. Tungkol ito sa Juda at Jerusalem noong magkakasunod na naghari sa Juda sina Uzia, Jotam, Ahaz, at Hezekia.

Ang Makasalanang Bansa

Pakinggan ninyo langit at lupa, dahil sinabi ng Panginoon, “Inalagaan koʼt pinalaki ang mga Israelita na aking mga anak, pero nagrebelde sila sa akin. Kahit ang mga bakaʼy kilala ang kanilang tagapag-alaga,[a] at ang mga asnoʼy alam kung saang sabsaban sila pinapakain ng nagmamay-ari sa kanila, pero ang mga mamamayan kong Israelita ay hindi nakakakilala sa akin.”

Sila ay bansang makasalanan, mga taong punong-puno ng kasamaan, lahi ng mga gumagawa ng masama at mapaminsala. Itinakwil nila at kinutya ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, at siyaʼy tinalikuran nila.

Mga taga-Israel, bakit patuloy kayong nagrerebelde? Gusto pa ba ninyong maparusahan? Para kayong tao na puro sugat ang ulo at ang pusoʼy puno ng sakit. Mula ulo hanggang talampakan, walang bahagi na walang sugat, pasa at pamamaga. Hindi ito nahuhugasan, o nabebendahan, o nagagamot.

Hindi na mapakinabangan ang inyong bansa; sinunog ng mga dayuhan ang mga lungsod ninyo. Kitang-kita ninyong sinasamsam nila ang mga bunga ng inyong pananim. Sinisira nila ang inyong lupain hanggang sa hindi na mapakinabangan. Walang natira kundi ang Jerusalem.[b] Para itong silungan sa isang ubasan o isang kubol sa taniman ng mga pipino na mag-isang nakatayo, at para ring lungsod na pinalibutan ng kaaway. Kung ang Panginoong Makapangyarihan ay hindi nagtira ng ilan sa atin, natulad na sana tayo sa Sodom at Gomora.

10 Kayong mga pinuno at mga mamamayan ng Jerusalem na katulad ng mga taga-Sodom at Gomora, pakinggan ninyo ang salita at kautusan ng Panginoon na ating Dios. 11 Sinabi niya, “Balewala sa akin ang napakarami ninyong handog. Sawang-sawa na ako sa inyong mga handog na sinusunog – ang mga tupa at ang mga taba ng mga pinatabang hayop. Hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro, tupa at mga kambing. 12 Sino ang nag-utos sa inyo na dalhin ang lahat ng ito kapag sumasamba kayo sa akin? Sino ang nag-utos sa inyong tumapak sa aking templo? 13 Tigilan nʼyo na ang pagdadala ng mga handog na walang silbi. Nasusuklam ako sa amoy ng mga insenso ninyo. Hindi ko na matiis ang mga pagtitipon nʼyo kapag Pista ng Pagsisimula ng Buwan at kapag Araw ng Pamamahinga, dahil kahit na nagtitipon kayo, gumagawa kayo ng kasamaan. 14 Nasusuklam ako sa inyong mga Pista ng Bagong Buwan at sa iba pa ninyong mga pista. Sobra-sobra na! Hindi ko na ito matiis!

15 “Kapag mananalangin kayo hindi ko kayo papansinin. Kahit paulit-ulit pa kayong manalangin hindi ko kayo pakikinggan dahil marami kayong pinatay na tao. 16 Linisin ninyo ang inyong sarili. Tigilan na ninyo ang paggawa ng kasamaan sa aking harapan. 17 Pag-aralan ninyong gumawa ng mabuti at pairalin ang katarungan. Sawayin ninyo ang mga nang-aapi[c] at ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga ulila at mga biyuda.”

18 Sinabi pa ng Panginoon, “Halikayoʼt pag-usapan natin ito. Kahit gaano man karumi ang inyong mga kasalanan, lilinisin ko iyan para maging malinis kayo. 19 Kung susunod lang kayo sa akin ay pagpapalain ko kayo.[d] 20 Pero kung patuloy kayong magrerebelde, tiyak na mamamatay kayo.”

Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon.

