Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 2-3

Handog ng Pagpaparangal sa Panginoon

Kapag may nag-aalay ng handog ng pagpaparangal[a] sa Panginoon, gagamitin niya ang magandang klaseng harina, at lalagyan niya ng langis[b] at insenso. Dadalhin niya ito sa mga paring mula sa angkan ni Aaron. Kukuha ang pari ng isang dakot na pinagsama-samang harina at langis, at susunugin niya ito sa altar kasama na ang insenso na inilagay sa harina. Susunugin niya ito na pinakaalaala sa Panginoon.[c] Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy[d] ay makalulugod sa Panginoon. Ang natirang harina ay para kay Aaron at sa kanyang angkan, at ito ang pinakabanal na bahagi na mula sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

Kapag may naghahandog ng tinapay na niluto sa hurno para parangalan ang Panginoon, kailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at hindi nilagyan ng pampaalsa. Maaaring maghandog ng makapal na tinapay na hinaluan ng langis o ang manipis na tinapay na pinahiran ng langis.

Kung ang tinapay na ihahandog ay niluto sa kawali, kinakailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at may halong langis, pero walang pampaalsa. Pipira-pirasuhin ito at lalagyan ng langis. Itoʼy handog ng pagpaparangal.

Kung ang tinapay na ihahandog ay niluto sa kawali, kinakailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at nilagyan ng langis.

Ang ganitong uri ng mga handog ay dadalhin sa pari para ihandog sa Panginoon doon sa altar. Babawasan ito ng pari at ang ibinawas na iyon ay susunugin niya sa altar na pinakaalaala sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 10 Ang natirang harina ay para kay Aaron at sa kanyang angkan, at ito ang pinakabanal na bahagi na mula sa handog sa pamamagitan ng apoy na inihandog para sa Panginoon.

11 Huwag kayong mag-alay ng mga handog na may pampaalsa bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon, dahil hindi kayo dapat magsunog ng mga pampaalsa o pulot sa inyong paghahandog sa Panginoon ng handog sa pamamagitan ng apoy. 12 Maaari ninyong ihandog ang pampaalsa o pulot bilang handog mula sa una ninyong ani,[e] pero huwag ninyong susunugin sa altar. 13 Lagyan ninyo ng asin ang lahat ng inyong handog ng pagpaparangal, dahil ang asin ay tanda ng inyong walang hanggang kasunduan sa Panginoon. Kaya lagyan ninyo ng asin ang lahat ng inyong handog.

14 Kapag maghahandog kayo mula sa una ninyong ani para parangalan ang Panginoon, maghandog kayo ng mga giniling na butil[f] na binusa. 15 Lagyan ninyo ito ng langis at insenso. Itoʼy handog ng pagpaparangal. 16 At mula sa handog na itoʼy kukuha ang pari ng giniling na butil na nilagyan ng langis at insenso at susunugin na pinakaalaala sa Panginoon. Itoʼy handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

Handog para sa Mabuting Relasyon

Kapag may naghahandog ng baka bilang handog para sa mabuting relasyon, kinakailangang ang ihahandog niya sa presensya ng Panginoon ay walang kapintasan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng baka na ihahandog niya at pagkatapos, papatayin niya sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At iwiwisik ng mga paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa paligid ng altar. Kukuha ang pari ng bahagi na susunugin niya para sa Panginoon. Kukunin niya ang lahat ng taba na nasa loob ng tiyan, at ang nasa lamang-loob, ang mga bato[g] at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. Ang mga itoʼy susunugin ng mga pari sa altar kasama ng handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy[h] ay makalulugod sa Panginoon.

Kung ang ihahandog niya para sa mabuting relasyon ay tupa o kambing, lalaki man o babae, kinakailangang itoʼy walang kapintasan. Kung maghahandog siya ng tupa sa Panginoon, ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng tupa at papatayin niya sa harap ng Toldang Tipanan. At iwiwisik ng mga paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa paligid ng altar. At mula sa handog na itoʼy kukuha ng bahagi na susunugin para sa Panginoon; ang mga taba, ang buntot na mataba na sagad sa gulugod ang pagkakaputol, ang lahat ng taba sa lamang-loob, 10 ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 11 Ang lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog na pagkain.[i] Itoʼy handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

12 Kung maghahandog siya ng kambing sa presensya ng Panginoon, 13 ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing at papatayin niya sa harap ng Toldang Tipanan. Iwiwisik ng paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa palibot ng altar. 14 Pagkatapos, kukuha ang pari ng bahagi na susunugin niya para sa Panginoon mula sa handog na ito. Kukunin niya ang lahat ng taba sa lamang-loob, 15 ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 16 Ang lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog na pagkain. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. Ang lahat ng taba ay sa Panginoon.

