Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 1

Ang Handog na Sinusunog

1-2 Tinawag ng Panginoon si Moises at kinausap doon sa Toldang Tipanan.[a] Inutusan niya si Moises na sabihin sa mga taga-Israel:

Kapag may naghahandog sa inyo ng hayop sa Panginoon, maghandog siya ng baka, tupa, o kambing. Kung baka ang kanyang iaalay bilang handog na sinusunog, kinakailangan ay lalaking baka at walang kapintasan. Ihahandog niya ito malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan, para sa pamamagitan ng handog na ito ay tanggapin siya ng Panginoon. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng bakang inihahandog niya, at itoʼy tatanggapin ng Panginoon para matubos siya sa kanyang mga kasalanan.[b] Pagkatapos, kakatayin niya ang bakang iyon sa presensya ng Panginoon. At ang dugo nitoʼy iwiwisik sa paligid ng altar, sa bandang pintuan ng Toldang Tipanan ng mga pari na mula sa angkan ni Aaron. Pagkatapos mabalatan at hiwa-hiwain ng naghahandog ang baka, ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ay magpapaningas ng apoy sa altar at lalagyan ng panggatong na inayos ng mabuti. At ilalagay nila nang maayos sa apoy ang mga hiniwang karne, pati ang ulo at taba. Pero huhugasan muna ng naghahandog ang mga lamang-loob, ang mga hita at pagkatapos, susunugin ng pari ang mga ito roon sa altar bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy[c] ay makalulugod sa Panginoon.

10 Kapag tupa o kambing ang iaalay ng tao bilang handog na sinusunog, kailangan ding lalaki at walang kapintasan. 11 Kakatayin niya ito sa presensya ng Panginoon doon sa gawing hilaga ng altar. At ang dugo nitoʼy iwiwisik sa paligid ng altar ng mga paring mula sa angkan ni Aaron. 12 At pagkatapos na hiwa-hiwain ito ng naghahandog, ilalagay ito nang maayos ng pari sa apoy pati na ang ulo at taba. 13 Pagkatapos, huhugasan ng naghahandog ang mga lamang-loob at mga paa, at saka ibibigay sa pari para sunugin sa altar bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.

14 Kapag ibon ang iaalay ng isang tao bilang handog na sinusunog para sa Panginoon, kinakailangang kalapati o batu-bato.[d] 15 Itoʼy dadalhin ng pari sa altar, pipilipitin niya ang leeg hanggang sa maputol at patutuluin ang dugo sa paligid ng altar. Ang ulo nito ay susunugin doon sa altar. 16 Pagkatapos, aalisin niya ang butsi at bituka[e] nito, at ihahagis sa gawing silangan ng altar sa pinaglalagyan ng abo. 17 At pagkatapos, bibiyakin niya ang ibon sa pamamagitan ng paghila ng mga pakpak nito, pero hindi niya paghihiwalayin, at saka niya susunugin ang ibon doon sa altar bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.

Juan 20

Muling Nabuhay si Jesus(A)

20 Kinaumagahan ng Linggo, habang madilim pa, pumunta si Maria na taga-Magdala sa libingan. Nakita niyang naalis na ang batong nakatakip sa pintuan nito. Kaya tumakbo siya at pumunta kay Simon Pedro at sa tagasunod na mahal ni Jesus. Pagdating niya sa kinaroroonan nila, sinabi niya sa kanila, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala.” Kaya tumakbo si Pedro papunta sa libingan kasama ang nasabing tagasunod. Pareho silang tumakbo, pero mas mabilis ang isa kaysa kay Pedro, kaya nauna itong nakarating sa libingan. Yumuko siya at sumilip sa loob ng libingan. Nakita niya ang mga telang linen na ipinambalot kay Jesus, pero hindi siya pumasok. Kasunod naman niyang dumating si Simon Pedro, at pumasok siya sa loob ng libingan. Nakita niya ang mga telang linen, maging ang ipinambalot sa ulo ni Jesus. Nakatiklop ito sa mismong lugar nito, at nakahiwalay sa ibang pang mga tela. 8-9 Pumasok na rin ang tagasunod na naunang nakarating, at nakita rin niya ang mga ito. Kahit na hindi pa nila nauunawaan ang tungkol sa sinasabi ng Kasulatan na si Jesus ay muling mabubuhay, naniwala siya na muling nabuhay si Jesus. 10 Pagkatapos nito, umuwi ang dalawang tagasunod.

