M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Tuntunin tungkol sa Taong Inihandog para sa Paglilingkod sa Panginoon
6 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na kung ang isang lalaki o babae ay gagawa ng isang panata na itatalaga niya ang kanyang sarili sa paglilingkod sa akin bilang Nazareo,[a] 3 kailangang hindi siya iinom ng alak na mula sa ubas o ng kahit na anong nakalalasing na inumin. Hindi rin siya gagamit ng suka na galing sa anumang inuming nakalalasing. Hindi rin siya dapat uminom ng katas ng ubas, o kumain ng ubas o pasas. 4 Habang isa siyang Nazareo, kailangang hindi siya kakain ng kahit anong galing sa ubas, kahit na buto o balat nito.
5 “Hindi rin niya pagugupitan ang kanyang buhok habang hindi pa natatapos ang kanyang panata sa Panginoon. Kailangang maging banal siya hanggang sa matapos ang panahon ng kanyang panata. Kaya hahayaan lang niyang humaba ang kanyang buhok. 6 At habang hindi pa natatapos ang kanyang panata sa Panginoon, hindi siya dapat lumapit sa patay, 7 kahit na ama pa niya ito, ina o kapatid. Hindi niya dapat dungisan ang kanyang sarili dahil lang sa kanila. Dahil ang kanyang buhok ay simbolo ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon.[b] 8 Kaya sa buong panahon ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay, ibinukod siya para sa Panginoon.
9 “Kung may biglang namatay sa kanyang tabi, at dahil ditoʼy nadumihan ang kanyang buhok[c] na simbolo ng kanyang pagkakatalaga sa Panginoon, kailangang ahitin niya ito sa ikapitong araw, iyon ang araw ng kanyang paglilinis. 10 Sa ikawalong araw, kailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa pari roon sa pintuan ng Toldang Tipanan. 11 Ihahandog ng pari ang isa bilang handog sa paglilinis at ang isa bilang handog na sinusunog. Sa pamamagitan nito, mapapatawad siya sa kasalanan niya na paghipo sa patay. Sa mismong araw na iyon, itatalaga niyang muli ang kanyang sarili[d] at muli niyang pahahabain ang kanyang buhok. 12 Ang lumipas na mga araw ng kanyang paglilingkod sa Panginoon ay hindi kabilang sa pagtupad niya sa kanyang panata, dahil nadungisan siya nang nakahipo siya ng patay. Kailangang italaga niyang muli ang kanyang sarili hanggang sa matapos ang kanyang panata, at magdala siya ng lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan.
13 “Ito ang kanyang dapat gawin kapag natapos na niya ang kanyang panata bilang Nazareo: Kailangang dalhin siya sa pintuan ng Toldang Tipanan. 14 Doon, maghahandog siya sa Panginoon nitong mga sumusunod na hayop na walang kapintasan: isang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog na sinusunog, isang babaeng tupa na isang taong gulang din bilang handog sa paglilinis at isang lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon. 15 Bukod pa rito, maghahandog din siya ng mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, mga handog na inumin at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa, na ginawa mula sa magandang klaseng harina. Ang ibang tinapay ay makapal na hinaluan ng langis, at ang iba naman ay manipis na pinahiran ng langis.
16 “Ang pari ang maghahandog nito sa Panginoon: Ihahandog niya ang handog sa paglilinis at ang handog na sinusunog; 17 pagkatapos, ihahandog din niya ang lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon kasama ang isang basket na tinapay na walang pampaalsa. At ihahandog din niya ang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ang mga handog na inumin.
18 “At doon sa pintuan ng Toldang Tipanan aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok na simbolo ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon. Susunugin niya ito sa apoy na pinagsusunugan ng handog na para sa mabuting relasyon. 19 Pagkatapos nito, ilalagay ng pari sa kamay ng Nazareo ang balikat ng nilagang tupa at ang manipis at makapal na mga tinapay na walang pampaalsa na galing sa basket. 20 Pagkatapos, kukunin ito ng pari at itataas sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinaas. Banal ang bahaging ito ng handog, at ito ay para na sa pari, pati ang dibdib at paa ng tupa na itinaas din sa Panginoon. Pagkatapos nito, maaari nang makainom ng alak na ubas ang Nazareo.
