M’Cheyne Bible Reading Plan
Mga Parusa sa mga Kasalanan
20 Inutusan ng Panginoon si Moises, 2 na sabihin ito sa mga taga-Israel:
Ang sinuman sa inyo at sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo na maghahandog ng kanyang anak sa dios-diosang si Molec ay dapat batuhin ng taong bayan hanggang sa mamatay. 3-4 Kasusuklaman ko ang taong iyon at huwag na ninyong ituring na kababayan. Sapagkat dahil sa paghahandog niya ng kanyang anak kay Molec, dinungisan niya ang lugar na pinagsasambahan sa akin at nilapastangan niya ang aking pangalan. Kapag ang taong iyon ay hinahayaan ninyo sa kanyang ginagawang iyon, 5 ako mismo ang uusig sa kanya, at sa sambahayan niya, at sa lahat ng sumusunod sa kanya sa paghahandog kay Molec. Hindi ko sila ituturing na kababayan ninyo.
6 Kasusuklaman ko ang mga sumasangguni at sumusunod sa mga espiritistang nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay. Hindi ko sila ituturing na kababayan ninyo.
7 Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin at magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. 8 Sundin ninyo ang aking mga tuntunin dahil ako ang Panginoon na nagtalaga sa inyo para maging bayan ko.
9 Ang sinumang lumapastangan sa kanyang ama at ina ay kailangang patayin.
10 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng iba, siya at ang babae ay dapat patayin.
11 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang ama, nilalapastangan niya ang kanyang ama. Kaya siya at ang babae ay dapat patayin. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.
12 Kung ang isang amaʼy sumiping sa kanyang manugang na babae, siya at ang babae ay dapat patayin, dahil masama ang kanilang ginawa. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.
13 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa kapwa lalaki, pareho silang dapat patayin dahil pareho silang gumawa ng kasuklam-suklam na gawain. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.
14 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa mag-ina, silang tatlo ay dapat sunugin dahil masama ang kanilang ginawa. Ang kasamaang ito ay dapat mawala sa inyo.
15-16 Kung ang isang lalaki o babae ay sumiping sa hayop, dapat siyang patayin pati na ang hayop. Sila ang responsable sa kanilang kamatayan.
17 Kung ang isang lalaki ay magpakasal sa kapatid niyang babae at sumiping dito, maging itoʼy kapatid niya sa ama o sa ina, inilalagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan kaya dapat siyang managot. At dahil masama ang ginawa nila, huwag na silang ituring na kababayan ninyo.
18 Kung ang lalaki ay sumiping sa babaeng may buwanang dalaw dahil gusto rin ng babae, silang dalawa ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
19 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa kanyang tiyahin, inilalagay niya sa kahihiyan ang kanyang tiyahin. Silang dalawa ay dapat managot sa kanilang ginawa.
20 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang tiyuhin, inilalagay niya ang kanyang tiyuhin sa kahihiyan. Silang dalawa ay dapat managot at mamatay na walang anak.
21 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang kapatid, inilalagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan. At dahil masama ang ginawa nila, mamamatay silang dalawa na walang anak.
22 Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos upang hindi kayo paalisin sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo para roon kayo manirahan. 23 Ang mga taong paaalisin ko sa lupaing iyon ay gumagawa ng mga kasamaang ito, at dahil dooʼy itinatakwil ko sila. Kaya huwag ninyong gagayahin ang ginagawa nila. 24 At ayon na rin sa aking sinabi sa inyo, magiging inyo ang kanilang lupain. Ibibigay ko sa inyo ang lupaing iyon na maganda at sagana[a] sa ani para maging pag-aari ninyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios na humirang sa inyo mula sa mga tao.
25 Dapat ninyong malaman kung aling mga hayop at mga ibon ang malinis o marumi. Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng mga maruming hayop na ipinagbawal ko. 26 Kayoʼy magpakabanal dahil ako, ang Panginoon ay banal. At kayoʼy hinirang ko mula sa ibang mga bansa para maging akin.
27 Kung mayroong espiritista sa inyo na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, kailangang batuhin ninyo siya hanggang sa mamatay. Siya ang responsable sa kanyang kamatayan.
Dalangin para Ingatan at Patnubayan
25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
3 Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
ngunit mapapahiya ang mga traydor.
4 Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
5 Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
Kayo ang lagi kong inaasahan.
6 Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
na inyong ipinakita mula pa noong una.
7 Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
mula pa noong aking pagkabata.
8 Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
9 Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
10 Lahat ng ginagawa nʼyo ay nagpapakita ng inyong pag-ibig at katapatan sa mga sumusunod sa inyong mga kautusan.
11 Panginoon, alang-alang sa inyong kabutihan,[a] patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan.
12 Ang sinumang may takot sa inyo, Panginoon, ay turuan nʼyo po ng daan na dapat nilang lakaran.
13 Mabubuhay sila ng masagana,
at ang kanilang lahi ay patuloy na maninirahan sa lupain na ipinangako ng Dios.
