M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagtatayo ng Toldang Sambahan
40 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Itayo mo ang Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan sa unang araw ng unang buwan. 3 Ilagay mo sa loob ang Kahon ng Kasunduan, at tabingan mo ito ng kurtina. 4 Ipasok mo ang mesa sa Tolda at ayusin mo ang mga kagamitan nito. Ipasok mo rin ang mga lalagyan ng ilaw at ilagay ang mga ilaw nito. 5 Ilagay mo ang mga gintong altar na pagsusunugan ng insenso sa harap ng Kahon ng Kasunduan, at ikabit ang kurtina sa pintuan ng Tolda.
6 “Ilagay mo ang altar na pagsusunugan ng mga handog sa harapan ng pintuan ng Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan. 7 Ang planggana ay ilagay sa pagitan ng Tolda at ng altar, at lagyan ito ng tubig. 8 Ilagay ang mga kurtina sa bakuran ng Tolda, pati ang kurtina sa pintuan ng bakuran.
9 “Pagkatapos, kunin mo ang langis at wisikan ang Tolda at ang lahat ng kagamitan nito bilang pagtatalaga nito sa akin, at magiging banal ito. 10 Wisikan mo rin ang altar na pagsusunugan ng mga handog at ang lahat ng kagamitan nito bilang pagtatalaga nito sa akin, at magiging pinakabanal ito. 11 Wisikan mo rin ang planggana at ang patungan nito bilang pagtatalaga nito sa akin.
12 “Dalhin mo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki sa pintuan ng Toldang Tipanan at paliguin mo sila roon. 13 Ipasuot mo kay Aaron ang banal na mga damit at italaga siya sa akin sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis para makapaglingkod siya sa akin bilang pari. 14 Dalhin mo rin ang mga anak niya at ipasuot ang damit-panloob nila. 15 Pahiran mo rin sila ng langis gaya ng ginawa mo sa kanilang ama, para makapaglingkod din sila sa akin bilang mga pari sa lahat ng susunod pang mga henerasyon.” 16 Ginawa ni Moises ang lahat ng iniutos sa kanya ng Panginoon.
17 Kaya itinayo ang Toldang Sambahan noong unang araw ng unang buwan. Ikalawang taon iyon nang paglabas nila ng Egipto. 18 Ganito itinayo ni Moises ang Tolda: Inilagay niya ang mga pundasyon, balangkas, biga, at haligi. 19 Inilatag niya ang Tolda at pinatungan niya ng pantaklob. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
20 Pagkatapos, ipinasok niya sa Kahon ang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios, at isinuksok niya sa argolya[a] ng Kahon ang mga tukod na pambuhat, at tinakpan ito. 21 Ipinasok niya ang Kahon sa loob ng Toldang Sambahan, at isinabit ang kurtina para matakpan ang Kahon ng Kasunduan ayon sa iniutos ng Panginoon.
22 Inilagay niya ang mesa sa loob ng Tolda, sa bandang hilaga, sa labas ng kurtina. 23 At inilagay niya sa mesa ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon.
24 Inilagay din niya ang lalagyan ng ilaw sa loob ng Tolda, sa harapan ng mesa, sa bandang timog. 25 At inilagay niya ang mga ilaw nito sa presensya ng Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
26 Inilagay din niya ang gintong altar sa loob ng Tolda, sa harapan ng kurtina, 27 at nagsunog siya ng mabangong insenso sa altar. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon.
28 Ikinabit din niya ang kurtina sa pintuan ng Tolda, 29 at inilagay niya malapit sa pintuan ang altar na pinagsusunugan ng mga handog. Pagkatapos, nag-alay siya sa altar na ito ng mga handog na sinusunog at mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
30 Inilagay din niya ang planggana sa pagitan ng Tolda at ng altar. Nilagyan niya ito ng tubig para paghugasan. 31 At naghugas sina Moises, Aaron at ang mga anak niyang lalaki ng mga kamay at paa nila. 32 Maghuhugas sila kapag pumapasok sa Tolda o kapag lalapit sila sa altar. Ginawa nilang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
33 Pagkatapos, inilagay ni Moises ang mga kurtina ng bakuran, na nakapaligid sa Tolda at altar, pati ang kurtina sa pintuan ng bakuran. At natapos ni Moises ang lahat ng gawain niya.
