M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Tuntunin Tungkol sa Tamang Lugar ng Paghahandog
17 Inutusan ng Panginoon si Moises 2 na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at sa lahat ng mga taga-Israel:
3 Ang sinuman sa inyo na maghahandog ng baka, tupa, o kambing sa ibang lugar 4-5 maliban sa Toldang Tipanan ay katulad ng taong nakapatay ng kapwa, kaya huwag ninyo siyang ituturing na kababayan ninyo. Ang tuntuning itoʼy ginawa para ang paghahandog ay gagawin ninyo malapit sa may pintuan ng Tolda at hindi sa ibang lugar. Ang inyong mga handog para sa mabuting relasyon ay ibibigay ninyo sa pari na siyang maghahandog nito sa Panginoon. 6 Iwiwisik ng pari ang dugo ng handog na hayop sa altar na pinaghahandugan para sa Panginoon malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, susunugin niya ang taba ng mga hayop. At ang mabangong samyo nitoʼy makalulugod sa Panginoon. 7 Kaya hindi na kayo dapat maghandog sa mga demonyo na mukhang kambing,[a] dahil ito ang maglalayo sa inyo sa Panginoon. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon magpakailanman.
8 Kayong mga taga-Israel at ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, tandaan ninyo ito:
Ang sinuman sa inyo na maghahandog ng anumang uri ng handog sa ibang lugar 9 at hindi sa may pintuan ng Tolda ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
10 Ang sinuman sa inyo na kakain ng dugo ay magiging kalaban ng Panginoon at huwag na ninyong ituring na kababayan. 11 Sapagkat ang buhay ng bawat nilalang ay nasa kanyang dugo at iniutos sa inyo ng Panginoon na ang dugo ay gamitin ninyo bilang pantubos sa inyong mga kasalanan, dahil ang dugo ang nagbibigay ng buhay, ang siyang pantubos ng tao sa kanyang mga kasalanan. 12 Ito ang dahilan kung bakit hindi ninyo dapat kainin ang dugo.
13 Ang sinuman sa inyong huhuli ng hayop o ibon na maaaring kainin, dapat niyang patuluin ang dugo at tabunan ng lupa, 14 dahil ang buhay ng bawat nilalang ay nasa kanyang dugo. Kaya nga sinabi sa inyo ng Panginoon na huwag kayong kakain ng dugo ng anumang nilalang. Ang sinuman sa inyong kakain ng dugo ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
15 Ang sinuman sa inyo; katutubong Israelita man o dayuhang kumain ng hayop na namatay o pinatay ng kapwa hayop, kailangan niyang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 16 Kapag hindi niya nilabhan ang kanyang damit at hindi naligo, may pananagutan siya.
Dalangin para Magtagumpay ang Kaibigan
20 Sa oras ng kaguluhan, pakinggan sana ng Panginoon ang iyong mga daing.
At sanaʼy ingatan ka ng Dios ni Jacob.
2 Sanaʼy tulungan ka niya mula sa kanyang templo roon sa Zion.
3 Sanaʼy tanggapin niya ang iyong mga handog,
pati na ang iyong mga haing sinusunog.
4 Sanaʼy ibigay niya ang iyong kahilingan,
at ang iyong mga binabalak ay magtagumpay.
5 Sa pagtatagumpay mo kami ay sisigaw sa kagalakan,
at magdiriwang na nagpupuri sa ating Dios.
Ibigay nawa ng Panginoon ang lahat mong kahilingan.
6 Ngayon ay alam kong ang Dios ang nagbibigay ng tagumpay sa haring kanyang hinirang,
at sinasagot niya mula sa banal na langit ang kanyang dalangin,
at lagi niyang pinagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
7 May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma,
ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios.
8 Silaʼy manghihina at tuluyang babagsak,
ngunit kami ay magiging matatag at magtatagumpay.
9 Panginoon, pagtagumpayin nʼyo ang hinirang nʼyong hari.
At sagutin nʼyo kami kapag kami ay tumawag sa inyo.
