M’Cheyne Bible Reading Plan
5 Kung ang isang taoʼy ipinatawag sa hukuman para sumaksi sa pangyayaring kanyang nakita o nalalaman, at siyaʼy tumanggi, may pananagutan siya. 2 Kung may nakahipo ng anumang bagay na itinuturing na marumi, katulad ng mga patay na hayop na marumi,[a] siyaʼy nagkasala at naging marumi[b] kahit hindi niya alam na nakahipo siya. 3 Kung siyaʼy nakahipo ng mga maruming bagay ng tao,[c] kahit hindi niya alam na siyaʼy naging marumi, ituturing pa ring nagkasala siya kapag nalaman niya. 4 Kung ang isang tao ay nanumpa nang pabigla-bigla, mabuti man o masama ang isinumpa niya, siyaʼy nagkasala kapag nalaman niya ang kanyang ginawa. 5 Kapag nalaman ng isang tao na nagkasala siya ng alinman sa mga nabanggit, kinakailangang ipahayag niya ang kanyang kasalanan. 6 At bilang kabayaran sa kasalanang nagawa niya, maghahandog siya sa Panginoon ng babaeng tupa o kambing bilang handog sa paglilinis. Ihahandog ito ng pari para matubos siya sa kanyang kasalanan.
7 Pero kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, maghahandog siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. Ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. 8 Dadalhin niya ito sa pari at ang unang ihahandog ng pari ay ang handog sa paglilinis. Pipilipitin ng pari ang leeg ng ibon pero hindi ito puputulin. 9 At ang dugo nitoʼy iwiwisik niya sa paligid ng altar, at ang natitirang dugo ay ibubuhos sa ilalim ng altar. Ito ang handog sa paglilinis. 10 Ihahandog din ng pari ang isa pang handog na sinusunog ayon sa paraan ng paghahandog nito. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para matubos ang tao sa kanyang kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.
11 Pero kung hindi niya kayang maghandog ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato, maghahandog na lang siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina. Huwag niyang lalagyan ng langis at insenso dahil itoʼy handog sa paglilinis at hindi handog ng pagpaparangal. 12 Dadalhin niya ito sa pari at babawasan ng pari ng isang dakot bilang pag-alaala sa Panginoon. Ang isang dakot na iyon ay susunugin niya sa altar pati ang iba pang mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Ito ang handog sa paglilinis. 13 Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matubos ang tao sa anumang kasalanang nagawa niya at patatawarin siya ng Panginoon. Ang natirang handog na harina ay sa pari na, gaya ng ginagawa sa handog ng pagpaparangal.
Ang Handog na Pambayad ng Kasalanan
14 Ibinigay din ng Panginoon ang utos na ito kay Moises:
15 Kapag ang taoʼy lumabag sa utos ng Panginoon dahil sa hindi niya ibinigay ang anumang nauukol para sa Panginoon, kahit hindi niya sinasadya, kailangang maghandog siya ng lalaking tupa na walang kapintasan bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Itoʼy handog na pambayad ng kasalanan.[d] 16 Kinakailangan niyang bayaran ang hindi niya naibigay na nauukol sa Panginoon, at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halagang hindi niya naibigay. Ibibigay niyang lahat ito sa paring maghahandog ng tupa bilang handog na pambayad ng kanyang kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.
17 Kung may tao namang lumabag sa utos ng Panginoon nang hindi niya alam, siyaʼy nagkasala pa rin at may pananagutan sa Panginoon. 18-19 Kung alam na niyang nagkasala siya, kinakailangang magdala siya sa pari ng lalaking tupa na walang kapintasan na ihahandog niya bilang pambayad sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang kasalanang hindi sinasadya at patatawarin siya ng Panginoon.
Panalangin sa Oras ng Panganib
3 Panginoon, kay dami kong kaaway;
kay daming kumakalaban sa akin!
2 Sinasabi nilang hindi nʼyo raw ako ililigtas.
3 Ngunit kayo ang aking kalasag.
Pinalalakas nʼyo ako at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
4 Tumawag ako sa inyo Panginoon at sinagot nʼyo ako mula sa inyong banal[a] na bundok.
5 At dahil iniingatan nʼyo ako, nakakatulog ako at nagigising pa.
6 Hindi ako matatakot kahit ilang libo pang kaaway ang nakapalibot sa akin.
7 Pumarito kayo, Panginoon!
Iligtas nʼyo po ako, Dios ko,
dahil noon ay inilagay nʼyo sa kahihiyan ang lahat ng mga kaaway ko,
at inalis mo sa mga masamang tao ang kanilang kakayahang saktan ako.
8 Kayo, Panginoon, ang nagliligtas.
Kayo rin po ang nagpapala sa inyong mga mamamayan.
