Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 7

Ang mga Handog para sa Pagtatalaga ng Toldang Tipanan

Pagkatapos maiayos ni Moises ang Tolda, winisikan niya ito ng langis at itinalaga pati ang lahat ng kagamitan nito. Ganito rin ang kanyang ginawa sa altar at sa lahat ng kagamitan nito. Pagkatapos, nagdala ng mga handog sa Panginoon ang mga pinuno ng Israel, na pinuno ng bawat lahi. Sila ang nakatalaga sa pagsesensus. Nagdala sila ng anim na kariton at 12 baka – isang kariton sa bawat dalawang pinuno, at isang baka sa bawat isa sa kanila. Dinala nila ito sa harapan ng Toldang Sambahan.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tanggapin mo ang kanilang mga handog upang magamit para sa mga gawain sa Toldang Tipanan. Ibigay ito sa mga Levita ayon sa kanilang gawain.”

Kaya tinanggap ni Moises ang mga kariton at ang mga baka, at ibinigay ito sa mga Levita. Ibinigay niya ang dalawang kariton at apat na baka sa mga angkan ni Gershon para sa kanilang gawain. At ibinigay niya ang apat na kariton at walong baka sa mga angkan ni Merari para rin sa kanilang gawain. Pinamumunuan silang lahat ni Itamar na anak ng paring si Aaron. Pero hindi binigyan ni Moises ng kariton o baka ang mga angkan ni Kohat dahil sila ang itinalaga sa pagdadala ng mga banal na bagay ng Tolda.

10 Nagdala rin ang mga pinuno ng kanilang mga handog para sa pagtatalaga ng altar noong itinalaga ito. 11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kailangan na sa bawat araw, may isang pinuno na magdadala ng kanyang handog para sa pagtatalaga ng altar.”

12-83 Sa ganitong paraan nila dinala ang kanilang mga handog:

Nang unang araw, si Nashon na anak ni Aminadab, na pinuno ng lahi ni Juda.

Nang ikalawang araw, si Netanel na anak ni Zuar, na pinuno ng lahi ni Isacar.

Nang ikatlong araw, si Eliab na anak ni Helon, na pinuno ng lahi ni Zebulun.

Nang ikaapat na araw, si Elizur na anak ni Sedeur, na pinuno ng lahi ni Reuben.

Nang ikalimang araw, si Selumiel na anak ni Zurishadai, na pinuno ng lahi ni Simeon.

Nang ikaanim na araw, si Eliasaf na anak ni Deuel, na pinuno ng lahi ni Gad.

Nang ikapitong araw, si Elishama na anak ni Amihud, na pinuno ng lahi ni Efraim.

Nang ikawalong araw, si Gamaliel na anak ni Pedazur, na pinuno ng lahi ni Manase.

Nang ikasiyam na araw, si Abidan na anak ni Gideoni, na pinuno ng lahi ni Benjamin.

Nang ikasampung araw, si Ahiezer na anak ni Amishadai, na pinuno ng lahi ni Dan.

Nang ika-11 araw, si Pagiel na anak ni Ocran, na pinuno ng lahi ni Asher.

Nang ika-12 araw, si Ahira na anak ni Enan, na pinuno ng lahi ni Naftali.

Ang bawat isa sa kanila ay nagdala ng mga handog na ito: isang pilak na bandehado na may bigat na isaʼt kalahating kilo, at isang pilak na mangkok na may bigat na 800 gramo ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Ang bawat isa nito ay puno ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis para sa handog sa pagpaparangal sa Panginoon. Nagdala rin ang bawat isa sa kanila ng isang gintong pinggan na may bigat na mga 120 gramo na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa at isang batang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog na sinusunog; isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis; dalawang baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing at limang batang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog para sa mabuting relasyon.

84 Ito ang lahat ng mga handog ng 12 pinuno ng mga Israelita para sa pagtatalaga ng altar: 12 pilak na bandehado, 12 pilak na mangkok, at 12 gintong tasa.

85 Ang bawat bandehadong pilak ay may bigat na isaʼt kalahating kilo, at ang bawat mangkok na pilak ay may bigat na 800 gramo. Ang kabuuang timbang nila ay mga 28 kilo ayon sa timbangang ginagamit ng mga pari.

86 Ang 12 gintong lalagyan na puno ng insenso ay may bigat na mga 120 gramo bawat isa ayon sa bigat ng ginto sa timbangang ginagamit ng mga pari. Ang kabuuang timbang nila ay mga 1,440 gramo.

