Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 13

Mga Tuntunin Tungkol sa Nakakahawang Sakit sa Balat

13 Ang mga tuntuning ito ay ibinigay ng Panginoon kina Moises at Aaron: Kung ang balat ng isang tao ay namamaga, may mga butlig at namumuti, iyon ay tanda ng malubhang sakit sa balat.[a] Siyaʼy dapat dalhin sa paring si Aaron o sa isa sa mga paring mula sa angkan niya. Susuriin ng pari ang balat niya, at kung makita niyang ang balahibo ay namumuti at parang tagos sa laman, may nakakahawang sakit sa balat ang taong iyon. Ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay itinuturing na marumi.[b] Pero kung ang namumuting balat ay hindi tagos sa laman at hindi rin namumuti ang balahibo, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. Sa ikapitong araw, susuriin siyang muli ng pari, at kung makita niyang ganoon pa rin ang kanyang balat, at hindi kumalat, siyaʼy ibubukod pa rin ng pari sa mga tao sa loob pa rin ng pitong araw. At sa ikapitong araw, muli siyang susuriin ng pari. At kung gumaling na ang kanyang sakit sa balat at hindi ito kumalat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis[c] na, dahil itoʼy butlig lang. Pagkatapos nito, lalabhan ng tao ang kanyang damit,[d] at siyaʼy ituturing na malinis na. Pero kung kumalat ang mga butlig sa kanyang balat pagkatapos na siyaʼy magpasuri sa pari at ipinahayag na siyaʼy malinis na, dapat muli siyang magpasuri sa pari. At kung kumalat na ang mga butlig, muling ipapahayag ng pari na marumi siya dahil may sakit siya sa balat na nakakahawa.

Ang sinumang may nakakahawang sakit sa balat ay dapat magpasuri sa pari. 10 Kung sa tingin ng pari ay namumuti ang namamagang balat o namumuti ang balahibo, at nagkakasugat na, 11 itoʼy isang sakit na paulit-ulit at nakakahawa. Kaya ipapahayag ng pari na marumi siya. Hindi na kailangang ibukod pa siya para suriin dahil tiyak nang marumi siya.

12 Kung sa pagsusuri ng pari ay kumalat na ang sakit sa buong katawan ng tao, 13 kailangan pa rin niya itong suriing mabuti. At kung talagang kumalat na nga sa buong katawan ang sakit, at namumuti na ang lahat ng kanyang balat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.[e] 14-15 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nagkakasugat na ang kanyang sakit sa balat, ipapahayag niya na ang taong itoʼy marumi at may sakit sa balat na nakakahawa. At ang lumalabas sa sugat ay ituturing na marumi. 16 Ngunit kung gumaling ang sugat at pumuti ang balat, muli siyang magpapasuri sa pari. 17 At kung makita ng pari na talagang magaling na ito, ipapahayag ng pari na malinis na siya.

18 Kung ang isang taoʼy may bukol na gumaling, 19 pero muling namaga o namuti, itoʼy dapat ipasuri sa pari. 20 At kung nagkasugat at ang mga balahibo ay pumuti, ipapahayag ng pari na marumi ang taong iyon, dahil ang taong itoʼy may sakit sa balat na nakakahawa at nagsimula ito sa bukol. 21 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang hindi naman nagkakasugat ang balat at hindi rin namumuti ang balahibo at parang gumagaling na ito, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 22 Ngunit kung itoʼy kumalat sa ibang bahagi ng balat, ipapahayag ng pari na siyaʼy marumi dahil iyon ay tanda na may sakit siya sa balat na nakakahawa. 23 Pero kung hindi naman kumalat, at itoʼy peklat lang ng gumaling na bukol, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.