Nagpakita si Jesus kay Maria na Taga-Magdala(B)

11 Naiwan si Maria sa labas ng libingan na umiiyak. Habang umiiyak, sumilip siya sa loob ng libingan 12 at nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi. Nakaupo sila sa pinaglagyan ng bangkay ni Jesus, isa sa may ulunan at isa sa may paanan. 13 Tinanong nila si Maria, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot siya, “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya dinala.” 14 Pagkasabi nitoʼy lumingon siya at nakita si Jesus na nakatayo, pero hindi niya nakilala na si Jesus iyon. 15 Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ba ang hinahanap mo?” Sa pag-aakalang siya ang hardinero roon, sumagot si Maria, “Kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro nʼyo sa akin kung saan nʼyo siya dinala, at kukunin ko siya.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maria!” Humarap si Maria kay Jesus at sinabi sa wikang Hebreo, “Rabboni!” (Ang ibig sabihin ay “Guro”.) 17 Sinabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, dahil hindi pa ako nakakabalik sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko at sabihing babalik na ako sa aking Ama na inyong Ama, at sa aking Dios na inyong Dios.” 18 Kaya pinuntahan ni Maria na taga-Magdala ang mga tagasunod ni Jesus at ibinalita sa kanila na nakita niya ang Panginoon. At sinabi niya sa kanila ang mga ipinapasabi ni Jesus.

Nagpakita si Jesus sa mga Tagasunod Niya(C)

19 Nang takip-silim na ng araw na iyon, nagsama-sama ang mga tagasunod ni Jesus. Ikinandado nila ang mga pinto dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 20 Pagkasabi niya nito, ipinakita niya ang sugat sa mga kamay at tagiliran niya. Labis na natuwa ang mga tagasunod nang makita ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan. Kung paanong sinugo ako ng Ama, kayo ay isinusugo ko rin.” 22 Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi, “Tanggapin nʼyo ang Banal na Espiritu. 23 Kung patatawarin nʼyo ang kasalanan ng isang tao, pinatawad na siya ng Dios. At kung hindi nʼyo patatawarin ang kanyang kasalanan, hindi rin siya pinatawad ng Dios.”

Ang Pagdududa ni Tomas

24 Si Tomas na tinatawag na Kambal,[a] na isa rin sa 12 apostol ay hindi nila kasama noong nagpakita si Jesus. 25 Kaya ibinalita nila sa kanya na nakita nila ang Panginoon. Pero sinabi niya sa kanila, “Hindi ako maniniwala hanggaʼt hindi ko nakikita ang mga sugat ng pagkakapako sa mga kamay niya at mahipo ang mga ito, pati na ang sugat sa kanyang tagiliran.”

26 Makalipas ang walong araw, nagtipon ulit ang mga tagasunod ni Jesus sa loob ng bahay. Kasama na nila si Tomas. Kahit nakakandado ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 27 Sinabi ni Jesus kay Tomas, “Tingnan mo ang mga kamay ko. Hipuin mo, pati na rin ang aking tagiliran. Huwag ka nang magduda; maniwala ka na.” 28 Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon ko at Dios ko!” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”

Ang Layunin ng Aklat na Ito

30 Marami pang himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga tagasunod niya ang hindi naisulat sa aklat na ito. 31 Pero ang nasa aklat na itoʼy isinulat upang sumampalataya kayo na si Jesus nga ang Cristo, ang Anak ng Dios. At kung sasampalataya kayo sa kanya, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.

Kawikaan 17

17 Ang kaunting pagkain na pinagsasaluhan nang may kapayapaan ay higit na mabuti kaysa sa maraming pagkain ngunit may alitan.
Pamumunuan ng marunong na lingkod ang nakakahiyang anak ng kanyang amo at sa kanilang mamanahin makakabahagi pa ito.
Sinusubok ng Panginoon ang puso ng tao katulad ng pilak at ginto na sinusubok sa apoy kung ito ay tunay o hindi.
Ang taong masama ay gustong makinig sa kapwa niya masama, at ang taong sinungaling ay gustong makinig sa kapwa niya sinungaling.
Ang kumukutya sa mahihirap ay inaalipusta ang kanyang Manlilikha. Ang taong nagagalak sa kapahamakan ng iba ay parurusahan.
Karangalan ng mga loloʼt lola ang kanilang mga apo, gayon din naman, karangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang.
Hindi bagay sa hangal ang magsalita ng mabuti, at lalong hindi bagay sa isang namumuno ang magsinungaling.
Sa tingin ng iba ang suhol ay parang salamangka na magagawa ang kahit anumang bagay.
Kung patatawarin mo ang kasalanan ng iyong kaibigan, mananatili ang inyong samahan, ngunit kung patuloy mong uungkatin ang kanyang kasalanan, masisira ang inyong pagkakaibigan.
10 Sa isang saway lang natututo ang taong may pang-unawa, ngunit ang taong mangmang ay hindi natututo hampasin mo man ng walang awa.
11 Laging naghahanap ng gulo ang taong masama, kaya ipapadala laban sa kanya ang isang taong malupit na magpaparusa sa kanya.
12 Mas mabuti pang masalubong mo ang isang osong inagawan ng anak kaysa sa hangal na gumagawa ng kahangalan.
13 Kapag kasamaan ang iginanti mo sa kabutihang ginawa sa iyo, palaging may masamang mangyayari sa sambahayan mo.
14 Ang simula ng away ay katulad ng butas sa isang dike, kailangang tapalan bago lumaki.
15 Kasuklam-suklam sa Panginoon ang taong nagpaparusa sa taong walang kasalanan o nagpapalaya sa taong may kasalanan.
16 Walang kabuluhang pag-aralin ang taong hangal sapagkat hindi naman niya hinahangad ang matuto.
17 Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at nagkaroon tayo ng kapatid upang sa kagipitan ay tumulong.
18 Ang taong nangakong managot sa utang ng iba ay kulang sa karunungan.
19 Ang taong gusto ng kasalanan ay gusto rin ng kaguluhan. At ang taong mayabang ay naghahanap ng kapahamakan.
20 Hindi uunlad ang taong baluktot ang pag-iisip, at ang taong sinungaling ay dadanas ng kasawian.
21 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kalungkutan at kabiguan sa magulang.
22 Ang pagiging masayahin ay parang gamot na nakabubuti sa katawan, ngunit ang pagiging malungkutin ay nagpapahina ng katawan.
23 Ang taong masama ay tumatanggap ng suhol upang ipagkait ang makatarungang hatol.
24 Ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan; ngunit ang isip ng mangmang ay pagala-gala.
25 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapaitan at kalungkutan sa kanyang mga magulang.
26 Hindi mabuti na parusahan ang taong matuwid o ang taong marangal.
27 Ang taong marunong at nakakaunawa ay maingat magsalita at hindi padalos-dalos.
28 Kahit ang mangmang ay parang marunong at nakakaunawa kapag tahimik.