Ang Makapangyarihang Presensya ng Panginoon(A)
34 Pagkatapos ng lahat ng ito, binalot ang Toldang Tipanan[b] ng makapangyarihang presensya ng Panginoon na nasa anyo ng isang ulap. 35 Hindi makapasok si Moises sa Tolda dahil nababalot ito ng makapangyarihang presensya ng Panginoon na nasa anyong ulap.
36 Kapag pumaitaas ang ulap mula sa Tolda at umalis, umaalis din ang mga Israelita sa pinagkakampuhan nila. 37 Pero kung hindi, hindi rin sila umaalis. 38 Ang ulap na sumisimbolo sa presensya ng Panginoon ay nasa itaas ng Tolda kapag araw, at nag-aapoy naman ito kapag gabi para makita ng lahat ng Israelita habang naglalakbay sila.
19 Kaya ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. 2 Gumawa ang mga sundalo ng koronang tinik at ipinutong kay Jesus, at sinuotan nila siya ng kulay ubeng kapa. 3 At isa-isa silang lumapit sa kanya at nagsabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” at pinagsasampal siya. 4 Muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga tao, “Makinig kayo! Ihaharap ko siyang muli sa inyo. Gusto kong malaman nʼyo na wala akong nakitang kasalanan sa kanya!” 5 Nang lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at ang kulay ubeng kapa, sinabi ni Pilato, “Tingnan nʼyo siya!” 6 Nang makita si Jesus ng mga namamahalang pari at ng mga guwardya, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Pero sumagot si Pilato, “Kayo ang kumuha sa kanya at magpako sa krus, dahil kung sa akin lang ay wala akong makitang kasalanan sa kanya.” 7 Pero nagpumilit ang mga Judio, “May Kautusan kami. At ayon dito, dapat siyang mamatay dahil sinasabi niyang Anak siya ng Dios.”
8 Nang marinig ito ni Pilato, lalo pa siyang natakot. 9 Kaya muli niyang dinala si Jesus sa loob ng palasyo at tinanong, “Taga-saan ka ba?” Pero hindi sumagot si Jesus. 10 Kaya sinabi ni Pilato, “Bakit ayaw mo akong sagutin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?” 11 Sumagot si Jesus, “Wala kang maaaring gawin sa akin kung hindi ka binigyan ng Dios ng kapangyarihan. Kaya mas malaki ang kasalanan ng taong nagdala sa akin dito sa iyo.” 12 Nang marinig ito ni Pilato, muli niyang sinikap na mapalaya si Jesus. Pero nagsigawan ang mga Judio, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Sapagkat ang sinumang nagsasabing hari siya ay kaaway ng Emperador.” 13 Nang marinig ito ni Pilato, inilabas niya si Jesus sa palasyo. Pagkatapos, umupo siya sa upuan ng tagahatol, sa lugar na kung tawagin ay “Batong Plataporma”, (na sa wikang Hebreo ay “Gabbata”).
14 Bandang tanghali na noon ng bisperas ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang hari nʼyo!” 15 Pero nagsigawan ang mga Judio, “Patayin siya! Patayin siya! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Ipapako ko ba sa krus ang hari nʼyo?” Sumagot ang mga namamahalang pari, “Wala kaming ibang hari kundi ang Emperador!” 16 Kaya ibinigay ni Pilato sa kanila si Jesus upang ipako sa krus.
Ipinako sa Krus si Jesus(A)
Dinala si Jesus ng mga sundalo 17 palabas ng lungsod. Ipinapasan nila kay Jesus ang kanyang krus papunta sa lugar na tinatawag na “Lugar ng Bungo” (na sa wikang Hebreo ay Golgota). 18 Doon nila ipinako sa krus si Jesus, kasama ng dalawa pa. Sa kanan ang isa at ang isa namaʼy sa kaliwa, at nasa gitna nila si Jesus. 19 Pinalagyan ni Pilato ng karatula ang krus ni Jesus, at ganito ang nakasulat: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Maraming Judio ang nakabasa nito, dahil malapit lang sa lungsod ang lugar kung saan ipinako sa krus si Jesus. 21 Nagreklamo ang mga namamahalang pari kay Pilato, “Hindi dapat ‘Hari ng mga Judio’ ang isinulat nʼyo kundi, ‘Sinabi ng taong ito na siya raw ang hari ng mga Judio.’ ” 22 Pero sinagot sila ni Pilato, “Kung ano ang isinulat ko, iyon na.”