Panalangin sa Gabi
4 O Dios na aking Tagapagtanggol, sagutin nʼyo po ako kapag akoʼy tumatawag sa inyo.
Hindi ba noon tinulungan nʼyo ako nang akoʼy nasa kagipitan?
Kaya ngayon, maawa kayo sa akin at pakinggan ang dalangin ko.
2 Kayong mga kumakalaban sa akin,
kailan kayo titigil sa inyong paninirang puri sa akin?
Hanggang kailan ninyo iibigin ang mga bagay na walang kabuluhan at magpapatuloy sa kasinungalingan?[b]
3 Dapat ninyong malaman na ibinukod ng Panginoon ang mga banal para sa kanyang sarili.
Kaya kung tatawag ako sa Panginoon, pakikinggan niya ako.
4 Kapag kayoʼy nagagalit, huwag kayong magkakasala.
Habang nakahiga kayo sa inyong higaan, tumahimik kayo at magbulay-bulay.
5 Magtiwala kayo sa Panginoon at mag-alay sa kanya ng tamang mga handog.
6 Marami ang nagsasabi,
“Sino ang magpapala sa amin?”
Panginoon, kaawaan nʼyo po kami!
7 Pinaliligaya nʼyo ako,
higit pa kaysa sa mga taong sagana sa pagkain at inumin.
8 Kaya nakakatulog ako ng mapayapa,
dahil binabantayan nʼyo ako, O Panginoon.
20 Ang sobrang pag-inom ng alak ay nagbubunga ng panunuya at kaguluhan, kaya ang taong naglalasing ay salat sa karunungan.
2 Ang poot ng hari ay parang atungal ng leon. Kapag ginalit mo siya, papatayin ka niya.
3 Ang pag-iwas sa gulo ay tanda ng karangalan; hangal lang ang may gusto ng kaguluhan.
4 Ang taong tamad mag-araro sa panahon ng pagtatanim ay walang makukuha pagdating ng anihan.
5 Ang isipan ng tao ay tulad ng malalim na balon, ngunit mauunawaan ito ng taong marunong.
6 Marami ang nagsasabi na sila ay tapat, ngunit mayroon kaya sa kanila ang mapagkakatiwalaan?
7 Ang taong matuwid ay walang kapintasan. Mapalad ang mga anak niya kung siya ang kanilang tinutularan.
8 Kapag ang hari ay humahatol, tinitiyak muna niya kung sino ang gumawa ng masama.
9 Walang sinumang makapagsasabi na ang puso niya ay malinis, na kailanman ay hindi siya nakagawa ng mali.
10 Ang madadayang timbangan at sukatan ay kasuklam-suklam sa paningin ng Dios.
11 Ang mga ginagawa ng isang kabataan ay nagpapakita ng kanyang tunay na pag-uugali, kung siya ba ay matuwid o hindi.
12 Ang taingang nakakarinig at matang nakakakita ay ang Panginoon ang siyang gumawa.
13 Kung tulog ka nang tulog maghihirap ka, ngunit kung magsisikap ka, ang iyong pagkain ay sasagana.
14 Pinipintasan ng mamimili ang kanyang binibili upang makatawad siya. Pero kung nabili na, hindi na niya ito pinipintasan, sa halip ay ipinagyayabang pa.
15 Marami ang ginto at mamahaling bato, ngunit iilan lamang ang nakapagsasalita nang may karunungan.
16 Kung may taong nangako na babayaran niya sa iyo ang utang ng taong hindi niya kilala, tiyakin mong makakakuha ka sa kanya ng garantiya, para makatiyak ka na babayaran ka niya.