14 Panginoon, kayoʼy malapit sa mga taong may takot sa inyo,
at pinapaalala nʼyo sa kanila ang inyong kasunduan.
15 Palagi akong umaasa sa inyo, Panginoon,
dahil kayo ang palaging nagliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Dinggin nʼyo po ako at inyong kahabagan,
dahil akoʼy nag-iisa at naghihirap.
17 Lalong dumarami ang bigat sa aking kalooban.
Hanguin nʼyo ako sa aking mga kalungkutan.
18 Tingnan nʼyo ang dinaranas kong mga kahirapan,
at patawarin nʼyo ang lahat kong kasalanan.
19 Tingnan nʼyo kung gaano karami ang aking mga kaaway
na galit na galit sa akin.
20 Iligtas nʼyo ako, Panginoon! At ingatan ang aking buhay!
Nanganganlong ako sa inyo; huwag nʼyong hayaan na mapahiya ako.
21 Dahil namumuhay ako nang matuwid at walang kapintasan, at umaasa sa inyo,
nawaʼy maging ligtas ako.
22 O Dios, iligtas nʼyo po ang Israel sa lahat ng kaguluhan.
May Kanya-kanyang Oras ang Lahat
3 May oras na nakatakda para sa lahat ng gawain dito sa mundo:
2 May oras ng pagsilang at may oras ng kamatayan;
may oras ng pagtatanim at may oras ng pag-aani.
3 May oras ng pagpatay at may oras ng pagpapagaling;
may oras ng pagsira at may oras ng pagpapatayo.
4 May oras ng pagluha at may oras ng pagtawa;
may oras ng pagluluksa at may oras ng pagdiriwang.
5 May oras ng pagkakalat ng bato at may oras ng pagtitipon nito;
may oras ng pagsasama[a] at may oras ng paghihiwalay.
6 May oras ng paghahanap at may oras ng paghinto ng paghahanap;
may oras ng pagtatago at may oras ng pagtatapon.
7 May oras ng pagpunit at may oras ng pagtahi;
may oras ng pagtahimik at may oras ng pagsasalita.
8 May oras ng pagmamahal at may oras ng pagkagalit;
may oras ng digmaan at may oras ng kapayapaan.
9 Kung ang mga oras na ito ay itinakda na ng Dios, ano ngayon ang kabuluhan ng pagsisikap ng tao? 10 Nakita ko ang mga gawaing itinakda ng Dios para sa tao. 11 At lahat ng ito ay itinadhana ng Dios na mangyari sa takdang panahon. Binigyan niya tayo ng pagnanais na malaman ang hinaharap, pero hindi talaga natin mauunawaan ang mga ginawa niya mula noong simula hanggang wakas. 12 Naisip ko na walang pinakamabuting gawin ang tao kundi magsaya at gumawa ng mabuti habang nabubuhay. 13 Gusto ng Dios na kumain tayo, uminom at magpakasaya sa mga pinaghirapan natin dahil ang mga bagay na itoʼy regalo niya sa atin. 14 Alam kong ang lahat ng ginagawa ng Dios ay magpapatuloy magpakailanman at wala tayong maaaring idagdag o ibawas dito. Ginagawa ito ng Dios para magkaroon tayo ng paggalang sa kanya. 15 Ang mga nangyayari ngayon at ang mga mangyayari pa lang ay nangyari na noon. Inuulit lang ng Dios ang mga pangyayari.
16 Nakita ko rin na ang kasamaan ang naghahari rito sa mundo sa halip na katarungan at katuwiran. 17 Sinabi ko sa sarili ko, “Hahatulan ng Dios ang matutuwid at masasamang tao, dahil may itinakda siyang oras sa lahat ng bagay. 18 Sinusubok ng Dios ang mga tao para ipakita sa kanila na tulad sila ng mga hayop. 19 Ang kapalaran ng tao ay tulad ng sa hayop; pareho silang mamamatay. Pareho silang may hininga, kaya walang inilamang ang tao sa hayop. Talagang walang kabuluhan ang lahat! 20 Iisa lang ang patutunguhan ng lahat. Lahat ay nagmula sa lupa at sa lupa rin babalik. 21 Sino ang nakakaalam kung ang espiritu ng taoʼy umaakyat sa itaas at ang espiritu ng hayop ay bumababa sa ilalim ng lupa?” 22 Kaya naisip ko na ang pinakamabuting gawin ng tao ay magpakasaya sa pinaghirapan niya, dahil para sa kanya iyon. Walang sinumang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari kapag siya ay namatay.
