M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Gantimpala sa mga Masunurin(A)
26 Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan katulad ng mga inukit na imahen, mga alaalang bato, o batong may larawan para sambahin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios.
2 Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga at igalang ninyo ang lugar na pinagsasambahan ninyo sa akin. Ako ang Panginoon.
3 Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at mga utos, 4 pauulanin ko sa inyong lugar sa tamang panahon para umani ng sagana ang lupain ninyo at mamunga ng marami ang mga punongkahoy. 5 Kaya gigiik kayo ng mga butil hanggang sa panahon ng pamimitas ng ubas, at ang pamimitas naman ng ubas ay magpapatuloy hanggang sa panahon ng paghahasik. Kaya magiging sagana kayo sa inyong pagkain at mamumuhay kayong payapa sa inyong lupain.
6 Bibigyan ko ng kapayapaan ang inyong lupain kaya makakatulog kayo ng walang kinatatakutan. Palalayasin ko ang mababangis na hayop sa inyong lugar, at walang kalaban na sasalakay sa inyo. 7 Kayo ang sasalakay sa inyong mga kalaban at papatayin ninyo sila. 8 Tatalunin ng lima sa inyo ang 100, at ang 100 sa inyo ay tatalo ng 10,000. 9 Iingatan ko kayo at pararamihin para matupad ko ang aking pangako sa inyo. 10 At dahil sa kasaganaan ng inyong ani, ang inyong kakainin ay mula pa sa dati ninyong inani, na hindi pa nauubos sa lalagyan hanggang sa dumating ang bagong ani na papalit dito. 11 Maninirahan akong kasama ninyo at hindi ko kayo pababayaan. 12 Akoʼy magiging kasama ninyo, at patuloy akong magiging Dios ninyo, at patuloy kayong magiging mga mamamayan ko. 13 Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para huwag na kayong maging mga alipin ng mga taga-Egipto. Pinalaya ko na kayo, kaya wala na kayong dapat ikahiya.
Ang Parusa sa mga Sumusuway(B)
14-15 Pero kung hindi kayo makikinig sa akin, at hindi ninyo susundin ang aking mga utos at tuntunin, nilalabag ninyo ang kasunduan ko sa inyo. 16 Kaya ganito ang gagawin ko sa inyo. Bigla kayong masisindak sa takot dahil padadalhan ko kayo ng mga sakit na hindi gumagaling, at lagnat na magpapadilim ng inyong paningin at magpapahina ng inyong katawan. Magtatanim kayo, pero hindi rin ninyo pakikinabangan dahil sasalakayin kayo ng inyong mga kalaban at kukunin nila at kakainin ang inyong mga ani. 17 Pababayaan ko kayong matalo ng inyong mga kalaban, at kayoʼy sasakupin nitong mga napopoot sa inyo. At dahil sa takot sa kanila, tatakas kayo kahit na walang humahabol sa inyo. 18 At kung hindi pa rin kayo makikinig sa akin, parurusahan ko kayo ng pitong beses.[a] 19 Aalisin ko ang katigasan ng inyong ulo sa pamamagitan ng hindi pagpapadala ng ulan sa inyo, kaya matitigang ang inyong mga lupain.[b] 20 Mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagtatrabaho, dahil wala kayong aanihin sa inyong mga lupain at hindi rin mamumunga ang inyong mga punongkahoy.
21 At kung patuloy pa rin kayong hindi makikinig sa akin, dadagdagan ko pa ng pitong beses ang tindi ng parusa sa inyo. 22 Padadalhan ko kayo ng mababangis na hayop at papatayin nila ang inyong mga anak at mga alagang hayop. At dahil dito, kakaunti na lang ang matitira sa inyo at iilan-ilan na lang ang makikitang lumalakad sa daan ninyo.
23 Kung hindi pa rin kayo makikinig at patuloy pa rin na susuway sa akin, 24 ako na ang makakalaban ninyo at parurusahan ko kayo ng pitong beses. 25 Ipapasalakay ko kayo sa inyong mga kalaban para parusahan kayo dahil sa inyong pagsuway sa kasunduan natin. Kahit na magtago kayo sa loob ng inyong lungsod, padadalhan ko pa rin kayo ng salot. At dahil dito, mapipilitan kayong sumuko sa inyong mga kalaban. 26 Kukulangin kayo ng pagkain, kaya iisang kalan ang paglulutuan ng tinapay ng sampung babae at iyon ay paghahati-hatian pa ninyo. Makakakain nga kayo pero hindi kayo mabubusog.