21 “Ito ang tuntunin para sa isang Nazareo. Pero kung mangangako ang isang Nazareo na maghahandog siya sa Panginoon na sobra sa ipinatutupad sa kanyang panata, dapat niya itong sundin.”
Ang Pagbendisyon ng mga Pari
22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 23 “Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki na ito ang kanilang sasabihin kapag magbabasbas sila sa mga Israelita:
24 ‘Pagpalain sana kayo ng Panginoon.
25 Ipakita sana ng Panginoon ang kanyang kabutihan at awa sa inyo.
26 At malugod sana ang Panginoon sa inyo at bigyan niya kayo ng mabuting kalagayan.’
27 “Sa pamamagitan nitoʼy maipapahayag nila sa mga Israelita kung sino ako, at pagpapalain ko sila.”
Awit ng Pagpupuri sa Panginoon
40 Akoʼy matiyagang naghintay sa Panginoon,
at dininig niya ang aking mga daing.
2 Para akong nasa malalim at lubhang maputik na balon,
ako ay kanyang iniahon at itinatayo sa malaking bato, upang hindi
mapahamak.
3 Tinuruan niya ako ng bagong awit,
ang awit ng pagpupuri sa ating Dios.
Marami ang makakasaksi at matatakot sa Dios,
at silaʼy magtitiwala sa kanya.
4 Mapalad ang taong sa Panginoon nagtitiwala,
at hindi lumalapit sa mga mapagmataas,
o sumasamba sa mga dios-diosan.
5 Panginoon kong Dios, wala kayong katulad.
Napakarami ng kahanga-hangang bagay na inyong ginawa para sa amin,
at ang inyong mga plano para sa amin ay marami rin.
Sa dami ng mga itoʼy hindi ko na kayang banggitin.
6 Hindi kayo nalulugod sa ibaʼt ibang klaseng handog.
Hindi kayo humihingi ng handog na sinusunog at handog para sa kasalanan.
Sa halip, ginawa nʼyo akong masunurin sa inyo.
7 Kaya sinabi ko,
“Narito ako. Sa inyong Kasulatan ay nakasulat ang tungkol sa akin.
8 O Dios, nais kong sundin ang kalooban ninyo.
Ang inyong mga kautusan ay iniingatan ko sa aking puso.”
9 Sa malaking pagtitipon ng inyong mga mamamayan, inihayag ko ang inyong pagliligtas sa akin.
At alam nʼyo, Panginoon, na hindi ako titigil sa paghahayag nito.
10 Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin.
Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas at maaasahan.
Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon ang inyong mga mamamayan.
Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig at katotohanan.
11 Panginoon, huwag nʼyong pigilin ang awa nʼyo sa akin.
Ang inyong pag-ibig at katapatan ang laging mag-iingat sa akin.
12 Hindi ko na kayang bilangin ang napakarami kong suliranin.
Para na akong natabunan ng marami kong kasalanan,
kaya hindi na ako makakita.
Ang bilang ng aking mga kasalanan ay mas marami pa kaysa sa aking buhok.
Dahil dito, halos mawalan na ako ng pag-asa.
13 Panginoon, pakiusap!
Iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
14 Mapahiya sana at malito ang lahat ng nagnanais na mamatay ako.
Magsitakas sana sa kahihiyan ang lahat ng mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
15 Pahiyain nʼyo nang lubos ang mga nagsasabi sa akin, “Aha! Napasaamin ka rin!”
16 Ngunit ang mga lumalapit sa inyo ay magalak sana at magsaya.
Ang mga nagpapahalaga sa inyong pagliligtas ay lagi sanang magsabi,
“Dakilain ang Panginoon!”
17 Ako naman na dukha at nangangailangan,
alalahanin nʼyo ako, Panginoon.