17 Pagkaing nakuha sa pandaraya sa una ay matamis ang lasa, ngunit sa huli ay lasang buhangin na.
18 Humingi ka ng payo sa iyong pagpaplano o bago makipaglaban sa digmaan.
19 Ang taong masalita nagbubunyag ng sikreto, kaya iwasan mo ang ganyang uri ng tao.
20 Mamamatay ang sinumang sumumpa sa kanyang magulang, para siyang ilaw na namatay sa gitna ng kadiliman.
21 Ang mana na kinuha ng maaga sa bandang huliʼy hindi magiging pagpapala.
22 Huwag kang maghiganti. Magtiwala ka sa Panginoon, at tutulungan ka niya.
23 Nasusuklam ang Panginoon sa mga nandadaya sa timbangan. Hindi ito mabuting gawain.
24 Ang Panginoon ang nagkaloob nitong ating buhay, kaya hindi natin alam ang ating magiging kapalaran.
25 Bago mangako sa Dios ay isiping mabuti, baka magsisi ka sa bandang huli.
26 Sa paghatol, tinitiyak ng matalinong hari na malaman kung sino ang gumagawa ng kasamaan at saka niya parurusahan.
27 Ibinigay sa atin ng Panginoon ang ating budhi[a] at isipan upang makita ang ating kaloob-looban.
28 Ang haring mabuti at tapat ay hindi mapapahamak, at magtatagal siya sa kanyang luklukan.
29 Karangalan ng kabataan ang kanilang kalakasan, at karangalan naman ng matatanda ang kanilang katandaan.[b]
30 Kung minsan ang parusa ay nagdudulot ng mabuti para magbago tayo.
3 Binuhay kayong muli kasama ni Cristo, kaya sikapin ninyong makamtan ang mga bagay na nasa langit kung saan naroon si Cristo na nakaupo sa kanan ng Dios. 2 Doon ninyo ituon ang isip nʼyo, at hindi sa mga makamundong bagay. 3 Sapagkat namatay na kayo sa dati nʼyong buhay, at ang buhay ninyo ngayon ay nakatago sa Dios kasama ni Cristo. 4 Si Cristo ang buhay ninyo, at kapag dumating na ang panahon na nahayag na siya, mahahayag din kayo at makikibahagi sa kapangyarihan niya at karangalan.
Ang Dati at ang Bagong Buhay
5 Kaya patayin nʼyo na ang anumang kamunduhang nasa inyo: ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, pagnanasa, at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga dios-diosan. 6 Parurusahan ng Dios ang mga taong gumagawa ng mga bagay na iyon. 7 Ganoon din ang pamumuhay ninyo noon. 8 Pero ngayon, dapat na ninyong itakwil ang lahat ng ito: galit, poot, sama ng loob, paninira sa kapwa, at mga bastos na pananalita. 9 Huwag kayong magsinungaling sa isaʼt isa, dahil hinubad nʼyo na ang dati ninyong pagkatao at masasamang gawain, 10 at isinuot na ninyo ang bagong pagkatao. Ang pagkataong itoʼy patuloy na binabago ng Dios na lumikha nito, para maging katulad niya tayo at para makilala natin siya nang lubusan. 11 Sa bagong buhay na ito, wala nang ipinagkaiba ang Judio sa hindi Judio, ang tuli sa hindi tuli, ang naturuan sa hindi naturuan, at ang alipin sa malaya dahil si Cristo na ang lahat-lahat, at siyaʼy nasa ating lahat.
12 Kaya bilang mga banal at minamahal na mga pinili ng Dios, dapat kayong maging mapagmalasakit, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at mapagtiis. 13 Magpasensiyahan kayo sa isaʼt isa at magpatawaran kayo kung may hinanakit kayo kaninuman, dahil pinatawad din kayo ng Panginoon. 14 At higit sa lahat, magmahalan kayo, dahil ito ang magdudulot ng tunay na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa mga puso nʼyo ang kapayapaan ni Cristo. Sapagkat bilang mga bahagi ng iisang katawan, tinawag kayo ng Dios upang mamuhay nang mapayapa. Dapat din kayong maging mapagpasalamat.
16 Itanim ninyong mabuti sa mga puso nʼyo ang mga aral ni Cristo. Paalalahanan at turuan nʼyo ang isaʼt isa ayon sa karunungang kaloob ng Dios. Umawit kayo ng mga salmo, himno, at iba pang mga awiting espiritwal na may pasasalamat sa Dios sa mga puso ninyo. 17 At anuman ang ginagawa nʼyo, sa salita man o sa gawa, gawin nʼyo ang lahat bilang mananampalataya sa Panginoong Jesus,[a] at magpasalamat kayo sa Dios Ama sa pamamagitan niya.
Ang Mabuting Relasyon sa Kapwa
18 Mga babae, magpasakop kayo sa asawa nʼyo, dahil iyan ang nararapat gawin bilang mananampalataya sa Panginoon.
19 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa at huwag ninyo silang pagmamalupitan.
20 Mga anak, sundin ninyo ang mga magulang nʼyo sa lahat ng bagay, dahil kalugod-lugod ito sa Panginoon.
21 Mga magulang,[b] huwag kayong gumawa ng anumang bagay na ikasasama ng loob ng mga anak nʼyo para hindi sila panghinaan ng loob.
22 Mga alipin, sundin nʼyo sa lahat ng bagay ang mga amo nʼyo rito sa lupa. Hindi lang dahil nakatingin sila at nais ninyong malugod sila sa inyo, kundi gawin ninyo ito nang buong puso at may takot sa Panginoon. 23 Anuman ang gawin nʼyo, gawin nʼyo ito nang buong katapatan na parang ang Panginoon ang pinaglilingkuran nʼyo at hindi ang tao. 24 Alam naman ninyong may gantimpala kayong matatanggap sa Panginoon, dahil si Cristo na Panginoon natin ang siyang pinaglilingkuran ninyo. 25 Ang sinumang gumagawa ng masama ay parurusahan ayon sa kasalanan niya, dahil ang Dios ay walang pinapaboran.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®