M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Tuntunin sa Araw ng Pamamahinga
35 Tinipon ni Moises ang buong mamamayan ng Israel at sinabi sa kanila, “Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: 2 Sa loob ng anim na araw, gawin ninyo ang mga gawain ninyo, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil banal ang araw na ito at para ito sa Panginoon. Ang sinumang magtrabaho sa araw na ito ay papatayin. 3 Kaya huwag na huwag kayong magtatrabaho, kahit na magsindi ng apoy sa bahay ninyo para magluto sa araw na iyon.”
Ang mga Handog para sa Toldang Sambahan(A)
4 Sinabi ni Moises sa buong mamamayan ng Israel, “Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: 5 Maghandog kayo sa Panginoon mula sa mga ari-arian ninyo. Maghandog nang maluwag sa inyong puso ng mga ginto, pilak, tanso, 6 lanang kulay asul, ube at pula, pinong telang linen, telang gawa sa balahibo ng kambing, 7 balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, magandang klase ng balat, kahoy na akasya, 8 langis ng olibo para sa ilaw, mga sangkap sa langis na pamahid at pabango sa insenso, 9 batong onix at iba pang mamahaling bato na ilalagay sa espesyal na damit[a] ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito.
Mga Kagamitan para sa Toldang Sambahan(B)
10 “Lumapit ang lahat ng may kakayahang magtrabaho sa inyo at tumulong sa paggawa ng lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: 11 ang Toldang Sambahan at ang mga talukbong nito, mga kawit, mga tablang balangkas, mga biga, mga haligi at mga pundasyon; 12 ang Kahon ng Kasunduan at ang mga tukod na pambuhat, takip at kurtina; 13 ang mesa at ang mga tukod na pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, at ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios; 14 ang lalagyan ng ilaw at mga kagamitan nito, ang mga ilaw at ang langis para sa ilawan; 15 ang altar na pagsusunugan ng insenso at ang mga tukod na pambuhat nito, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina ng pintuan ng Tolda; 16 ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang parilyang tanso, mga tukod na pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, ang tansong planggana at ang patungan nito; 17 ang mga kurtina sa palibot ng bakuran ng Tolda at ang mga haligi at pundasyon nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran; 18 ang mga tulos at mga lubid ng Tolda at ang mga kurtina sa palibot nito, 19 at ang banal na mga damit ni Aaron na pari at mga anak niyang lalaki, na isusuot nila kapag naglilingkod na sila sa Banal na Lugar.”
20 Pagkatapos, umalis ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ni Moises. 21 Ang lahat ng gustong maghandog sa Panginoon ay nagdala ng mga materyales na gagamitin sa paggawa ng Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan nito, at mga materyales para sa mga damit ng mga pari. 22 Ang lahat ng gustong maghandog, lalaki man o babae ay nagdala ng mamahaling mga alahas; mga hikaw, mga kwintas, mga pulseras at ibaʼt ibang klase ng gintong alahas. Dinala nila ang mga ginto nila bilang handog sa Panginoon. 23 May mga naghandog din ng lanang kulay asul, ube at pula, pinong telang linen, tela na gawa sa balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at magandang klase ng balat. 24 Nagdala ang iba ng pilak o kaya naman ay tanso, at mga kahoy na akasya bilang handog sa Panginoon. 25 Nagdala naman ng mga lanang kulay asul, ube at pula, at pinong telang linen ang mga babaeng may kakayahang gumawa ng tela. 26 At ang mga babae namang marunong gumawa ng tela mula sa balahibo ng kambing ay kusang-loob na ginawa nito. 27 Nagdala ang mga pinuno ng mga batong onix at iba pang mamahaling bato para ilagay sa espesyal na damit ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito. 28 Nagdala rin sila ng mga sangkap at langis ng olibo para sa ilaw, para sa langis na pamahid at pabango sa insenso. 29 Kaya ang lahat ng mga Israelita, lalaki man o babae, na gustong tumulong sa lahat ng gawain na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises ay kusang-loob na nagdala ng mga handog sa Panginoon.
