Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 16

Ang Seremonya sa Araw ng Pagtubos

16 1-2 Pagkamatay ng dalawang anak na lalaki ni Aaron nang silaʼy naghandog sa Panginoon, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa kapatid mong si Aaron na huwag siyang papasok sa Pinakabanal na Lugar sa kabila ng tabing, sa anumang oras na naisin niya. Kapag ginawa niya iyon, mamamatay siya. Sapagkat doon ako nagpapakita sa anyong ulap sa itaas ng takip ng Kahon ng Kasunduan.”[a]

Ito ang utos ng Panginoon na gagawin ni Aaron sa araw na papasok siya sa Pinakabanal na Lugar: Magdadala siya ng batang toro bilang handog sa paglilinis at lalaking tupa bilang handog na sinusunog. Kinakailangang maligo muna siya at pagkatapos, isuot niya ang kanyang damit pampari na purong linen: pang-ilalim na damit na tatakip sa kanyang kahubaran, ang kanyang sinturon, ang turban na linen, at ang kanyang panlabas na damit.[b] Ang mamamayan ng Israel ay magbibigay sa kanya ng dalawang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, at isang lalaking tupa bilang handog na sinusunog.

Ihahandog ni Aaron ang batang toro bilang handog sa paglilinis para maging malinis siya at ang sambahayan niya. Pagkatapos, kukunin niya ang dalawang kambing at dadalhin din niya sa presensya ng Panginoon, malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At sa pamamagitan ng palabunutan, pipiliin niya kung alin sa dalawang kambing ang para sa Panginoon at ang para kay Azazel.[c] Ang kambing na nabunot sa pamamagitan ng palabunutan na para sa Panginoon ay ang ihahandog niya bilang handog sa paglilinis. 10 Pero ang kambing na nabunot para kay Azazel ang ihahandog niyang buhay sa Panginoon at saka niya ito pakakawalan sa ilang para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan.

Ang mga Detalye ng Seremonyang Iyon

11 Papatayin ni Aaron ang batang toro bilang handog sa paglilinis para sa kanyang sarili at sa sambahayan niya. 12 Pagkatapos, kukuha siya ng lalagyan ng insenso at pupunuin niya ng baga galing sa altar na nasa loob ng Tolda. At kukuha rin siya ng dalawang dakot ng mabangong insenso na pinong-pino, at dadalhin niya sa loob ng Pinakabanal na Lugar. 13 Doon sa presensya ng Panginoon, ilalagay niya ang insenso sa apoy, at ang usok nito ay papailanlang sa palibot ng takip ng Kahon ng Kasunduan, kaya hindi siya mamamatay. 14 Kukuha rin siya ng dugo ng batang toro at tatayo sa harap ng Kahon ng Kasunduan na nakaharap sa silangan. At sa pamamagitan ng mga daliri niya, iwiwisik niya ang dugo sa takip ng pitong beses.

15 Papatayin din niya ang kambing bilang handog sa paglilinis para sa mga tao. Dadalhin din niya ang dugo nito sa Pinakabanal na Lugar at iwiwisik sa takip ng Kahon ng Kasunduan katulad ng kanyang ginawa sa dugo ng batang toro. 16 Ganito ang paraan na gagawin ni Aaron para luminis ang Pinakabanal na Lugar dahil sa karumihan ng mga taga-Israel at sa kanilang mga kasalanan at pagsuway. Itoʼy gagawin din ni Aaron sa lahat ng bahagi ng Tolda[d] na nasa gitna ng maruming mga taga-Israel. 17 Walang sinumang mananatili sa loob ng Tolda sa oras na pumasok si Aaron sa loob ng Pinakabanal na Lugar hanggang sa siyaʼy lumabas. Pagkatapos niyang magawa ang seremonya para matubos siya, ang sambahayan niya at ang lahat ng taga-Israel, 18 saka siya lalabas mula sa Pinakabanal na Lugar at pupunta siya sa altar, malapit sa may pintuan ng Tolda. Kukuha siya ng dugo ng baka at ng kambing na inihandog at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar para iyon ay linisin. 19 Sa pamamagitan ng kanyang mga daliri, iwiwisik niya ng pitong beses ang natirang dugo sa altar para itoʼy ihandog sa Panginoon at upang itoʼy linisin sa karumihan dahil sa kasalanan ng mga taga-Israel.