23 Nang maipako na ng mga sundalo si Jesus, kinuha nila ang kanyang damit at hinati-hati sa apat, tig-isang bahagi ang bawat sundalo. Kinuha rin nila ang damit-panloob niya; hinabi ito nang buo at walang tahi o dugtong. 24 Sinabi ng isang sundalo, “Huwag na natin itong paghatian. Magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.” Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa Kasulatan,
“Pinaghati-hatian nila ang aking damit,
at nagpalabunutan sila para sa aking damit-panloob.”[a]
At ito nga ang ginawa ng mga sundalo.
25 Nakatayo malapit sa krus ni Jesus ang kanyang ina, ang kapatid ng kanyang ina, si Maria na asawa ni Clopas, at si Maria na taga-Magdala.[b] 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina na nakatayo roon katabi ng minamahal niyang tagasunod, sinabi niya, “Babae, ituring mo siyang anak.” 27 At sinabi naman niya sa tagasunod niya, “Ituring mo siyang ina.” Mula noon, tumira na ang ina ni Jesus sa tahanan ng tagasunod na ito.
Ang Pagkamatay ni Jesus(B)
28 Alam ni Jesus na tapos na ang misyon niya, at para matupad ang nakasulat sa Kasulatan, sinabi niya, “Nauuhaw ako.” 29 May isang banga roon na puno ng maasim na alak. Isinawsaw ng mga sundalo ang isang espongha sa alak, ikinabit sa sanga ng isopo at inilapit sa bibig ni Jesus. 30 Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Tapos na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
Sinibat ang Tagiliran ni Jesus
31 Bisperas na noon ng pista, at kinabukasan ay espesyal na Araw ng Pamamahinga. Dahil ayaw ng mga Judio na maiwan sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga, hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakapako upang madali silang mamatay, at nang maalis agad ang mga bangkay. 32 Kaya ito nga ang ginawa ng mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng dalawang kasama ni Jesus na ipinako. 33 Pero pagdating nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya, kaya hindi na nila binali ang mga binti niya. 34 Sa halip, sinaksak ng sibat ng isa sa kanila ang tagiliran ni Jesus at biglang dumaloy ang dugo at tubig. 35 Nakita ko mismo ang mga pangyayari, at isinasalaysay ko ito sa inyo. Totoong nangyari ito, kaya alam kong totoo ang mga sinasabi ko. Isinasalaysay ko ito upang sumampalataya rin kayo.[c] 36 Nangyari ang mga bagay na ito upang matupad ang sinasabi sa Kasulatan: “Walang mababali ni isa man sa kanyang mga buto.”[d] 37 Sinasabi rin sa isa pang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang taong sinaksak nila.”[e]
Ang Paglilibing kay Jesus(C)
38 Pagkatapos nito, hiningi ni Jose na taga-Arimatea ang bangkay ni Jesus kay Pilato. (Si Jose ay isang tagasunod ni Jesus, ngunit palihim lang dahil natatakot siya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinayagan siya ni Pilato, kaya pinuntahan niya ang bangkay ni Jesus para kunin ito. 39 Sinamahan siya ni Nicodemus, ang lalaking bumisita noon kay Jesus isang gabi. Nagdala si Nicodemus ng mga 35 kilo ng pabango na gawa sa pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng dala nilang pabango habang ibinabalot ng telang linen, ayon sa nakaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 Sa lugar kung saan ipinako si Jesus ay may halamanan. At doon ay may isang bagong libingan na hinukay sa gilid ng burol, na hindi pa napapaglibingan. 42 Dahil bisperas na noon ng pista, at dahil malapit lang ang libingang iyon, doon na nila inilibing si Jesus.
16 Nasa tao ang pagpaplano, ngunit ang Panginoon ang nagpapasya kung magaganap ito o hindi.
2 Inaakala natin na tama ang lahat ng ating ginagawa, ngunit ang Panginoon lang ang makakapaghusga kung ano talaga ang ating motibo.
