M’Cheyne Bible Reading Plan
6 Ito pa ang sinabi ng Panginoon kay Moises 2 tungkol sa taong lumabag sa nais ng Panginoon sa pamamagitan ng pandaraya sa kanyang kapwa tungkol sa bagay na ipinatago o iniwan sa kanya, o pagnanakaw ng mga bagay na iyon, o pagsasamantala, 3 o pagsisinungaling tungkol sa isang bagay na nawala na hindi raw niya nakita, o pagsumpa ng kasinungalingan na hindi niya nagawa ang alinman sa mga kasalanang nabanggit. 4 Kapag napatunayan na talagang nagkasala siya, kinakailangang ibalik niya ang kanyang ninakaw, o ang anumang nakuha niya sa pandaraya, o ang mga bagay na iniwan o ipinatago sa kanya, o ang mga bagay na nawala na nakita niya, 5 o anumang bagay na ayon sa kanyang panunumpa ay wala sa kanya, pero ang totoo ay nasa kanya. Kinakailangan niya itong ibalik sa may-ari na walang kulang at dadagdagan pa ng 20 porsiyento ng halaga nito. Ibibigay niya ito sa may-ari sa araw na maghahandog siya bilang pambayad sa kanyang kasalanan. 6 Magdadala siya sa pari ng isang tupang walang kapintasan, at ihahandog niya ito sa Panginoon bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. At kinakailangang ang halaga nito ay ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. 7 Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang kasalanan, at siyaʼy patatawarin ng Panginoon sa alin mang kasalanang nabanggit na kanyang nagawa.
Karagdagang mga Tuntunin tungkol sa Handog na Sinusunog
8-9 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang tungkol sa mga tuntuning ito, tungkol sa handog na sinusunog.
Ang handog na ito ay kinakailangang iwanan sa altar hanggang umaga, at kinakailangang patuloy ang pagningas ng apoy sa altar; huwag itong pabayaang mamatay. 10 Kinaumagahan, isusuot ng pari ang mga kasuotan niyang gawa sa telang linen: ang damit pang-ilalim na tatakip sa kanyang kahubaran at ang damit-panlabas. Kukunin niya ang abo ng handog na iyon at ilalagay sa tabi ng altar. 11 Pagkatapos, magpapalit siya ng damit at dadalhin niya ang abo sa labas ng kampo sa itinuturing na malinis na lugar. 12 Kinakailangang ang apoy sa altar ay patuloy na nagniningas. Huwag itong papatayin. Tuwing umagaʼy gagatungan ito ng pari, at aayusin nang mabuti ang mga handog na sinusunog sa itaas ng mga panggatong pati na ang mga taba ng hayop mula sa inialay na handog para sa mabuting relasyon. 13 Patuloy na paniningasin ang apoy sa altar, at huwag itong pabayaang mamatay.
Karagdagang mga Tuntunin tungkol sa Handog na Pagpaparangal sa Panginoon
14 Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog na pagpaparangal:
Ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ang magdadala nito sa Panginoon sa harap ng altar. 15 Dadakot ang pari sa handog na harinang may halong langis at dadalhin niya sa altar pati ang mga insensong inilagay sa harina. Susunugin niya ito bilang alaala sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon. 16-17 Ang natitirang harina ay lulutuin at kakainin ni Aaron at ng kanyang mga angkan. Pero itoʼy lulutuin nilang walang pampaalsa, at doon nila kakainin sa banal na lugar sa bakuran ng Toldang Tipanan. Inilaan iyon ng Panginoon para sa kanila bilang bahagi ng pagkaing inihandog sa kanya. Ang handog na pagpaparangal sa Panginoon ay napakabanal, katulad ng handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan. 18 Ang lahat ng lalaking mula sa angkan ni Aaron hanggang sa kahuli-hulihang angkan ay maaaring kumain nito, dahil ito palagi ang kanilang bahagi sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ang mga humahawak ng mga handog na ito ay dapat banal.
19 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Moises 20 tungkol sa handog para sa Panginoon na iaalay ni Aaron sa araw nang ordinahan siya bilang punong pari, at siya ring gagawin ng angkan niyang papalit sa kanya.
