Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Exodus 18

Binisita ni Jetro si Moises

18 Nabalitaan ni Jetro, na pari ng Midian at biyenan ni Moises, ang lahat ng ginawa ng Dios kay Moises at sa mga mamamayan niyang Israelita. Nabalitaan niya kung paanong inilabas ng Panginoon ang mga Israelita sa Egipto.

2-3 Pinauwi noon ni Moises kay Jetro na kanyang biyenan ang asawa niyang si Zipora at ang dalawang anak nilang lalaki. Ang pangalan ng panganay ay Gershom,[a] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Dayuhan ako sa ibang lupain.” Ang pangalan ng pangalawa ay Eliezer,[b] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Ang Dios ng aking ama[c] ang tumutulong sa akin. Iniligtas niya ako sa espada ng Faraon.”

Ngayon, pumunta sila Jetro, ang asawa ni Moises at ang dalawa nilang anak sa pinagkakampuhan ni Moises sa ilang, malapit sa bundok ng Dios. Nagpasabi na si Jetro kay Moises na darating siya kasama si Zipora at ang dalawa nilang anak.

Kaya sinalubong ni Moises ang kanyang biyenan, at yumukod siya at humalik sa kanya bilang paggalang. Nagkamustahan sila at pagkatapos, pumasok sa tolda. Sinabi ni Moises kay Jetro ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Egipcio para sa mga Israelita. Sinabi rin niya ang lahat ng paghihirap na naranasan nila sa paglalakbay at kung paano sila iniligtas ng Panginoon.

Tuwang-tuwa si Jetro sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa mga Israelita nang iligtas niya sila sa kamay ng mga Egipcio. 10 Sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo sa kamay ng mga Egipcio at ng Faraon. 11 Nalalaman ko ngayon na mas makapangyarihan ang Panginoon sa lahat ng dios, dahil iniligtas niya ang mga Israelita sa mga Egipciong nagmamaltrato sa kanila.” 12 Pagkatapos, nag-alay si Jetro ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa Dios. At habang ginagawa niya ito, dumating si Aaron at ang lahat ng tagapamahala ng Israel. Sumama sila kay Jetro para kumain sa presensya ng Dios.

Pumili si Moises ng mga Hukom(A)

13 Kinaumagahan, naupo si Moises bilang hukom para dinggin ang mga kaso ng mga tao. Nakapila ang mga tao sa harapan niya mula umaga hanggang gabi. 14 Nang makita ito ni Jetro, sinabi niya kay Moises, “Bakit ginagawa mo ito para sa mga tao? At bakit mag-isa mo itong ginagawa? Pumipila sa iyo ang mga tao mula umaga hanggang gabi.”

15 Sumagot si Moises, “Ginagawa ko po ito dahil lumalapit ang mga tao sa akin para malaman ang kalooban ng Dios. 16 Kung may pagtatalo ang mga tao, dinadala nila ito sa akin, at ako ang nagdedesisyon kung sino sa kanila ang tama. At tinuturuan ko sila ng mga tuntunin at utos ng Dios.”

17 Sinabi ni Jetro, “Hindi tama ang pamamaraan mong ito. 18 Pinapahirapan mo lang ang sarili mo at ang mga taong ito. Napakahirap nito kung ikaw lang. 19 Makinig ka sa akin at papayuhan kita, at sanaʼy samahan ka ng Dios. Ipagpatuloy mo ang ginagawa mong paglapit sa Dios para sa mga tao. Dalhin mo ang mga kaso nila sa kanya. 20 Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa kanila ng mga tuntunin at utos ng Dios. Turuan mo sila kung paano mamuhay at kung ano ang gagawin nila. 21 Pero pumili ka ng mga taong tutulong sa iyo. Dapat mayroon silang kakayahan sa paghuhukom, may takot sa Dios, mapagkakatiwalaan, at hindi tumatanggap ng suhol. Gawin mo silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 22 Maglilingkod sila bilang mga hukom sa lahat ng oras. Sila ang magpapasya sa simpleng mga kaso, pero dadalhin nila sa iyo ang mabibigat na kaso. Sa ganitong paraan, mapapagaan ang trabaho mo dahil matutulungan ka nila. 23 Alam kong ito ang gusto ng Dios na gawin mo, at kung susundin mo ito, hindi ka na mahihirapan. At makakauwi ang mga taong ito nang mapayapa.”

24 Sinunod ni Moises ang ipinayo sa kanya ng kanyang biyenan. 25 Pumili siya sa mga Israelita ng mga taong may kakayahan sa paghuhukom, at ginawa niya silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 26 Naglingkod sila bilang mga palagiang hukom ng mga tao. Sila ang nagpapasya sa mga simpleng kaso, pero kapag mabigat, dinadala nila ito kay Moises.

