Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Exodus 22

Mga Kautusan Tungkol sa mga Ari-arian

22 “Kung nagnakaw ang isang tao ng baka o tupa, at kinatay niya ito o ipinagbili, kailangang magbayad siya. Sa isang bakang ninakaw niya, magbabayad siya ng limang baka. At sa isang tupang ninakaw niya, magbabayad siya ng apat na tupa.

“Kung nahuli siya sa gabi na aktong nagnanakaw, at napatay siya, walang pananagutan ang nakapatay sa kanya. Pero kung nangyari ito sa araw, may pananagutan ang nakapatay sa magnanakaw.

“Ang magnanakaw na nahuli ay dapat magbayad sa ninakaw niya. Kung wala siyang maibabayad, ipagbibili siya bilang alipin at ang pinagbilhan ang ibabayad sa ninakaw niya. Kung ang baka o asno o tupa na ninakaw niya ay nasa kanya pa, babayaran niya ito ng doble.

“Kung nanginain ang mga hayop sa taniman ng iba, kailangang bayaran ng may-ari ng pinakamagandang ani ng kanyang bukid o kaya ng kanyang ubasan ang nakaing mga pananim.

“Kung may nagsiga at kumalat ang apoy sa mga damo hanggang sa taniman ng ibang tao, kailangang bayaran ng nagsiga ang mga pananim na nasira.

“Kung nagpatago ang isang tao ng pera o kahit anong bagay sa bahay ng kapitbahay niya at ninakaw ito. Kung mahuhuli ang nagnakaw, kailangang magbayad siya ng doble. Pero kung hindi nahuli ang magnanakaw, haharap sa presensya ng Dios[a] ang pinagpataguan para malaman kung kinuha niya o hindi ang ipinatago sa kanya.

“Kung may dalawang taong nagtatalo tungkol sa kung sino sa kanila ang may-ari ng isang pag-aari kagaya ng baka, asno, tupa, damit o kahit anong bagay, dapat nilang dalhin ang kaso nila sa presensya ng Dios.[b] Ang taong nagkasala ayon sa desisyon ng Dios ay magbabayad ng doble sa totoong may-ari.

10 “Kung pinaalagaan ng isang tao ang kanyang baka, asno, tupa o kahit anong hayop sa kanyang kapwa, at namatay ito, o nasugatan o nawala nang walang nakakita. 11 Dapat pumunta ang nag-alaga sa presensya ng Panginoon at susumpang wala siyang nalalaman tungkol sa nangyari. Dapat itong paniwalaan ng may-ari, at hindi na siya pagbabayarin. 12 Pero kung ninakaw ang hayop, dapat magbayad ang nag-alaga sa may-ari. 13 Kung napatay ng mabangis na hayop ang hayop, kailangang dalhin niya ang natirang parte ng hayop bilang patunay, at hindi na niya ito kailangang bayaran.

14 “Kung may nanghiram ng hayop sa kanyang kapwa at nasugatan ito o namatay, at wala ang may-ari nang mangyari ito. Dapat itong bayaran ng nanghiram. 15 Pero kung nariyan ang may-ari nang mangyari ito, hindi dapat magbayad ang nanghiram. Kung nirentahan ang hayop, ang perang ibinayad sa renta ang ibabayad sa nasugatan o namatay na hayop.

Ang Iba pang mga Kautusan

16 “Kung linlangin ng isang lalaki ang dalagang malapit nang ikasal, at sumiping siya sa kanya, dapat magbayad ang lalaki sa pamilya ng dalaga ng dote, at magiging asawa niya ang dalaga. 17 Kung hindi pumayag ang ama ng dalaga na ibigay ang kanyang anak na maging asawa ng nasabing lalaki, magbabayad pa rin ang lalaki ng dote.

18 “Patayin ninyo ang mga mangkukulam.

19 “Ang sinumang makikipagtalik sa hayop ay papatayin.