24 Kung ang isang tao ay napaso at naimpeksiyon ito, at ito ay namumuti o namumula, 25 itoʼy dapat ipasuri sa pari at kung itoʼy nagkakasugat at ang balahibo ay namumuti, may sakit siya sa balat na nagsimula sa paso. Itoʼy nakakahawa kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy marumi. 26 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay wala namang nagkakasugat at hindi rin namumuti ang balahibo, at parang gumagaling na ito, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 27 At sa ikapitong araw, muli siyang susuriin ng pari kung ang sakit ay kumalat sa ibang bahagi ng balat, ipapahayag ng pari na marumi siya dahil iyon ay tanda ng sakit sa balat na nakakahawa. 28 Pero kung hindi naman kumakalat at medyo gumagaling na, pamamaga lang iyon ng napaso. Kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.

29 Kung ang isang tao[f] ay may tanda ng nakakahawang sakit sa balat sa ulo o sa baba, 30 dapat ipasuri niya iyon sa pari. Kung iyon ay sugat na nga, at ang buhok o balbas ay naninilaw at madalang ang pagtubo, ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay marumi, dahil may sakit siya sa balat na nakakahawa sa ulo o baba. 31 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niya na hindi naman lumalalim ang sugat at wala ng maitim na buhok o balbas, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 32 At sa ikapitong araw, muling susuriin ng pari ang kanyang sakit sa balat. At kung hindi naman kumalat at hindi rin nagkasugat ang balat at hindi rin naninilaw ang buhok o balbas, 33 dapat niyang kalbuhin ang kanyang buhok o ahitin ang kanyang balbas, maliban sa bahaging may sakit sa balat. At muli siyang ibubukod ng pari ng pitong araw pa. 34 At sa ikapitong araw, muling susuriin ng pari ang kanyang sakit. At kung hindi na kumalat ang sakit sa balat at hindi rin nagkasugat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis. Kaya lalabhan niya ang kanyang damit, at ituturing na siyang malinis. 35 Pero kung ang sakit sa balat ay muling kumalat sa kanyang katawan pagkatapos na maipahayag ng pari na malinis na siya, 36 muli siyang susuriin ng pari. At kung kumalat na ang sakit sa kanyang balat, hindi na niya kailangang magpasuri pa sa pari kung may buhok o balbas na naninilaw dahil tiyak na marumi siya. 37 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay hindi iyon kumalat, at may itim na buhok o balbas na tumutubo, magaling na iyon. Kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.

38 Kung may namumuti sa balat ng isang tao, 39 kinakailangang magpasuri siya sa pari. At kung ang mga namumuting balat ay maputla, iyon ay mga butlig lang na tumutubo sa balat. Kaya ang taong iyon ay ituturing na malinis.

40-41 Kung ang isang tao ay nakakalbo sa bandang noo o sa gitna ng ulo, malinis siya. 42-44 Pero kung may namumula at namamaga sa nakakalbong bahagi ng kanyang ulo, dapat siyang magpatingin sa pari. At kung ang namumula at namamaga ay katulad sa nakakahawang sakit sa balat na tumutubo sa ibang bahagi ng katawan, ipapahayag ng pari na marumi siya.

45 Ang taong may sakit sa balat na nakakahawa ay dapat magsuot ng punit na damit, guluhin niya ang kanyang buhok, at takpan ang ibabang bahagi ng kanyang mukha. At siyaʼy sisigaw, “Akoʼy marumi! Akoʼy marumi!” 46 Siyaʼy ituturing na marumi habang siyaʼy hindi gumagaling sa sakit niyang iyon. At dapat siyang tumirang nag-iisa sa labas ng kampo.