27 Pagkatapos noon, pinayagan ni Moises ang kanyang biyenan na umuwi at bumalik sa sariling bayan.

Lucas 21

Ang Kaloob ng Biyuda(A)

21 Pinagmamasdan ni Jesus ang mayayamang naghuhulog ng pera sa lalagyan ng mga kaloob sa templo. Nakita rin niya ang isang mahirap na biyuda na naghulog ng dalawang pirasong barya. Sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat silang lahat ay nagbigay galing sa sobra nilang pera, pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng ikabubuhay niya.”

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(B)

May ilan doon na nag-uusap tungkol sa mga mamahaling bato ng templo at mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Darating ang araw na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay magigiba at walang maiiwang bato na magkapatong.”

Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(C)

Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari iyon?”

Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo malinlang ninuman. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihin nilang sila ang Cristo, at sasabihin din nilang dumating na ang panahon. Huwag kayong maniniwala sa kanila. At kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa kaagad darating ang katapusan.”

10 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa ibaʼt ibang lugar. At makakakita kayo ng mga nakakatakot at nakakamanghang palatandaan mula sa langit.

12 “Ngunit bago mangyari ang lahat ng iyan ay uusigin muna kayo at dadakpin ng mga tao. Dadalhin nila kayo sa mga sambahan ng mga Judio upang akusahan at ipabilanggo. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador dahil sa pagsunod ninyo sa akin. 13 Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. 14 Kaya itanim ninyo sa inyong isip na hindi kayo dapat mabalisa kung ano ang inyong isasagot. 15 Sapagkat bibigyan ko kayo ng karunungan sa pagsagot para hindi makaimik ang inyong mga kalaban. 16 Ibibigay kayo sa inyong mga kaaway ng sarili ninyong mga magulang, kapatid, kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. 18 Ngunit hindi kayo mapapahamak.[a] 19 At kung magpapakatatag kayo, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.

Tungkol sa Pagkawasak ng Jerusalem(D)

20 “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga sundalo ang Jerusalem, malalaman ninyong malapit na itong mawasak. 21 Kaya ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, at ang mga nasa Jerusalem ay kailangang umalis agad. At ang mga nasa bukid naman ay huwag nang bumalik pa sa Jerusalem. 22 Sapagkat panahon na iyon ng pagpaparusa, upang matupad ang nakasaad sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. Darating ang napakatinding paghihirap sa lupaing ito dahil sa matinding galit ng Dios sa mga tao rito. 24 Ang iba sa kanilaʼy papatayin sa espada, at ang iba namaʼy dadalhing bihag sa ibang mga bansa. At ang Jerusalem ay sasakupin ng mga hindi Judio hanggang sa matapos ang panahong itinakda ng Dios sa kanila.

Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(E)

25 “May mga palatandaang makikita sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Mababagabag ang mga bansa at hindi nila malalaman kung ano ang gagawin nila dahil sa malalakas na ugong ng mga alon sa dagat. 26 Hihimatayin sa takot ang mga tao dahil sa mga mangyayari sa mundo, dahil mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga bagay[b] sa kalawakan. 27 At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian.[c] 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, umasa kayo at maghintay[d] dahil malapit na ang pagliligtas sa inyo.”

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(F)

29 Ikinuwento sa kanila ni Jesus ang paghahalintulad na ito: “Tingnan ninyo ang puno ng igos at ang iba pang punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ang mga ito alam ninyong malapit na ang tag-init. 31 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na ang paghahari ng Dios. 32 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. 33 Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[e]

Maging Handa Kayo

34 “Kaya mag-ingat kayo na huwag mawili sa kalayawan, sa paglalasing, sa pagkaabala sa inyong kabuhayan, at baka biglang dumating ang araw na iyon 35 nang hindi ninyo inaasahan.[f] Sapagkat darating ang araw na iyon sa lahat ng tao sa buong mundo. 36 Kaya maging handa kayo sa lahat ng oras. Palagi kayong manalangin upang magkaroon kayo ng lakas na mapagtagumpayan ang lahat ng mangyayaring kahirapan, at makatayo kayo sa harap ko na Anak ng Tao nang hindi napapahiya.”

37 Araw-araw, nagtuturo si Jesus sa templo. Pagsapit ng gabi, pumupunta siya sa Bundok ng mga Olibo para magpalipas ng gabi. 38 At maagang pumupunta ang mga tao sa templo upang makinig sa kanya.

Job 36

36 Nagpatuloy pa si Elihu, “Pagtiyagaan mo pa ako ng kaunti, dahil may sasabihin pa ako para ipagtanggol ang Dios. Marami akong nalalaman at papatunayan ko sa iyo na ang Dios na lumikha sa akin ay tama. Tinitiyak ko sa iyong hindi ako nagsisinungaling, dahil ako na kausap moʼy tunay na marunong.