Ang mga Manggagawa ng Toldang Sambahan(C)
30 Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pinili ng Panginoon si Bezalel, na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. 31 Pinuspos siya ng Espiritu ng Dios at binigyan ng kaalaman at kakayahan sa anumang gawain – 32 sa paggawa ng magagandang bagay na ginto, pilak at tanso; 33 sa paghuhugis ng mamahaling bato, sa paglililok ng kahoy, at lahat ng klase na gawang kamay. 34 Binigyan din siya ng Dios, at si Oholiab na anak ni Ahisamac na mula sa lahi ni Dan, ng kakayahang magturo sa iba ng mga nalalaman nila. 35 Binigyan sila ng Panginoon ng kakayahang gumawa ng lahat ng klase ng gawain: ang pagdidisenyo, ang paggawa ng tela, ang pagbuburda ng pinong telang linen at ng lanang kulay asul, ube at pula. Kaya nilang gawin ang kahit anong klase ng gawain, at napakahuhusay nilang gumawa.
Si Jesus ang Tanging Daan Patungo sa Ama
14 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong mabagabag. Magtiwala kayo sa Dios at magtiwala rin kayo sa akin. 2 Sa tahanan ng aking Ama ay maraming silid. Pupunta ako roon para ipaghanda kayo ng lugar. Hindi ko ito sasabihin kung hindi ito totoo. 3 Kapag naroon na ako at naipaghanda na kayo ng lugar, babalik ako at isasama kayo upang kung nasaan ako ay naroon din kayo. 4 At alam nʼyo na ang daan papunta sa pupuntahan ko.” 5 Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano po namin malalaman ang daan?” 6 Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakarating sa Ama kung hindi sa pamamagitan ko. 7 Kung kilala nʼyo ako, kilala nʼyo na rin ang aking Ama. At ngayon nga ay nakilala at nakita nʼyo na siya.”
8 Sinabi ni Felipe sa kanya, “Panginoon, ipakita nʼyo po sa amin ang Ama, at sapat na iyon sa amin.” 9 Sumagot si Jesus, “Felipe, ang tagal na nating magkasama, hindi mo pa rin ba ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa Ama. Paano mo nasabing ipakita ko sa inyo ang Ama? 10 Hindi ka ba naniniwala na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi nanggaling sa akin kundi sa Amang nasa akin. Siya ang gumagawa ng mga bagay na ginagawa ko. 11 Maniwala kayo na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi kong ito, maniwala man lang kayo dahil sa mga ginawa ko. 12 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumasampalataya sa akin ay makakagawa rin ng mga ginagawa ko, at higit pa rito ang magagawa niya dahil pupunta na ako sa Ama. 13 At anuman ang hilingin nʼyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ko na kanyang Anak. 14 Oo, gagawin ko ang anumang hilingin ninyo sa aking pangalan.
Ipinangako ni Jesus ang Banal na Espiritu
15 “Kung mahal nʼyo ako, susundin nʼyo ang aking mga utos. 16 At hihilingin ko sa Ama na bigyan niya kayo ng isang Tagatulong[a] na sasainyo magpakailanman. 17 Siya ang Banal na Espiritu na tagapagturo ng katotohanan. Hindi siya matanggap ng mga taong makamundo dahil hindi siya nakikita o nakikilala ng mga ito. Pero kilala nʼyo siya, dahil kasama nʼyo siya at sasainyo magpakailanman.
18 “Hindi ko kayo iiwan ng walang kasama;[b] babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lang at hindi na ako makikita ng mga tao sa mundo, pero makikita nʼyo ako. At dahil buhay ako, mabubuhay din kayo. 20 Sa araw na iyon, malalaman ninyo na ako nga ay nasa aking Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo.
