M’Cheyne Bible Reading Plan
Iba't Ibang Karumihan ng Katawan
15 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 2 “Sabihin ninyo ito sa bayang Israel: Ang sinumang lalaking may tulo ay ituturing na marumi. 3 At ito ang susundin niyang tuntunin malalâ man o hindi ang kanyang sakit, sapagkat siya'y itinuturing na marumi. 4 Ang alinmang higaan at upuang gamitin niya ay ituturing na marumi. 5 Sinumang makahipo sa higaan nito ay dapat maligo at magbihis. Lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi. 6 Gayon din ang dapat gawin ng umupo sa inupuan ng may tulo; lalabhan din ang damit, maliligo at magbibihis at ituturing na marumi hanggang gabi. 7 Ang humawak sa may sakit na tulo ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit, at ituturing siyang marumi hanggang gabi. 8 Sinumang maduraan ng may ganitong sakit ay dapat ding maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y ituturing na marumi hanggang gabi. 9 Ituturing ding marumi ang upuan na ginamit sa hayop na sinakyan niya. 10 Ang sinumang makahipo sa anumang bagay na kanyang hinigan ay ituturing na marumi. Ang sinumang magdala ng kanyang inupuan ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi. 11 Ang sinumang mahawakan ng lalaking may sakit na tulo na di muna naghugas ng kamay ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi. 12 Ang mga sisidlang yari sa putik na mahipo niya ay dapat basagin; kung sisidlang kahoy naman, dapat itong hugasang mabuti.
13 “Kung ang maysakit nito ay gumaling na, maghihintay siya ng pitong araw saka maglilinis. Sa ikapitong araw, lalabhan niya ang kanyang kasuotan at maliligo sa umaagos na batis at siya'y magiging malinis na. 14 Kinabukasan, kukuha siya ng dalawang batu-bato o kaya'y dalawang kalapati at dadalhin niya sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ibibigay niya ito sa pari 15 upang ihandog, ang isa'y para sa kasalanan at ang isa nama'y handog na susunugin. Ganito lilinisin ng pari sa harapan ni Yahweh ang taong nagkasakit ng tulo.
16 “Kapag ang isang lalaki ay nilabasan ng sariling binhi, dapat siyang maligo; ituturing siyang marumi hanggang gabi. 17 Dapat labhan ang alinmang kasuotang yari sa tela o balat ng hayop na nabahiran nito, at hugasan ang alinmang bahagi ng katawan na natuluan ng binhi; iyo'y ituturing na marumi hanggang gabi. 18 Pagkatapos magtalik ang isang lalaki at isang babae, dapat maligo silang pareho; sila'y ituturing na marumi hanggang gabi.
19 “Ang sinumang babaing nireregla ay pitong araw na ituturing na marumi. Ituturing ding marumi hanggang gabi ang makahawak sa kanya. 20 Ang anumang kanyang mahigaan o maupuan sa loob ng panahong iyon ay ituturing na marumi. 21 Ang sinumang makahipo sa higaan niya ay dapat maligo, lalabhan nito ang kanyang kasuotan, at siya'y ituturing ding marumi hanggang gabi. 22 Ang sinumang makahawak sa anumang maupuan ng babaing ito ay dapat ding maligo, lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi. 23 Ang makahawak ng anumang nasa hinigaan o inupuan ng babaing iyon ay ituturing na marumi hanggang gabi. 24 Sinumang lalaking makipagtalik sa babaing may regla ay pitong araw na ituturing na marumi. Anumang kanyang mahigaan ay ituturing ding marumi.
25 “Kung ang sinumang babae ay dinudugo nang wala sa panahon, o lumampas kaya sa takdang panahon ng kanyang pagreregla, ituturing siyang marumi habang siya'y dinudugo, tulad nang siya'y nireregla. 26 Ang anumang mahigaan o maupuan niya sa loob ng panahong iyon ay ituturing na marumi, tulad din ng siya'y nireregla. 27 Ang sinumang makahipo sa mga bagay na ito ay dapat maligo; lalabhan niya ang kanyang kasuotan at ituturing siyang marumi hanggang gabi. 28 Kung huminto na ang kanyang pagdurugo, siya'y bibilang ng pitong araw mula noon at magiging malinis na siya. 29 Sa ikawalong araw, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati at dadalhin niya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 30 Ihahandog ang isa nito para sa kasalanan, at ang isa nama'y handog na susunugin. Sa ganitong paraan lilinisin siya ng pari sa harapan ni Yahweh.