Mga Tuntunin Tungkol sa Amag sa Damit

47-50 Kung ang may sakit sa balat na nakakahawa ay magkakaroon ng amag[g] sa damit na lana o linen o anumang gamit na yari sa balat, itoʼy dapat ipasuri sa pari. Pagkatapos suriin ng pari ang damit o balat, ibubukod niya iyon sa loob ng pitong araw. 51-52 Sa ikapitong araw, muli itong titingnan ng pari. At kung kumalat pa ang amag, ituturing na marumi ang damit o balat na iyon, at dapat sunugin dahil ang amag na ito ay kumakalat 53 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang hindi naman ito kumakalat, 54 palalabhan niya ang damit o balat na iyon, at ibubukod sa loob ng pitong araw. 55 Pagkatapos ng pitong araw, muli itong titingnan ng pari. Kung ang amag ay hindi nagbabago ang kulay, ang damit o balat na iyon ay ituring na marumi kahit hindi na kumalat ang amag, at dapat sunugin, nasa labas man o nasa loob ng damit ang amag. 56 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang kumukupas ang amag, punitin na lang niya ang bahaging iyon ng damit o balat na may amag. 57 Ngunit kung may lumitaw pa ring amag at kumalat, dapat nang sunugin ang damit o balat. 58 Kung nawala ang amag pagkatapos labhan ang damit o balat, muli itong labhan at itoʼy ituturing na malinis na. 59 Ito ang mga tuntunin kung papaano malalaman ang malinis o maruming damit na lana o linen o anumang gamit na yari sa balat na nagkaroon ng amag.

Salmo 15-16

Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya

15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
    Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?

Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
    namumuhay ng tama,
    walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
hindi naninirang puri,
    at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
    ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
    Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
    at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
    Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.

Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios

16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
    dahil sa inyo ako nanganganlong.
Kayo ang aking Panginoon.
    Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
    lubos ko silang kinalulugdan.
Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
    Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
    at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.

Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
    Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
    Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
    Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
    At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
Panginoon palagi ko kayong iniisip,
    at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
    at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
    hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
    at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.

Kawikaan 27

27 Huwag mong ipagyabang ang gagawin mo bukas, sapagkat hindi mo alam kung anong mangyayari sa araw na iyon.
Huwag mong purihin ang iyong sarili; pabayaan mong iba ang sa iyo ay pumuri.
Ang buhangin at bato ay mabigat, pero mas mabigat na problema ang idudulot ng taong hangal.
Mapanganib ang taong galit, ngunit ang taong seloso ay higit na mapanganib.
Mas mabuti ang pagsaway na hayagan, kaysa sa pag-ibig na hindi ipinapaalam.
Ang masakit na pagsaway ng isang kaibigan ay may katuturan, ngunit ang halik ng kaaway ay hindi maaasahan.
Kahit pulot ay tinatanggihan ng taong busog, ngunit sa taong gutom kahit pagkaing mapait ay matamis para sa kanya.
Ang taong lumayas sa kanyang bahay ay parang ibong lumayas sa kanyang pugad.
Ang langis at pabango ay gaya ng tapat na payo ng isang kaibigan na nagdudulot ng kaligayahan.
10 Huwag mong pababayaan ang iyong kaibigan o ang kaibigan ng iyong ama. At kung nasa kagipitan ka, hindi ka na hihingi ng tulong sa kapatid mo na nasa malayo. Ang malapit na kapitbahay ay mas mabuti kaysa sa malayong kapatid.
11 Anak, magpakatalino ka upang ako ay maging maligaya, at para may maisagot ako sa nagpapahiya sa akin.
12 Ang taong marunong ay umiiwas sa paparating na panganib, ngunit ang taong hangal ay sumusuong sa panganib, kaya siya ay napapahamak.
13 Tiyakin mong makakuha ng garantiya sa sinumang nangakong managot sa utang ng hindi mo kilala, upang matiyak mong mababayaran ka.
14 Kapag ginambala mo ng pasigaw na pagbati ang iyong kaibigan sa umaga, ituturing niya iyong sumpa sa kanya.
15 Ang asawang bungangera ay parang tumutulong bubungan sa panahon ng tag-ulan.
16 Hindi siya mapatigil, tulad ng hanging hindi mapigilan o kaya ng langis na hindi mahawakan.
17 Kung paanong pinatatalas ng bakal ang kapwa-bakal, ang tao namaʼy matututo sa kanyang kapwa-tao.
18 Kapag inalagaan mo ang puno ng igos, makakakain ka ng bunga nito. Ganoon din kapag amo moʼy iyong pinagmamalasakitan, ikaw naman ay kanyang pararangalan.
19 Kung paanong ang mukha ng tao ay naaaninaw sa tubig, ang pagkatao naman ay makikita sa iyong puso.
20 Ang kapahamakan at kamatayan ay walang kasiyahan, gayon din ang hangarin ng tao.
21 Pilak at ginto sa apoy sinusubok, ang tao naman ay nasusubok sa pamamagitan ng papuring kanyang natatanggap.
22 Tadtarin mo man ng parusa ang taong hangal, ang kahangalan niya ay hindi mo pa rin maiaalis sa kanya.
23 Mga hayop mo ay iyong alagaan at bantayang mabuti ang iyong kawan.
24 Sapagkat ang kayamanan at kapangyarihan ay hindi mamamalagi magpakailanman.
25 Putulin ang mga damo; at habang hinihintay ang muling pagtubo nito, putulin din ang mga damo sa kabundukan, upang may pagkain ang iyong kawan.
26 Mula sa balahibo ng mga tupa ay makakagawa ka ng kasuotan, at maipagbibili mo ang iba mong mga kambing upang may pambili ka ng kabukiran.
27 Mula sa mga kambing, makakakuha ka ng maraming gatas na sapat sa pangangailangan ng iyong pamilya at mga babaeng utusan.