21 “Ang sinumang tumatanggap at sumusunod sa mga utos ko ang siyang nagmamahal sa akin. At ang nagmamahal sa akin ay mamahalin din ng aking Ama. Mamahalin ko rin siya, at ipapakilala ko ang aking sarili sa kanya.” 22 Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit sa amin lang po kayo magpapakilala at hindi sa lahat?” 23 Sumagot si Jesus, “Ang nagmamahal sa akin ay susunod sa aking salita. Mamahalin siya ng aking Ama at mananahan kami sa kanya. 24 Ngunit ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi sumusunod sa aking mga salita. At ang mga salitang narinig nʼyo ay hindi nanggaling sa akin kundi sa Amang nagsugo sa akin.
25 “Sinasabi ko ang mga bagay na ito habang kasama nʼyo pa ako. 26 Pero kapag nakaalis na ako, ang Tagatulong na walang iba kundi ang Banal na Espiritu ang ipapadala ng Ama bilang kapalit ko. Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala sa inyo ng lahat ng mga sinabi ko sa inyo.
27 “Huwag kayong mabagabag, at huwag kayong matakot, dahil iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. 28 Narinig nʼyo ang sinabi ko na aalis ako pero babalik din sa inyo. Kung mahal nʼyo ako, ikasisiya nʼyo ang pagpunta ko sa Ama, dahil mas dakila ang Ama kaysa sa akin. 29 Sinasabi ko ito ngayon sa inyo bago pa man mangyari upang sumampalataya kayo sa akin[c] kapag nangyari na ito. 30 Hindi na ako magsasalita nang matagal dahil dumarating na si Satanas na siyang naghahari sa mundong ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin. 31 Ngunit upang malaman ng lahat na mahal ko ang aking Ama, ginagawa ko ang iniuutos niya sa akin. Halina kayo, umalis na tayo rito.”
11 Kinasusuklaman ng Panginoon ang nandaraya sa timbangan, ngunit ang nagtitimbang ng tama ay kanyang kinalulugdan.
2 Ang taong mayabang ay madaling mapahiya, ngunit may karunungan ang taong mapagpakumbaba.
3 Ang pamumuhay nang may katapatan ang gagabay sa taong matuwid, ngunit ang taong mandaraya ay mapapahamak dahil hindi tama ang kanyang pamumuhay.
4 Ang kayamanan ay hindi makakatulong sa araw ng paghuhukom, ngunit ang matuwid na pamumuhay ay magliligtas sa iyo sa kamatayan.
5 Ang matuwid at walang kapintasang pamumuhay ay makapagpapagaan ng buhay, ngunit ang masamang pamumuhay ay maghahatid ng kapahamakan.
6 Ang pamumuhay ng taong matuwid ang magliligtas sa kanya, ngunit ang hangad ng taong mandaraya ang magpapahamak sa kanya.
7 Kapag namatay ang taong masama, pag-asa niyaʼy mawawala, at ang kanyang mga inaasahan ay mawawalan ng kabuluhan.
8 Inililigtas ng Dios sa kahirapan ang matuwid, ngunit ang masama ay kanyang pinapabayaan.
9 Sinisira ng hindi makadios ang kapwa niya sa pamamagitan ng kanyang mga salita. Ang taong matuwid ay maililigtas ng kanyang kaalaman.
10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala, mga taoʼy sumisigaw sa tuwa. At kapag ang masama ay napapahamak ganoon din ang kanilang ginagawa.
11 Umuunlad ang isang bayan sa pagpapala ng mga mamamayang matuwid, subalit nawawasak ito sa pamamagitan ng salita ng masama.
12 Ang taong walang pang-unawa ay kinukutya ang kapwa, ngunit ang taong may pang-unawa ay hindi nangungutya.
13 Ang mga taong madaldal ay nagsisiwalat ng sikreto ng iba, ngunit ang taong mapagkakatiwalaan ay nakakapagtago ng sikreto ng iba.