Ang mga Responsibilidad ng mga Mananampalataya
5 Huwag mong pagsasabihan nang marahas ang matatandang lalaki, sa halip kausapin mo sila na parang iyong ama. Ituring mo ang mga kabataang lalaki na parang mga kapatid, 2 at ang matatandang babae na parang iyong ina. Pakitunguhan mo nang may malinis na puso ang mga nakababatang babae na parang kapatid mo na rin.
3 Bigyan mo ng kaukulang pansin at tulong ang mga biyuda na wala nang ibang inaasahan. 4 Ngunit kung may mga anak o apo ang isang biyuda, sila ang dapat kumalinga sa kanya bilang pagpapakita ng takot nila sa Dios at bilang pagtanaw ng utang na loob sa magulang nila. Sapagkat nakalulugod ito sa Dios. 5 Ang biyudang nag-iisa na lang sa buhay ay umaasa na lang sa Dios. Araw-gabi siyang nananalangin at humihingi ng tulong sa Dios. 6 Ngunit ang biyudang mahilig sa kalayawan ay patay na sa paningin ng Dios kahit na buhay pa siya. 7 Ituro mo sa mga kapatid ang mga tuntuning ito upang walang masabing masama laban sa kanila. 8 Ang sinumang hindi kumakalinga sa sariling kamag-anak, lalo na sa sariling pamilya ay tumatalikod sa pananampalataya at masahol pa sa mga hindi mananampalataya.
9 Ang isama mo lang sa listahan ng mga biyuda na tutulungan ay ang mga hindi bababa sa 60 taong gulang at naging tapat sa asawa niya,[a] 10 kilala sa paggawa ng mabuti gaya ng maayos na pagpapalaki ng mga anak, bukas ang tahanan sa mga nakikituloy, naglilingkod[b] sa mga pinabanal[c] ng Dios, tumutulong sa mga nangangailangan, at inilalaan ang sarili sa mabubuting gawa.
11 Ngunit huwag mong isama sa listahan ang mga biyuda na bata pa; dahil kung dumating ang panahon na nais nilang mag-asawa ulit, mapapabayaan nila ang paglilingkod kay Cristo. 12 At dahil dito, magkakasala sila dahil magiging walang saysay ang pangako nila na maglingkod na lang kay Cristo. 13 Maliban dito, matututo silang maging tamad at mag-aksaya ng panahon sa pangangapit-bahay. Hindi lang sila magiging tamad kundi magiging tsismosa at pakialamera, at kung anu-ano ang mga sinasabi. 14 Kaya para sa akin, kung ganito lang ang mangyayari, mas mabuti pang muli na lang silang mag-asawa at magkaanak, at mag-asikaso sa sariling pamilya. Sa ganoon, walang masasabing masama ang mga sumasalungat sa atin. 15 Sinasabi ko ito dahil may ilang biyuda na ang tumalikod sa pananampalataya at sumusunod na kay Satanas. 16 Kung ang isang mananampalatayang babae ay may kamag-anak na biyuda, dapat niya itong tulungan. Sa ganoon, hindi mabibigatan ang iglesya sa pag-aaruga sa kanila, at matutulungan pa ang mga biyuda na talagang wala nang inaasahan.
17 Ang mga namumuno sa iglesya na naglilingkod nang mabuti ay dapat bigyan ng nararapat na sahod, lalo na ang mga naglilingkod sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Dios. 18 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik”[d] at sinasabi pa, “Nararapat bigyan ng sahod ang manggagawa.”[e] 19 Huwag mong papansinin ang paratang sa isang namumuno sa iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. 20 At tungkol naman sa mga nagpapatuloy sa mga kasalanan nila, pagsabihan mo sila sa harap ng lahat ng mananampalataya para maging babala sa iba.
21 Sa presensya ng Dios at ni Cristo Jesus at ng kanyang mga anghel, iniuutos ko sa iyo na sundin mo ang mga utos na ito nang walang kinikilingan o kinakampihan. 22 Huwag kang padalos-dalos sa pagpapatong ng kamay mo sa kahit sino para bigyan ng kapangyarihang mamuno sa iglesya. Ingatan mong huwag masangkot sa kasalanan ng iba. Manatili kang walang bahid ng kasalanan.
23 Dahil sa madalas na pananakit ng sikmura mo, uminom ka ng kaunting alak.[f]
24 May mga taong lantad na lantad ang mga kasalanan nila bago pa man sila hatulan. Pero ang iba namaʼy sa bandang huli na lang nalalantad ang kasalanan. 25 Ganoon din naman, may mabubuting gawa na lantad na ngayon pa lang, habang ang iba naman ay malalantad din balang araw.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®