2 Tesalonica 1

Mula kay Pablo, kasama sina Silas at Timoteo.

Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] diyan sa Tesalonica na nasa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Pagbabalik ni Cristo at ang Paghuhukom

Mga kapatid, lagi kaming nagpapasalamat sa Dios dahil sa inyo. Nararapat lang na gawin namin ito, dahil patuloy na lumalago ang pananampalataya nʼyo kay Cristo at pagmamahalan sa isaʼt isa. Kaya naman, ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Dios sa ibang lugar dahil sa katatagan at pananampalataya nʼyo, sa kabila ng lahat ng dinaranas ninyong paghihirap at pag-uusig.

Nagpapatunay ang mga ito na makatarungan ang hatol ng Dios, dahil ang dinaranas ninyong paghihirap para sa kaharian niya ay gagamitin niyang patotoo na karapat-dapat nga kayong mapabilang dito. Gagawin ng Dios ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. At kayong mga naghihirap ay bibigyan niya ng kapahingahan kasama namin. Mangyayari ito pagbalik ng Panginoong Jesus galing sa langit kasama ng makapangyarihan niyang mga anghel. Darating siyang napapalibutan ng nagliliyab na apoy, at parurusahan niya ang mga hindi kumikilala sa Dios at hindi sumusunod sa Magandang Balita tungkol sa ating Panginoong Jesus. Parurusahan sila ng walang hanggang paghihirap at pagkawalay sa Panginoon, at hindi na nila makikita pa ang dakila niyang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa araw ng pagbabalik niya, at papapurihan at pararangalan siya ng mga pinabanal niya na walang iba kundi ang lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo rito, dahil sumampalataya kayo sa ipinahayag namin sa inyo.

11 Ito ang dahilan kung bakit lagi namin kayong ipinapanalangin. Dalangin namin na tulungan sana kayo ng Dios na mamuhay nang karapat-dapat bilang mga tinawag niya. At dalangin din namin na sa tulong ng kapangyarihan niya, magawa nʼyo ang lahat ng mabubuting bagay na gusto ninyong gawin dahil sa inyong pananampalataya. 12 Sa ganitong paraan, mapaparangalan nʼyo ang ating Panginoong Jesus at kayo naman ay mapaparangalan niya ayon sa biyaya ng ating Dios at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®