Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 9

Nang unang buwan ng ikalawang taon, mula nang inilabas ang mga Israelita sa Egipto, sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa disyerto ng Sinai, “Ipagdiriwang ng mga Israelita ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa nakatakdang panahon. Simula sa paglubog ng araw sa ika-14 na araw ng buwang ito, kailangang sundin ninyo ang lahat ng tuntunin tungkol sa pistang ito.”

Kaya sinabihan ni Moises ang mga Israelita na ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel, at sinunod nila ito roon sa disyerto ng Sinai nang lumubog ang araw nang ika-14 na araw ng unang buwan. Ginawa ito ng lahat ng mga Israelita ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Pero may iba sa kanila na hindi nakapagdiwang ng Pistang ito dahil nang araw na iyon, itinuturing silang marumi dahil nakahipo sila ng patay. Kaya nang mismong araw na iyon, pumunta sila kina Moises at Aaron at sinabi nila, “Naging marumi kami dahil nakahipo kami ng patay, pero bakit ba hindi kami pinapayagan sa pagdiriwang ng pistang ito at sa pag-aalay ng mga handog sa Panginoon kasama ng ibang mga Israelita sa naitakdang panahon?” Sumagot si Moises sa kanila, “Maghintay muna kayo hanggang sa malaman ko kung ano ang iuutos ng Panginoon sa akin tungkol sa inyo.”

Sinabi ng Panginoon kay Moises, 10 “Sabihin mo sa mga Israelita na kahit sino sa kanila o sa kanilang mga lahi na naging marumi dahil sa paghipo ng patay o dahil bumiyahe siya sa malayo, makakapagdiwang pa rin siya ng Pista ng Paglampas ng Anghel. 11 Ipagdiriwang nila ito pagkalipas ng isang buwan, simula sa paglubog ng araw sa ika-14 na araw ng ikalawang buwan. Kakain sila ng tupa kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapait na halaman. 12 Kailangang wala silang iiwanang pagkain kinaumagahan, at hindi rin nila babaliin ang mga buto ng tupa. Kung magdiriwang sila ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang sundin ang lahat ng mga tuntunin tungkol dito.

13 “Pero ang tao na hindi nagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kahit na itinuturing pa siyang malinis at hindi bumiyahe sa malayo, ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan, dahil hindi siya nag-alay ng handog para sa Panginoon sa nakatakdang panahon. Magdurusa siya sa kanyang kasalanan.

14 “Kung may dayuhan na naninirahang kasama ninyo na gustong makipagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang ipagdiwang niya ito ayon sa lahat ng mga tuntunin nito. Magkapareho lang ang mga tuntunin para sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhan.”

Ang Ulap sa Toldang Tipanan(A)

15 Nang araw na ipinatayo ang Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan, natakpan ito ng ulap. Ang ulap na ito ay nagliliwanag na parang apoy mula gabi hanggang umaga. 16 Ganito palagi ang nangyayari – ang ulap ay bumabalot sa Toldang Tipanan kung araw at nagliliwanag naman ito na parang apoy kung gabi. 17 Kapag pumapaitaas na ang ulap, umaalis na rin ang mga Israelita at nagpapatuloy sa kanilang paglalakbay, at kung saan tumitigil ang ulap, doon sila nagkakampo. 18 Kaya naglalakbay at nagkakampo ang mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon. Hindi sila naglalakbay habang nasa ibabaw pa ng Tolda ang ulap. 19 Kahit magtagal ang ulap sa ibabaw ng Tolda, naghihintay lang sila sa utos ng Panginoon at hindi sila umaalis. 20 Kung minsan, mga ilang araw lang ang ulap sa ibabaw ng Tolda, kaya nananatili rin doon ang mga tao ng ilang araw. Pagkatapos, aalis ulit sila ayon sa utos ng Panginoon. 21 Kung minsan namaʼy nananatili lang ang ulap sa ibabaw ng Tolda ng isang gabi at pumapaitaas na ito kinaumagahan, at nagpapatuloy sila sa paglalakbay. Araw man o gabi, naglalakbay ang mga Israelita sa tuwing pumapaitaas ang ulap. 22 Kung nananatili ang ulap sa ibabaw ng Tolda ng dalawang araw o isang buwan o isang taon, ganoon din katagal nananatili ang mga Israelita sa kanilang kampo. 23 Kaya nagkakampo at naglalakbay ang mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon. At sinunod nila ang mga utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Salmo 45

Ang Kasal ng Hari

45 Ang aking puso ay punong-puno ng magagandang paksa
    habang akoʼy nagsasalita ng mga tula para sa hari.
    Ang aking kakayahan sa pagsasalita ay katulad ng kakayahan ng isang magaling na makata.

