M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagkakaayos ng Kampo ng mga Israelita
2 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 2 “Magkakampo ang bawat lahi ng Israel sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ang Toldang Tipanan ay ilalagay sa gitna ng kampo. 3-8 Ang mga lahi nina Juda, Isacar at Zebulun ay magkakampo sa silangan, sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ito ang mga pangalan ng kanilang mga pinuno at ang bilang ng kanilang mga tauhan:
Lahi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Juda | Nashon na anak ni Aminadab | 74,600 |
Isacar | Netanel na anak ni Zuar | 54,400 |
Zebulun | Eliab na anak ni Helon | 57,400 |
9 Ang bilang ng lahat ng grupong ito na pinangungunahan ng lahi ni Juda ay 186,400. Sila ang nasa unahan kapag naglalakbay ang mga Israelita.
10-15 “Ang mga lahi nina Reuben, Simeon at Gad ay magkakampo sa timog, sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ito ang mga pangalan ng kanilang mga pinuno at ang bilang ng kanilang mga tauhan:
Lahi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Reuben | Elizur na anak ni Sedeur | 46,500 |
Simeon | Selumiel na anak ni Zurishadai | 59,300 |
Gad | Eliasaf na anak ni Deuel | 45,650 |
16 Ang bilang ng lahat ng grupong ito na pinangungunahan ng lahi ni Reuben ay 151,450. Sila ang ikalawang grupo sa linya kapag naglalakbay ang mga Israelita.
17 “Kasunod nila ang mga Levita na nagdadala ng Toldang Tipanan. Ang lahat ng lahi ay maglalakad ng magkakasunod gaya ng kanilang posisyon kapag nagkakampo sila, bawat lahi ay nasa ilalim ng kani-kanilang bandila.
18-23 “Ang mga lahi nina Efraim, Manase at Benjamin ay magkakampo sa kanluran, sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ito ang mga pangalan ng kanilang mga pinuno at bilang ng kanilang mga tauhan:
Lahi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Efraim | Elishama na anak ni Amihud | 40,500 |
Manase | Gamaliel na anak ni Pedazur | 32,200 |
Benjamin | Abidan na anak ni Gideoni | 35,400 |
24 Ang bilang ng lahat ng grupong ito na pinangungunahan ng lahi ni Efraim ay 108,100. Sila ang susunod sa lahi ni Levi kapag naglalakbay ang mga Israelita.
25-30 “Ang mga lahi nina Dan, Asher at Naftali ay magkakampo sa hilaga, sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ito ang mga pangalan ng kanilang mga pinuno at ang bilang ng kanilang mga tauhan:
Lahi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Dan | Ahiezer na anak ni Amishadai | 62,700 |
Asher | Pagiel na anak ni Ocran | 41,500 |
Naftali | Ahira na anak ni Enan | 53,400 |
31 Ang bilang ng lahat ng grupong ito na pinangungunahan ng lahi ni Dan ay 157,600. Sila ang kahuli-hulihang grupo sa linya kapag naglalakbay ang mga Israelita.”
32 Ang kabuuang bilang ng mga Israelita na nailista ayon sa kanilang lahi ay 603,550 lahat. 33 Pero hindi kasama rito ang mga Levita, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
34 Kaya ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. Ang bawat lahi ay nagkampo at naglakbay sa ilalim ng kani-kanilang bandila ayon sa kani-kanilang lahi at pamilya.
Ang Kasamaan ng Tao at ang Kabutihan ng Dios
36 Pumapasok sa puso ng masamang tao ang tukso ng pagsuway,
kaya wala man lang siyang takot sa Dios.
2 Dahil mataas ang tingin niya sa kanyang sarili,
hindi niya nakikita ang kanyang kasalanan para kamuhian ito.
3 Ang kanyang mga sinasabi ay puro kasamaan at kasinungalingan.
Hindi na niya iniisip ang paggawa ng ayon sa karunungan at kabutihan.
4 Kahit siyaʼy nakahiga, nagpaplano siya ng masama.
Napagpasyahan niyang gumawa ng hindi mabuti,
at hindi niya tinatanggihan ang kasamaan.
