M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Paggawa ng Altar na Pagsusunugan ng mga Handog(A)
38 Gumawa rin sila ng kwadradong altar na pagsusunugan ng handog na sinusunog. Pitoʼt kalahating talampakan ang haba nito, pitoʼt kalahating talampakan din ang lapad, at apat at kalahating talampakan ang taas. 2 Nilagyan nila ito ng parang mga sungay sa apat na sulok, na kasama nang ginawa nang gawin ang altar. Binalutan nila ng tanso ang altar. 3 Ang lahat ng kagamitan ng altar ay gawa rin sa tanso – ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, malalaking tinidor para sa karne at mga lalagyan ng baga. 4 Gumawa rin sila ng parilyang tanso para sa altar, at inilagay nila sa ilalim ng altar, sa patungan nito sa gitna ng altar. 5 Gumawa rin sila ng apat na argolyang tanso at ikinabit ito sa apat na sulok ng parilyang tanso. Ang mga argolyang ito ang pagsusuksukan ng mga tukod na pambuhat sa altar. 6 Ang mga tukod ay gawa sa kahoy ng akasya at binalutan ng tanso. 7 Isinuksok nila ang mga tukod sa argolya sa bawat gilid ng altar para mabuhat ito. Tabla ang ginawa nilang altar at bakante ang loob.
Ang Paggawa ng Plangganang Hugasan(B)
8 Pagkatapos, gumawa sila ng tansong planggana. Ang patungan nito ay tanso rin. Ang mga tansong ginamit dito ay galing sa tanso na salamin ng mga babaeng naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan.[a]
Ang Paggawa sa Bakuran ng Toldang Tipanan(C)
9 Nilagyan nila ng bakuran ang Toldang Tipanan, at pinalibutan nila ito ng mga kurtina na pinong telang linen. Ang haba ng kurtina sa bandang timog ay 150 talampakan. 10 Ikinabit nila ang kurtina sa 20 haliging tanso na nakasuksok din sa 20 pundasyong tanso. Ang kinabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi. 11 Ang kurtina sa bandang hilaga ay 150 talampakan din ang haba at nakakabit ito sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pinagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.
12 Ang kurtina sa bandang kanluran ay 75 talampakan ang haba, at nakakabit ito sa sampung haligi na nakasuksok naman sa sampung pundasyon. Ang pinagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi. 13 Ang kurtina sa bandang silangan ay 75 talampakan ang haba. 14 Ang pintuan ng bakuran ay nasa silangan, at may mga kurtina ito sa gilid. Ang kurtina sa kanan ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 15 Ang kurtina sa kaliwa ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 16 Ang lahat ng kurtina sa palibot ng bakuran ay gawa sa pinong telang linen. 17 Tanso ang pundasyon ng mga haligi, at pilak naman ang mga kawit, at mga baras nito. Ang mga ulo ng haligi ay nababalutan ng pilak. Ang lahat ng haligi sa palibot ng bakuran ay may baras na pilak.
18 Ang kurtina ng pintuan ng bakuran ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube, at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ang haba nitoʼy 30 talampakan at pitoʼt kalahating talampakan ang taas, katulad ng taas ng mga kurtina na nakapalibot sa bakuran. 19 Ang kurtinang itoʼy nakakabit sa apat na haligi na nakasuksok naman sa apat na pundasyon. Nababalutan ng pilak ang mga kawit at mga baras ng mga haligi at ang mga ulo nito. 20 Purong tanso ang lahat ng tulos ng Tolda at ng bakuran sa palibot nito.
Ang mga Materyales na Ginamit sa Pagpapatayo ng Tolda
21 Ito ang mga materyales na ginamit sa pagpapatayo ng Toldang Sambahan, kung saan nakalagay ang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios. Inilista ng mga Levita ang mga materyales na ito ayon sa utos ni Moises. Ang gawaing itoʼy pinamahalaan ni Itamar na anak ni Aaron na pari.
