M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Libingang Walang Laman
20 Sa unang araw ng sanlinggo, maagang pumunta sa libingan si Maria na taga-Magdala. Madilim pa noon. Nakita niya na ang bato ay naalis salibingan.
2 Siya ay tumakbo at pumunta kay Simon Pedro at sa isang alagad na inibig ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan. Hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.
3 Lumabas nga si Pedro at ang isang alagad na iyon at pumunta sa libingan. 4 Magkasamang tumakbo ang dalawa. Ang nasabing isang alagad ay tumakbo nang mabilis kaysa kay Pedro at naunang dumating sa libingan. 5 Nang siya ay yumuko, nakita niya ang mga kayong lino na nakalapag. Gayunman ay hindi siya pumasok. 6 Kasunod niyang dumating siSimon Pedro at ito ay pumasok sa loob ng libingan. Nakita niyang nakalapag doon ang mga telang lino. 7 Nakita rin niya ang panyong inilagay sa ulo ni Jesus na hindi kasamang nakalapag ng telang lino. Ito ay hiwalay na nakatiklop sa isang dako. 8 Pumasok din naman ang isang alagad na iyon na naunang dumating sa libingan. Nakita niya at siya ay sumampalataya. 9 Ito ay sapagkat hindi pa nila alam noon ang kasulatan, na siya ay dapat bumangon mula sa mga patay.
Nagpakita si Jesus kay Maria na Taga-Magdala
10 Ang mga alagad nga ay muling umalis pauwi sa kani-kanilangtahanan.
11 Ngunit si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na tumatangis. Sa kaniyang pagtangis, siya ay yumuko at tumingin sa loob ng libingan. 12 Nakita niyang nakaupo ang dalawang anghel na nakaputi. Ang isa ay nasa ulunan at ang isa ay nasa paanan ng pinaglagyan ng katawan ni Jesus.
13 Sinabi nila sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis?
Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang aking Panginoon at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.
14 Pagkasabi niya ng mga ito, siya ay tumalikod at nakita niya si Jesus na nakatayo. Hindi niya alam na iyon ay si Jesus.
15 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis? Sino ang hinahanap mo?
Inakala niyang siya ang tagapag-alaga ng halamanan. Kaya sinabi niya sa kaniya: Ginoo, kung kinuha mo siya rito, sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay. Kukunin ko siya.
16 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Maria.
Humarap siya at sinabi sa kaniya: Raboni! Ang ibig sabihin nito ay guro.
17 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakaakyat sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko. Sabihin mo sa kanila na ako ay papaitaas sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.
18 Si Maria na taga-Magdala ay pumunta sa mga alagad. Sinabi niya sa kanila na nakita niya ang Panginoon. At ang mga bagay na ito ay sinabi ni Jesus sa kaniya.
Nagpakita si Jesus sa Kaniyang mga Alagad
19 Kinagabihan ng araw ding iyon, na unang araw ng sanlinggo,nagtipon ang mga alagad. Ipininid nila ang mga pinto dahil sa takot nila sa mga Judio at dumating si Jesus at tumayo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo.
20 Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang tagiliran. Kaya nga, nagalak ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon.
21 Sinabi ngang muli ni Jesus sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo. Kung papaano ako isinugo ng Ama, gayundin, isinusugo ko kayo. 22 Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi sa kanila: Tanggapinninyo ang Banal na Espiritu. 23 Ang kaninumang mga kasalanan na inyong pinatatawad ay ipinatatawad iyon sa kanila. Ang kaninumang mga kasalanan na hindi ninyo pinatatawad, ang mga ito ay hindi pinatatawad.
Nagpakita si Jesus kay Tomas
24 Si Tomas na isa sa labindalawang alagad ay tinatawag na Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus.
25 Sinabi nga ng ibang mga alagad sa kaniya: Nakita namin ang Panginoon.
Sinabi niya sa kanila: Malibang makita ko ang tanda ng mga pako sa kaniyang mga kamay at mailagay ko ang aking mga daliri roon, at maipasok ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, kailanman ay hindi ako maniniwala.
26 Makalipas ang walong araw, ang mga alagad ay nasa loob muli ng bahay at kasama nila si Tomas. Kahit na nakapinid ang mga pinto dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. At sinabi niya: Kapayapaan ang sumainyo. 27 Pagkatapos noon, sinabi niya kay Tomas: Ilagay mo ang iyong daliri rito at tingnan mo ang aking mga kamay. Iabot mo ang iyong kamay rito at ipasok sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, kundi sumampalataya ka.