5 Panginoon, ang inyong pag-ibig at katapatan
ay umaabot hanggang sa kalangitan.
6 Ang inyong katuwiran ay kasintatag ng kabundukan.
Ang inyong paraan ng paghatol ay sinlalim ng karagatan.
Ang mga tao o hayop man ay inyong iniingatan, O Panginoon.
7 Napakahalaga ng pag-ibig nʼyong walang hanggan, O Dios!
Nakakahanap ang tao ng pagkalinga sa inyo,
tulad ng pagkalinga ng inahing manok
sa kanyang mga inakay sa ilalim ng kanyang pakpak.
8 Sa inyong tahanan ay pinakakain nʼyo sila ng masaganang handa,
at pinaiinom nʼyo sila sa inyong ilog ng kaligayahan.
9 Dahil kayo ang nagbibigay ng buhay.
Pinapaliwanagan nʼyo kami,
at naliliwanagan ang aming isipan.
10 Patuloy nʼyong ibigin ang mga kumikilala sa inyo,
at bigyan nʼyo ng katarungan ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Huwag nʼyong payagang akoʼy tapakan ng mga mapagmataas
o itaboy ng mga masasama.
12 Ang masasamang tao ay mapapahamak nga.
Silaʼy babagsak at hindi na muling makakabangon.
12 Alalahanin mo ang lumikha sa iyo habang bata ka pa at bago dumating ang panahon ng kahirapan at masabi mong, “Hindi ako masaya sa buhay ko.” 2 Alalahanin mo siya bago dumilim ang araw, ang buwan at ang mga bituin na parang natatakpan ng makakapal na ulap. 3 Darating ang araw na manginginig ang iyong mga bisig[a] at manghihina ang iyong mga tuhod.[b] Hindi ka na makakanguyang mabuti dahil iilan na lang ang iyong ngipin.[c] At lalabo na ang iyong paningin.[d] 4 Ang tainga[e] moʼy hindi na halos makarinig, kahit ang ingay ng gilingan o huni ng mga ibon o mga awitin ay hindi na marinig. 5 Matatakot ka ng umakyat sa matataas na lugar o lumakad sa lansangan ng nag-iisa. Puputi na ang iyong buhok, hindi ka na halos makakalakad at mawawala na ang lahat ng iyong pagnanasa. Sa bandang huli, pupunta ka sa iyong tahanang walang hanggan at marami ang magluluksa para sa iyo sa mga lansangan. 6 Kaya alalahanin mo ang Dios habang nabubuhay ka, habang hindi pa nalalagot ang kadenang pilak at hindi pa nababasag ang gintong lalagyan, o hindi pa nalalagot ang tali ng timba sa balon, at nasisira ang kalo nito. 7 Kung magkagayon, babalik ka sa lupa kung saan ka nagmula at ang espiritu[f] moʼy babalik sa Dios na siyang nagbigay nito.
8 Sabi ng mangangaral,[g] “Walang kabuluhan! Tunay na walang kabuluhan ang lahat!”
Paggalang at Pagsunod sa Dios
9 Bukod sa pagiging marunong nitong mangangaral, itinuturo din niya sa mga tao ang lahat ng kanyang nalalaman. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihang binanggit niya rito. 10 Pinagsikapan niyang gamitin ang mga nararapat na salita, at ang lahat ng isinulat niya rito ay tama at totoo. 11 Ang mga salita ng marunong ay parang matulis na tungkod na pantaboy ng pastol sa paggabay sa kanyang kawan o parang pakong nakabaon. Ibinigay ito ng Dios na tangi nating tagabantay.
12 Anak, mag-ingat ka sa isa pang bagay na ito: Ang pagsusulat ng aklat ay walang katapusan, at ang labis na pag-aaral ay nakakapagod.
13 Ngayong nabasa[h] mo na ang lahat ng ito, ito ang aking huling payo: Matakot ka sa Dios at sundin mo ang kanyang mga utos, dahil ito ang tungkulin ng bawat tao. 14 Sapagkat hahatulan tayo ng Dios ayon sa lahat ng ating ginagawa, mabuti man o masama, hayag man o lihim.
