Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 19

Ibaʼt ibang Kautusan

19 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa lahat ng mamamayan ng Israel: Magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay banal. Dapat ninyong igalang ang inyong ina at ama. Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan o gagawa ng mga imahen nila. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Kung mag-aalay kayo ng handog para sa mabuting relasyon, ialay ninyo ito sa paraang katanggap-tanggap sa akin. Kainin ninyo ito sa araw ding iyon o sa kinabukasan. Pero kung may matitira pa sa pangatlong araw, sunugin na ninyo ito. Kapag sa ikatlong araw ay kinain pa ninyo ito, hindi ko na ito tatanggapin dahil itoʼy karumal-dumal na. At ang sinumang kumain nito ay mananagot dahil binalewala niya ang banal na bagay na para sa akin, kaya ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

Kung mag-aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong bukirin, at huwag na ninyong balikan para pulutin ang mga natira. 10 Ganoon din sa inyong ubasan, huwag na ninyong babalikan para kunin ang mga natirang bunga o mga nalaglag. Iwanan ninyo iyon para sa mahihirap at mga dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

11 Huwag kayong magnanakaw, o magsisinungaling, o mandadaya ng inyong kapwa.

12 Huwag kayong manunumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan dahil kapag iyon ay ginawa ninyo iyon nilalapastangan ninyo ang aking pangalan. Ako ang Panginoon. 13 Huwag ninyong lalamangan o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapaliban ang pagbabayad ng sweldo ng taong pinagtatrabaho ninyo.

14 Huwag kayong magsasalita ng masama sa bingi, at huwag ninyong lalagyan ng katitisuran ang dinadaanan ng bulag. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin sa pamamagitan ng pagsunod ng mga utos ko. Ako ang Panginoon.

15 Kinakailangang matuwid at walang kinikilingan ang inyong paghatol sa inyong kapwa, mayaman man o dukha.

16 Huwag kayong magtsitsismisan tungkol sa inyong kapwa. Huwag kayong magsasalita o gagawa ng anumang makasisira sa inyong kapwa. Ako ang Panginoon.

17 Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapwa. Paalalahanan ninyo siya kung siyaʼy nagkasala para kayoʼy walang panagutan.

18 Huwag kayong gumanti ng masama o magtatanim ng galit sa inyong kapwa, kundi mahalin ninyo siya gaya ng inyong sarili. Ako ang Panginoon.

19 Sundin ninyo ang aking mga utos. Huwag ninyong palalahian ang isang hayop sa ibang uri ng hayop. Huwag kayong magtatanim ng dalawang klaseng binhi sa iisang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang klaseng tela.

20 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ikasal sa ibang lalaki, pero hindi pa natutubos o napapalaya ang babae,[a] dapat silang parusahan. Pero huwag silang patayin dahil hindi pa napapalaya ang nasabing babae. 21-22 Kinakailangang magdala ang lalaki ng lalaking tupa malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan sa Panginoon. Sa paghahandog ng pari ng tupang iyon sa aking harapan, matutubos ang lalaking iyon sa kanyang kasalanan at patatawarin ko siya.

23 Kapag dumating na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong kakainin ang bunga ng mga punongkahoy na inyong itinanim sa loob ng tatlong taon. Ituring ninyong marumi iyon. 24 Sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga ay ihandog ninyo sa akin bilang papuri sa akin kaya huwag ninyo itong kakainin. 25 Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga ng inyong mga pananim. At kung susundin ninyo ang tuntuning ito, magiging sagana ang bunga ng inyong mga pananim. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

26 Huwag kayong kakain ng karneng may dugo pa.

Huwag ninyong gagawin ang ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam.

27 Kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong pagugupitan ang inyong buhok sa palibot ng inyong ulo o magpuputol ng inyong balbas. 28 At huwag din ninyong susugatan ang inyong katawan. Huwag din kayong magpapatato. Ako ang Panginoon.

29 Huwag ninyong ilagay sa kahihiyan ang inyong anak na babae sa pamamagitan ng pagpilit sa kanila na ipagbili ang kanilang sarili para sa panandaliang-aliw, dahil ito ang magiging dahilan ng paglaganap ng kasamaan sa inyong bayan.

30 Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga, at igalang ninyo ang lugar na inyong pinagsasambahan sa akin. Ako ang Panginoon.