Mahal na Hari, kayo ang pinakamagandang lalaki sa lahat.
    At ang mga salita nʼyo ay nakabubuti sa iba.
    Kaya lagi kayong pinagpapala ng Dios.
Marangal na hari na dakilang mandirigma!
    Isukbit nʼyo sa inyong tagiliran ang inyong espada.
Ipahayag na ang inyong kadakilaan!
    Maging matagumpay kayo na may katotohanan, kapakumbabaan at katuwiran.
    Gumawa kayo ng mga kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Patamaan nʼyo ng matatalim nʼyong palaso ang puso ng inyong mga kaaway.
    Babagsak ang mga bansa sa inyong paanan.

O Dios, ang kaharian mo ay magpakailanman
    at ang paghahari moʼy makatuwiran.
Kinalulugdan mo ang gumagawa ng matuwid at kinamumuhian mo ang gumagawa ng masama.
    Kaya pinili ka ng Dios, na iyong Dios, at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya sa mga kasama mo.
Ang mga damit nʼyo ay pinabanguhan ng mira, aloe at kasia.
    Sa inyong palasyo na nakakasilaw sa ganda,[a]
    nililibang kayo ng mga tugtugin ng alpa.
Ang ilan sa inyong mga kagalang-galang na babae ay mga prinsesa.
    At sa inyong kanan ay nakatayo ang reyna
    na nakasuot ng mga alahas na purong ginto mula sa Ofir.

10 O kasintahan ng hari, pakinggan mo ang sasabihin ko:
    Kalimutan mo ang iyong mga kamag-anak at mga kababayan.
11 Nabihag mo ang hari ng iyong kagandahan.
    Siyaʼy iyong amo na dapat igalang.
12 Ang mga taga-Tyre ay magdadala sa iyo ng kaloob;
    pati ang mga mayayaman ay hihingi ng pabor sa iyo.

13 Nagniningning ang kagandahan ng prinsesa sa loob ng kanyang silid.
    Ang kanyang suot na trahe de boda ay may mga burdang ginto.
14 Sa ganitong kasuotan ay dadalhin siya sa hari,
    kasama ng mga dalagang abay.
15 Masayang-masaya silang papasok sa palasyo ng hari.

16 Mahal na Hari, ang inyong mga anak na lalaki
    ay magiging hari rin, katulad ng kanilang mga ninuno.
    Gagawin nʼyo silang mga pinuno sa buong daigdig.
17 Ipapaalala kita sa lahat ng salinlahi.
    Kaya pupurihin ka ng mga tao magpakailanman.

Awit ng mga Awit 7

O maharlikang babae, napakaganda ng mga paa mong may sandalyas. Hugis ng iyong mga hitaʼy parang mga alahas na gawa ng bihasa. Ang pusod moʼy kasimbilog ng tasang laging puno ng masarap na alak. Ang baywang moʼy parang ibinigkis na trigong napapaligiran ng mga liryo. Ang dibdib moʼy tila kambal na batang usa. Ang leeg moʼy parang toreng gawa sa pangil ng elepante. Ang mga mata moʼy kasinglinaw ng batis sa Heshbon, malapit sa pintuang bayan ng Bet Rabim. Ang ilong moʼy kasingganda ng tore ng Lebanon na nakaharap sa Damasco. Ang ulo moʼy kasingganda ng Bundok ng Carmel. Ang buhok moʼy kasingkintab ng mga maharlikang kasuotan at ang hariʼy nabihag sa kagandahan nito.

O napakaganda mo, aking sinta, umaapaw ka sa kariktan. Ang tindig moʼy parang puno ng palma at ang dibdib moʼy parang mga bunga nito. At aking sinabi, “Aakyat ako sa palma at hahawak sa kanyang mga bunga.” Ang iyong dibdib ay parang katulad ng kumpol ng ubas, at ang samyo ng iyong hiningaʼy parang mansanas. Ang halik moʼy kasingtamis ng pinakamasarap na alak. Ang alak na itoʼy dahan-dahang dumadaloy mula sa labi ng aking minamahal.

Babae

10 Ako ay sa kanya lang, at ako lamang ang kanyang inaasam. 11 Halika mahal ko, pumunta tayo sa bukid at doon magpalipas ng gabi, sa tabi ng mga bulaklak ng henna.[a] 12 Maaga tayong gumising at ating tingnan kung namulaklak at namunga na ang ubasan. Tingnan din natin kung namumukadkad na ang mga pomegranata. At doon, ipadarama ko sa iyo ang aking pagmamahal. 13 Maaamoy mo ang bango ng mandragora, at malapit sa ating pintuan ay may mga piling hain na prutas, luma at bago. Sapagkat ang mga itoʼy sadyang inihanda ko para sa iyo, aking mahal.