22 Ang namamahala sa pagpapatayo ng Tolda ay si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. Ginawa niya ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 23 Katulong niya si Oholiab na anak ni Ahisamac, na mula sa lahi ni Dan. Magaling siyang magtrabaho, magdisenyo, at magburda ng pinong telang linen at ng lanang kulay asul, ube at pula.
24 Ang kabuuang timbang ng gintong inihandog para gamitin sa paggawa ng Tolda ay 1,000 kilo ayon sa timbangang ginagamit ng mga pari.
25-26 Ang kabuuang timbang ng pilak na naipon ay 3,520 kilo ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Nanggaling ito sa mga taong nailista sa sensus. Nagbigay ang bawat isa sa kanila ng anim na gramo ng pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. May 603,550 tao na may edad na 20 pataas ang nailista sa sensus. 27 Ang 3,500 kilo ng pilak ay ginamit sa paggawa ng 100 pundasyon ng Tolda at ng mga kurtina, 35 kilo bawat pundasyon. 28 Ang natirang 20 kilong pilak ay ginawang kawit at baras ng mga haligi, at ibinalot sa ulo ng mga haligi.
29 Ang bigat ng tansong inihandog sa Panginoon ay mga 2,500 kilo. 30 Ginamit ito sa paggawa ng mga pundasyon ng mga haligi sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang iba ritoʼy ginamit sa paggawa ng altar na tanso, ng parilya nito, at ng lahat ng kagamitan ng altar. 31 Ginamit din ang mga tanso sa paggawa ng mga pundasyon ng mga haligi sa palibot ng bakuran at ng pintuan nito, at sa paggawa ng lahat ng tulos ng Tolda at ng mga kurtina sa palibot nito.
Nanalangin si Jesus para sa mga Tagasunod Niya
17 Pagkasabi ni Jesus ng mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras. Parangalan mo ako na iyong Anak para maparangalan din kita. 2 Sapagkat binigyan mo ako ng kapangyarihan sa lahat ng tao para mabigyan ko ng buhay na walang hanggan ang lahat ng taong ibinigay mo sa akin. 3 At ito ang kahulugan ng buhay na walang hanggan: ang makilala ka ng mga tao na ikaw lang ang tunay na Dios, at makilala rin nila ako na isinugo mo. 4 Pinarangalan kita rito sa lupa dahil natapos ko na ang ipinagawa mo sa akin. 5 Kaya ngayon, Ama, parangalan mo ako sa piling mo. Ipagkaloob mo sa akin ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa man nilikha ang mundo.
6 “Ipinakilala kita sa mga taong pinili mo mula sa mga tao sa mundo at ibinigay sa akin. Sila ay sa iyo at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. 7 Ngayon alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay nanggaling sa iyo. 8 Sapagkat itinuro ko sa kanila ang mga itinuro mo sa akin, at tinanggap naman nila. Sigurado silang nagmula ako sa iyo, at naniniwala silang isinugo mo ako.
9 “Idinadalangin ko sila. Hindi ako nananalangin para sa mga taong makamundo kundi para sa mga taong ibinigay mo sa akin, dahil sila ay sa iyo. 10 Ang lahat ng akin ay sa iyo, at ang lahat ng iyo ay sa akin, at napaparangalan ako sa pamamagitan nila. 11 At ngayon, babalik na ako sa iyo at hindi na ako mananatili rito sa mundo, pero sila ay mananatili pa sa mundo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin. 12 Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay mo sa akin. Iningatan ko sila at walang napahamak sa kanila maliban sa taong itinakdang mapahamak para matupad ang Kasulatan. 13 Ngayon ay babalik na ako sa iyo. Sinasabi ko ang mga bagay na ito habang nandito pa ako sa mundo para lubos silang magalak tulad ko. 14 Itinuro ko na sa kanila ang salita mo. Napopoot sa kanila ang mga taong makamundo, dahil hindi na sila makamundo, tulad ko na hindi makamundo. 15 Hindi ko idinadalangin na kunin mo na sila sa mundo, kundi ingatan mo sila laban kay Satanas.[a] 16 Hindi sila makamundo, tulad ko na hindi makamundo. 17 Ibukod mo sila upang maging iyo sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. 18 Isinugo mo ako rito sa mundo, kaya isinusugo ko rin sila sa mundo upang mangaral. 19 Alang-alang sa kanila, itinatalaga ko ang aking sarili sa iyo, upang sila man ay maitalaga sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan.