27 At kung hindi pa rin kayo makikinig at patuloy pang susuway sa akin, 28 magagalit na ako sa inyo at kakalabanin ko kayo, at parurusahan ko kayo ng pitong beses.[c] 29 Gugutumin ko kayo, at mapipilitan kayong kumain ng sarili ninyong anak. 30 Wawasakin ko ang inyong mga sambahan sa matataas na lugar,[d] pati na ang mga altar na pagsusunugan ng insenso. Itatapon ko ang inyong mga bangkay sa ibabaw ng mga patay nʼyong dios-diosan. At itatakwil ko kayo. 31 Wawasakin ko ang inyong mga lungsod at mga sambahan. At hindi ko na nanaisin ang mabangong samyo ng inyong mga handog. 32 Wawasakin ko ang inyong lupain at magtataka ang inyong mga kalaban na sasakop nito. 33 Pasasapitin ko sa inyo ang digmaan na gigiba ng inyong mga bayan at mga lungsod, at pangangalatin ko kayo sa mga bansa. 34-35 Habang bihag kayo ng inyong mga kalaban sa ibang lugar, makakapagpahinga na ang inyong lupain. Sapagkat noong nakatira pa kayo sa inyong lupain, hindi ninyo ito pinagpahinga kahit na sa panahon ng pagpapahinga ng inyong lupain. Pero ngayon ay makakapagpahinga na ito habang nasa ibang lugar kayo.
36-37 Kayong mga natitirang buhay na binihag at dinala ng inyong mga kalaban sa kanilang lugar ay padadalhan ko ng labis na pagkatakot. At kahit na kaluskos lang ng dahon sa ihip ng hangin ay katatakutan ninyo, tatakas kayong parang hinahabol upang patayin, kahit walang humahabol sa inyo. At habang tumatakas kayo, magbabanggaan kayo at magkakandarapa. Hindi kayo makakalaban sa inyong mga kalaban. 38 Mamamatay kayo sa lugar ng inyong mga kalaban. 39 At ang matitira sa inyoʼy unti-unting mamamatay dahil sa inyong mga kasalanan at sa kasalanan ng inyong mga ninuno.
40-41 Dahil sa inyong pagtataksil at pagsuway sa akin, kinalaban ko kayo at ipinabihag sa inyong mga kalaban. Pero kung ipapahayag ninyo ang inyong mga kasalanan at ang kasalanan ng inyong mga ninuno, at titigilan na ang inyong pagmamatigas, at tatanggapin ang mga parusa para sa inyong mga kasalanan, 42 tutuparin ko ang kasunduan ko sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob at ibabalik ko kayo sa inyong lupain. 43 Pero kinakailangang paalisin ko muna kayo sa inyong lupain bilang parusa sa inyong mga kasalanan dahil sa pagsuway ninyo sa aking mga utos at mga tuntunin. At para makapagpahinga ang lupain ninyo habang wala kayo roon. 44 Ngunit kahit na pinarurusahan ko kayo, hindi ko kayo itatakwil habang kayoʼy nasa lupain ng inyong mga kalaban. Hindi ko kayo lilipulin na walang matitira sa inyo. Sapagkat hindi ko maaaring sirain ang kasunduan ko sa inyo, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. 45 Tutuparin ko ang kasunduan ko sa inyong mga ninuno na inilabas ko sa Egipto para maipakita ko sa mga bansa ang aking kapangyarihan. Ginawa ko ito sa inyong mga ninuno para maging Dios nila ako. Ako ang Panginoon.
46 Ito ang mga utos at mga tuntuning ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita roon sa Bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises.
Awit ng Papuri
33 Kayong mga matuwid,
sumigaw kayo sa galak,
dahil sa ginawa ng Panginoon!
Kayong namumuhay ng tama,
nararapat ninyo siyang purihin!
2 Pasalamatan ninyo ang Panginoon
sa pamamagitan ng mga alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit.
Tugtugan ninyo siya ng buong husay,
at sumigaw kayo sa tuwa.
4 Ang salita ng Panginoon ay matuwid,
at maaasahan ang kanyang mga gawa.