Pagpupuri sa Pagtatagumpay
21 Panginoon, sobrang galak ng hari
dahil binigyan nʼyo siya ng kalakasan.
Siyaʼy tuwang-tuwa dahil binigyan nʼyo siya ng tagumpay.
2 Ibinigay nʼyo sa kanya ang kanyang hinahangad;
hindi nʼyo ipinagkait ang kanyang kahilingan.
3 Tinanggap nʼyo siya, at pinagkalooban ng masaganang pagpapala.
Pinutungan nʼyo ang ulo niya ng koronang yari sa purong ginto.
4 Hiniling niya sa inyo na dagdagan ang buhay niya,
at binigyan nʼyo siya ng mahabang buhay.
5 Dahil sa pagbibigay nʼyo ng tagumpay sa kanya,
naging tanyag siya at makapangyarihan.
6-7 Dahil nagtitiwala siya sa inyo, Panginoon,
pinagpala nʼyo siya ng mga pagpapalang walang katapusan,
at pinasaya nʼyo siya sa inyong piling.
At dahil minamahal nʼyo siya nang tapat, Kataas-taasang Dios,
hindi siya mabubuwal.
8 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
matatalo nʼyo ang lahat nʼyong mga kaaway.
9 At kapag kayo ay dumating Panginoon, lilipulin nʼyo sila.
Dahil sa galit nʼyo, tutupukin sila na parang dayami sa naglalagablab na apoy.
10 Uubusin nʼyo ang lahat ng mga anak nila sa buong kalupaan,
upang wala nang magpatuloy ng kanilang lahing masama.
11 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyo,
ngunit hindi sila magtatagumpay.
12 Tatakas sila kapag nakita nilang nakatutok na sa kanila ang inyong pana.
13 Panginoon, pinupuri namin kayo
dahil sa inyong kalakasan.
Aawit kami ng mga papuri
dahil sa inyong kapangyarihan.
Ang mga Kawikaan ni Haring Lemuel
31 Ito ang mga kawikaan ni Haring Lemuel na taga-Masa. Ito ang mga itinuro sa kanya ng kanyang ina:
2 Anak, ipinanganak ka bilang sagot sa aking mga panalangin.
3 Huwag mong sasayangin ang iyong lakas at pera sa mga babae, sapagkat sila ang dahilan kung bakit napapahamak ang mga hari.
4 Lemuel, hindi dapat uminom ng alak ang isang hari. Ang mga namumuno ay hindi dapat maghangad ng inumin na nakalalasing.
5 Sapagkat kapag nalasing na sila, kadalasan ay nakakalimutan na nila ang kanilang tungkulin, at hindi nila nabibigyan ng katarungan ang mga nasa kagipitan.
6-7 Hayaan mong mag-inom ang mga taong nawalan na ng pag-asa[a] at naghihirap ang kalooban, upang makalimutan nila ang kanilang mga kasawian at kahirapan.
8 Ipagtanggol mo ang karapatan ng mga taong kahabag-habag, na hindi maipagtanggol ang kanilang mga sarili.
9 Humatol ka ng walang kinikilingan, at ipagtanggol ang karapatan ng mga mahihirap at nangangailangan.
Ang Mabuting Asawa
10 Mahirap hanapin ang mabuting asawa. Higit pa sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
11 Lubos ang tiwala sa kanya ng kanyang asawa, at wala na itong mahihiling pa sa kanya.
12 Kabutihan at hindi kasamaan ang ginagawa niya sa kanyang asawa habang siya ay nabubuhay.
13 Masigasig siyang humahabi ng mga telang linen at lana.
14 Tulad siya ng barko ng mga mangangalakal; nagdadala siya ng mga pagkain kahit galing pa siya sa malayong lugar.
15 Maaga siyang gumigising upang ipaghanda ng pagkain ang kanyang pamilya, at upang sabihan ang mga babaeng katulong ng mga dapat nilang gawin.