20 Pagkatapos magawa ni Aaron ang paglilinis sa Pinakabanal na Lugar at sa iba pang bahagi ng Tolda pati na ang altar, dadalhin niya sa gitna ang buhay na kambing. 21 Ipapatong niya ang dalawang kamay niya sa ulo ng kambing at ipapahayag ang lahat ng kasalanan at pagsuway ng mga taga-Israel. Sa ganitong paraan, malilipat ang kanilang kasalanan sa ulo ng kambing. Pagkatapos, ibibigay ni Aaron ang kambing sa taong namamahalang magpakawala nito roon sa ilang. 22 Kaya dadalhin ng kambing ang lahat ng kasalanan ng mga taga-Israel doon sa ilang.

23 Pagkatapos, papasok si Aaron sa Tolda at huhubarin niya ang kanyang damit bilang punong pari na kanyang isinuot bago siya pumasok sa Pinakabanal na Lugar at iiwan niya iyon doon. 24 Maliligo siya sa banal na lugar doon sa Tolda at saka niya isusuot ang pangkaraniwan niyang damit. Pagkatapos, lalabas siya at ihahandog ang dalawang handog na sinusunog para mapatawad ang kanyang mga kasalanan at ang kasalanan ng mga taga-Israel. 25 Susunugin din niya sa altar ang mga taba ng hayop na iniaalay bilang handog sa paglilinis.

26 Ang taong nagpakawala ng kambing sa ilang para kay Azazel ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo. 27 Ang mga natirang bahagi ng baka at kambing na ang dugo ay dinala sa Pinakabanal na Lugar para sa paglilinis ay kailangang dalhin sa labas ng kampo at sunugin. 28 At ang taong magsusunog nito ay kinakailangang maglaba rin ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo.

29-31 Ito naman ang mga tuntuning dapat gawin ng mga katutubong Israelita at mga dayuhang naninirahang kasama nila, at itoʼy dapat sundin magpakailanman. Sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, dapat silang mag-ayuno at huwag magtrabaho, katulad ng Araw ng Pamamahinga. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa kanilang mga kasalanan para silaʼy maging malinis sa presensya ng Panginoon. 32 Sa mga susunod na salinlahi, ang paring napili at inordinahan upang pumalit sa kanyang ama bilang punong pari ang siyang gagawa ng seremonyang ito. Isusuot niya ang kanyang damit bilang punong pari, 33 at gagawin niya ang seremonya ng paglilinis sa Pinakabanal na Lugar, ng iba pang bahagi ng Tolda pati na ang altar, ng mga pari, at ng mga mamamayan ng Israel.

34 Kinakailangang sundin nila ang mga tuntuning ito magpakailanman. At itoʼy gagawin nila minsan sa isang taon.

At ginawa ito ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Salmo 19

Ang Kadakilaan ng Salita ng Dios

19 Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios,
    ang gawa ng kanyang kamay.
Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa kanyang kapangyarihan.
Kahit na walang salita o tinig kang maririnig,
ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig.

    Iginawa ng Dios ang araw ng tirahan sa kalangitan.
Tuwing umagaʼy sumisikat ang araw,
    na parang lalaking bagong kasal na lumalabas sa bahay nila nang may galak.
    O katulad din ng isang manlalarong kampeon sa takbuhan, na nasasabik na tumakbo.
Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran.
    At ang kanyang init, hindi mapagtataguan.

Ang Kautusan ng Panginoon

Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
    Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
    Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
    at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
    Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
    Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
    at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
    May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.

12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
    Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
    at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
    Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
    at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
    Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!