Maghahandog siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina. Ito ay handog na pagpaparangal sa Panginoon na dapat gawin magpakailanman. Ang kalahati nitoʼy ihahandog niya sa umaga at ang kalahati naman ay sa hapon. 21 Ang harinang ito ay hahaluan ng mantika at lulutuin sa kawali, pagpipira-pirasuhin at ihahandog sa Panginoon bilang handog na pagpaparangal. Ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa kanya. 22 Kinakailangang sunugin itong lahat, dahil itoʼy handog para sa Panginoon. Dapat itong sundin magpakailanman. Kailangang gawin ito ng angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari. 23 Ang lahat ng handog ng pagpaparangal ng mga pari ay kinakailangang sunugin, hindi ito maaaring kainin.
Karagdagang Tuntunin Tungkol sa Handog na Paglilinis sa Kasalanan
24 Inutusan din ng Panginoon si Moises 25 na sabihin kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang tungkol sa ganitong mga tuntunin.
Ang handog sa paglilinis ay kinakailangang patayin sa presensya ng Panginoon doon sa patayan ng handog na sinusunog. Ang handog sa paglilinis ay napakabanal. 26 Ang paring maghahandog nitoʼy dapat kumain nito roon sa bakuran ng Toldang Tipanan, na isang banal na lugar. 27 Ang sinumang makahipo nito ay mahahawaan ng pagkabanal nito. Ang damit na matatalsikan ng dugo ng handog na itoʼy dapat labhan doon sa banal na lugar sa Tolda. 28 Ang palayok na pinaglutuan ng handog na ito ay dapat basagin. Pero kung kaldero, itoʼy dapat kuskusin at hugasang mabuti ng tubig. 29 Ang lahat ng lalaki sa sambahayan ng pari ay maaaring kumain. Itoʼy napakabanal na handog. 30 Pero kung ang dugo ng handog na itoʼy dinala roon sa Banal na Lugar sa loob ng Tolda para gawing pantubos sa kasalanan ng tao, hindi maaaring kainin ang natirang karne na inihandog. Susunugin na lang ito.
Panalangin para Ingatan ng Panginoon
5 O Panginoon, pakinggan nʼyo po ang aking mga hinaing at iyak.
2 Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong, O Dios ko at aking Hari,
dahil sa inyo lamang ako lumalapit.
3 Sa umaga, O Panginoon naririnig nʼyo ang aking panalangin, habang sinasabi ko sa inyo ang aking mga kahilingan at hinihintay ko ang inyong kasagutan.
4 Kayo ay Dios na hindi natutuwa sa kasamaan,
at hindi nʼyo tinatanggap ang taong namumuhay sa kasalanan.
5 Ang mga mapagmataas ay hindi makalalapit sa inyong harapan,
at ang mga gumagawa ng kasamaan ay inyong kinasusuklaman.
6 Lilipulin nʼyo ang mga sinungaling.
Kinasusuklaman nʼyo ang mga mamamatay-tao at mga mandaraya.
7 Ngunit dahil sa dakila nʼyong pag-ibig sa akin,
makakapasok ako sa banal nʼyong templo.
At doon akoʼy sasamba nang may paggalang sa inyo.
8 O Panginoon, dahil napakarami ng aking mga kaaway,
gabayan nʼyo ako tungo sa inyong matuwid na daan.
Gawin nʼyong madali para sa akin ang pagsunod ko sa inyong kagustuhan.
9 Hindi maaasahan ang sinasabi ng aking mga kaaway,
laging hangad nilaʼy kapahamakan ng iba.
Ang kanilang pananalita ay mapanganib katulad ng bukas na libingan,
at ang kanilang sinasabi ay puro panloloko.
10 O Dios, parusahan nʼyo po ang aking mga kaaway.
Mapahamak sana sila sa sarili nilang masamang plano.
Itakwil nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan,
dahil silaʼy sumuway sa inyo.
11 Ngunit magalak nawa ang lahat ng nanganganlong sa inyo;
magsiawit nawa sila sa kagalakan.
Ingatan nʼyo silang mga nagmamahal sa inyo, upang sa inyo magmula ang kanilang kagalakan.
12 Pinagpapala nʼyo Panginoon ang mga matuwid.
Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag na nag-iingat sa kanila.