5 Ninanais ng Panginoon ang katuwiran at katarungan.
Makikita sa buong mundo ang kanyang pagmamahal.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon,
ang langit ay nalikha;
sa kanyang hininga nagmula ang araw, buwan at mga bituin.
7 Inipon niya ang dagat[a] na parang inilagay sa isang sisidlan.
8 Ang lahat ng tao sa daigdig ay dapat matakot sa Panginoon,
9 dahil nang siyaʼy nagsalita, nalikha ang mundo;
siyaʼy nag-utos at lumitaw ang lahat.
10 Sinisira ng Panginoon ang mga plano ng mga bansang hindi kumikilala sa kanya.
Sinasalungat niya ang kanilang binabalak.
11 Ngunit ang mga plano ng Panginoon ay mananatili magpakailanman,
at ang kanyang mga balak, sa saliʼt saling lahi ay matutupad.
12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon.
At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya.
13 Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon ang lahat ng tao.
14 Mula sa kanyang luklukan,
tinitingnan niya ang lahat ng narito sa mundo.
15 Siya ang nagbigay ng puso sa mga tao,
at nauunawaan niya ang lahat ng kanilang ginagawa.
16 Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal,
at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas.
17 Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan;
hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan.
18 Ngunit binabantayan ng Panginoon ang mga may takot sa kanya,
sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
19 Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan,
at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan.
20 Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon.
Siya ang tumutulong at sa atin ay nagtatanggol.
21 Nagagalak tayo,
dahil tayoʼy nagtitiwala sa kanyang banal na pangalan.
22 Panginoon, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig.
Ang aming pag-asa ay nasa inyo.
9 Inisip kong mabuti ang lahat ng bagay at nalaman kong nasa patnubay ng Dios ang matutuwid at marurunong, pati na ang kanilang mga ginagawa. Pero hindi nila alam kung ang kasasapitan ba nila ay pag-ibig o poot. 2 Iisa lang ang kasasapitan ng lahat ng klase ng tao – ang matuwid at ang masama, ang tama at ang mali,[a] ang malinis at ang marumi,[b] ang naghahandog at ang hindi naghahandog. Pareho lang ang matuwid at ang makasalanan at pareho lang din ang sumusumpa at hindi sumusumpa. 3 Ito ang hindi maganda sa lahat ng nangyayari rito sa mundo: iisa lang ang kasasapitan ng lahat. At hindi lang iyan, kundi pawang kasamaan at kamangmangan ang iniisip ng tao habang nabubuhay, at pagkatapos ay mamamatay din siya. 4 Habang may buhay ang tao, may pag-asa. May kasabihan nga, “Mas mabuti pa ang buhay na aso kaysa sa patay na leon.” 5 Ang totoo, alam ng buhay na tao na mamamatay siya. Pero ang patay ay walang nalalaman. Wala na rin siyang gantimpalang matatanggap at makakalimutan na. 6 Ang pag-ibig nila, poot at inggit noong nabubuhay pa ay wala na. At wala na rin silang malay sa lahat ng nangyayari rito sa mundo.
7 Sige, magpakasaya ka sa pagkain at pag-inom dahil iyan ang gusto ng Dios na gawin mo. 8 Palagi ka sanang maging maligaya.[c] 9 Magpakasaya ka kasama ang minamahal mong asawa, sa buhay mong walang kabuluhan na ibinigay ng Dios dito sa mundo. Sapagkat para sa iyo naman iyan, para sa pagpapagal mo rito sa mundo. 10 Gawin mo ng buo mong makakaya ang iyong ginagawa, dahil wala ng trabaho roon sa lugar ng mga patay na patutunguhan mo. Wala ng pagpaplano roon, wala ring kaalaman at karunungan.
11 Mayroon pa akong nakita rito sa mundo: Hindi lahat ng mabibilis ay nananalo sa takbuhan, at hindi lahat ng malalakas ay nananalo sa labanan. Hindi rin lahat ng matatalino ay nagkakaroon ng hanapbuhay, hindi lahat ng marurunong ay nagiging mayaman at hindi rin lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay. Dahil ang bawat tao ay may kanya-kanyang kapalaran. 12 Pero hindi niya alam kung kailan darating ang takdang oras. Tulad siya ng isang ibong nabitag o ng isdang nahuli sa lambat. Biglang dumarating sa tao ang masamang pagkakataon na para siyang nahuli sa isang patibong.