Kayo ang tumutulong sa akin.
Kayo ang aking Tagapagligtas.
Aking Dios, agad nʼyo akong tulungan.
Ang Dalangin ng Taong may Sakit
41 Mapalad ang taong nagmamalasakit sa mga mahihirap.
Tutulungan siya ng Panginoon sa panahon ng kaguluhan.
2 Ipagtatanggol siya ng Panginoon, at iingatan ang kanyang buhay.
Pagpapalain din siya sa lupain natin.
At hindi siya isusuko sa kanyang mga kaaway.
3 Tutulungan siya ng Panginoon kung siya ay may sakit,
at pagagalingin siya sa kanyang karamdaman.
4 Sinabi ko,
“O Panginoon, nagkasala ako sa inyo.
Maawa kayo sa akin, at pagalingin ako.”
5 Ang aking mga kaaway ay nagsasalita laban sa akin.
Sinasabi nila,
“Kailan pa ba siya mamamatay upang makalimutan na siya?”
6 Kapag dumadalaw sila sa akin, nagkukunwari silang nangungumusta,
pero nag-iipon lang pala sila ng masasabi laban sa akin.
Kapag silaʼy lumabas na, ikinakalat nila ito.
7 Ang lahat ng galit sa akin ay masama ang iniisip tungkol sa akin,
at pinagbubulung-bulungan nila ito.
8 Sinasabi nila,
“Malala na ang karamdaman niyan,
kaya hindi na iyan makakatayo!”
9 Kahit ang pinakamatalik kong kaibigan na kasalo ko lagi sa pagkain at pinagkakatiwalaan –
nagawa akong pagtaksilan!
10 Ngunit kayo Panginoon, akoʼy inyong kahabagan.
Pagalingin nʼyo ako upang makaganti na ako sa aking mga kaaway.
11 Alam ko na kayoʼy nalulugod sa akin,
dahil hindi ako natatalo ng aking mga kaaway.
12 Dahil akoʼy taong matuwid,
tinutulungan nʼyo ako at pinapanatili sa inyong presensya magpakailanman.
13 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
Amen! Amen!
Lalaki
4 Napakaganda mo, O irog ko. Ang mga mata mong natatakpan ng belo ay parang mga mata ng kalapati. Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing na pababa sa Bundok ng Gilead. 2 Ang mga ngipin moʼy kasimputi ng tupang bagong gupit at pinaliguan. Buong-buo at maganda ang pagkakahanay. 3 Ang mga labi moʼy parang pulang laso, tunay ngang napakaganda. Ang mga pisngi mong natatakpan ng beloʼy mamula-mula na parang bunga ng pomegranata. 4 Ang leeg moʼy kasingganda ng tore ni David. Napapalamutian ng kwintas na tila isang libong kalasag ng mga kawal. 5 Ang dibdib moʼy kasing tikas ng tindig ng kambal na batang usa na nanginginain sa gitna ng mga liryo. 6 Bago magbukang-liwayway at bago mawala ang dilim, mananatili ako sa dibdib mong tila mga bundok na pinabango ng mira at insenso. 7 O irog ko, ang lahat sa iyoʼy maganda. Walang maipipintas sa iyo.
8 O aking magiging kabiyak, sumama ka sa akin mula sa Lebanon. Bumaba tayo mula sa tuktok ng mga bundok ng Amana, Senir at Hermon, na tinitirhan ng mga leopardo at leon. 9 O irog ko na aking magiging kabiyak, sa isang sulyap mo lamang at sa pang-akit ng iyong kwintas na napapalamutian ng iisang bato ay nabihag mo na ang aking puso. 10 Ang pag-ibig mo aking irog ay walang kasingtamis. O aking magiging kabiyak, higit pa ito kaysa sa masarap na inumin. Ang samyo ng iyong pabangoʼy mas mabango kaysa sa lahat ng pabango. 11 Ang mga labi mo, aking magiging kabiyak ay kasintamis ng pulot. Ang dila moʼy tila may gatas at pulot. At ang damit moʼy kasimbango ng mga puno ng sedro sa Lebanon. 12 O irog ko, aking magiging kabiyak, tulad ka ng isang halamanan na may bukal at nababakuran. 13 Ang mga punoʼy namumunga ng pomegranata at iba pang mga piling bunga. Sagana ito sa halamang henna, nardo, 14 safron, kalamo at sinamon, maging ng ibaʼt ibang klase ng insenso, mira, aloe at iba pang mamahaling pabango. 15 Tulad ka ng isang hardin na may bukal na umaagos mula sa mga kabundukan ng Lebanon.