87 Ang mga hayop na ibinigay para sa handog na sinusunog: 12 batang toro, 12 lalaking tupa at 12 lalaking tupang isang taong gulang pa lang ang edad, kasama nito ang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ang handog sa paglilinis: 12 lalaking kambing.

88 Ang mga hayop na handog para sa mabuting relasyon: 24 na toro, 60 lalaking tupa, 60 lalaking kambing at 60 batang lalaking tupa na isang taong gulang pa lang ang edad.

Ito ang lahat ng mga handog nang italaga ang altar.

89 Kapag papasok si Moises sa Toldang Tipanan para makipag-usap sa Panginoon, naririnig niya ang boses na nakikipag-usap sa kanya galing sa gitna ng dalawang kerubin, sa ibabaw ng takip ng Kahon ng Kasunduan. Doon nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises.

Salmo 42-43

Ang Hangad ng Taong Lumapit sa Piling ng Panginoon

42 Tulad ng usang sa tubig ng ilog ay nasasabik,
    O Dios, ako sa inyoʼy nananabik.
Akoʼy nauuhaw sa inyo, Dios na buhay.
    Kailan pa kaya ako makakatayo sa presensya nʼyo?
Araw-gabiʼy, luha ko lang ang pagkain ko,
    habang sinasabi sa akin ng aking mga kaaway,
    “Nasaan na ang Dios mo?”
Sumasama ang loob ko kapag naaalala ko na dati ay pinangungunahan ko ang maraming tao na pumupunta sa templo.
    At kami ay nagdiriwang, sumisigaw sa kagalakan at nagpapasalamat sa inyo.

Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
    Dapat magtiwala ako sa inyo.
    Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
6-7 Nanghihina ang loob ko.
    Akoʼy parang tinabunan nʼyo ng malalaking alon,
    na umuugong na parang tubig sa talon.
    Kaya dito ko muna kayo inaalala sa paligid ng Ilog ng Jordan at Hermon, sa Bundok ng Mizar.
Sa araw, Panginoon, ipinapakita nʼyo ang inyong pag-ibig.
    Kaya sa gabi, umaawit ako ng aking dalangin sa inyo,
    O Dios na nagbigay ng buhay ko.
O Dios, na aking batong kanlungan, akoʼy nagtatanong,
    “Bakit nʼyo ako kinalimutan?
    Bakit kinakailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?”
10 Para bang tumatagos na sa aking mga buto ang pang-iinsulto ng aking mga kaaway.
    Patuloy nilang sinasabi, “Nasaan na ang Dios mo?”
11 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
    Dapat magtiwala ako sa inyo.
    Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!

Ang Panalangin sa Panahon ng Kagipitan

43 Patunayan nʼyo, O Dios, na akoʼy walang kasalanan,
    at akoʼy inyong ipagtanggol sa mga hindi matuwid.
    Iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sa masasama.
Kayo ang Dios na nag-iingat sa akin,
    bakit nʼyo ako itinakwil?
    Bakit kailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?
Paliwanagan nʼyo ako at turuan ng inyong katotohanan,
    upang akoʼy magabayan pabalik sa inyong templo sa banal na bundok.
Nang sa gayon, makalapit ako sa inyong altar, O Dios,
    na nagpapagalak sa akin.
    At sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa ay pupurihin ko kayo, O aking Dios.
Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
    Dapat magtiwala ako sa inyo.
    Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!

Awit ng mga Awit 5

Lalaki

Nasa hardin ako ngayon, aking irog na magiging kabiyak ko. Nanguha ako ng mira at mga pabango. Kinain ko ang aking pulot at ininom ang aking alak at gatas.

Mga Babae ng Jerusalem

Kayong mga nagmamahalan, kumain kayo at uminom.

Babae

Habang akoʼy natutulog, nanaginip ako. Narinig kong kumakatok ang mahal ko. Ang sabi niya, “Papasukin mo ako, irog ko. Basang-basa na ng hamog ang ulo ko.” Pero sinabi ko, “Hinubad ko na ang aking damit, isusuot ko pa ba itong muli? Hinugasan ko na ang aking mga paa, dudumihan ko pa ba itong muli?” Nang hawakan ng aking mahal ang susian ng pinto, biglang tumibok ng mabilis ang aking puso. Bumangon ako upang siyaʼy papasukin. At nang hawakan ko ang susian ng pinto tumulo ang mira sa kamay ko. Binuksan ko ang pinto para sa aking mahal, pero wala na siya. Hinanap ko siya, pero hindi ko siya makita. Tinawag ko siya, pero walang sumagot. Nakita ako ng mga guwardya na naglilibot sa lungsod. Pinalo nila ako, at akoʼy nasugatan. Kinuha[a] pa nila ang aking damit. Kayong mga babae ng Jerusalem, mangako kayo sa akin! Kapag nakita ninyo ang aking mahal, sabihin ninyo sa kanyang nanghihina ako dahil sa pag-ibig.