Kawikaan 30

Ang mga Kawikaan ni Agur

30 Ito ang mga kawikaan ni Agur na anak ni Jakeh na taga-Masa. Sinabi niya ito kina Itiel at Ucal:

“Ako ang pinakamangmang sa lahat ng tao.
    Ang isip koʼy parang hindi sa tao.
Hindi ako natuto ng karunungan,
    at tungkol naman sa Dios ay wala akong nalalaman.
May tao bang nakaakyat na sa langit at bumaba sa mundo?
    May tao bang nakadakot ng hangin sa kanyang mga kamay o kaya ay nakabalot ng tubig sa kanyang damit?
    May tao bang nakapaglagay ng hangganan sa mundo?
    Kung may kilala ka, sabihin mo sa akin ang kanyang pangalan at ang pangalan ng kanyang anak.
Ang bawat salita ng Dios ay tunay na mapagkakatiwalaan.
    Siya ay tulad ng panangga sa mga umaasa ng kanyang pag-iingat.
Huwag mong dadagdagan ang kanyang mga salita,
    dahil kung gagawin mo ito, sasawayin ka niya at ipapakita na ikaw ay sinungaling.”

Panginoon, may dalawang bagay akong hihilingin sa inyo. Kung maaari ibigay nʼyo ito sa akin bago ako mamatay. Una, tulungan nʼyo ako na huwag magsinungaling. Pangalawa, huwag nʼyo akong payamanin o pahirapin, sa halip bigyan nʼyo lamang ako ng sapat para sa aking mga pangangailangan. Dahil kung yumaman ako, baka sabihin kong hindi ko na kayo kailangan; at kung ako naman ay maghirap, baka matuto akong magnakaw at mailagay ko kayo sa kahihiyan.

Dagdag pang mga Kawikaan

10 Huwag mong sisiraan ang katulong sa harap ng kanyang amo, baka isumpa ka niya at magdusa ka.
11 May mga anak na hindi nananalangin sa Dios na pagpalain ang kanilang mga magulang, sa halip sinusumpa pa nila sila.
12 May mga tao na ang tingin sa sarili ay tunay na perpekto, ngunit ang totoo ang buhay nila ay madumi.
13 May mga taong mapagmataas na kung tumingin akala mo kung sino.
14 May mga tao namang sakim at napakalupit, pati mahihirap ay kanilang ginigipit.
15 Ang mga taong sakim ay parang linta. Ang laging sinasabi ay, “Bigyan mo ako!”
May apat[a] na bagay na hindi kontento:
16     ang libingan,
    ang babaeng baog,
    ang lupang walang tubig,
    at ang apoy.

17 Ang anak na kumukutya at sumusuway sa kanyang magulang ay tutukain ng uwak sa mga mata, at kakainin ng mga agila ang bangkay niya. 18 May apat[b] na bagay na para sa akin ay kahanga-hanga at hindi ko maunawaan:

19 Kung paano nakakalipad ang agila sa kalangitan,
    kung paano nakakagapang ang ahas sa batuhan,
    kung paano nakapaglalayag ang barko sa karagatan,
    at ang pamamaraan ng lalaki sa babae.

20 Ganito ang ginagawa ng babaeng nagtataksil sa kanyang asawa: Sumisiping siya sa ibang lalaki pagkatapos sasabihin niyang wala siyang ginagawang masama.

21 May apat[c] na bagay na hindi matanggap ng mga tao sa mundo:

22-23 Ang aliping naging hari,
    ang mangmang na sagana sa pagkain,
    ang babaeng masungit na nakapag-asawa,
    at ang babaeng alipin na pumalit sa kanyang amo.

24 May apat na hayop dito sa mundo na maliit ngunit may pambihirang kaisipan:

25 Ang mga langgam, kahit mahina, nag-iipon sila ng pagkain kung tag-araw.
26 Ang mga badyer,[d] kahit mahihina sila, nakagagawa sila ng kanilang tirahan sa mabatong lugar.
27 Ang mga balang, kahit walang namumuno, maayos na lumilipad nang sama-sama.
28 Ang mga butiki, kahit madaling hulihin ng kamay, matatagpuan kahit sa palasyo ng hari.

29 May apat[e] na nilalang na akala mo kung sino kapag lumakad:

30 ang leon (pinakamatapang sa lahat ng hayop at walang kinatatakutan),
31 ang tandang,
    ang lalaking kambing,
    at ang haring nangunguna sa kanyang mga kawal.