Filipos 4

Mga Bilin

Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo sa Panginoon. Mahal na mahal ko kayo at nasasabik akong makita kayo. Kayo ang kagalakan at gantimpala ko sa paglilingkod.

Nakikiusap ako kina Eudia at Syntique, na magkasundo na sila bilang magkapatid sa Panginoon. At nakikiusap din ako sa iyo, tapat kong kasama sa pangangaral, na tulungan mo ang mga babaeng ito. Sapagkat katulong ko sila sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama nina Clement at ng iba ko pang kamanggagawa na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay.[a]

Magalak kayong lagi sa Panginoon! Inuulit ko, magalak kayo!

Ipakita nʼyo sa lahat ang kagandahang-loob ninyo. Malapit nang dumating ang Panginoon! Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat. Kapag ginawa nʼyo ito, bibigyan kayo ng Dios ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso ninyo at pag-iisip dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus. At ang kapayapaang ito ay hindi kayang unawain ng tao.

Bukod diyan, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na mabuti at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais. Ipamuhay nʼyo ang lahat ng natutunan nʼyo at tinanggap mula sa akin, sa salita at sa gawa, at sasainyo ang Dios na nagbibigay ng kapayapaan.

Ang Pasasalamat ni Pablo sa Kanilang Tulong

10 Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil muli nʼyong ipinakita ang pagmamalasakit nʼyo sa akin. Alam kong lagi kayong nagmamalasakit sa akin, kaya lang wala kayong pagkakataong maipakita ito. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil nanghihingi ako ng tulong sa inyo. Sapagkat natutunan kong maging kontento anuman ang kalagayan ko. 12 Marunong akong mamuhay sa hirap o ginhawa. Natutunan ko na ang lahat ng ito, kaya maging anuman ang kalagayan ko, busog man o gutom, sagana o salat, kontento pa rin ako. 13 Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin. 14 Ganoon pa man, nagpapasalamat ako dahil tinulungan nʼyo ako sa kagipitan ko. 15 Alam naman ninyong mga taga-Filipos na noong umalis ako sa Macedonia at nagsisimula pa lang sa pangangaral ng Magandang Balita, walang ibang iglesya na tumulong sa mga pangangailangan ko kundi kayo lang. 16 Kahit noong nasa Tesalonica ako, ilang ulit din kayong nagpadala ng tulong sa akin. 17 Sinasabi ko ito, hindi dahil gusto kong makatanggap ulit ng tulong mula sa inyo, kundi dahil gusto kong makatanggap kayo ng mga gantimpala dahil sa kagandahang-loob ninyo. 18 Ngayon, dahil sa tulong na ipinadala nʼyo sa akin sa pamamagitan ni Epafroditus, natugunan na ang mga pangangailangan ko at sobra pa nga. Ang tulong ninyo ay tulad ng mabangong handog sa Dios na tinatanggap niya nang may kasiyahan. 19 At dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus, ibibigay sa inyo ng aking Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo, mula sa kasaganaan ng kayamanan niya. 20 Purihin natin ang ating Dios at Ama magpakailanman. Amen.

Mga Huling Pangangamusta

21 Ikumusta nʼyo ako sa lahat ng mga pinabanal[b] diyan ng Dios na nakay Cristo Jesus. Kinukumusta kayo ng mga kapatid kay Cristo na kasama ko rito. 22 Kinukumusta rin kayo ng lahat ng mga pinabanal ng Dios dito, lalung-lalo na ang mga naglilingkod sa palasyo ng Emperador.

23 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®