17 Huwag kayong kakain ng taba o dugo. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ang susunod pa ninyong mga henerasyon.

Juan 21

Nagpakita si Jesus sa Kanyang Pitong Tagasunod

21 Pagkalipas ng ilang araw, muling nagpakita si Jesus sa mga tagasunod niya sa may lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: Magkakasama noon sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Natanael na taga-Cana na bayan sa Galilea, mga anak ni Zebedee, at dalawa pang mga tagasunod. Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Mangingisda ako.” Sumagot sila, “Sasama kami.” Kaya sumakay sila sa bangka at pumalaot. Pero wala silang nahuli nang gabing iyon. Nang madaling-araw na, may nakita silang nakatayo sa dalampasigan. Pero hindi nila nakilala na si Jesus iyon. Tinawag sila ni Jesus, “Mga kaibigan,[a] may huli ba kayo?” Sumagot sila, “Wala po.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ihulog nʼyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo.” Iyon nga ang ginawa nila. Halos hindi na nila mahila ang lambat sa dami ng nahuli nilang isda. Sinabi kay Pedro ng tagasunod na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Pedro, isinuot niya ang damit na hinubad niya, tumalon sa tubig, at lumangoy papunta sa dalampasigan. Ang ibang mga tagasunod na nasa bangka ay bumalik din sa dalampasigan na hila-hila ang lambat na puno ng isda, dahil mga 90 metro lang ang layo nila sa pampang. Pagdating nila sa dalampasigan, nakita nila roon ang nagbabagang uling na may nakasalang na isda, at ilang tinapay. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo rito ng ilang isda na nahuli ninyo.” 11 Kaya sumampa sa bangka si Pedro at hinila papunta sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda na 153 lahat-lahat. Pero kahit ganoon karami ang isda, hindi nasira ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-almusal na kayo.” Wala ni isa sa mga tagasunod ni Jesus ang nangahas magtanong kung sino siya dahil alam nila na siya ang Panginoon. 13 Kumuha si Jesus ng tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14 Ito na ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga tagasunod niya pagkatapos niyang mabuhay muli.

Si Jesus at si Pedro

15 Pagkatapos nilang mag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako ng higit sa pagmamahal nila?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo po na mahal ko kayo.” Sinabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 16 Muling sinabi ni Jesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo po na mahal ko kayo.” Sinabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 17 Sa ikatlong ulit ay sinabi ni Jesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba talaga ako?” Nasaktan si Pedro dahil tatlong beses na siyang tinanong kung mahal niya si Jesus. Kaya sumagot siya, “Panginoon, alam nʼyo po ang lahat ng bagay. Alam nʼyo rin po na mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa. 18 Sinasabi ko sa iyo ang totoo, noong bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibihis sa sarili mo, at pumupunta ka kung saan mo gusto. Pero pagtanda mo, iuunat mo ang mga kamay mo at iba na ang magbibihis sa iyo, at dadalhin ka sa lugar na hindi mo gusto.” 19 (Sinabi ito ni Jesus para ipahiwatig kung anong klaseng kamatayan ang daranasin ni Pedro upang maparangalan ang Panginoon.) Pagkatapos, sinabi ni Jesus kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.”

Ang Tagasunod na Minamahal ni Jesus

20 Nang lumingon si Pedro, nakita niyang sumusunod sa kanila ang tagasunod na minamahal ni Jesus. (Siya ang tagasunod na nakasandal kay Jesus nang naghahapunan sila, at siya ang nagtanong kay Jesus kung sino ang magtatraydor sa kanya.) 21 Nang makita siya ni Pedro, nagtanong siya, “Panginoon, paano naman po siya?” 22 Sumagot si Jesus, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo? Sumunod ka lang sa akin.” 23 Dahil dito, kumalat ang balita na ang tagasunod na ito ay hindi mamamatay. Pero hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay. Ang sinabi lang niya, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo?” 24 Ako ang tagasunod na nagpapatotoo sa mga bagay na ito, at siya ring sumulat nito. Alam ng iba na totoo ang sinasabi ko. 25 Marami pang mga bagay ang ginawa ni Jesus. Kung isusulat ang lahat ng ito, palagay koʼy hindi magkakasya sa buong mundo ang lahat ng aklat na maisusulat.