1 Mula kay Pablo na nakabilanggo dahil kay Cristo Jesus, kasama si Timoteo na ating kapatid.
Filemon, aming minamahal na kamanggagawa sa Panginoon, 2 kasama si Afia na ating kapatid, si Arkipus na kapwa natin sundalo ni Cristo, at ang mga mananampalatayang nagtitipon[a] sa iyong tahanan sa pagsamba sa Dios:
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon
4 Lagi akong nagpapasalamat sa Dios sa tuwing ipinapanalangin kita, 5 dahil nabalitaan ko ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at ang pagmamahal mo sa lahat ng mga pinabanal[b] ng Dios. 6 Idinadalangin ko na sana ang pagiging mapagbigay mo, na bunga ng iyong pananampalataya,[c] ay magpatuloy habang lumalago ang iyong pang-unawa sa lahat ng mabubuting bagay na ibinigay sa atin dahil tayoʼy nakay Cristo. 7 Minamahal kong kapatid, labis na nagbigay kagalakan at kaaliwan sa akin ang iyong pagmamahal sa mga mananampalataya na nagpasigla sa kanila.
Ang Hiling ni Pablo para kay Onesimus
8 Ngayon, bilang apostol ni Cristo, maaari kitang utusan kung ano ang dapat mong gawin, 9 pero dahil mahal kita, minarapat kong makiusap na lamang sa iyo. Kaya bilang isang nakatatanda at bilanggo dahil kay Cristo, 10 nakikiusap ako sa iyo para kay Onesimus, na sana patawarin mo na siya. Siyaʼy naging anak ko sa pananampalataya rito sa bilangguan. 11 Datiʼy wala siyang pakinabang sa iyo, ngunit ngayoʼy kapaki-pakinabang na siya sa ating dalawa.
12 Pinababalik ko na sa iyo ang minamahal kong si Onesimus. 13 Gusto ko sanang dito na muna siya upang sa pamamagitan niya, makakatulong ka sa akin habang nakabilanggo ako dahil sa aking pagpapahayag ng Magandang Balita. 14 Ngunit ayaw ko itong gawin nang wala kang pahintulot, upang maging kusang-loob ang iyong pagtulong at hindi sapilitan.
15 Marahil nahiwalay siya sa iyo nang saglit upang sa kanyang pagbabalik ay hindi na kayo magkahiwalay pang muli. 16 Kahit na alipin mo siya, isa na rin siyang minamahal na kapatid. Napamahal siya sa akin, at lalo na sa iyo, ngayong hindi mo lang siya alipin kundi kapatid pa sa Panginoon.
17 Kaya kung itinuturing mo akong kamanggagawa[d] sa Panginoon, tanggapin mo siya na parang ako ang iyong tinatanggap. 18 Kung siya man ay nagkasala o nagkautang sa iyo, ako na lamang ang singilin mo. 19 Ako mismo, si Pablo, ang sumulat nito: Ako ang magbabayad sa anumang pagkakautang niya sa iyo. Kahit na kung tutuusin ay utang mo sa akin ang iyong pagkakilala kay Cristo. 20 Kaya kapatid, pagbigyan mo sana ang aking kahilingan alang-alang sa Panginoon. Paligayahin mo ang puso ko bilang kapatid kay Cristo. 21 Sumulat ako dahil malaki ang tiwala kong pagbibigyan mo ang aking kahilingan, at alam kong higit pa roon ang iyong gagawin.
22 Siya nga pala, ipaghanda mo ako ng matutuluyan, dahil umaasa akong makakabalik sa inyo dahil sa inyong panalangin.
Pangwakas na Pagbati
23 Kinukumusta ka ni Epafras na kapwa ko bilanggo dahil kay Cristo Jesus. 24 Kinukumusta ka rin ng mga kamanggagawa kong sina Marcos, Aristarcus, Demas at Lucas.
25 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®