Panalangin para Tulungan ng Dios
6 O Panginoon, huwag nʼyo akong parusahan kahit na kayo ay nagagalit sa akin.
2 Maawa po kayo sa akin at akoʼy pagalingin,
dahil akoʼy nanghihina na.
3 O Panginoon, akoʼy labis na nababagabag.
Kailan nʼyo po ako pagagalingin?
4 Dinggin nʼyo ako Panginoon at akoʼy palayain.
Iligtas nʼyo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.
5 Dahil kung akoʼy patay na ay hindi na kita maaalala,
sa lugar ng mga patay ay hindi na rin ako makakapagpuri pa.
6 Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.
Gabi-gabiʼy basa ng luha ang aking unan, dahil sa labis na pag-iyak.
7 Ang aking mga mataʼy namumugto na sa kaiiyak,
dahil sa ginagawa ng lahat kong mga kaaway.
8 Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng kasamaan,
dahil narinig ng Panginoon ang aking pag-iyak.
9 Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,
at sasagutin niya ang aking dalangin.
10 Mapapahiya at matatakot ang lahat ng aking kaaway,
kaya bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.
21 Ang isipan ng hari ay parang ilog na pinapadaloy ng Panginoon saan man niya naisin.
2 Inaakala ng tao na tama ang lahat ng kanyang ginagawa, ngunit ang Panginoon lang ang nakakaalam kung ano ang ating motibo.
3 Ang paggawa ng matuwid at makatarungan ay kalugod-lugod sa Panginoon kaysa sa paghahandog.
4 Ang mapagmataas na tingin at palalong isipan ay kasalanan. Ganyan ang ugali ng mga taong makasalanan.
5 Ang gawaing plinanong mabuti at pinagsikapan ay patungo sa kaunlaran, ngunit ang gawaing padalos-dalos ay maghahatid ng karalitaan.
6 Ang kayamanang nakuha sa pandaraya ay madaling mawala at maaaring humantong sa maagang kamatayan.
7 Ang karahasan ng masasama ang magpapahamak sa kanila, sapagkat ayaw nilang gawin ang tama.
8 Hindi matuwid ang gawain ng taong may kasalanan, ngunit matuwid ang gawain ng taong walang kasalanan.
9 Mas mabuti pang tumirang mag-isa sa bubungan ng bahay[a] kaysa sa loob ng bahay na ang kasama ay asawang palaaway.
10 Ang masasama ay laging gustong gumawa ng masama at sa kanilang kapwa ay wala silang awa.
11 Kapag ang manunuya ay pinarusahan mo, ang mga mangmang ay matututo. Kapag ang marunong naman ang tinuruan mo, lalo pa siyang magiging matalino.
12 Alam ng matuwid na Dios kung ano ang ginagawa ng sambahayan ng masasama, at parurusahan niya sila.
13 Ang hindi pumansin sa daing ng mahirap, kapag siya naman ang dumaing ay walang lilingap.
14 Kapag ang kapwa mo ay may galit sa iyo, mawawala iyon sa palihim na regalo.
15 Kapag katarungan ang umiiral, ang mga matuwid ay natutuwa, ngunit natatakot ang masasama.
16 Ang taong lumilihis sa karunungan ay hahantong sa kamatayan.
17 Ang taong maluho at puro pagdiriwang ay hindi yayaman kundi lalo pang maghihirap.
18 Pinarurusahan ang masasama at makasalanan upang iligtas ang taong matuwid.
19 Mas mabuti pang manirahan sa disyerto kaysa manirahan sa bahay na kasama ang asawang magagalitin at palaaway.
20 Ang taong marunong ay pinaghahandaan ang kanyang kinabukasan, ngunit ang mangmang, winawaldas ang lahat hanggang sa maubusan.
21 Ang taong namumuhay sa katuwiran at kabutihan ay hahaba ang buhay, magtatagumpay at pararangalan.
22 Mapapasuko ng matalinong pinuno ang bayan na maraming sundalo, at kaya niyang gibain ang mga pader na kanilang inaasahang tanggulan.