Ang Makasalanang Lungsod

21 Tingnan ninyo ang lungsod ng Jerusalem. Matapat ito noon, pero ngayoʼy para nang babaeng bayaran. Datiʼy mga taong matuwid ang mga nakatira rito, pero ngayon ay mga mamamatay-tao. 22 Jerusalem, datiʼy mahalaga ka tulad ng pilak, pero ngayon ay wala ka nang silbi. Noon para kang mamahaling alak, pero ngayon ay para ka nang alak na may halong tubig. 23 Ang mga pinuno moʼy mga suwail at kasabwat ng mga magnanakaw. Gusto nila palagi ng suhol, at nanghihingi ng mga regalo. Hindi nila ipinagtatanggol ang karapatan ng mga ulila at hindi rin nila pinapakinggan ang daing ng mga biyuda.

24 Kaya sinabi ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ng Israel, “Gagaan ang kalooban ko kapag naparusahan ko na kayong mga taga-Jerusalem na aking mga kaaway. 25 Parurusahan ko kayo para magbago kayo, katulad ng pilak na dinadalisay sa apoy. 26 Muli ko kayong bibigyan ng mga pinuno at mga tagapayo, katulad noong una. At ang lungsod ninyo ay tatawaging lungsod ng mga matuwid at tapat na mga tao.”

27 Magsisisi ang mga tao sa Jerusalem,[e] at ito ay ililigtas ng Dios at magiging matuwid ang pagtrato ng mga pinuno sa lahat ng mga mamamayan. 28 Pero lilipulin niya ang mga suwail at mga makasalanan, ang mga taong tumalikod sa Panginoon.

29 Mapapahiya kayo na mga taga-Jerusalem dahil sa pagsamba ninyo sa mga puno ng ensina at sa mga sagradong halamanan. 30 Matutulad kayo sa isang nalalantang puno ng ensina, at sa isang halamanang hindi nadidiligan. 31 Ang mga makapangyarihan sa inyo ay magiging katulad ng tuyong kahoy na madaling masunog, at ang masasama nilang gawa ay magiging parang tilamsik ng apoy na susunog sa kanila. Walang makakapatay sa apoy na iyon.

Hebreo 9

Ang Pagsamba Rito sa Lupa at Doon sa Langit

May mga tuntunin ang unang kasunduan tungkol sa pagsamba at may sambahang gawa ng tao. Itong Toldang Sambahan na ginawa nila ay may dalawang silid. Ang unang silid ay ang Banal na Lugar, kung saan naroon ang ilawan, ang mesa, at ang tinapay na handog sa Dios. Ang ikalawang silid ay ang Pinakabanal na Lugar. Naroon ang gintong altar na pinagsusunugan ng insenso at ang Kahon ng Kasunduan na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kahon ang lalagyang ginto na may lamang “manna”, ang tungkod ni Aaron na nagkasibol, at ang malapad na mga bato kung saan nakaukit ang mga utos ng Dios. Sa ibabaw ng Kahon ay may mga kerubin na nagpapahiwatig ng presensya ng Dios, at nilililiman ng mga pakpak nito ang lugar na iyon kung saan pinapatawad ng Dios ang mga kasalanan ng tao. Ngunit hindi namin ito maipapaliwanag nang detalyado sa ngayon.

Ganoon ang pagkakaayos sa loob ng Toldang Sambahan. At araw-araw pumapasok ang mga pari sa unang silid ng Tolda para gampanan ang tungkulin nila. Ngunit ang punong pari lang ang nakakapasok sa Pinakabanal na Lugar at minsan lang sa isang taon. At sa tuwing papasok siya rito, naghahandog siya ng dugo para sa sarili niyang mga kasalanan at sa mga kasalanang nagawa ng mga tao nang hindi nila nalalaman. Sa ginagawa nilang ito, ipinapakita ng Banal na Espiritu na hindi makakapasok sa Pinakabanal na Lugar ang karaniwang tao hanggaʼt naroon pa ang dating Toldang Sambahan. Ang Toldang iyon ay larawan lang ng kasalukuyang panahon. Sapagkat ang mga handog at kaloob na iniaalay doon ng mga tao ay hindi nakapaglilinis ng kanilang konsensya. 10 Ang mga ginagawa nilang itoʼy nauukol lang sa mga pagkain at inumin at mga seremonya ng paglilinis. Mga tuntuning panlabas lamang ito na ipinapatupad hanggang sa dumating ang bagong pamamaraan ng Dios.