Mas Mabuti ang Karunungan Kaysa Kamangmangan
13 Mayroon pang isang halimbawa ng karunungan na aking nagustuhan. 14 May isang maliit na lungsod na kakaunti lang ang mga mamamayan. Nilusob ito ng makapangyarihang hari kasama ng kanyang mga kawal at pinalibutan. 15 Sa lungsod na iyon ay may isang lalaking marunong pero mahirap. Maaari sana niyang iligtas ang lungsod sa pamamagitan ng kanyang karunungan pero walang nakaalala sa kanya. 16 Sinabi kong mas mabuti ang karunungan kaysa sa kapangyarihan, pero ang karunungan ng isang taong mahirap ay hindi binibigyang halaga at ang mga sinasabi niyaʼy hindi pinapansin. 17 Ang marahang salita ng marunong ay mas magandang pakinggan kaysa sa sigaw ng isang pinunong hangal. 18 Mas makapangyarihan ang karunungan kaysa sa mga sandata ng digmaan. Pero ang isang makasalanan ay makakasira ng maraming kabutihan.
1 Mula kay Pablo, na lingkod[a] ng Dios at apostol ni Jesu-Cristo. Sinugo ako ng Dios upang patibayin ang pananampalataya ng kanyang mga pinili, at ipaunawa sa kanila ang katotohanan tungkol sa uri ng buhay na katanggap-tanggap sa kanya. 2 Ang pananampalataya at pang-unawang ito ang siyang nagbibigay sa atin ng pag-asa na makakamtan natin ang buhay na walang hanggan. Ang buhay na itoʼy ipinangako na ng Dios bago pa man niya likhain ang mundo, at hindi siya nagsisinungaling. 3 At ngayon na ang panahon na itinakda niya upang maihayag ang kanyang salita tungkol sa buhay na ito. At sa akin ipinagkatiwala ng Dios na ating Tagapagligtas ang pangangaral ng salitang ito.
4 Mahal kong Tito, aking tunay na anak sa iisang pananampalataya:
Sumaiyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.
Ang mga Gawain ni Tito sa Crete
5 Iniwan kita sa Crete upang tapusin ang mga gawaing hindi ko natapos, gaya ng bilin ko sa iyo na pumili ng mga mamumuno sa iglesya sa bawat bayan. 6 Piliin mo ang may magandang reputasyon,[b] isa lang ang asawa, ang mga anak ay mananampalataya at hindi napaparatangang magulo o matigas ang ulo. 7 Sapagkat kailangang maganda ang reputasyon ng isang namumuno bilang tagapangasiwa sa gawain ng Dios. Dapat ay hindi siya mayabang, hindi mainitin ang ulo, hindi lasenggo, hindi basagulero, at hindi gahaman sa pera. 8 Sa halip ay dapat bukas ang kanyang tahanan sa kapwa, maibigin sa kabutihan, marunong magpasya kung ano ang nararapat,[c] matuwid, banal at marunong magpigil sa sarili. 9 Dapat ay pinanghahawakan niyang mabuti ang mapagkakatiwalaang mensahe na itinuro sa kanya, upang maituro rin niya sa iba at maituwid ang mga sumasalungat dito. 10 Sapagkat marami ang hindi naniniwala sa aral na ito, lalo na ang grupong ipinipilit na magpatuli ang mga mananampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang mga sinasabi at mga mandaraya sila. 11 Kinakailangang pigilan sila, dahil nanggugulo sila sa mga sambahayan sa pangangaral ng mga bagay na hindi naman dapat ituro, para lang kumita ng salapi. 12 Isa mismo sa kanilang mga propeta ang nagsabi: “Ang mga taga-Crete ay sinungaling, asal-hayop, at mga batugang matatakaw.” 13 Tama ang kanyang sinabi. Kaya mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya 14 at huwag nang pansinin ang mga kathang-isip ng mga Judio o mga kautusang gawa-gawa lamang ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Sa mga malilinis ang isip, lahat ng bagay ay malinis. Ngunit sa mga marurumi ang isip at hindi sumasampalataya ay walang anumang malinis. Ang totoo, narumihan ang kanilang isipan at budhi. 16 Sinasabi nilang kilala nila ang Dios, ngunit hindi naman nakikita sa kanilang mga gawa. Silaʼy kasuklam-suklam, masuwayin at walang mabuting ginagawa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®