20 “Ang sinumang maghahandog sa ibang dios maliban sa akin ay kailangang patayin.[c]

21 “Huwag ninyong pagmamalupitan ang mga dayuhan[d] dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto.

22 “Huwag ninyong aapihin ang mga biyuda at mga ulila. 23 Kung gagawin ninyo ito, at humingi sila ng tulong sa akin, siguradong tutulungan ko sila. 24 Talagang magagalit ako sa inyo at papatayin ko kayo sa labanan.[e] Mabibiyuda ang inyong mga asawa at mauulila ang inyong mga anak.

25 “Kung magpapahiram kayo ng pera sa sinuman sa mamamayan kong mahihirap na naninirahang kasama ninyo, huwag ninyong tutubuan gaya ng ginagawa ng mga nagpapahiram ng pera. 26 Kung kukunin ninyo ang balabal ng kapwa ninyo bilang garantiya na magbabayad siya ng utang sa iyo, isauli mo ito sa kanya bago lumubog ang araw. 27 Sapagkat ito lang ang pangtakip niya sa kanyang katawan kapag natutulog siya sa gabi. Kung hihingi siya ng tulong sa akin, tutulungan ko siya dahil maawain ako.

28 “Huwag ninyong lalapastanganin ang Dios at susumpain ang inyong pinuno.

29 “Huwag ninyong kalilimutan ang paghahandog sa akin mula sa inyong mga ani, alak at mga langis.

“Italaga rin ninyo sa akin ang inyong mga panganay na lalaki, 30 at ang panganay na mga baka at tupa. Dapat maiwan sa ina ang bagong panganak na baka at tupa sa loob ng pitong araw. Sa ikawalong araw, maaari na itong ihandog sa akin.

31 “Kayo ang pinili kong mamamayan, kaya hindi kayo kakain ng karne ng kahit anong hayop na pinatay ng mababangis na hayop. Ipakain ninyo ito sa mga aso.

Juan 1

Ang Salitang Nakapagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan

Nang pasimula, naroon na ang tinatawag na Salita. Ang Salita ay kasama ng Dios at ang Salita ay Dios. Sa simula paʼy kasama na siya ng Dios. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Ang Salita ang pinagmumulan ng buhay, at ang buhay na itoʼy ilaw, dahil ito ang nagbibigay-liwanag sa mga tao. Ang ilaw na itoʼy nagliliwanag sa kadiliman,[a] at hindi ito nadaig ng kadiliman.[b]

Isinugo ng Dios ang isang tao na ang pangalan ay Juan. Isinugo siya upang magpatotoo kung sino ang ilaw, upang sa pamamagitan ng kanyang patotoo ay sumampalataya ang lahat ng tao. Hindi si Juan ang mismong ilaw, kundi naparito siya upang magpatotoo kung sino ang ilaw. Ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa lahat ng tao ay dumating na sa mundo. 10 Naparito siya sa mundo. At kahit na nilikha ang mundo sa pamamagitan niya, hindi siya kinilala ng mundo. 11 Pumunta siya sa sarili niyang mga kababayan, pero tinanggihan siya ng karamihan. 12 Ngunit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging anak ng Dios. 13 Naging anak sila ng Dios hindi sa pamamagitan ng pisikal na pagkasilang o dahil sa kagustuhan ng tao kundi dahil sa kalooban ng Dios.

14 Nagkatawang-tao ang Salita at namuhay na kasama natin. Nakita namin ang kadakilaan niya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Puspos siya ng biyaya at pawang katotohanan ang mga sinasabi niya.