20 “Ang panalangin koʼy hindi lang para sa kanila na sumasampalataya sa akin, kundi pati na rin sa mga sasampalataya pa sa akin sa pamamagitan ng pangangaral nila. 21 Idinadalangin ko sa iyo, Ama, na silang lahat ay maging isa gaya natin. Kung paanong ikaw ay nasa akin at akoʼy nasa iyo, nawaʼy sila man ay sumaatin, para maniwala ang mga tao sa mundo na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Binigyan ko sila ng karangalan tulad ng ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin. 23 Nasa kanila ako at ikaw ay nasa akin, para silaʼy lubos na maging isa. Sa ganoon ay malalaman ng mga tao sa mundo na isinugo mo ako, at malalaman din nilang minamahal mo ang mga mananampalataya tulad ng pagmamahal mo sa akin.
24 “Ama, gusto ko sanang makasama sa pupuntahan ko ang mga taong ibinigay mo sa akin, para makita rin nila ang kapangyarihang ibinigay mo sa akin, dahil minahal mo na ako bago pa man nilikha ang mundo. 25 Amang Makatarungan,[b] kahit hindi ka nakikilala ng mga taong makamundo, nakikilala naman kita, at alam ng mga mananampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. 26 Ipinakilala kita sa kanila, at patuloy kitang ipapakilala upang ang pagmamahal mo sa akin ay mapasakanila at ako man ay mapasakanila.”
14 Ang marunong na babae ay pinatatatag ang kanyang sambahayan, ngunit ang hangal na babae ay sinisira ang kanyang sariling tahanan.
2 Ang taong namumuhay sa katuwiran ay may takot sa Panginoon, ngunit ang namumuhay sa kasamaan ay humahamak sa kanya.
3 Ang salita ng hangal ang magpapasama sa kanya, ngunit ang salita ng marunong ang mag-iingat sa kanya.
4 Kapag wala kang hayop na pang-araro wala kang aanihin, ngunit kung may hayop ka, at malakas pa, marami ang iyong aanihin.
5 Ang tapat na saksi ay hindi nagsisinungaling, ngunit pawang kasinungalingan ang sinasabi ng saksing sinungaling.
6 Ang taong nangungutya ay hindi magkakaroon ng karunungan kahit ano pa ang kanyang gawin, ngunit ang taong may pang-unawa ay madaling matututo.
7 Iwasan mo ang mga hangal dahil wala kang mabuting matututunan sa kanila.
8 Ang karunungan ng taong marunong umunawa kung ano ang tama at mali ang nagbibigay sa kanya ng kaalaman kung ano ang kanyang gagawin, ngunit ang kahangalan ng taong hangal ang magliligaw sa kanya.
9 Balewala sa mga hangal ang makagawa ng kasalanan, ngunit ang taong matuwid ay gustong maging kalugod-lugod sa Dios.
10 Ikaw lamang ang nakakaalam ng iyong kabiguan at kagalakan.
11 Mawawasak ang tahanan ng taong masama, ngunit uunlad ang tahanan ng taong matuwid.
12 Maaaring sa tingin mo ang daang tinatahak mo ay matuwid, ngunit kamatayan pala ang dulo nito.
13 Maaaring maitago ang kalungkutan sa pamamagitan ng pagtawa, ngunit pagkatapos ng kasiyahan nariyan pa rin ang kalungkutan.
14 Ang tao ay tatanggap ng nararapat sa kanya kung ano ang ginawa niya, mabuti man o masama.
15 Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat ng kanyang napapakinggan, ngunit ang taong marunong umunawa ay pinag-iisipan ang kanyang napakinggan.