Hebreo 7

Ang Paring si Melkizedek

Itong si Melkizedek ay hari noon sa Salem, at pari ng Kataas-taasang Dios. Nang pauwi na si Abraham mula sa pakikipaglaban sa mga haring nilupig niya, sinalubong siya ni Melkizedek at pinagpala. Pagkatapos, ibinigay sa kanya ni Abraham ang ikapu ng lahat ng nasamsam niya sa labanan. Ang kahulugan ng pangalang Melkizedek ay “Hari ng Katuwiran.” At dahil hari siya ng Salem, nangangahulugan na siyaʼy “Hari ng Kapayapaan.” Walang naisulat tungkol sa kanyang ama at ina o maging sa mga ninuno niya. At wala ring naisulat tungkol sa kanyang kapanganakan at kamatayan. Katulad siya ng Anak ng Dios; ang pagkapari niyaʼy walang hanggan. Isipin nʼyo na lang kung gaano kadakila si Melkizedek: Kahit na si Abraham na ama ng ating lahi ay nagbigay sa kanya ng ikapu mula sa lahat ng nasamsam niya sa labanan. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga paring mula sa lahi ni Levi ang siyang tatanggap ng ikapu mula sa mga kapwa nila Judio, kahit na nagmula silang lahat kay Abraham. Hindi kabilang si Melkizedek sa lahi ni Levi, pero tumanggap siya ng ikapu mula kay Abraham at pinagpala pa niya si Abraham, ang taong pinangakuan ng Dios. At alam nating mas mataas ang nagpapala kaysa sa pinagpapala. Kung tungkol sa mga paring mula sa lahi ni Levi na tumatanggap ng ikapu, mga tao lang sila na may kamatayan. Pero pinatutunayan ng Kasulatan na si Melkizedek na tumanggap ng ikapu mula kay Abraham ay nananatiling buhay. At masasabi natin na kahit si Levi, na ang angkan niya ang tumatanggap ng ikapu, ay nagbigay din ng kanyang ikapu sa pamamagitan ni Abraham. 10 Sapagkat nang magbigay si Abraham kay Melkizedek, masasabi nating si Levi ay nasa katawan pa ng ninuno niyang si Abraham.

11 Alam natin na ang Kautusang ibinigay ng Dios sa mga Judio ay batay sa pagkapari na nanggaling sa lahi ni Levi. Kung makakamtan sa pamamagitan ng mga ginagawa ng mga paring ito ang pagiging matuwid, hindi na sana kakailanganin pa ang ibang pari na katulad ng pagkapari ni Melkizedek, na iba sa pagkapari ni Aaron. 12 At kung papalitan ang pagkapari, kailangan ding palitan ang Kautusan. 13-14 Ang ating Panginoong Jesus na siyang tinutukoy na ipinalit sa mga pari ay kabilang sa ibang lahi, dahil malinaw na galing siya sa lahi ni Juda at hindi kay Levi. At wala pang naglingkod kahit kailan bilang pari mula sa lahi ni Juda. Sapagkat nang sabihin ni Moises kung sino ang maaaring maging pari, wala siyang sinabi tungkol sa lahi ni Juda.

Si Jesus ay Katulad ni Melkizedek

15 Lalo pang naging malinaw na pinalitan na ang mga paring mula sa lahi ni Levi nang magkaroon ng ibang pari na gaya ni Melkizedek. 16 Naging pari siya, hindi dahil sa lahi niya ayon sa Kautusan, kundi dahil sa makapangyarihan niyang buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya: “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melkizedek.”[a] 18 Kaya nga pinalitan na ng Dios ang dating Kautusan dahil mahina ito at hindi makakatulong sa atin, 19 sapagkat walang naging matuwid sa paningin ng Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ito ang dahilan kung bakit tayo binigyan ngayon ng mas mabuting pag-asa, at sa pamamagitan nitoʼy makakalapit na tayo sa Dios.

20 Mas mabuti ang bagong pag-asang ito dahil nilakipan ito ng Dios ng panunumpa. Hindi siya nanumpa nang gawin niyang mga pari ang lahi ni Levi, 21 pero nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus. Ito ang sinasabi ng Kasulatan:

    “Sumumpa ang Panginoon na ikaw ay pari magpakailanman.[b] At hindi magbabago ang pasya niya.”

22 Kaya si Jesus ang naging katiyakan natin sa isang mas mabuting kasunduan. 23 Maraming pari noon, dahil kapag namatay ang isa, pinapalitan siya ng isa upang maipagpatuloy ang mga gawain nila bilang mga pari. 24 Ngunit si Jesus ay walang kamatayan, kaya hindi naililipat sa iba ang pagkapari niya. 25 Kaya maililigtas niya nang lubos ang sinumang lumalapit sa Dios sa pamamagitan niya, dahil nabubuhay siya magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.

26 Kaya si Jesus ang punong pari na kailangan natin. Banal siya, walang kapintasan, walang kasalanan, hiwalay sa mga makasalanan, at itinaas ng higit pa sa kalangitan. 27 Hindi siya katulad ng ibang punong pari na kailangang maghandog araw-araw para sa kasalanan niya, at pagkatapos, para naman sa mga kasalanan ng mga tao. Si Jesus ay minsan lang naghandog para sa lahat nang ialay niya ang kanyang sarili. 28 Ang mga tao na naging punong pari ayon sa Kautusan ay may mga kahinaan. Ngunit ayon sa sinumpaan ng Dios matapos maibigay ang Kautusan, itinalaga niya ang kanyang Anak na maging punong pari magpakailanman, dahil natupad nito ang layunin ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®