31 Huwag kayong sasangguni sa mga espiritistang nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay, dahil kapag ginawa ninyo ito, ituturing kayo na marumi. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

32 Igalang ninyo ang matatanda. Igalang nʼyo ako na inyong Dios, ako ang Panginoon.

33 Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 34 Ituring ninyo silang gaya ng inyong mga kababayan at ibigin ninyo sila gaya ng sa inyong sarili, dahil kayo rin noon ay naging mga dayuhan sa Egipto. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

35 Huwag kayong mandadaya sa inyong pagtitimbang, pagsukat at pagtatakal. 36-37 Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan.

Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos ko. Ako ang Panginoon.

Salmo 23-24

Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol

23 Ang Panginoon ang aking pastol,
    hindi ako magkukulang ng anuman.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
    patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
    Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
    upang siyaʼy aking maparangalan.

Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
    dahil kayo ay aking kasama.
    Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
    ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
    Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
    At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
    At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.

Ang Dios ang Dakilang Hari

24 Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.
Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.
Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon?
    At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?
Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso,
    ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan,
    at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Dios ni Jacob.

Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
    upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
Sino ang Haring makapangyarihan?
    Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
    upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
10 Sino ang Haring makapangyarihan?
    Siya ang Panginoon na pinuno ng hukbo ng kalangitan.
    Tunay nga siyang Haring makapangyarihan!

Mangangaral 2

Ang Kasayahan ay Walang Kabuluhan

Sinubukan kong magpakasaya sa mga layaw ng buhay. Pero nakita kong wala rin itong kabuluhan. Kamangmangan ang sobrang pagtawa at ang pagpapakasaya ay wala ring kabuluhan. Sinubukan kong magpakasaya sa pag-inom ng alak. Kahit na marunong ako, sinubukan kong gumawa ng kamangmangan. Naisip ko lang na baka iyon ang pinakamabuting gawin ng tao sa maikling buhay niya dito sa mundo.

Gumawa ako ng mga dakilang bagay: Nagpagawa ako ng mga bahay at nagtanim ng mga ubas. Nagpagawa ako ng mga taniman at pinataniman ko ito ng sari-saring puno na namumunga. Nagpagawa ako ng mga imbakan ng tubig para patubigan ang mga pananim. Bumili ako ng mga lalaki at babaeng alipin, at may mga alipin din ako na ipinanganak sa aking bahay. At ako ang may pinakamaraming kawan ng hayop sa lahat ng naging mamamayan ng Jerusalem. Nakaipon ako ng napakaraming ginto, pilak at iba pang mga kayamanang galing sa mga hari at mga lugar na aking nasasakupan. Marami akong mang-aawit, lalaki man o babae at marami rin akong mga asawa[a] – ang kaligayahan ng isang lalaki. Ako ang pinakamayaman at pinakamarunong na taong nabuhay sa buong Jerusalem.

10 Nakukuha ko ang lahat ng magustuhan ko. Ginawa ko ang lahat ng inakala kong makapagpapaligaya sa akin. Nasiyahan ako sa lahat ng pinaghirapan ko. Ito ang gantimpala sa lahat ng pagsusumikap ko. 11 Pero nang isipin kong mabuti ang lahat ng ginawa at pinaghirapan ko, naisip ko na walang kabuluhan ang lahat ng pinagsikapan ko rito sa mundo. 12 Ano pa ba ang magagawa ng susunod na hari? Ano pa nga ba, kundi iyong nagawa na rin noong una.

Ang Karunungan at Kamangmangan ay Walang Kabuluhan

Sinubukan ko ring ihambing ang karunungan at ang kamangmangan. 13 At nakita kong mas mabuti ang karunungan kaysa sa kamangmangan, gaya ng liwanag na mas mabuti kaysa sa kadiliman. 14 Alam ng marunong ang patutunguhan niya, ngunit ang hangal ay lumalakad sa kadiliman. Pero nalaman ko ring pareho lang silang mamamatay. 15 Kaya sinabi ko sa aking sarili, “Ang sinapit ng mangmang ay sasapitin ko rin. Kaya anong kabutihan ang mapapala ng pagiging marunong ko? Wala talaga itong kabuluhan!” 16 Lahat tayo, marunong man o mangmang ay pare-parehong mamamatay at makakalimutan.