3 Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong gagawin, at magtatagumpay ka.
4 Ang lahat ay nilikha ng Panginoon na mayroong layunin, kahit na nga ang masasama, itinalaga sila para sa kapahamakan.
5 Kinasusuklaman ng Panginoon ang mayayabang at tiyak na silaʼy parurusahan.
6 Kung minamahal natin ang Panginoon nang may katapatan, patatawarin niya ang ating mga kasalanan. Kung may takot tayo sa kanya nang may paggalang, makalalayo tayo sa kasamaan.
7 Kapag kinalulugdan ng Panginoon ang ating pamumuhay, kahit na ang ating kaaway ay gagawin niyang ating kaibigan.
8 Mas mabuti ang kaunting halaga na pinaghirapan, kaysa sa malaking kayamanang galing sa masamang paraan.
9 Ang tao ang nagpaplano, ngunit nasa Panginoon ang kaganapan nito.
10 Ang haring pinapatnubayan ng Panginoon, palaging tama ang paghatol.
11 Ayaw ng Panginoon ang dayaan sa kalakalan.
12 Sa mga hari ay kasuklam-suklam ang paggawa ng kasamaan, dahil magpapatuloy lamang ang kanilang pamamahala kung sila ay makatuwiran.
13 Nalulugod ang mga hari sa mga taong hindi nagsisinungaling; minamahal nila ang mga taong nagsasabi ng katotohanan.
14 Kapag ang hari ay nagalit maaaring may masawi, kaya sinisikap ng taong marunong na malugod ang hari.
15 Hindi pinapatay ng hari ang taong sa kanya ay kalugod-lugod; pinakikitaan niya ito ng kabutihan gaya ng ulan sa panahon ng tagsibol.
16 Higit na mabuti ang magkaroon ng karunungan at pang-unawa, kaysa sa magkaroon ng pilak at ginto.
17 Ang namumuhay nang matuwid ay lumalayo sa kasamaan, at ang nag-iingat ng kanyang sarili ay nalalayo sa kapahamakan.
18 Ang kayabangan ay humahantong sa kapahamakan, at ang nagmamataas ay ibabagsak.
19 Higit na mabuti ang mamuhay nang may pagpapakumbaba kasama ang mahihirap kaysa sa mamuhay kasama ng mayayabang at makibahagi sa kanilang pinagnakawan.
20 Ang taong nakikinig kapag tinuturuan ay uunlad, at ang taong nagtitiwala sa Panginoon ay mapalad.
21 Ang marunong ay kinikilalang may pang-unawa, at kung siyaʼy magaling magsalita marami ang matututo sa kanya.
22 Kapag may karunungan ka, buhay moʼy bubuti at hahaba; ngunit kung hangal ka, parurusahan ka dahil sa iyong kahangalan.
23 Ang taong marunong ay nag-iingat sa kanyang mga sinasabi, kaya natututo ang iba sa kanya.
24 Ang matatamis na salita ay parang pulot-pukyutan, nakakapagpasaya at nakakapagpasigla ng katawan.
25 Maaaring iniisip mo na nasa tamang daan ka, ngunit ang dulo pala nito ay kamatayan.
26 Ang kagutuman ang nagtutulak sa tao na magtrabaho.
27 Ang taong masama ay nag-iisip ng kasamaan, at ang bawat sabihin niya ay parang apoy na nakakapaso.
28 Ang taong nanlilibak ng kapwa ay nagsisimula ng away, at ang matalik na magkaibigan ay kanyang pinaghihiwalay.
29 Ang taong nabubuhay sa karahasan ay nanghihikayat ng kanyang kapwa sa kasamaan.
30 Mag-ingat sa taong ngingiti-ngiti at kikindat-kindat dahil maaaring masama ang kanyang binabalak.
31 Ang katandaan ay tanda ng karangalan[a] na matatanggap ng taong namumuhay sa katuwiran.
32 Higit na mabuti ang taong mapagpasensya kaysa sa taong makapangyarihan. Higit na mabuti ang taong nakakapagpigil sa sarili kaysa sa taong nakakasakop ng isang lungsod.