31 “Ganito ninyo ilalayo sa karumihan ang mga taga-Israel sapagkat kung hindi ninyo ito gagawin, mamamatay sila sa paglapastangan sa tabernakulo na nasa gitna nila.”
32 Ito ang mga tuntunin para sa paglilinis ng lalaking may tulo, o nilabasan ng sariling binhi, 33 sa babaing nireregla, at sa lalaking makikipagtalik sa isang babaing itinuturing na marumi.
Awit ng Tagumpay ni David(A)
Upang awitin ng Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ni Yahweh: inawit niya ito nang siya'y iligtas ni Yahweh mula sa kanyang mga kaaway at kay Saul.
18 O Yahweh, ika'y aking minamahal,
ikaw ang aking kalakasan!
2 Si Yahweh ang aking batong tanggulan,
ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan,
tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
3 Kay Yahweh ako'y tumatawag,
sa aking mga kaaway ako'y inililigtas.
Karapat-dapat purihin si Yahweh!
4 Ginapos ako ng tali ng kamatayan;
tinabunan ako ng alon ng kapahamakan.
5 Nakapaligid sa akin ang panganib ng kamatayan,
nakaumang sa akin ang bitag ng libingan.
6 Kaya't si Yahweh ay aking tinawag;
sa aking paghihirap, humingi ng habag.
Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig,
pinakinggan niya ang aking paghibik.
7 Ang buong lupa ay nauga at nayanig,
pundasyon ng mga bundok ay nanginig,
sapagkat ang Diyos ay galit na galit!
8 Lumabas ang usok sa kanyang ilong,
mula sa kanyang bibig ay mga baga at apoy.
9 Nahawi ang langit at siya'y bumabâ,
makapal na ulap ang tuntungan niya.
10 Sa isang kerubin siya ay sumakay;
sa papawirin mabilis na naglakbay.
11 Ang kadilima'y ginawa niyang takip,
maitim na ulap na puno ng tubig.
12 Gumuhit ang kidlat sa harapan niya,
at mula sa ulap, bumuhos kaagad
ang maraming butil ng yelo at baga.
13 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
tinig ng Kataas-taasan, agad narinig.
14 Dahil sa mga palaso na kanyang itinudla, ang mga kaaway ay nangalat sa lupa;
nagsala-salabat ang guhit ng kidlat, lahat ay nagulo kaya't nagsitakas.
15 Dahil sa galit mo, O Yahweh,
sa ilong mo galing ang bugso ng hangin;
kaya't ang pusod ng dagat ay nalantad,
mga pundasyon ng lupa ay nahayag.
16 Mula sa kalangitan, itong Panginoon,
sa malalim na tubig, ako'y iniahon.
17 Iniligtas ako sa kapangyarihan
ng mga kaaway na di ko kayang labanan;
18 Sinalakay nila ako noong ako'y naguguluhan,
ngunit si Yahweh ang sa aki'y nagsanggalang.
19 Nang nasa panganib, ako'y kanyang tinulungan,
ako'y iniligtas sapagkat kanyang kinalulugdan!
20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.
25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.
28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
upang tanggulan nito ay aking maagaw.
30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
31 Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay;
tanging Diyos lamang ang batong tanggulan.
32 Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas,
sa daraanan ko'y siyang nag-iingat.
33 Tulad(B) ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.
34 Sinasanay niya ako sa pakikipagdigma,
upang mabanat ko ang pinakamatigas na pana.
35 Iniingatan mo ako at inililigtas;
sa iyong pagkalinga, ako ngayo'y tanyag,
sa iyong pagtulong, ako'y naging matatag.
36 Inalalayan mo sa bawat paghakbang,
ang mga paa ko'y ni hindi nadulas.
