M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Unang Sensus sa Israel
1 Noong unang araw ng ikalawang buwan, nang ikalawang taon mula nang lumabas ang mga Israelita sa Egipto, sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa Toldang Tipanan sa disyerto ng Sinai. Sabi niya, 2 “Isensus ninyo ang buong mamamayan ng Israel ayon sa kanilang lahi at pamilya. Ilista ninyo ang pangalan ng lahat ng lalaki 3 na may edad 20 taong gulang pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo. Kayong dalawa ni Aaron ang mamamahala sa sensus ng bawat lahi ng Israel. 4 Tutulong sa inyo ang pinuno ng bawat lahi.” 5-15 Ito ang pangalan ng mga taong tutulong sa inyo:
Lahi | Pinuno |
---|---|
Reuben | Elizur na anak ni Sedeur |
Simeon | Selumiel na anak ni Zurishadai |
Juda | Nashon na anak ni Aminadab |
Isacar | Netanel na anak ni Zuar |
Zebulun | Eliab na anak ni Helon |
Efraim na anak ni Jose | Elishama na anak ni Amihud |
Manase na anak ni Jose | Gamaliel na anak ni Pedazur |
Benjamin | Abidan na anak ni Gideoni |
Dan | Ahiezer na anak ni Amishadai |
Asher | Pagiel na anak ni Ocran |
Gad | Eliasaf na anak ni Deuel |
Naftali | Ahira na anak ni Enan. |
16 Sila ang mga pinuno ng mga lahing pinili mula sa mga mamamayan ng Israel.
17-18 Kasama ng mga pinunong ito, tinipon nina Moises at Aaron ang lahat ng mga Israelita nang araw ding iyon. Inilista nila ang lahat ng lalaking may edad na 20 taong gulang pataas, ayon sa kanilang lahi at pamilya. 19 Inilista sila ni Moises doon sa disyerto ng Sinai, ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
20-43 Ito ang bilang ng mga lalaking may edad 20 pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo, na nailista ayon sa kanilang lahi at pamilya:
Lahi | Bilang |
---|---|
Reuben (ang panganay ni Jacob[a]) | 46,500 |
Simeon | 59,300 |
Gad | 45,650 |
Juda | 74,600 |
Isacar | 54,400 |
Zebulun | 57,400 |
Efraim na anak ni Jose | 40,500 |
Manase na anak ni Jose | 32,200 |
Benjamin | 35,400 |
Dan | 62,700 |
Asher | 41,500 |
Naftali | 53,400 |
44-45 Sila ang mga lalaking nabilang nina Moises at Aaron at ng 12 pinuno ng Israel. Ang bawat isa sa kanila ay kumakatawan sa kani-kanilang pamilya. Sila ay 20 taong gulang pataas at may kakayahang maging sundalo ng Israel. 46 Ang kabuuang bilang nila ay 603,550 lahat. 47 Pero hindi kasama rito ang mga lahi ni Levi. 48 Sapagkat sinabi ng Panginoon kay Moises, 49 “Huwag ninyong isama ang lahi ni Levi sa sensus kasama ng ibang mga Israelita, na magsisilbi sa panahon ng labanan. 50 Sa halip, ibigay sa kanila ang responsibilidad na pamahalaan ang Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos at ng lahat ng kagamitan nito. Sila ang magdadala ng Tolda at ng lahat ng kagamitan nito, at kailangang pangalagaan nila ito at magkampo sila sa paligid nito. 51 Kapag lilipat na ang Tolda, sila ang magliligpit nito. At kung itatayo naman, sila rin ang magtatayo nito. Ang sinumang gagawa ng ganitong gawain sa Tolda na hindi Levita ay papatayin. 52 Magkakampo ang mga Israelita ayon sa bawat lahi nila, at may bandila ang bawat lahi. 53 Pero ang mga Levita ay magkakampo sa paligid ng Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos, para hindi ako magalit sa mga mamamayan ng Israel. Ang mga Levita ang responsable sa pangangalaga ng Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos.”
54 Ginawa itong lahat ng mga Israelita ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Dalangin para Tulungan
35 Panginoon, kontrahin nʼyo po
ang mga kumukontra sa akin.
Labanan nʼyo ang mga kumakalaban sa akin.
2 Kunin nʼyo ang inyong kalasag,
at akoʼy inyong tulungan.