33 Nagpapalabunutan ang mga tao upang malaman kung ano ang kanilang gagawin, ngunit nasa Panginoon ang kapasyahan.
Ang Tunay na Pagiging Matuwid
3 Ngayon, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi ako magsasawang sabihin ito nang paulit-ulit dahil para ito sa kabutihan ninyo. 2 Mag-ingat kayo sa mga Judio na namimilit na tuliin ang mga hindi Judio. Mga asal-hayop sila at gumagawa ng masama. 3 Ngunit tayo ang totoong tuli,[a] dahil sumasamba tayo sa Dios sa tulong ng Banal na Espiritu, at ipinagmamalaki ang ginawa ni Cristo Jesus. Hindi tayo nagtitiwala sa mga panlabas na seremonya o panuntunan para maligtas tayo. 4 Kung sabagay, mayroon akong maipagmamalaki kung ang pagsunod sa mga seremonya ang pag-uusapan. Kung iniisip ninuman na may katuwiran siyang magmalaki sa mga bagay na ito, lalo na ako. 5 Sapagkat noong walong araw pa lamang ako ay tinuli na ako. Isa akong Israelita na mula sa lahi ni Benjamin. Kaya kung pagiging tunay na Judio ang pag-uusapan, talagang tunay akong Judio. At kung pagsunod sa Kautusan ng mga Judio naman ang pag-uusapan, talagang sinusunod ko ito dahil Pariseo ako. 6 Kung tungkol naman sa sigasig ng pagsunod ko sa relihiyon ng mga Judio, inusig ko ang iglesya. Walang maipipintas sa akin pagdating sa pagsunod sa Kautusan. 7 Pinapahalagahan ko noon ang lahat ng ito, pero ngayon itinuturing ko na itong walang halaga dahil kay Cristo. 8 At hindi lang iyan, para sa akin, ang lahat ng bagay ay walang halaga kung ihahambing sa pagkakakilala ko kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Itinuring ko na parang basura ang lahat ng bagay makamtan lang si Cristo, 9 at ako namaʼy maging kanya. Hindi na ako nagtitiwala na akoʼy magiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan kundi sa pananampalataya kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ay kaloob sa akin ng Dios nang sumampalataya ako kay Cristo. 10 Nais ko ngayon na higit pang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng muli niyang pagkabuhay, makabahagi sa mga paghihirap niya at matulad sa kanya, sa kamatayan niya. 11 Sa ganoon, mabubuhay akong muli. Harinawa.
Magpatuloy Hanggang Makamtan ang Gantimpala
12 Hindi ko sinasabing nakamtan ko na ang lahat, o kayaʼy naging ganap na ako. Sa halip, patuloy akong nagsusumikap para makamtan iyon, dahil ito ang layunin ni Cristo Jesus nang tawagin niya ako. 13 Mga kapatid, hindi ko sinasabing naabot ko na ang ganap na buhay. Ngunit ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at pinagsisikapan kong makamtan ang nasa hinaharap. 14 Tulad ng isang manlalaro, nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala na walang iba kundi ang pagtawag sa akin ng Dios na makapamuhay sa langit sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 15 Tayong malalago sa pananampalataya ay magkaroon sana ng ganitong kaisipan. Pero kung hindi ganito ang pag-iisip nʼyo, ipapaunawa ito sa inyo ng Dios. 16 Ang mahalaga ay patuloy nating sinusunod ang mga katotohanang natutunan na natin.
17 Mga kapatid, tularan nʼyo ako, at tularan din ninyo ang iba pang namumuhay nang tulad namin. 18 Sapagkat maraming namumuhay na salungat sa aral tungkol sa kamatayan ni Cristo sa krus. Ilang ulit ko nang sinabi sa inyo ang tungkol sa kanila, at naluluha akong ipaalala ulit ito sa inyo ngayon. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila dahil dinidios nila ang kanilang tiyan.[b] Ipinagmamalaki pa nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga makamundong bagay. 20 Ngunit para sa atin, ang langit ang tunay nating bayan. At mula roon, hinihintay natin nang may pananabik ang pagbabalik ng Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo. 21 Sa pagdating niya, babaguhin niya ang mahihina at namamatay nating katawang lupa at gagawing tulad ng maluwalhati niyang katawan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang sumasakop sa lahat ng bagay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®