11 Ngunit dumating na si Cristo na punong pari ng bagong pamamaraan na higit na mabuti kaysa sa dati. Pumasok siya sa mas dakila at mas ganap na Tolda na hindi gawa ng tao, at wala sa mundong ito. 12 Minsan lang pumasok si Cristo sa Pinakabanal na Lugar. At hindi dugo ng kambing o ng guya[a] ang dala niya kundi ang sarili niyang dugo. At sa pamamagitan ng kanyang dugo, tinubos niya tayo sa mga kasalanan natin magpakailanman. 13 Ayon sa Kautusan, kung itinuturing na marumi ang isang tao, kailangan siyang wisikan ng dugo ng kambing at toro, at ng abo ng guya para maging malinis. 14 Kung nakakalinis ang mga ito, di lalo na ang dugo ni Cristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Banal na Espiritu, inialay ni Cristo ang sarili niya bilang handog na walang kapintasan sa Dios. Ang dugo niya ang lilinis sa ating pusoʼt isipan para matalikuran natin ang mga gawaing walang kabuluhan at paglingkuran ang Dios na buhay.

15 Kaya si Cristo ang ginawang tagapamagitan sa atin at sa Dios sa bagong kasunduan. Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, tinubos niya ang mga taong lumabag sa unang kasunduan. Dahil dito, matatanggap ng mga tinawag ng Dios ang walang hanggang pagpapala na ipinangako niya. 16 Maihahalintulad ito sa isang huling testamento na kailangang mapatunayan na namatay na ang gumawa nito, 17 dahil wala itong bisa habang nabubuhay pa siya. Nagkakabisa lang ang isang testamento kapag namatay na ang gumawa nito. 18 Kaya maging ang unang kasunduan ay kinailangang pagtibayin sa pamamagitan ng dugo. 19 Sapagkat nang ipahayag ni Moises ang Kautusan sa mga tao, kumuha siya ng dugo ng mga guyaʼt kambing, at hinaluan ng tubig. Isinawsaw niya rito ang balahibo ng tupa na kinulayan ng pula na nakatali sa sanga ng isopo. Pagkatapos, winisikan niya ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. 20 At sinabi niya: “Ito ang dugong nagpapatibay sa kasunduang ibinigay at ipinatutupad sa inyo ng Dios.”[b] 21 Winisikan din niya ng dugo ang Toldang Sambahan at ang lahat ng bagay doon na ginagamit sa pagsamba. 22 Ayon sa Kautusan, nililinis sa pamamagitan ng dugo ang halos lahat ng bagay na ginagamit sa pagsamba. At kung walang pagbubuhos ng dugo bilang handog sa Dios, wala ring kapatawaran ng mga kasalanan.

23 Kaya kailangang linisin sa pamamagitan ng ganitong paraan ng paghahandog ang mga bagay sa sambahang ito na larawan lang ng mga bagay na nasa langit. Pero nangangailangan ng mas mabuting handog ang mga bagay na nasa langit. 24 Sapagkat hindi pumasok si Cristo sa isang banal na lugar na gawa ng tao at larawan lang ng mga bagay na nasa langit, kundi sa langit mismo. Siya ngayon ay namamagitan para sa atin sa harap ng Dios. 25 Ang punong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Pinakabanal na Lugar bawat taon, na may dalang dugo ng hayop. Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog ng kanyang sarili, at hindi na niya ito inulit-ulit pa. 26 Dahil kung kailangang ulit-ulitin, maraming beses sanang nagdusa si Cristo mula pa nang likhain ang mundo. Pero minsan lamang siya naparito sa mundo para alisin ang mga kasalanan natin sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang sarili. Ginawa niya ito nitong mga huling araw. 27 Itinakda sa mga tao ang mamatay nang minsan at pagkatapos nitoʼy ang paghuhukom ng Dios. 28 Ganoon din naman, minsan lang namatay si Cristo nang inihandog niya ang kanyang sarili para alisin ang kasalanan ng mga tao. At muli siyang babalik dito sa mundo, hindi na para akuing muli ang kasalanan ng mga tao, kundi para iligtas ang mga taong naghihintay sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®