Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 24

Ang mga Ilaw at mga Tinapay sa Loob ng Toldang Tipanan(A)

24 1-4 Sinabi ng Panginoon kay Moises na iutos ito sa mga Israelita:

Magdala kayo ng purong langis mula sa pinigang olibo para sa ilaw na nasa labas ng kwarto kung saan nakalagay ang Kahon ng Kasunduan doon sa Toldang Tipanan, para patuloy itong magningas sa presensya ng Panginoon. Sisindihan ito ni Aaron tuwing takip-silim at patuloy na pagniningasin hanggang sa umaga. Dapat tiyakin na laging nagniningas ang mga ilaw sa patungang ginto nito. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

Ang mga Tinapay na Inihahandog sa Presensya ng Dios

Magluto kayo ng 12 pirasong tinapay, na ang bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina. Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa mesang ginto sa presensya ng Panginoon. Ihanay ninyo ito ng dalawang hanay, tig-anim ang bawat hanay. Lagyan ninyo ng purong insenso ang gilid[a] ng bawat hanay. Ang insenso ang siyang magsisilbing handog para alalahanin ang Panginoon. Susunugin ito bilang handog sa pamamagitan ng apoy sa halip na ang tinapay. Dapat laging maglagay ng tinapay sa presensya ng Panginoon tuwing Araw ng Pamamahinga. Itoʼy tungkulin ninyong mga Israelita magpakailanman. Ang mga tinapay na itoʼy para kay Aaron at sa kanyang angkan. Kakainin nila ito sa banal na lugar doon sa Tolda, dahil ito ang pinakabanal na bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon, at itoʼy para sa kanila magpakailanman.

Ang Parusa sa Panlalait sa Dios at Pamiminsala sa Kapwa

10-11 May isang tao noon na ang ama ay isang Egipcio at ang ina ay Israelita. (Ang pangalan ng ina niya ay si Shelomit na anak ni Dibri na mula sa lahi ni Dan). Siyaʼy nakipag-away sa isang Israelita roon sa kampo, at nilapastangan niya ang pangalan ng Panginoon. Kaya dinala nila siya kay Moises, 12 at ikinulong nila siya hanggang sa malaman nila kung ano ang kalooban ng Panginoon na gawin sa kanya.

13 Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Moises, 14 “Dalhin ninyo sa labas ng kampo ang taong iyon na lumapastangan sa akin. At ang lahat ng nakarinig ng kanyang paglapastangan ay magpatong ng kanilang mga kamay sa ulo niya bilang patunay na siyaʼy dapat managot, at pagkatapos, babatuhin siya ng buong mamamayan. 15-16 At sabihin mo sa mga Israelita na ang sinumang katutubong Israelita o dayuhang naninirahang kasama nila na lalapastangan sa aking pangalan ay mananagot. At dapat siyang batuhin ng lahat hanggang sa mamatay siya.

17 “Ang sinumang pumatay ng tao ay dapat ding patayin. 18 At ang taong pumatay sa hayop ng kanyang kapwa ay dapat palitan ito. Buhay na hayop ang ipapalit niya sa pinatay na hayop. 19-20 Kapag sinaktan ng sinuman ang kanyang kapwa, kailangang saktan din siya katulad ng ginawa niya. Kung binali niya ang buto ng iba, babaliin din ang buto niya, kung dinukot niya ang mata ng iba, dudukutin din ang mata niya, at kung binungi niya ang ngipin ng iba, bubungiin din ang ngipin niya. 21 Ang sinumang makapatay ng hayop ng iba ay dapat niya itong palitan, ngunit ang makapatay ng tao ay dapat ding patayin. 22 Ang mga utos na itoʼy para sa inyong lahat, katutubong Israelita man o dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios.”

23 Pagkatapos itong sabihin ni Moises sa mga Israelita, dinala nila ang taong iyon na lumapastangan sa Dios doon sa labas ng kampo at binato ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Salmo 31

Dalangin ng Pagtitiwala

31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
    Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako.
    Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo.
Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.
    Kayo ang aking batong kanlungan,
    at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan.
Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan,
    pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan.
Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,
    dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.
Ipinauubaya ko sa inyo ang aking sarili.
    Iligtas nʼyo ako, Panginoon,
    dahil kayo ang Dios na maaasahan.