15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at ito ang kanyang sinabi: “Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong, ‘May isang darating na kasunod ko, mas dakila siya kaysa sa akin, dahil nariyan na siya bago pa ako ipanganak.’ ”

16 Sa kasaganaan ng kanyang biyaya[c] ay tumanggap tayong lahat ng sunud-sunod na pagpapala. 17 Ibinigay sa atin ng Dios ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises, ngunit ang biyaya at katotohanan ay napasaatin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Wala pang nakakita sa Dios Ama kahit kailan, ngunit ipinakilala siya sa atin ng kanyang Bugtong na Anak,[d] na Dios din nga at kapiling ng Ama.[e]

Ang Patotoo ni Juan tungkol kay Jesus(A)

19-20 Pinapunta ng mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang mga pari at Levita upang tanungin si Juan kung sino talaga siya. Tinapat sila ni Juan. Sinabi niya, “Hindi ako ang Cristo.” 21 Nagtanong sila, “Kung ganoon, sino ka? Ikaw ba si Propeta Elias?” Sumagot siya, “Hindi.” Tinanong pa nila si Juan, “Ikaw ba ang Propeta na ipinangakong darating?” “Hindi rin,” sagot ni Juan. 22 “Kung ganoon, sino ka talaga? Sabihin mo sa amin para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?” 23 Sumagot si Juan, “Ako ang taong binanggit ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

    ‘Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang na nagsasabi,
    Tuwirin ninyo ang dadaanan ng Panginoon.’ ”[f]

24 Ang mga nagsugo sa mga taong pumunta kay Juan ay mga Pariseo.[g] 25 Tinanong nila ulit si Juan, “Bakit ka nagbabautismo kung hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?” 26 Sumagot si Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit may nakatayong kasama ninyo na hindi ninyo nakikilala. 27 Siya ang sinasabi kong darating na kasunod ko, at ni hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.”[h]

28 Nangyari ito sa Betania, sa kabila ng Ilog ng Jordan, kung saan nagbabautismo si Juan.

Si Jesus ang Tupa ng Dios

29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya. Sinabi niya sa mga tao, “Narito na ang Tupa ng Dios na ihahandog upang mag-alis ng kasalanan ng mga tao sa mundo! 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin ko, ‘May isang darating na kasunod ko, mas dakila siya kaysa sa akin, dahil nariyan na siya bago pa ako ipanganak.’ 31 Noong unaʼy hindi ko rin kilala kung sino siya. Ngunit naparito akong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”

32 Pagkatapos, nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Banal na Espiritu na bumaba mula sa langit tulad ng isang kalapati at nanatili sa kanya. 33 Noong unaʼy hindi ko rin kilala kung sino siya, ngunit ang Dios na nag-utos sa akin na magbautismo sa tubig ang nagsabi sa akin, ‘Kapag nakita mong bumaba ang Banal na Espiritu at nanatili sa isang tao, ang taong iyon ang magbabautismo sa Banal na Espiritu.’ 34 Nakita ko ito at nagpapatotoo ako na siya ang Anak ng Dios.”

Ang mga Unang Tagasunod ni Jesus

35 Kinabukasan, naroon ulit si Juan kasama ang dalawa sa mga tagasunod niya. 36 Nang makita niya si Jesus na dumaraan, sinabi niya, “Narito na ang Tupa ng Dios!” 37 Nang marinig iyon ng dalawang tagasunod ni Juan, sinundan nila si Jesus. 38 Lumingon si Jesus at nakita silang sumusunod. Kaya tinanong niya sila, “Ano ang kailangan ninyo?” Sumagot sila, “Rabbi, saan po kayo nakatira?” (Ang ibig sabihin ng Rabbi ay “Guro.”) 39 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Halikayo at makikita ninyo.” Kaya sumama ang dalawa at nakita nila ang tinutuluyan niya. Bandang alas kwatro na noon ng hapon, kaya doon na sila nagpalipas ng gabi. 40 Ang isa sa dalawang nakarinig ng sinabi ni Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Kinaumagahan, hinanap kaagad ni Andres ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya, “Natagpuan na namin ang Mesias.” (Ang ibig sabihin ng Mesias ay “Cristo”.) 42 Isinama niya si Simon kay Jesus. At nang makarating sila kay Jesus, tiningnan ni Jesus si Simon at sinabi, “Ikaw si Simon na anak ni Juan, mula ngayon ay tatawagin ka nang Cefas.” (Ang Cefas ay pareho rin ng pangalang Pedro.)[i]