Kawikaan 18

18 Ang taong makasarili ay humihiwalay sa karamihan at sumasalungat sa lahat ng tamang kaisipan.
Ang taong hangal ay hindi naghahangad na matuto; ang gusto lang niya ay masabi ang nasa isipan.
Ang paggawa ng kasamaan at nakakahiyang mga bagay ay makapagbibigay ng kahihiyan.
Ang salita ng taong marunong ay nakapagbibigay ng karunungan sa iba; ito ay katulad ng tubig na umaagos mula sa malalim na batis.
Hindi mabuti na kampihan ang taong nagkasala at hindi mabuti na ipagkait ang katarungan sa taong walang kasalanan.
Ang sinasabi ng taong hangal ang pinagsisimulan ng alitan at magdadala sa kanya sa kaguluhan.
Ang salita ng hangal ang maglalagay sa kanya sa panganib at kapahamakan.
Ang tsismis ay gaya ng pagkaing masarap nguyain at lunukin.
Ang taong tamad ay kasingsama ng taong mapanira.
10 Ang Panginoon ay katulad ng toreng matibay, kanlungan ng mga matuwid sa oras ng panganib.
11 Ang akala ng taong mayaman ay maipagtatanggol siya ng kanyang kayamanan gaya ng mga pader na nakapalibot sa buong bayan.
12 Ang pagmamataas ng tao ang magpapahamak sa kanya, ngunit ang pagpapakumbaba ang magpaparangal sa kanya.
13 Hangal at kahiya-hiya ang taong sumasagot sa usapan ng hindi muna nakikinig.
14 Sa taong may karamdaman, tatag ng loob ang magbibigay kalakasan. Kung mawawalan siya ng pag-asa, wala nang makatutulong pa sa kanya.
15 Ang taong marunong at nakauunawa ay lalo pang naghahangad ng karunungan.
16 Madaling makikipagkita sa iyo ang dakilang tao kapag may dala kang regalo para sa kanya.
17 Ang unang naglahad ng salaysay sa korte ay parang iyon na ang totoo, hanggang hindi pa nasusuri at natatanong ng kabilang panig.
18 Napapatigil ng palabunutan ang mga alitan, at pinagkakasundo ang mahigpit na magkalaban.
19 Mas madali pang sakupin ang isang napapaderang bayan kaysa sa makipagbati sa kapatid[a] na nasaktan.
    Kung paanong mahirap wasakin ang mga kandado ng tarangkahan ng palasyo, mahirap din pigilin ang alitan ng dalawang tao.
20 Aanihin mo ang bunga ng iyong mga sinasabi.
21 Ang salita ng tao ay makapagliligtas ng buhay o kaya ay makamamatay. Kaya mag-ingat sa pagsasalita sapagkat aanihin mo ang mga bunga nito.
22 Kung nakapag-asawa ka, nakatanggap ka ng kabutihan, at ito ang nagpapakita na mabuti ang Panginoon sa iyo.
23 Nakikiusap ang dukha, ngunit ang mayaman ay masakit magsalita.
24 May mga pagkakaibigang hindi nagtatagal, ngunit may pagkakaibigan din na higit pa sa magkapatid ang pagsasamahan.

Colosas 1

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Timoteo na kapatid natin.

Mahal kong mga taga-Colosas, pinabanal[a] at matatapat na kapatid na nakay Cristo:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama.

Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Colosas

Lagi kaming nagpapasalamat sa Dios na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa tuwing nananalangin kami para sa inyo. Sapagkat nabalitaan namin ang pananampalataya nʼyo bilang mga nakay Cristo Jesus at ang pag-ibig nʼyo sa lahat ng mga pinabanal ng Dios, dahil umaasa kayong makakamtan ninyo ang mga inilaan para sa inyo sa langit. Ang pag-asang itoʼy una ninyong narinig nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita. At ang Magandang Balitang itoʼy lumalaganap at lumalago sa buong mundo, katulad ng nangyari sa inyo noong una ninyong marinig at maunawaan ang katotohanan tungkol sa biyaya ng Dios. Natutunan nʼyo ito kay Epafras na minamahal namin at kapwa lingkod ng Panginoon. Isa siyang tapat na lingkod ni Cristo, at pumariyan siya bilang kinatawan namin. Siya ang nagbalita sa amin tungkol sa pag-ibig nʼyo na ibinigay ng Banal na Espiritu.