37 Mga kaaway ko'y aking hinahabol,
di ako tumitigil hanggang di sila nalilipol.
38 Di sila makabangon kapag ako'y sumalakay;
sa paanan ko'y bagsak sila at talunan.
39 Pinapalakas mo ako para sa labanan,
at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
40 Mga kaaway ko'y pinapaatras mo,
mga napopoot sa akin ay pinupuksa ko.
41 Humihingi sila ng saklolo ngunit walang tumutulong,
tumatawag rin kay Yahweh ngunit hindi siya tumutugon.
42 Dinurog ko sila, hanggang sa matulad
sa pinong alikabok na ipinapadpad;
aking itinapon, niyapak-yapakan kagaya ng putik sa mga lansangan.
43 Sa mapanghimagsik na bayan ako'y iniligtas mo,
sa maraming bansa'y ginawa mo akong pangulo.
Ang aking nasasakupan ngayo'y marami na,
kahit na nga sila ay hindi ko kilala.
44 Sa bawat utos ko, sila'y sumusunod,
maging mga dayuhan, sa aki'y yumuyukod.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
nanginginig papalabas sa kanilang muog.
46 Buháy si Yahweh, Diyos ko't Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat!
Ang kanyang kadakilaa'y ating ipahayag!
47 Pinagtatagumpay niya ako sa mga kaaway,
mga bansa'y ipinapailalim niya sa aking paanan;
48 at inililigtas niya ako sa aking mga kalaban.
Laban sa mararahas, ako'y pinagtatagumpay,
sa aking kaaway, ika'y aking kalasag at patnubay.
49 Sa(C) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
ang karangalan mo'y aking aawitin,
ang iyong pangalan, aking sasambahin.
50 Dakilang tagumpay ibinibigay ng Diyos sa kanyang hari;
tapat na pag-ibig ipinadarama niya sa kanyang pinili,
kay David at sa lahat ng kanyang salinlahi.
29 Ang taong ayaw magbago ay hindi maliligtas;
ang hindi makinig ng payo ay mapapahamak.
2 Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya,
ngunit tumatangis ang bayan kung ang pinuno ay masama.
3 Ang nagpapahalaga sa karunungan ay nagbibigay galak sa magulang,
ngunit ang nakikisama sa patutot ay nagwawaldas ng kayamanan.
4 Ang kaharian ay matatag kung ang hari'y makatarungan,
ngunit ito'y mawawasak kung sa salapi siya'y gahaman.
5 Ang kunwang pumupuri sa kanyang kapwa,
nag-uumang ng bitag na sa sarili inihahanda.
6 Ang masama ay nahuhuli sa sariling kasalanan,
ngunit ang matuwid ay panatag, may awit ng kagalakan.
7 Kinikilala ng matuwid ang karapatan ng mahirap,
ngunit ito'y balewala sa mga taong swapang.
8 Ang buong bayan ay ginugulo ng palalo,
ngunit ang galit ay pinapawi ng taong matino.
9 Kapag inihabla ng may unawa ang isang taong mangmang,
ito'y hahalakhak lang at lilikha ng kaguluhan.
10 Ang mamamatay-tao ay namumuhi sa taong tapat,
ngunit ang matuwid, sa kanila'y nag-iingat.
11 Kung magalit ang mangmang ay walang pakundangan,
ngunit ang matalino'y nagpipigil na ang galit niya'y mahalata.
12 Kapag nakinig ang hari sa kasinungalingan,
lahat ng lingkod niya'y mabubuyo sa kasamaan.
13 Magkapareho sa iisang bagay ang mahirap at maniniil:
Si Yahweh ang may bigay ng kanilang paningin.
14 Kung ang pagtingin ng hari ay pantay-pantay,
magiging matatag magpakailanman ang kanyang kaharian.
15 Disiplina at pangaral, hatid ay karunungan;
ngunit ang batang suwail, sa magulang ay kahihiyan.
16 Kapag masama ang namamahala, naglipana ang karahasan,
ngunit masasaksihan ng matuwid ang kanilang kapahamakan.