Panginoon, namumuhi ako sa mga sumasamba sa mga dios-diosan na walang kabuluhan,
    dahil sa inyo ako nagtitiwala.
Akoʼy magagalak sa inyong pag-ibig,
    dahil nakita nʼyo ang aking pagdurusa,
    at nalalaman nʼyo ang tinitiis kong kahirapan.
Hindi nʼyo ako ibinigay sa aking mga kaaway,
    sa halip iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan.
Panginoon, kahabagan nʼyo po ako,
    dahil akoʼy labis nang nahihirapan.
    Namumugto na ang aking mga mata sa pag-iyak,
    at nanghihina na ako.
10 Ang buhay koʼy punong-puno ng kasawian;
    umiikli ang buhay ko dahil sa pag-iyak at kalungkutan.
    Nanghihina na ako sa kapighatiang aking nararanasan,
    at parang nadudurog na ang aking mga buto.
11 Kinukutya ako ng aking mga kaaway,
    at hinahamak ng aking mga kapitbahay.
    Iniiwasan na ako ng mga dati kong kaibigan;
    kapag nakikita nila ako sa daan, akoʼy kanilang nilalayuan.
12 Para akong patay na kanilang kinalimutan,
    at parang basag na sisidlan na wala nang halaga.
13 Marami akong naririnig na banta laban sa akin.
    Natatakot akong pumunta kahit saan,
    dahil plano nilang patayin ako.
14 Ngunit ako ay nagtitiwala sa inyo, Panginoon.
    Sinasabi kong,
    “Kayo ang aking Dios!”
15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay.
    Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin.
16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod.
    Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako.
17 Panginoon, huwag nʼyong payagang akoʼy mapahiya,
    dahil sa inyo ako tumatawag.
    Ang masasama sana ang mapahiya
    at manahimik doon sa libingan.
18 Patahimikin nʼyo silang mga sinungaling,
    pati ang mga mayayabang at mapagmataas
    na binabalewala at hinahamak ang mga matuwid.

19 O kay dakila ng inyong kabutihan;
    sa mga may takot sa inyo, pagpapalaʼy inyong inilaan.
    Nakikita ng karamihan ang mga ginawa nʼyong kabutihan sa mga taong kayo ang kanlungan.
20 Itinago nʼyo sila sa ilalim ng inyong pagkalinga.
    At doon ay ligtas sila sa mga masamang balak at pang-iinsulto ng iba.

21 Purihin ang Panginoon,
    dahil kahanga-hanga ang pag-ibig niyang ipinakita sa akin
    noong akoʼy naipit sa isang sinasalakay na bayan.
22 Doon akoʼy natakot at nasabi ko,
    “Binalewala na ako ng Panginoon.”
    Ngunit narinig niya pala ang aking kahilingan, at akoʼy kanyang tinulungan.

23 O, kayong tapat niyang mga mamamayan,
    mahalin ninyo ang Panginoon.
    Iniingatan niya ang mga tapat sa kanya,
    ngunit lubos ang kanyang parusa sa mga mapagmataas.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob,
    kayong mga umaasa sa Panginoon.

Mangangaral 7

Ang mga Paalala sa Buhay

Ang malinis na pangalan ay mas mabuti kaysa sa mamahaling pabango; at ang araw ng kamatayan ay mas mabuti kaysa sa araw ng kapanganakan. Mas mabuting pumunta sa namatayan kaysa sa isang handaan, dahil ang lahat ay mamamatay. Dapat ay lagi itong isipin ng mga buhay pa. Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa sa kaligayahan dahil ang kalungkutan ay nakakatuwid ng buhay ng tao. Laging iniisip ng marunong ang kamatayan; pero ang hangal, ang laging iniisip ay kasiyahan. Mas mabuting makinig sa pagsaway ng marunong kaysa makinig sa papuri ng hangal. Ang tawa ng hangal ay parang tinik na pag-iginatong ay nagsasaltikan ang apoy. Ito ay walang kabuluhan. Ang marunong kapag nandaya ay para na ring hangal. Kung tumatanggap ka ng suhol, sinisira mo ang sarili mong dangal. Mas mabuti ang pagtatapos kaysa sa pagsisimula. Ang pagiging matiisin ay mas mabuti kaysa sa pagiging mapagmataas. Huwag maging magagalitin dahil ang pagiging magagalitin ay ugali ng mga hangal. 10 Huwag mong sabihin, “Bakit mas mabuti pa noon kaysa ngayon?” Dahil ang tanong na iyan ay walang katuturan. 11-12 Ang karunungan ay mabuti gaya ng isang pamana, pareho itong nakakatulong sa mga namumuhay dito sa mundo. Nagbibigay din ito ng proteksyon gaya ng pera. Pero higit pa roon, iniingatan nito ang buhay ng nagtataglay nito. 13 Pag-isipan mo ang ginawa ng Dios. Sino ang makapagtutuwid ng kanyang binaluktot? 14 Magalak ka kung mabuti ang kalagayan mo. Pero kung naghihirap ka, isipin mong ang Dios ang gumawa sa dalawang bagay na ito. Para hindi natin malaman kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas. 15 Sa buhay kong walang saysay, nakita ko ang lahat ng bagay. Ang matuwid ay maagang namamatay sa kabila ng kanilang matuwid na pamumuhay, at ang mga masasama sa kabila ng kanilang kasamaan ay nabubuhay nang matagal. 16 Huwag mong ituring ang iyong sarili na sobrang matuwid at marunong, dahil kung gagawin mo iyon, sinisira mo lang ang iyong sarili. 17 At huwag ka rin namang magpakasama o magpakamangmang, dahil baka mamatay ka naman nang wala sa oras. 18 Huwag kang pasobra sa mga bagay na iyon; dapat balanse lang, dahil ang taong may takot sa Dios ay hindi nagpapasobra sa anumang bagay. 19 Higit na malaki ang magagawa ng karunungan sa isang tao, kaysa sa sampung pinuno ng isang bayan. 20 Wala ni isang tao rito sa mundo ang laging gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala. 21 Huwag mong pakikinggan ang lahat ng sinasabi ng tao at baka mismong alipin mo ang marinig mong nagsasalita laban sa iyo. 22 Dahil alam mo sa sarili mo na marami ka ring pinagsalitaan ng masama.