Kaya nga, mula nang mabalitaan namin ang tungkol sa inyo, patuloy namin kayong ipinapanalangin. Hinihiling namin sa Dios na bigyan nawa kayo ng karunungan at pang-unawang mula sa Banal na Espiritu para lubusan ninyong malaman ang kalooban niya. 10 Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang karapat-dapat at kalugod-lugod sa Panginoon sa lahat ng bagay. At makikita na lumalago kayo sa mabubuting gawa at sa pagkakakilala sa Dios. 11 Nawaʼy palakasin niya kayo sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan, para makatagal at makapagtiis kayo sa lahat ng bagay nang may kagalakan. 12 At makapagpapasalamat din kayo sa Ama. Ginawa niya kayong karapat-dapat na makabahagi sa mamanahin ng mga pinabanal niya, ang manang nasa kinaroroonan ng kaliwanagan. 13 Iniligtas niya tayo mula sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng minamahal niyang Anak. 14 At sa pamamagitan ng kanyang Anak, tinubos niya tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad na ang ating mga kasalanan.

Ang Kadakilaan ni Cristo

15 Si Cristo ang larawan ng di-nakikitang Dios, at siya ang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya, at para sa kanya, nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa mundo, ang nakikita pati rin ang di-nakikita, katulad ng mga espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. 17 Bago pa man likhain ang anumang bagay, naroon na si Cristo, at sa pamamagitan niya ang lahat ay nananatiling nasa kaayusan. 18 Si Cristo ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pinagmulan[b] nito, ang unang nabuhay sa mga patay, para maging pinakadakila siya sa lahat. 19 Sapagkat minabuti ng Dios na ang pagka-Dios niya ay manahan nang lubos kay Cristo, 20 at sa pamamagitan ni Cristo, ipagkakasundo sa kanya ang lahat ng nilikha sa langit at sa mundo. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng dugo[c] ni Cristo sa krus.

21 Noong una ay malayo kayo sa Dios, at naging kaaway niya dahil sa kasamaan ng inyong pag-iisip at mga gawa. 22 Pero ngayon, ibinalik na niya kayo sa kanyang sarili sa pamamagitan ng kamatayan ng katawang-tao ni Cristo. Kaya maihaharap na kayo sa kanya na banal, malinis at walang kapintasan. 23 Pero kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa pananampalataya, at huwag hayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na narinig ninyo. Ang Magandang Balita na ito ay ipinahayag na sa buong mundo, at akong si Pablo ay naging lingkod nito.

Ang Paghihirap ni Pablo para sa mga Mananampalataya

24 Masaya ako sa mga nararanasan kong paghihirap ng katawan ko para sa inyo. Dahil dito, napupunan ko ang kulang sa mga paghihirap ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan. 25 Itinalaga ako ng Dios na maging tagapaglingkod ng iglesya para lubusang ipahayag ang mensahe niya sa inyo na mga hindi Judio. 26 Ito ang lihim niyang plano na hindi inihayag noon sa naunang mga panahon at mga salinlahi, pero ngayon ay inihayag na sa atin na mga pinabanal niya. 27 Nais ng Dios na ihayag sa atin ang dakila at kamangha-mangha niyang plano para sa lahat ng tao. At ito ang lihim na plano: Si Cristo ay sumasainyo at ito ang basehan ng pag-asa ninyo na inyong makakamtan ang napakabuting kalagayan sa hinaharap. 28 Kaya nga ipinangangaral namin si Cristo sa lahat ng tao. Pinapaalalahanan at tinuturuan namin ang bawat isa ayon sa karunungang ibinigay sa amin ng Dios. Sa ganoon, maihaharap namin ang bawat isa sa Dios nang ganap sa pakikipag-isa nila kay Cristo. 29 At para matupad ito, nagpapakahirap ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Cristo na nagpapalakas sa akin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®