3 Ihanda nʼyo ang inyong mga sibat,
para sa mga taong humahabol sa akin.
Gusto kong marinig na sabihin nʼyo,
“Ako ang magpapatagumpay sa iyo.”
4 Mapahiya sana ang mga taong naghahangad na akoʼy patayin.
Paatrasin nʼyo at biguin ang mga nagpaplano ng masama sa akin.
5 Maging gaya sana sila ng ipa na tinatangay ng hangin,
habang silaʼy itinataboy ng inyong anghel.
6 Maging madilim sana at madulas ang kanilang dinadaanan,
habang silaʼy hinahabol ng inyong anghel.
7 Naghukay sila at naglagay ng bitag para sa akin,
kahit wala akong ginawang masama sa kanila.
8 Dumating sana sa kanila ang kapahamakan nang hindi nila inaasahan.
Sila sana ang mahuli sa bitag na kanilang ginawa,
at sila rin ang mahulog sa hukay na kanilang hinukay.
9 At akoʼy magagalak
dahil sa inyong pagliligtas sa akin, Panginoon.
10 Buong puso kong isisigaw,
“Panginoon, wala kayong katulad!
Kayo ang nagliligtas sa mga dukha at api mula sa mga mapagsamantala.”
11 May mga malupit na taong sumasaksi laban sa akin.
Ang kasalanang hindi ko ginawa ay ibinibintang nila sa akin.
12 Ginagantihan nila ako ng masama sa mga kabutihang aking ginawa,
kaya akoʼy labis na nagdaramdam.
13 Kapag silaʼy nagkakasakit akoʼy nalulungkot para sa kanila;
nagdaramit ako ng sako at nag-aayuno pa.
At kung ang aking dalangin para sa kanilaʼy hindi sinasagot,
14 palakad-lakad akong nagluluksa na parang nawalan ng kapatid o kaibigan,
at akoʼy yumuyuko at nagdadalamhati para sa kanila na para bang nawalan ako ng ina.
15 Ngunit nang ako na ang nahihirapan, nagkakatipon sila at nagtatawanan.
Nagsasama-sama ang mga sa akin ay kumakalaban;
kahit ang mga hindi ko kilala ay sumasamaʼt walang tigil na akoʼy hinahamak.
16 Kinukutya nila ako nang walang pakundangan,
at ang kanilang mga ngipin ay nagngangalit sa sobrang galit.
17 Panginoon, hanggang kailan kayo manonood lang?
Iligtas nʼyo na ako sa mga sumasalakay na ito na parang mga leon na gusto akong lapain.
18 At sa gitna ng karamihan, kayoʼy aking papupurihan at pasasalamatan.
19 Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway sa aking pagkatalo.
Ang mga galit sa akin nang walang dahilan ay huwag nʼyong payagang kutyain ako.
20 Walang maganda sa sinasabi nila,
sa halip sinisiraan nila ang namumuhay nang tahimik.
21 Sumisigaw sila sa akin na nagpaparatang,
“Aha! Nakita namin ang ginawa mo!”
22 Panginoon, alam nʼyo ang lahat ng ito,
kaya huwag kayong manahimik.
Huwag kayong lumayo sa akin.
23 Sige na po, Panginoon kong Dios, ipagtanggol nʼyo na ako sa kanila.
24 O Dios ko, dahil kayo ay matuwid kung humatol,
ipahayag nʼyo na wala akong kasalanan.
Huwag nʼyong payagang pagtawanan nila ako.
25 Huwag nʼyong hayaang sabihin nila sa kanilang sarili,
“Sa wakas, nangyari rin ang gusto naming mangyari,
natalo na rin namin siya!”
26 Mapahiya sana silang nagmamalaki sa akin
at nagagalak sa aking mga paghihirap.
27 Sumigaw sana sa kagalakan ang mga taong nagagalak sa aking kalayaan.
Palagi sana nilang sabihin,
“Purihin ang Panginoon na nagagalak sa tagumpay ng kanyang mga lingkod.”
28 Ihahayag ko sa mga tao ang inyong pagkamakatwiran,
at buong maghapon ko kayong papupurihan.