23 Sinubukan kong intindihin ang lahat ng nangyayari rito sa mundo sa pamamagitan ng aking karunungan. Akala koʼy maiintindihan ko pero hindi pala. 24 Hindi ko kayang intindihin ang mga nangyayari dahil mahirap talagang maintindihan. At walang sinuman ang makakaintindi nito. 25 Pero patuloy akong nag-aral at nag-usisa, para makamit ko ang karunungan at masagot ang aking mga katanungan, at para malaman ko kung gaano kahangal ang taong gumagawa ng masama at kung gaano kasama ang isipan ng taong gumagawa ng kahangalan.

26 Napag-alaman kong ang babaeng nanunukso ay mas mapait kaysa sa kamatayan. Ang pag-ibig niyaʼy parang bitag, at ang mga kamay niya na yumayakap sa iyo ay parang kadena. Ang taong nakalulugod sa Dios ay makakatakas sa kanya, pero ang taong masama ay mabibitag niya. 27-28 Sinasabi ko bilang isang mangangaral, “Iniisip kong mabuti ang bawat bagay sa paghahanap ko ng kasagutan sa aking mga katanungan. Pero hindi ko pa rin natagpuan ang mga kasagutan. Ngunit ito ang aking natuklasan, sa 1,000 lalaki isa lang ang matuwid,[a] pero sa 1,000 babae wala ni isang matuwid. 29 Higit sa lahat, ito ang nalaman ko: Ginawa ng Dios ang tao na matuwid, pero nag-iisip ang tao ng maraming paraan para maging masama.”

2 Timoteo 3

Ang mga Huling Araw

Tandaan mo ito: Magiging mahirap ang mga huling araw, dahil magiging makasarili ang mga tao, sakim sa salapi, mayabang, mapagmataas, mapang-insulto, masuwayin sa magulang, walang utang na loob, at hindi makadios. Ayaw nilang makipagkasundo sa kaaway nila, malupit, walang awa, mapanira sa kapwa, walang pagpipigil sa sarili, at galit sa anumang mabuti. Hindi lang iyan, mga taksil sila, mapusok, mapagmataas, mahilig sa kalayawan sa halip na maibigin sa Dios. Ipinapakita nilang makadios sila pero hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa buhay nila. Iwasan mo ang mga taong ganito. May ilan sa kanilang gumagawa ng paraan para makapasok sa mga tahanan at manloko ng mga babaeng mahihina ang loob, na lulong na sa kasalanan at alipin ng sari-saring pagnanasa. Nais laging matuto ng mga babaeng ito, pero hindi nila mauunawaan ang katotohanan kailanman. Ang pagkontra sa katotohanan ng mga lalaking nangangaral sa kanila ay gaya ng pagkontra nina Jannes at Jambres kay Moises. Hindi matino ang pag-iisip nila, at ang sinasabi nilang pananampalataya ay walang kabuluhan. Pero hindi rin magpapatuloy ang ginagawa nila dahil mahahalata ng lahat ang kahangalan nila, gaya ng nangyari kina Jannes at Jambres.

Mga Bilin

10 Ngunit ikaw, Timoteo, alam mo lahat ang itinuturo mo, ang aking pamumuhay, layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at pagtitiis. 11 Alam mo rin ang mga dinanas kong pag-uusig at paghihirap, katulad ng nangyari sa akin sa Antioc, Iconium at Lystra. Ngunit iniligtas ako ng Panginoon sa lahat ng mga iyon. 12 Ang totoo, lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig. 13 Ang masasama at manlilinlang namaʼy lalo pang sasama at patuloy na manlilinlang. Maging sila mismoʼy malilinlang. 14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na natutunan mo at pinanaligan, dahil alam mo kung kanino mo ito natutunan. 15 Mula pa sa pagkabata, alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nakapagbibigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng Kasulatan ay isinulat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, at mapapakinabangan sa pagtuturo ng katotohanan, pagsasaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa matuwid na pamumuhay, 17 para maging handa sa lahat ng mabubuting gawa ang naglilingkod sa Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®