16 Marunong siyang pumili ng lupa na kanyang bibilhin. At mula sa kanyang sariling ipon, pinapataniman niya ito ng ubas.
17 Malakas, masipag at mabilis siyang gumawa.
18 Magaling siyang magnegosyo, at matiyagang nagtatrabaho hanggang gabi.
19 Siya rin ang gumagawa ng mga tela upang gawing damit.
20 Matulungin siya sa mahihirap at mga nangangailangan.
21 Hindi siya nag-aalala, dumating man ang taglamig, dahil may makakapal siyang tela para sa kanyang pamilya.
22 Siya na rin ang gumagawa ng mga kobre-kama, at ang kanyang mga damit ay mamahalin at magaganda.
23 Kilala ang asawa niya bilang isa sa mga tagapamahala ng bayan.
24 Gumagawa rin siya ng damit at sinturon, at ipinagbibili sa mga mangangalakal.
25 Malakas at iginagalang siya, at hindi siya nangangamba para sa kinabukasan.
26 Nagsasalita siya nang may karunungan, at nagtuturo nang may kabutihan.
27 Masipag siya, at inaalagaang mabuti ang kanyang pamilya.
28 Pinupuri siya ng kanyang mga anak, at pinupuri rin ng kanyang kabiyak na nagsasabi, 29 “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit ikaw ang pinakamabuti sa kanilang lahat.”
30 Ang pagiging kaakit-akit ay makapandaraya, at ang kagandahan ay kumukupas. Pero ang babaeng may takot sa Panginoon ay dapat purihin.
31 Dapat siyang gantimpalaan sa kanyang ginawang kabutihan at parangalan sa karamihan.
Mga Bilin Tungkol sa Panalangin
2 Una sa lahat, ipinapakiusap kong ipanalangin nʼyo ang lahat ng tao. Ipaabot ninyo sa Dios ang kahilingan nʼyo para sa kanila nang may pasasalamat. 2 Ipanalangin nʼyo ang mga hari at mga may kapangyarihan para makapamuhay tayo nang tahimik at mapayapa na may kabanalan at tamang pag-uugali. 3 Mabuti ito at nakalulugod sa Dios na ating Tagapagligtas. 4 Nais niyang maligtas ang lahat ng tao at malaman ang katotohanan. 5 Sapagkat iisa lang ang Dios at iisa lang ang tagapamagitan sa Dios at sa mga tao. Itoʼy walang iba kundi ang taong si Cristo Jesus. 6 Ibinigay niya ang buhay niya bilang pantubos sa lahat ng tao. Ito ang nagpapatunay na nais ng Dios na maligtas ang lahat ng tao, at inihayag niya ito sa takdang panahon. 7 At ito ang dahilan ng pagkahirang ko bilang apostol at tagapangaral sa mga hindi Judio tungkol sa pananampalataya at katotohanan. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling.
8 Gusto kong sa lahat ng pagtitipon-tipon[a] ay manalangin ang mga lalaki nang may malinis na kalooban, na sa pagtaas nila ng kamay sa pananalangin ay walang galit o pakikipagtalo. 9 Gusto ko rin na maging maayos at marangal ang mga babae sa pananamit nila, at iwasan ang labis na pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga alahas o mamahaling damit. 10 Sa halip, magpakita sila ng mabubuting gawa na nararapat sa mga babaeng sumasampalataya sa Dios. 11 At kung may nagtuturo, dapat tahimik na makinig ang mga babae at lubos na magpasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki. Kailangang tumahimik lang sila. 13 Sapagkat unang nilalang si Adan bago si Eva, 14 at hindi si Adan ang nadaya, kundi si Eva ang nadaya at lumabag sa utos ng Dios. 15 Ganoon pa man, maliligtas ang mga babae sa pamamagitan ng panganganak nila, kung magpapatuloy sila sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan, at tamang pag-uugali.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®