23 Ang taong nag-iingat sa kanyang mga sinasabi ay nakakaiwas sa gulo.
24 Ang taong palalo at mayabang ay makikilala mo dahil nangungutya siya at sukdulan ang kayabangan.
25 Kung marami kang ninanais ngunit tamad kang magtrabaho, iyon ang sisira sa iyo.
26 Ang taong tamad ay laging naghahangad na makatanggap, ngunit ang taong matuwid ay nagbibigay nang walang alinlangan.
27 Kinasusuklaman ng Panginoon ang handog ng taong masama, lalo na kung ihahandog niya ito ng may layuning masama.
28 Patitigilin sa pagsasalita ang saksing sinungaling, ngunit ang saksing nagsasabi ng katotohanan ay pakikinggan.
29 Ang taong masama ay hindi pinag-iisipan ang kanyang ginagawa, ngunit ang taong matuwid ay pinag-iisipan muna nang mabuti ang kanyang ginagawa.
30 Walang karunungan, pang-unawa o payo ang makakapantay sa Panginoon.
31 Kahit nakahanda na ang mga kabayo para sa labanan, ang Panginoon pa rin ang nagbibigay ng katagumpayan.
4 Mga amo, maging mabuti at makatarungan kayo sa mga alipin ninyo. Alalahanin ninyong kayo rin ay mayroong amo sa langit.
Ang Ilan pang mga Bilin
2 Magpakasigasig kayo sa pananalangin nang may pasasalamat, at habang nananalangin kayo ingatan ninyo ang pag-iisip ninyo. 3 Ipanalangin nʼyo rin na bigyan kami ng Dios ng pagkakataon na maihayag ang mensahe tungkol kay Cristo na inilihim noon. Ang pangangaral ko tungkol dito ang dahilan ng pagkabilanggo ko. 4 Ipanalangin nʼyo na maipangaral ko ito nang mabuti, gaya nang nararapat.
5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi mananampalataya, at samantalahin nʼyo ang lahat ng pagkakataon na maibahagi ang pananampalataya nʼyo. 6 Kung nakikipag-usap kayo sa kanila, gumamit kayo ng mga kawili-wiling salita para makinig sila sa inyo, at dapat alam nʼyo kung paano sumagot sa tanong ng bawat isa.
Mga Pangangamusta
7 Kung tungkol naman sa kalagayan ko rito, ang minamahal naming si Tykicus ang magbabalita sa inyo. Isa siyang tapat na manggagawa at kapwa ko lingkod ng Panginoon. 8 Pinapunta ko siya riyan para malaman nʼyo ang kalagayan namin, nang lumakas naman ang loob ninyo. 9 Kasama niya sa pagpunta riyan si Onesimus, ang tapat at minamahal nating kapatid na kababayan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo tungkol sa lahat ng nangyayari rito.
10 Kinukumusta kayo nina Aristarcus na kapwa ko bilanggo at Marcos na pinsan ni Bernabe. (Gaya ng ibinilin ko sa inyo, malugod ninyong tanggapin si Marcos pagdating niya riyan.) 11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na tinatawag na Justus. Sila lang ang mga Judio na kasama ko ritong naglilingkod para sa kaharian ng Dios, at pinapalakas nila ang loob ko.
12 Kinukumusta rin kayo ng kababayan ninyong si Epafras na isa ring lingkod ni Cristo Jesus. Lagi siyang nananalangin nang taimtim na manatili kayong matatag, maging ganap, at may buong katiyakan sa kalooban ng Dios. 13 Saksi ako sa mga pagsisikap ni Epafras para sa inyo at para sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14 Kinukumusta rin kayo ni Lucas, ang minamahal nating doktor, at ni Demas.
15 Ikumusta nʼyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, ganoon din kay Nymfa at sa mga mananampalataya[a] na nagtitipon sa bahay niya. 16 Pagkabasa nʼyo ng sulat na ito, ipabasa nʼyo rin sa iglesya sa Laodicea at basahin nʼyo rin ang sulat mula sa kanila. 17 Pakisabi kay Arkipus na ipagpatuloy niya ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.
18 Ako, si Pablo, ang mismong sumulat ng pagbating ito.
Alalahanin nʼyo ako rito sa bilangguan.
Pagpalain nawa kayo ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®