17 Ang anak mo'y busugin sa pangaral,
at pagdating ng araw, siya'y iyong karangalan.
18 Ang bansang walang patnubay ng Diyos ay puno ng kaguluhan,
ngunit mapalad ang taong sumusunod sa Kautusan.
19 Ang(A) utusan ay di matututo kung ito lang ay pagsasabihan,
pagkat di niya susundin kahit ito ay maunawaan.
20 Mabuti nang di hamak ang hangal
kaysa taong ang sinasabi'y hindi na pinag-iisipan.
21 Kapag ang utusan ay iyong pinalayaw,
siya na ang mag-uutos pagdating ng araw.
22 Ang taong magagalitin ay laging napapasok sa gulo;
laging nakikipag-away dahil sa init ng ulo.
23 Ang magbabagsak sa tao'y ang kanyang kapalaluan,
ngunit ang mapagpakumbaba ay magtatamo ng karangalan.
24 Ang makipagsabwatan sa magnanakaw ay mahirap na kalagayan:
Kapag nagsabi ng totoo, ipabibilanggo ng hukuman,
ngunit paparusahan naman ng Diyos kapag ang sinabi'y kasinungalingan.
25 Huwag mong ikabahala ang sinasabi ng iba,
magtiwala ka kay Yahweh at mapapanatag ka.
26 Marami ang lumalapit sa hari upang humingi ng tulong,
ngunit kay Yahweh lamang makakamtan ang katarungan.
27 Ang masama ay kinasusuklaman ng mga matuwid;
ang masasama nama'y sa matuwid nagagalit.
Ipanalangin Ninyo Kami
3 Mga kapatid, bilang pagtatapos, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at parangalan ng lahat, tulad ng ginawa ninyo. 2 Idalangin din ninyong maligtas kami sa mga taong mapaminsala at masasama, sapagkat hindi lahat ay may pananampalataya sa Diyos.
3 Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapatatag at mag-iingat sa inyo laban sa Masama. 4 Dahil sa Panginoon, malaki ang aming pagtitiwala na sinusunod ninyo at patuloy na susundin ang mga itinuro namin sa inyo.
5 Patnubayan nawa kayo ng Panginoon upang lalo ninyong maunawaan ang pag-ibig ng Diyos at ang katatagang nagmumula kay Cristo.
Babala Laban sa Katamaran
6 Mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo na layuan ninyo ang sinumang kapatid na tamad at ayaw sumunod sa mga turo na ibinigay namin sa inyo. 7 Alam naman ninyo na dapat ninyong tularan ang aming ginawa. Hindi kami naging tamad nang kami'y kasama pa ninyo. 8 Hindi kami nakikain kaninuman nang walang bayad. Nagtrabaho kami araw-gabi upang hindi makabigat kaninuman sa inyo. 9 Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang kayo'y bigyan ng halimbawang dapat tularan. 10 Nang kami ay kasama pa ninyo, ito ang itinuro namin sa inyo, “Ang ayaw magtrabaho ay hindi dapat kumain.”
11 Binanggit namin ito dahil nabalitaan naming may ilan sa inyong ayaw magtrabaho, at walang inaatupag kundi ang makialam sa buhay ng may buhay. 12 Sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, mahigpit naming iniuutos sa mga taong ito na sila'y maghanapbuhay nang maayos at huwag umasa sa iba.
13 Mga kapatid, huwag kayong magsasawa sa paggawa ng mabuti. 14 Maaaring mayroon sa inyo diyan na hindi susunod sa sinasabi namin sa sulat na ito. Kung magkagayon, tandaan ninyo siya at huwag kayong makisama sa kanya, upang siya'y mapahiya. 15 Ngunit huwag naman ninyo siyang ituring na kaaway; sa halip, pagsabihan ninyo siya bilang kapwa mananampalataya.
Bendisyon
16 Ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang siya nawang magkaloob sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng paraan at pagkakataon. Nawa'y sumainyong lahat ang Panginoon.
17 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito. Ito ang aking lagda sa lahat ng sulat ko. Ganito ako sumulat.
18 Sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.