Ang Pagtawag ni Jesus kina Felipe at Natanael

43 Kinabukasan, nagpasya si Jesus na pumunta sa Galilea. Pagdating niya roon, nakita niya si Felipe at sinabi niya rito, “Sumunod ka sa akin.” 44 (Si Felipe ay taga-Betsaida, tulad nina Andres at Pedro.) 45 Hinanap ni Felipe si Natanael at sinabi niya rito, “Natagpuan na namin ang taong tinutukoy ni Moises sa Kautusan, at maging sa mga isinulat ng mga propeta. Siya si Jesus na taga-Nazaret na anak ni Jose.” 46 Tinanong siya ni Natanael, “May mabuti bang nanggagaling sa Nazaret?” Sumagot si Felipe, “Halika at tingnan mo.”

47 Nang makita ni Jesus na papalapit sa kanya si Natanael, sinabi niya, “Narito ang isang tunay na Israelita na hindi nandaraya.”[j] 48 Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Jesus, “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, nakita na kita habang nasa ilalim ka ng puno ng igos.” 49 Sinabi ni Natanael, “Guro, kayo nga ang Anak ng Dios! Kayo ang hari ng Israel!” 50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumampalataya ka ba sa akin dahil sinabi kong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa rito ang masasaksihan mo.” 51 Sinabi pa sa kanya ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, makikita ninyo na bubukas ang langit, at makikita rin ninyo ang mga anghel ng Dios na umaakyat at bumababa sa akin na Anak ng Tao.”

Job 40

40 Sinabi pa ng Panginoon kay Job, “Makikipagtalo ka ba sa akin na Makapangyarihang Dios? Sinasabi mong nagkamali ako. Ngayon, sagutin mo ako.” Kaya sinagot ni Job ang Panginoon,

“Hindi po ako karapat-dapat na sumagot sa inyo. Tatahimik na lang po ako. Marami na akong nasabi, kaya hindi na po ako magsasalita.” Muling sinabi ng Panginoon kay Job mula sa ipu-ipo,

“Ihanda mo ang iyong sarili, at sagutin mo ang mga tanong ko.

“Gusto mo bang patunayan na mali ako para palabasin na ikaw ang tama? Ikaw baʼy makapangyarihang tulad ko? Magagawa mo bang parang kulog ang tinig mo na katulad ng sa akin? 10 Kung magagawa mo iyan, patunayan mo na ikaw ngaʼy makapangyarihan, marangal at dakila. 11-12 Ipakita mo ang matindi mong galit sa taong mayayabang at ibagsak sila. Wasakin mo ang taong masasama sa kanilang kinatatayuan. 13 Ilibing mo silang lahat sa lupa, sa lugar ng mga patay. 14 Kapag nagawa mo ang mga ito, ako ang pupuri sa iyo at tatanggapin ko na may kakayahan ka ngang iligtas ang iyong sarili.

15 “Tingnan mo ang hayop na Behemot,[a] nilalang ko rin siya katulad mo. Kumakain ito ng damo na tulad ng baka, 16 pero napakalakas nito, at napakatibay ng katawan. 17 Ang buntot niyaʼy tuwid na tuwid na parang kahoy ng sedro, at ang mga hitaʼy matipuno. 18 Ang mga buto nitoʼy kasintibay ng tubong tanso o bakal. 19 Kahanga-hanga siya sa lahat ng aking nilalang. Pero ako na Manlilikha niya ay hindi niya matatalo. 20 Nanginginain siya sa mga kabundukan habang naglalaro ang mga hayop sa gubat malapit sa kanya. 21 Nagpapahinga siya sa matitinik na halamang natatabunan ng talahib. 22 Ang mga halamang matinik at ang iba pang mga punongkahoy sa tabi ng batis ay nagiging kanlungan niya. 23 Hindi siya natatakot kahit na rumaragasa ang tubig sa ilog. Tahimik pa rin siya kahit halos natatabunan na siya ng tubig sa Ilog ng Jordan. 24 Sino ang makakahuli sa kanya sa pamamagitan ng pagbulag sa kanya? Sino ang makakabitag sa kanya at makakakawit sa ilong niya?