16 Ang taong marunong ay iniingatan ang kanyang sarili at umiiwas sa gulo, ngunit ang taong hangal ay walang pag-iingat at padalos-dalos.
17 Ang taong madaling magalit ay nakagagawa ng kamangmangan. Ang taong mapanlinlang ay kinapopootan.
18 Makikita ang kamangmangan sa taong walang alam, ngunit makikita ang karunungan sa taong nakakaunawa kung ano ang mabuti at masama.
19 Ang taong masama ay yuyuko sa taong matuwid at magsusumamo na siya ay kahabagan.
20 Ang mga mahirap kadalasan ay hindi kinakaibigan kahit ng kanyang kapitbahay, ngunit ang mga mayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang humahamak sa kapwa ay nagkakasala, ngunit ang tumutulong sa dukha ay pinagpapala.
22 Ang nagbabalak ng masama sa kapwa ay nagkakasala, ngunit ang nagpaplano nang mabuti ay dadamayan at mamahalin ng kapwa.
23 Ang masikap sa trabaho ay may pakinabang, ngunit magiging mahirap ang puro salita lang.
24 Ang karangalan ng taong marunong ay ang kanyang kayamanan, ngunit ang hangal ay lalo pang madadagdagan ang kahangalan.
25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay, ngunit taksil ang saksing sinungaling.
26 Ang taong may takot sa Panginoon ay may kasiguraduhan at siya ang kanlungan ng kanyang sambahayan.
27 Ang pagkatakot sa Panginoon ay magpapabuti at magpapahaba ng iyong buhay[a] at maglalayo sa iyo sa kamatayan.
28 Ang kapangyarihan ng isang hari ay nasa dami ng kanyang nasasakupan, ngunit kung walang tauhan tiyak ang kanyang kapahamakan.
29 Ang mapagpasensya ay mas higit ang karunungan, ngunit ang madaling magalit ay nagpapakita ng kahangalan.
30 Ang payapang isipan ay nagpapalusog ng katawan, ngunit ang pagkainggit ay tulad ng kanser sa buto.
31 Ang nang-aapi ng mahihirap ay hinahamak ang Dios na lumikha sa kanila, ngunit ang nahahabag sa mahihirap ay pinararangalan ang Dios.
32 Mapapahamak ang masama dahil sa kanyang masamang gawain, ngunit ang mga matuwid ay iingatan dahil sa kanilang pagkamakadios.[b]
33 Ang karunungan ay nasa isip ng taong may pang-unawa, ngunit ang mangmang ay walang[c] nalalamang kahit ano tungkol sa karunungan.
34 Ang matuwid na pamumuhay ng mamamayan ay nagpapaunlad ng kanilang bansa, ngunit kung sila ay magkasala, mapapahiya ang kanilang bansa.
35 Sa matalinong lingkod ang hari ay nalulugod, ngunit sa hangal na lingkod siya ay napopoot.
Pagbati mula kay Pablo
1 Mula kay Pablo, kasama si Timoteo na kapwa ko lingkod[a] ni Jesu-Cristo.
Mahal kong mga banal[b] na nakay Cristo Jesus diyan sa Filipos, kasama ng mga namumuno sa inyo at ng mga tumutulong sa kanila:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Tuwing naaalala ko kayo, nagpapasalamat ako sa Dios, 4 at palagi akong masaya sa tuwing nananalangin ako para sa inyong lahat; 5 dahil mula pa nang sumampalataya kayo hanggang ngayon ay katulong ko na kayo sa pagpapalaganap ng Magandang Balita. 6 Natitiyak kong ipagpapatuloy ng Dios ang mabuting gawain na sinimulan niya sa inyo hanggang sa araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus. 7 Dapat lang na ganito ang maramdaman ko dahil mahal ko kayo. Naging kabahagi kayo sa gawaing ibinigay ng Dios sa akin, kahit na nakabilanggo ako ngayong nagtatanggol at nagpapatunay sa Magandang Balita. 8 Alam ng Dios na sabik na sabik na akong makita kayo dahil mahal ko kayo tulad ng pagmamahal ni Cristo Jesus sa inyo.