Babae
16 Kayong hanging amihan at habagat, umihip kayo sa aking hardin upang kumalat ang bango nito. Papuntahin ang aking mahal sa kanyang hardin upang kainin ang mga piling bunga nito.
4 Ngunit kahit na ganoon ang nangyari sa kanila, nanatili pa rin ang pangako ng Dios na makakamtan natin ang kapahingahang mula sa kanya. Kaya mag-ingat tayo at baka mayroon sa atin na hindi magkakamit ng pangakong ito. 2 Sapagkat nakarinig din tayo ng Magandang Balita katulad nila, pero naging walang saysay ang narinig nila dahil hindi sila sumampalataya. 3 Tayong mga sumasampalataya ang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios. Ngunit hindi ito makakamit ng hindi sumasampalataya, dahil sinabi ng Dios,
“Sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”[a]
Hindi ibig sabihin na wala pa ang kapahingahan. Ang totoo, nariyan na ito mula pa nang likhain ang mundo. 4 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan tungkol sa ikapitong araw,
“Sa ikapitong araw, nagpahinga ang Dios sa kanyang paglikha.”[b]
5 At sinabi rin sa Kasulatan, “Hinding-hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.” 6 Malinaw na niloob ng Dios na may magkakamit ng kapahingahang ito, pero ang mga nakarinig noon ng Magandang Balita ay hindi ito nakamtan dahil sa pagsuway nila sa kanya. 7 Kaya muling nagtakda ang Dios ng isa pang pagkakataon, na walang iba kundi ngayon. Dahil pagkalipas ng matagal na panahon sinabi ng Dios sa pamamagitan ni David,
“Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso ninyo.”[c]
8 Dahil kung tunay na nadala ni Josue sa kapahingahan ang mga tao noong una, hindi na sana nagsalita ang Dios tungkol sa isa pang kapahingahan. 9 Kaya may kapahingahan pang nakalaan sa mga taong sakop ng Dios. At ang kapahingahang itoʼy katulad ng pagpapahinga ng Dios sa ikapitong araw. 10 Sapagkat ang sinumang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios ay makapagpapahinga rin sa mga gawain niya, tulad ng pamamahinga ng Dios matapos niyang likhain ang lahat. 11 Kaya sikapin nating makamit ang kapahingahang ito. Huwag nating tularan ang mga tao noong una na sumuway sa Dios, at baka hindi natin ito makamtan. 12 Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Dios, at higit na matalas kaysa sa alinmang espadang magkabila ang talim. Tumatagos ito hanggang kaluluwaʼt espiritu, at hanggang sa kasu-kasuan at kaloob-looban ng buto. Nalalaman nito ang pinakamalalim na iniisip at hinahangad ng tao. 13 Walang makapagtatago sa Dios. Nakikita niya at lantad sa paningin niya ang lahat, at sa kanya tayo mananagot.
Si Cristo ang Ating Punong Pari
14 Kaya panghawakan nating mabuti ang pinaniniwalaan natin dahil mayroon tayong dakilang punong pari na pumasok sa kalangitan, na walang iba kundi si Jesus na Anak ng Dios. 15 Nadarama rin ng ating punong pari ang lahat ng kahinaan natin, dahil naranasan din niya ang lahat ng pagsubok na dumarating sa atin, pero hindi siya nagkasala. 16 Kaya huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng maawaing Dios para matanggap natin ang awa at biyayang makakatulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®