Walang Kabuluhan ang Pagsusumikap

17 Kaya kinamuhian ko ang buhay, dahil kahirapan ang dulot ng lahat ng ginagawa rito sa mundo. Ang lahat ng ito ay walang kabuluhan, para ka lang humahabol sa hangin. 18 Kinaiinisan ko ang lahat ng pinaghirapan ko dito sa mundo, dahil maiiwan ko lang ang mga ito sa susunod sa akin. 19 At sino ang nakakaalam kung marunong siya o mangmang? Maging ano man siya, siya pa rin ang magmamay-ari ng lahat ng pinaghirapan ko ng buong lakas at karunungan. Wala rin itong kabuluhan! 20 Kaya nanghinayang ako sa lahat ng pinaghirapan ko rito sa mundo. 21 Dahil kahit magsikap ka gamit ang buo mong talino, isip at kakayahan, iiwan mo rin ang lahat ng pinaghirapan mo sa taong hindi naghirap para sa mga bagay na ito. Ito man ay wala ring kabuluhan at hindi makatarungan. 22 Kaya ano ang makukuha ng tao sa lahat ng pagsusumikap niya rito sa mundo? 23 Lahat ng pinagsumikapan niya sa buong buhay niyaʼy makapagpapasama lang ng kanyang kalooban. Kaya kahit sa gabi ay hindi siya makatulog. Wala rin itong kabuluhan!

24 Ang pinakamagandang gawin ng tao ay kumain, uminom at pakinabangan ang mga pinaghirapan niya. Nalaman ko na galing ito sa Dios, 25 dahil paano natin makakain at mapapakinabangan ang mga pinaghirapan natin kung hindi ito ibibigay ng Dios? 26 Dahil ang taong nagbibigay-lugod sa Dios ay binibigyan niya ng karunungan, kaalaman at kagalakan. At ang makasalanan ay binibigyan ng Dios ng trabaho upang mag-ipon ng kayamanan para ibigay sa taong nagbibigay-lugod sa Dios. Kaya lahat ng pagsisikap ng makasalanan ay walang kabuluhan. Para siyang humahabol sa hangin.

1 Timoteo 4

Mga Huwad at Sinungaling na Guro

Malinaw ang sinasabi ng Banal na Espiritu na sa mga huling araw tatalikod ang iba sa pananampalataya nila sa Dios. Susunod sila sa mga mapanlinlang na mga espiritu at itinuturo ng mga demonyo. Ang mga aral na itoʼy itinuturo ng mga taong mandaraya, sinungaling at walang konsensya. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, kahit na ginawa ng Dios ang mga pagkaing ito para tanggapin nang may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaalam sa katotohanan. Lahat ng nilikha ng Dios ay mabuti, at dapat walang ituring na masama kung tinatanggap nang may pasasalamat, dahil nilinis ito ng salita ng Dios at ng panalangin.

Ang Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus

Magiging mabuti kang lingkod ni Cristo Jesus kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito. At sa pagtuturo mo sa kanila, lalago ka rin sa pamamagitan ng mga katotohanan ng pananampalataya natin at sa tunay na aral na sinusunod mo. Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat na sabi-sabi lang ng matatanda. Sa halip, sanayin mo sa kabanalan ang sarili mo. Sapagkat kung may mabuting naidudulot ang pagsasanay natin sa katawan, may mas mabuting maidudulot ang pagsasanay sa kabanalan sa lahat ng bagay, hindi lang sa buhay na ito kundi maging sa buhay na darating. Totoo ang kasabihang ito, at dapat tanggapin at paniwalaan ng lahat. 10 At ito ang dahilan kung bakit nagsisikap at nagtitiyaga tayo sa pagtuturo sa mga tao, dahil umaasa tayo sa Dios na buhay na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga mananampalataya. 11 Ituro at ipatupad mo ang mga bagay na ito.

12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga mananampalataya sa iyong pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, gamitin mo ang panahon mo sa pagbabasa ng Kasulatan sa mga tao, sa pangangaral at pagtuturo. 14 Huwag mong pababayaan ang kaloob sa iyo ng Banal na Espiritu ayon sa inihayag ng mga namumuno sa iglesya nang ipatong nila ang kamay nila sa iyo. 15 Gawin mo ang mga tungkuling ito at lubos mong italaga ang sarili mo sa mga ito para makita ng lahat ang paglago mo. 16 Maging maingat ka sa pamumuhay at pagtuturo mo. Patuloy mong gawin ang mga bagay na ito para maligtas ka at ang mga nakikinig sa iyo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®