2 Corinto 10

Ang Sagot ni Pablo sa mga Kumakalaban sa Kanya

10 1-2 Mayroong mga nagsasabi sa inyo na akong si Pablo ay matapang lamang sa sulat pero maamo kapag harap-harapan. Nakikiusap ako sa inyo nang may kababaang-loob tulad ni Cristo, na huwag sana ninyo akong piliting magpakita ng tapang pagdating ko riyan. Sapagkat handa kong harapin ang nagsasabi sa inyo na makamundo raw ang pamumuhay namin. Kahit na namumuhay kami rito sa mundo, hindi kami nakikipaglaban sa mga kumokontra sa katotohanan nang ayon sa pamamaraan ng mundo. 4-5 Sa halip, ang kapangyarihan ng Dios ang aming armas. Iyon ang aming ginagamit na panlaban sa mga maling pangangatwiran ng mga taong mapagmataas at ayaw maniwala sa mga turo ng Dios. Sinisira namin ang kanilang maling pangangatwiran na tulad ng matibay na pader na humahadlang sa kanila na makilala ang Dios. Kinukumbinsi namin silang sundin ang mga utos ni Cristo. At kung matiyak naming lubos na kayong masunurin, handa na kaming parusahan ang lahat ng suwail.

Ang problema sa inyo ay tumitingin lamang kayo sa panlabas na anyo. Isipin nga ninyong mabuti! Kung may nagtitiwalang siyaʼy kay Cristo, dapat niyang isipin na kami man ay kay Cristo rin. Kahit sabihing labis na ang pagmamalaki ko sa kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin, hindi ako nahihiya. Sapagkat ang kapangyarihang ito ay ginagamit ko sa pagpapalago sa inyong pananampalataya at hindi sa pagsira nito. Ayaw kong isipin ninyo na tinatakot ko kayo sa aking mga sulat. 10 Sapagkat may mga nagsasabi riyan na matapang ako sa aking mga sulat, pero kapag harapan na ay mahina at nagsasalita ng walang kabuluhan. 11 Dapat malaman ng mga taong iyan na kung ano ang sinasabi namin sa aming sulat, ito rin ang gagawin namin kapag dumating na kami riyan.

12 Hindi namin ibinibilang o ikinukumpara ang aming sarili sa mga iba na mataas ang tingin sa sarili. Mga hangal sila, dahil sinusukat nila at kinukumpara ang kani-kanilang sarili. 13 Pero kami ay hindi nagmamalaki sa mga gawaing hindi na namin sakop, kundi sa mga gawain lamang na ibinigay sa amin ng Dios, at kasama na rito ang gawain namin sa inyo. 14 Kung hindi kami nakarating diyan, pwede nilang sabihin na labis ang aming pagmamalaki. Pero ang totoo, kami ang unang dumating sa inyo at nangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. 15 Kaya hindi labis ang aming pagmamalaki dahil hindi namin inaangkin at ipinagmamalaki ang pinaghirapan ng iba. Sa halip, umaasa kami na sa paglago ninyo sa pananampalataya ay lalawak pa ang gawain namin sa inyo, ayon sa ipinapagawa sa amin ng Dios. 16 Pagkatapos, maipangangaral naman namin ang Magandang Balita sa iba pang mga lugar na malayo sa inyo. Sapagkat ayaw naming angkinin at ipagmalaki ang pinaghirapan ng iba. 17 Gaya ng sinasabi sa Kasulatan, “Kung mayroong nais magmalaki, ipagmalaki na lang niya kung ano ang ginawa ng Panginoon.” 18 Sapagkat nalulugod ang Panginoon sa taong kanyang pinupuri at hindi sa taong pumupuri sa sarili.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®