32 Kung sa kahangalan moʼy nagmamayabang ka at nagbabalak ng masama, tigilan mo na iyan! 33 Hindi ba kapag hinalo nang hinalo ang malapot na gatas ay magiging mantikilya?[f] Hindi ba kapag sinuntok mo ang ilong ng isang tao ay magdurugo ito? Kaya kapag ginalit mo ang tao tiyak na magkakaroon ng gulo.

1 Timoteo 1

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa.

Mahal kong Timoteo, tunay kong anak sa pananampalataya:

Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang galing sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Babala sa mga Maling Aral

Gaya ng ibinilin ko sa iyo noong papunta ako sa Macedonia, manatili ka muna riyan sa Efeso para patigilin ang ilang tao riyan na nagtuturo ng maling doktrina. Pagsabihan mo rin sila na huwag pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat at ang pagsasaliksik sa kung sinu-sino ang mga ninuno nila. Nagdudulot lang ng pagtatalo-talo ang mga bagay na ito. Hindi ito makakatulong para malaman nila ang kalooban ng Dios. Malalaman lang natin ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang layunin ng utos kong ito ay magmahalan sila. At magagawa lang nila ito kung malinis ang kanilang puso at konsensya, at kung tunay ang pananampalataya nila. May ilang tumalikod na sa mga bagay na ito, at bumaling sa walang kwentang pakikipagtalo. Gusto nilang maging tagapagturo ng Kautusan, pero hindi naman nila nauunawaan ang mga sinasabi nila, ni ang mga bagay na pilit nilang pinaniniwalaan.

Alam nating mabuti ang Kautusan kung ginagamit ito sa wastong paraan. Dapat nating alalahanin na hindi ibinigay ang Kautusan para sa mga matuwid kundi para sa mga lumalabag sa batas, suwail, ayaw kumilala sa Dios, makasalanan, walang hilig sa kabanalan, lapastangan, pumapatay sa sariling magulang, at mga mamamatay-tao. 10 Ang Kautusan ay ibinigay din para sa mga gumagawa ng sekswal na imoralidad, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, kidnaper, sinungaling at tumetestigo nang hindi totoo, at sa sinumang sumasalungat sa tamang aral 11 na naaayon sa Magandang Balita ng[a] dakila at mapagpalang Dios. Ipinagkatiwala sa akin Ang Magandang Balitang ito para ipahayag.

Pasasalamat sa Awa ng Dios

12 Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na ating Panginoon na nagbigay sa akin ng lakas na maglingkod sa kanya, dahil itinuring niya akong mapagkakatiwalaan. Kaya nga pinili niya akong maglingkod sa kanya, 13 kahit na nilapastangan ko siya noong una. Bukod pa riyan, inusig at nilait ko ang mga sumasampalataya sa kanya. Ngunit kinaawaan ako ng Dios, dahil ginawa ko ito noong hindi pa ako sumasampalataya sa kanya at hindi ko alam ang ginagawa ko. 14 Sadyang napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa akin ng ating Panginoon, pati na ang pag-ibig at pananampalataya, na napasaatin dahil kay Cristo Jesus. 15 Ito ang katotohanang dapat tanggapin at paniwalaan ng lahat: naparito si Cristo Jesus sa mundo para iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamakasalanan sa lahat. 16 Ngunit kinaawaan ako ng Dios para maipakita ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ko kung gaano siya katiyaga sa mga makasalanan. Magsisilbing halimbawa ang ginawa ni Cristo sa akin para sa iba na sasampalataya sa kanya na pagkakalooban niya ng buhay na walang hanggan. 17 Purihin at dakilain magpakailanman ang Haring walang hanggan at walang kamatayan – ang di-nakikita at nag-iisang Dios. Amen.

18 Timoteo, anak ko, ibinibilin ko sa iyo na huwag mong kalimutan ang sinabi noon ng mga propeta tungkol sa iyo, para magawa mong makipaglaban nang mabuti sa mga sumasalungat sa katotohanan. 19 Ingatan mo ang pananampalataya mo at panatilihin mong malinis ang konsensya mo. May mga taong hindi nakinig sa konsensya nila, at dahil dito, sinira nila ang kanilang pananampalataya. 20 Kabilang na rito sina Hymeneus at Alexander na ipinaubaya ko na kay Satanas para maturuang huwag lumapastangan sa Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®