Mga Babae ng Jerusalem

O babaeng pinakamaganda, ano bang mayroon sa iyong minamahal na wala sa iba, at kami ay iyong pinasusumpa pa? Siya baʼy talagang nakakahigit sa iba?

Babae

10 Ang aking mahal ay makisig at mamula-mula ang kutis. Nag-iisa lamang siya sa sampung libong lalaki. 11 Mas mahal pa sa ginto ang kanyang ulo. Buhok niyaʼy medyo kulot at kasing-itim ng uwak. 12 Mga mata niyaʼy napakagandang pagmasdan, tulad ng mamahaling hiyas at tulad ng mata ng mga kalapati, na kasingputi ng gatas, sa tabi ng batis. 13 Mga pisngi niyaʼy kasimbango ng harding puno ng halamang ginagawang pabango. At ang mga labi niyaʼy parang mga liryo na dinadaluyan ng mira. 14 Mga bisig niyaʼy tila mahahabang bareta ng ginto na napapalamutian ng mamahaling bato. Katawaʼy tila pangil ng elepante, makinang at napapalamutian ng mga batong safiro. 15 Mga paa niyaʼy tulad ng mga haliging marmol na nakatayo sa pundasyong ginto. Napakaganda niyang pagmasdan, tulad ng mga puno ng sedro sa Lebanon. 16 Kay tamis halikan ang kanyang bibig. Tunay ngang siyaʼy kaakit-akit. O mga babae ng Jerusalem, siya ang aking mahal, ang aking iniibig.

Hebreo 5

Ang bawat punong pari ay pinili mula sa mga tao upang maglingkod sa Dios para sa kanila. Tungkulin niyang maghandog ng mga kaloob at iba pang mga handog para sa kapatawaran ng mga kasalanan. At dahil tao rin siyang tulad natin na may mga kahinaan, mahinahon siyang nakikitungo sa mga taong hindi nakakaalam na naliligaw sila ng landas. At dahil nagkakasala rin siya, kailangan niyang maghandog, hindi lang para sa kasalanan ng mga tao, kundi para rin sa sarili niyang mga kasalanan. Hindi maaaring makamtan ninuman sa sarili niyang kagustuhan ang karangalan ng pagiging punong pari. Sapagkat ang Dios mismo ang humihirang sa kanya na maging punong pari, tulad ng pagkahirang kay Aaron. Ganoon din naman, hindi si Cristo ang nagparangal sa sarili niya na maging punong pari kundi ang Dios. Sapagkat sinabi sa kanya ng Dios,

    “Ikaw ang Anak ko, at ngayon ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.”[a]

At sinabi pa ng Dios sa ibang bahagi ng Kasulatan,

    “Ikaw ay pari magpakailanman, tulad ng pagkapari ni Melkizedek.”[b]

Noong namumuhay pa si Jesus sa mundong ito, umiiyak siyang nananalangin at nagmamakaawa sa Dios na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig naman siya dahil lubos siyang naging masunurin. At kahit Anak siya mismo ng Dios, natutunan niya ang pagiging masunurin sa pamamagitan ng mga pagtitiis na dinanas niya. Naging ganap siya at pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan[c] ng lahat ng sumusunod sa kanya. 10 Kaya itinalaga siya ng Dios na maging punong pari tulad ng pagkapari ni Melkizedek.

Babala sa Pagtalikod sa Dios

11 Marami pa sana kaming sasabihin tungkol sa mga bagay na ito, pero mahirap ipaliwanag dahil mahina ang pang-unawa ninyo. 12 Dapat mga tagapagturo na sana kayo dahil matagal na kayo sa pananampalataya, ngunit hanggang ngayon ay kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin tungkol sa salita ng Dios. Katulad pa rin kayo ng mga sanggol na nangangailangan ng gatas dahil hindi nʼyo pa kaya ang matigas na pagkain. 13 Ang mga nabubuhay sa gatas ay mga sanggol pa at walang muwang kung ano ang mabuti at masama. 14 Ngunit ang matigas na pagkain ay para sa may mga sapat na gulang na, at alam na kung ano ang mabuti at masama.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®