9 Ipinapanalangin ko na lalo pang lumago ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa nang may karunungan at pang-unawa, 10 para mapili nʼyo ang pinakamabuti sa lahat ng bagay at madatnan kayong malinis at walang kapintasan sa araw ng pagbabalik ni Cristo. 11 Mapuspos nawa kayo ng mga katangiang ipinagkaloob ni Jesu-Cristo sa inyo para maparangalan at mapapurihan ang Dios.
Ang Kagalakan ni Pablo na Naipapangaral si Cristo
12 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. 13 Sapagkat alam na ng lahat ng guwardya sa palasyo at ng iba pang naririto na nabilanggo ako dahil sa pagsunod ko kay Cristo. 14 Dahil din sa pagkakabilanggo ko, lalo pang tumibay ang pananampalataya ng karamihan sa ating mga kapatid sa Panginoon at lalo rin silang tumapang sa pagpapahayag ng Magandang Balita. 15 Totoong may ilan diyan na nangangaral lang tungkol kay Cristo dahil naiinggit sila sa akin at gusto nilang ipakita na mas magaling sila kaysa sa akin. Ngunit may ilan din namang tapat ang hangarin sa pangangaral. 16 Nangangaral sila dahil sa pagmamahal, at alam nilang dinala ako rito ng Dios para ipagtanggol ang Magandang Balita. 17 Ang mga taong naiinggit ay hindi tapat sa pangangaral nila tungkol kay Cristo. Ginagawa nila ito dahil sa pansariling hangarin. Inaakala nilang lalo pang madadagdagan ang mga paghihirap ko sa bilangguan dahil sa ginagawa nila. 18 Pero walang anuman ang lahat ng iyon sa akin. Nagagalak pa nga ako sa mga pangyayari dahil kahit papaano, naipapangaral si Cristo, tama man o mali ang hangarin nila. At patuloy akong magagalak, 19 dahil alam ko na sa pamamagitan ng mga panalangin nʼyo at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo ay makakalaya ako. 20 Malaki ang hangarin at pag-asa ko na hindi ako mapapahiya, kundi tulad ng dati, magkakaroon ako ng lakas ng loob para sa pamamagitan ng buhay o kamatayan ko ay maparangalan si Cristo. 21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ko ay para kay Cristo. At kung mamatay man ako, kapakinabangan ito sa akin dahil makakapiling ko na siya. 22 Kung patuloy naman akong mabubuhay, makakagawa pa ako ng mabubuting bagay. Kaya hindi ko alam ngayon kung alin ang pipiliin ko. 23 Nahahati ang isip ko sa dalawa: Ang mabuhay o ang mamatay. Gusto ko na sanang pumanaw para makapiling na si Cristo, dahil ito ang mas mabuti. 24 Pero kailangan kong patuloy na mabuhay para sa kapakanan ninyo. 25 Dahil dito, natitiyak kong mabubuhay pa ako at makakasama nʼyo para matulungan kayong lumago at maging maligaya sa pananampalataya. 26 At kapag nakabalik na ako sa inyo, lalo pa kayong magkakaroon ng dahilan para purihin si Cristo.
27 Mamuhay kayo nang ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Nang sa ganoon, makadalaw man ako sa inyo o hindi, mababalitaan kong nagkakaisa kayo at sama-samang naninindigan para sa pananampalatayang ayon sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa mga kumakalaban sa inyo. Dahil kung hindi kayo natatakot, magiging palatandaan ito sa kanila na mapapahamak sila at ililigtas naman kayo ng Dios. 29 Sapagkat hindi lang ang pribilehiyong sumampalataya kay Cristo ang ibinigay sa inyo, kundi ang maghirap din para sa kanya. 30 Ngayon, dinaranas nʼyo na ang paghihirap na nakita ninyong dinanas ko noong una, at nababalitaan ninyong dinaranas ko pa rin hanggang ngayon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®