Ang Gawain ng Taong Marunong
11 Ipuhunan mo ang pera mo sa negosyo at sa kalaunan ay kikita ka.[a] 2 Ilagay mo ang pera mo sa ibaʼt ibang[b] negosyo,[c] dahil hindi mo alam kung anong kalamidad ang darating dito sa mundo. 3 Kapag makapal na ang ulap, magbubuhos ito ng ulan sa mundo. At kung saan natumba ang puno, doon iyon mananatili.[d] 4 Kung palagi ka lang maghihintay ng magandang panahon, hindi ka makakapagtanim at wala kang aanihin.
5 Kung paanong hindi mo nalalaman ang direksyon ng hangin o kung paano lumalaki ang sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina, ganoon din ang ginagawa ng Dios na gumagawa ng lahat ng bagay, hindi mo rin ito maiintindihan.
6 Maghasik ka ng binhi sa umaga hanggang gabi, dahil hindi mo alam kung alin sa itinanim mo ang tutubo, o kung lahat ito ay tutubo. 7 Masarap mabuhay, kaya mas mabuting mabuhay. 8 Kaya sa buong buhay mo ay maging masaya ka, gaano man ito kahaba. Ngunit, alalahanin mong darating ang kamatayan at magtatagal iyon. Lahat ng mangyayari ay walang kabuluhan.
9 Kayong mga kabataan, magsaya kayo habang kayoʼy bata pa. Gawin ninyo ang gusto ninyong gawin, pero alalahanin ninyong hahatulan kayo ng Dios ayon sa inyong mga ginawa. 10 Huwag kayong mag-alala o mabalisa man dahil ang panahon ng kabataan ay lumilipas lang.
Ang Ugaling Cristiano
3 Paalalahanan mo ang mga mananampalataya na magpasakop at sumunod sa mga may kapangyarihan. Kinakailangang lagi silang handa sa paggawa ng anumang mabuti. 2 Huwag nilang siraan ang sinuman, at huwag silang maging palaaway, sa halip, dapat silang maging maunawain at mapagpakumbaba sa lahat. 3 Sapagkat noong una, tayo rin ay kulang sa pang-unawa tungkol sa katotohanan at mga masuwayin. Nilinlang at inalipin tayo ng lahat ng uri ng kahalayan at kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Kinapootan tayo ng iba, at kinapootan din natin sila. 4 Ngunit nang mahayag ang biyaya at pag-ibig ng Dios na ating Tagapagligtas, 5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi dahil sa kanyang awa. Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na naghugas sa atin at nagbigay ng bagong buhay. 6 Masaganang ibinigay sa atin ng Dios ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas, 7 upang sa kanyang biyayaʼy maituring tayong matuwid at makamtan natin ang buhay na walang hanggan na ating inaasahan. 8 Ang mga aral na itoʼy totoo at mapagkakatiwalaan. Kaya gusto kong ituro mo ang mga bagay na ito upang ang mga sumasampalataya sa Dios ay maging masigasig sa paggawa ng mabuti. Ang mga itoʼy mabuti at kapaki-pakinabang sa lahat. 9 Ngunit iwasan mo ang mga walang kwentang pagtatalo-talo, ang pagsusuri kung sinu-sino ang mga ninuno, at ang mga diskusyon at debate tungkol sa Kautusan, dahil wala itong naidudulot na mabuti. 10 Pagsabihan mo ang taong sumisira sa inyong pagkakaisa. Itakwil mo siya kung pagkatapos ng dalawang babalaʼy hindi pa rin siya nagbabago. 11 Alam nʼyo na masama ang ganyang tao, at ang kanyang mga kasalanan mismo ang nagpapatunay na parurusahan siya.
Mga Huling Bilin
12 Papupuntahin ko riyan si Artemas o si Tykicus. Kapag dumating na ang sinuman sa kanila, sikapin mong makapunta agad sa akin sa Nicopolis, dahil napagpasyahan kong doon magpalipas ng taglamig. 13 Gawin mo ang iyong magagawa para matulungan sina Zenas na abogado at Apolos sa kanilang paglalakbay, at tiyakin mo na hindi sila kukulangin sa kanilang mga pangangailangan. 14 At turuan mo ang ating mga kapatid na maging masigasig sa paggawa ng mabuti, para makatulong sila sa mga nangangailangan. Sa ganitong paraan, magiging kapaki-pakinabang ang kanilang buhay.
15 Kinukumusta ka ng mga kasama ko rito. Ikumusta mo rin kami sa mga kapatid diyan na nagmamahal sa amin.
Pagpalain nawa kayong lahat ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®