14 Babagsak ang bansa kung ang namumuno nito ay walang gumagabay, ngunit kung maraming tagapayo tiyak ang tagumpay.
15 Delikado ang mangakong managot sa utang ng iba, kaya iwasan itong gawin upang hindi ka magkaproblema.
16 Ang babaeng maganda ang ugali ay nag-aani ng karangalan, ngunit ang taong marahas ay magaling lang sa pag-angkin ng kayamanan. Ang taong tamad ay maghihirap,[a] ngunit ang taong masipag ay yayaman.
17 Kung mabait ka para iyon sa iyong kabutihan, ngunit kung malupit ka para iyon sa iyong kapahamakan.
18 Ang masamang tao ay hindi tatanggap ng tunay na gantimpala, ngunit ang gumagawa ng matuwid ay tatanggap ng tunay na gantimpala.
19 Ang taong gumagawa ng matuwid ay patuloy na mabubuhay, ngunit ang taong gumagawa ng masama ay mamamatay.
20 Kasuklam-suklam sa Panginoon ang pag-iisip ng masama, ngunit ang buhay na matuwid ay kalugod-lugod sa kanya.
21 Ang taong masama, tiyak na parurusahan, ngunit ang matuwid ay makakaligtas.
22 Ang magandang babaeng hindi marunong magpasya ay parang isang gintong singsing sa nguso ng baboy.
23 Ang ninanais ng matuwid ay pawang kabutihan, ngunit ang ninanais ng masama ay nagdudulot ng kaguluhan.
24 Ang mga taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit ang mga taong sakim ay hahantong sa kahirapan.
25 Ang taong mapagbigay ay magtatagumpay sa buhay; ang taong tumutulong ay tiyak na tutulungan.
26 Isinusumpa ang taong nagtatago ng paninda para maitinda ito kapag mataas na ang presyo, ngunit pinupuri ang taong hindi nagtatago ng paninda.
27 Ang taong naghahanap ng kabutihan ay makakatagpo nito, ngunit ang taong naghahanap ng gulo ay makakatagpo rin ng gulo.
28 Mabibigo ang taong nagtitiwala sa kanyang kayamanan, ngunit ang taong matuwid ay lalago na parang sariwang halaman.
29 Ang mga hangal na nagdadala ng gulo sa sariling tahanan ay walang mamanahin sa huli. Magiging alipin lang sila ng mga taong may karunungan.
30 Ang ginagawa ng mga taong matuwid ay makakatulong sa iba upang mapabuti at mapahaba ang kanilang buhay.[b] At madadala niya ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang karunungan.
31 Ang mga ginagawa ng mga taong matuwid dito sa mundo ay ginagantihan ng kabutihan, gayon din sa makasalanan at hindi kumikilala sa Dios, ganti sa kanila ay kaparusahan.
Iisang Katawan kay Cristo
4 Bilang isang bilanggo dahil sa paglilingkod sa Panginoon, hinihiling kong mamuhay kayo nang karapat-dapat bilang mga tinawag ng Dios. 2 Maging mahinahon kayo, mapagpakumbaba, maunawain at mapagpaumanhin sa mga pagkukulang ng bawat isa bilang pagpapakita ng pag-ibig ninyo. 3 Pagsikapan ninyong mapanatili ang pagkakaisa nʼyo mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mapayapa ninyong pagsasamahan. 4 Sapagkat iisang katawan lamang tayo na may iisang Banal na Espiritu, at iisa rin ang pag-asang ibinigay sa atin nang tawagin tayo ng Dios. 5 Iisa ang Panginoon natin, iisang pananampalataya, at iisang bautismo. 6 Iisa ang Dios natin at siya ang Ama nating lahat. Naghahari siya, kumikilos at nananahan sa ating lahat.