28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya: Aking Panginoon at aking Diyos.
29 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tomas, sumampalataya ka dahil nakita mo ako. Pinagpala sila na hindi nakakita ngunit sumampalataya.
30 Marami pang ibang mga tanda ang ginawa ni Jesus sa harapan ng kaniyang mga alagad. Ang mga ito ay hindi nasusulat sa aklat na ito. 31 Ngunit ang mga ito ay sinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. At ang mga ito ay sinulat upang pagkatapos ninyong sumampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.
4 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinanabikan, kayo ang aking kagalakan at putong. Magpakatatag kayo sa ganitong paraan sa Panginoon.
Mga Pagtatagubilin
2 Pinagtagubilinan ko sina Euodias at Sintique na magkaisa ng pag-iisip sa Panginoon.
3 Hinihiling ko rin naman sa iyo, tunay na kamanggagawa, na tulungan mo ang mga babaeng ito. Sila ang mga kasama kong nagpagal para sa ebanghelyo, kasama si Clemente at ang iba pang mga kamanggagawa na ang kanilang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay.
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon at muli kong sasabihin, magalak kayo. 5 Ipakilala ninyo sa lahat ng mga tao ang inyong kahinahunan. Malapit na ang Panginoon. 6 Huwag kayong mabalisa patungkol sa anumang bagay. Sa halip, ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos na may pasasalamat sa pamamagitan ng panalangin at ng panalanging may paghiling. 7 At ang kapayapaang mula sa Diyos, na higit sa anumang pang-unawa, ang siyang mag-iingat sa inyong mga puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
8 Sa katapus-tapusan mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, anuman ang marangal, anuman ang matuwid, anuman ang dalisay, anumang mga bagay angkaibig-ibig, anuman ang may mabuting ulat, kung mayroon mang kabutihan at anumang kapuri-puri, ang mga bagay na ito ang isipin ninyo. 9 Ang mga bagay din na inyong natutuhan, at tinanggap, at narinig at nakita sa akin ay isagawa ninyo. Sa gayon, ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.
Pagpapasalamat ni Pablo sa mga Taga-Filipos Dahil sa Kanilang mga Kaloob
10 Ngunit lubos akong nagagalak sa Panginoon na sa wakas muling nanariwa ngayon ang inyong pag-alaala sa akin, na bagaman may pag-alaala kayo sa akin, wala nga lang kayong pagkakataong ipakita ito.
11 Hindi sa ako ay nagsalita dahil sa aking pangangailangan, dahil natutuhan ko nang masiyahan anuman ang aking kalagayan. 12 Alam ko ang mabuhay sa paghihikahos at ang mabuhay sa kasaganaan, kung paano ang ibababa at alam ko kung paano ang sumagana. Sa lahat ng dako at sa lahat ngbagay ay tinuruan akong mabusog at magutom, maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan. 13 Ako ay may sapat na lakas na gawin ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Cristo na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.
14 Gayunman, napakabuti ng inyong ginawang pakikibahagi sa aking mga paghihirap. 15 Kayong mga taga-Filipos, alam din naman ninyo nasa pasimula pa ng pangangaral ng ebanghelyo, nang umalis ako sa Macedonia, walang ibang iglesiya ang nakipag-isa sa akin patungkol sa pagkakaloob at sa pagtanggap, kundi kayo lamang. 16 Ito ay sapagkat maging noong ako ay nasa Tesalonica ay nagpadala kayong minsan at muli para sa aking pangangailangan. 17 Hindi sapagkat ako ay naghahangad ng kaloob kundi ang hinahangad ko ay masaganang bunga na nakatala para sa inyo. 18 Mayroon ako ng lahat ng bagay at sumasagana. Napunan na ang aking pangangailangan dahil sa natanggap ko mula kay Epafrodito ang mga bagay na ipinadala ninyo. Ito ay samyo na mahalimuyak, isang haing katanggap-tanggap at kalugud-lugod sa Diyos. 19 Ngunit ang aking Diyos ang magpupuno sa inyo ng lahat ng inyong pangangailangan ayon sa kaniyang kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.
20 Ngayon, sa ating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailan pa man. Siya nawa.
Panghuling Pagbati
21 Batiin ninyo ang bawat banal kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko.
22 Binabati kayo ng lahat ng mga banal lalong-lalo na ang mga kasambahay ni Cesar.
23 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyong lahat. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International