7 Ngunit kahit na bahagi tayo ng iisang katawan, binigyan ang bawat isa sa atin ng kaloob ayon sa nais ibigay ni Cristo. 8 Tulad ng sinasabi sa Kasulatan,
“Nang umakyat siya sa langit, marami siyang dinalang bihag
at binigyan niya ng mga kaloob ang mga tao.”[a]
9 (Ngayon, ano ang kahulugan ng, “Umakyat siya sa langit”? Ang ibig sabihin nito ay bumaba muna siya rito sa lupa. 10 At siya na bumaba rito sa lupa ang siya ring umakyat sa kataas-taasang langit para maging lubos ang kapangyarihan niya sa lahat ng bagay.) 11 Ang ibaʼy ginawa niyang apostol, ang ibaʼy propeta, ang ibaʼy mangangaral ng Magandang Balita, at ang iba naman ay pastor at guro. 12 Ginawa niya ito para ihanda sa paglilingkod ang mga pinabanal,[b] at para lumago at maging matatag sila bilang katawan ni Cristo. 13 Sa ganitong paraan, maaabot nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Dios, at ganap na lalago sa espiritwal nating pamumuhay hanggang maging katulad tayo ni Cristo. 14 At kapag naabot na natin ito, hindi na tayo tulad ng mga bata na pabago-bago ng isip at nadadala ng ibaʼt ibang aral ng mga taong nanlilinlang, na ang hangad ay dalhin ang mga tao sa kamalian. 15 Sa halip, mananatili tayo sa katotohanan nang may pag-ibig, upang sa lahat ng bagay ay maging katulad tayo ni Cristo na siyang ulo ng iglesya. 16 At sa pamumuno niya, ang lahat ng bahagi ng katawan, na walang iba kundi ang mga mananampalataya, ay pinag-uugnay-ugnay, at ang bawat isaʼy nagtutulungan. At sa pagganap ng bawat isa sa kani-kanilang tungkulin nang may pag-ibig, ang buong katawan ay lalago at lalakas.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17 Sa pangalan ng Panginoon, iginigiit kong huwag na kayong mamuhay gaya ng mga taong hindi nakakakilala sa Dios. Walang kabuluhan ang iniisip nila, 18 dahil nadiliman ang isipan nila sa pag-unawa ng mga espiritwal na bagay. At nawalay sila sa buhay na ipinagkaloob ng Dios dahil sa kamangmangan nila at katigasan ng kanilang puso. 19 Nawalan na sila ng kahihiyan, kaya nawili sila sa kahalayan at laging sabik na sabik gumawa ng karumihan.
20 Ngunit hindi ganyan ang natutunan nʼyo tungkol kay Cristo. 21 Hindi baʼt alam na ninyo ang tungkol kay Jesus? At bilang mga mananampalataya niya, hindi baʼt naturuan na kayo ng katotohanang nasa kanya? 22 Kaya talikuran nʼyo na ang dati ninyong pamumuhay dahil gawain ito ng dati ninyong pagkatao. Ang pagkataong ito ang siyang nagpapahamak sa inyo dahil sa masasamang hangarin na dumadaya sa inyo. 23 Baguhin nʼyo na ang inyong pag-iisip at pag-uugali. 24 Ipakita nʼyong binago na kayo ng Dios at binigyan ng buhay na matuwid at banal katulad ng sa Dios.
25 Kaya huwag na kayong magsisinungaling. Ang bawat isaʼy magsabi ng katotohanan sa kanyang mga kapatid[c] kay Cristo, dahil kabilang tayong lahat sa iisang katawan. 26 Kung magalit man kayo, huwag kayong magkasala.[d] At huwag nʼyong hayaan na lumipas ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon si Satanas. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw, sa halip ay maghanapbuhay siya nang marangal para makatulong din siya sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig. 30 At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Dios. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang siyang tanda na kayoʼy sa Dios, at siya ang katiyakan ng kaligtasan nʼyo pagdating ng araw. 31 Alisin nʼyo ang anumang samaan ng loob, galit, pag-aaway, pambubulyaw, paninira sa kapwa, pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin. 32 Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isaʼt isa. At magpatawad kayo sa isaʼt isa gaya ng pagpapatawad ng Dios sa inyo dahil kay Cristo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®