“Makapangyarihan ang Dios, pero wala siyang hinahamak. Nalalaman niya ang lahat ng bagay. Hindi niya pinapayagang mabuhay ang masama, at ang mga inaapi ay binibigyan niya ng katarungan. Hindi niya pinapabayaan ang mga matuwid. Pinararangalan niya sila kasama ng mga hari magpakailanman. Pero kung silaʼy pinahihirapan na parang ginagapos ng kadena, ipinapakita sa kanila ng Dios ang ginawa nilang kasalanan na ipinagmamalaki pa nila. 10 Ipinaririnig niya sa kanila ang kanyang babala at inuutusan silang tumalikod sa kasamaan. 11 Kung susunod sila at maglilingkod sa kanya, buong buhay silang mamumuhay sa kasaganaan at kaligayahan. 12 Pero kung hindi sila susunod, mamamatay sila sa digmaan na kapos sa kaalaman.

13 “Ang mga taong hindi makadios ay nagkikimkim ng galit sa puso, at kahit na pinaparusahan na sila ng Dios, hindi pa rin sila humihingi ng tulong sa kanya. 14 Mamamatay silang kahiya-hiya[a] habang bata pa. 15 Pero sa pamamagitan ng mga paghihirap, tinuturuan ng Dios ang mga tao. Natututo silang makinig sa kanya sa pamamagitan ng mga pagdurusa.

16 “Inilalayo ka ng Dios sa panganib at binibigyan ng kalayaan at kasaganaan. At mapupuno ng masasarap na pagkain ang iyong hapag-kainan. 17 Pero ngayong nararanasan mo ang parusang nararapat sa masasama, hindi ka na makakaiwas sa katarungan. 18 Mag-ingat ka, baka matukso ka sa kayamanan at mailigaw ng malalaking suhol. 19 Makakatulong kaya sa iyong paghihirap ang mga kayamanan moʼt kakayahan? 20 Huwag mong hahanapin ang gabi,[b] ang panahon ng kapahamakan ng mga bansa. 21 Mag-ingat kaʼt huwag gumawa ng masama. Pinahihirapan ka para makaiwas sa kasamaan.

22 “Alalahanin mong ang Dios ay tunay makapangyarihan. Walang guro na katulad niya. 23 Walang makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin, at walang makapagsasabing nagkamali siya. 24 Huwag mong kalimutang purihin ang kanyang mga ginawa gaya ng ginagawa ng iba sa kanilang pag-awit. 25 Nakita ng lahat ang kanyang mga gawa, kahit tinitingnan ito mula sa malayo.[c] 26 Tunay na makapangyarihan ang Dios at hinding-hindi natin kayang unawain ang kanyang kadakilaan. Kahit ang kanyang mga taon ay hindi natin mabibilang.

27 Ang Dios ang nagpapaakyat ng tubig mula sa lupa at ginagawa niyang ulan. 28 Bumubuhos ang ulan mula sa ulap para sa mga tao. 29 Walang nakakaalam kung paano kumakalat ang ulap, at kung paano kumukulog sa langit kung saan nananahan ang Dios. 30 Masdan mo kung paano niya pinakikidlat sa kanyang paligid, at kung paano nito pinaliliwanag hanggang sa dulo ng dagat. 31 Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, pinamumunuan niya ang mga bansa at binibigyan ng saganang pagkain ang mga tao. 32 Hinahawakan niya ang kidlat at inuutusang tamaan ang sinumang nais niyang patamaan. 33 Ang kulog ay nagpapahiwatig na may bagyong paparating, kahit mga hayop ay alam na itoʼy darating.

2 Corinto 6

Bilang mga katuwang sa gawain ng Dios, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong balewalain ang biyaya ng Dios na inyong natanggap. Sapagkat sinabi ng Dios,

    “Dininig kita sa tamang panahon,
    at tinulungan kita sa araw ng kaligtasan.”

Kaya makinig kayo! Ngayon na ang tamang panahon! Ngayon na ang araw ng kaligtasan.

Hindi kami gumagawa ng kahit ano na ikatitisod ng ibang tao, para hindi mapintasan ang paglilingkod namin sa Dios. Sa lahat ng aming ginagawa, sinisikap naming ipakita na kami ay totoong mga lingkod ng Dios. Tinitiis namin anumang hirap, pasakit, at kagipitan. Nakaranas kami ng pambubugbog, pagkakakulong, at panggugulo ng mga tao. Nagsikap kami nang husto, at kung minsan ay wala pang tulog at wala ring pagkain. Pinatunayan namin sa lahat na kami ay mga tunay na lingkod ng Dios sa pamamagitan ng aming malinis na pamumuhay, kaalaman, pagtitiyaga, kagandahang-loob, sa pamamagitan ng patnubay ng Banal na Espiritu sa amin, sa tapat na pag-ibig at pananalita, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios. Ang matuwid naming pamumuhay ang aming sandata na panlaban at pananggalang sa kaaway. Bilang mga lingkod ng Dios, naranasan naming parangalan at siraan ng kapwa, purihin ng iba at laitin ng iba. Pawang katotohanan ang aming mga sinasabi, ngunit itinuturing kaming mga sinungaling. Kami ay tanyag, ngunit hindi kinikilala; lagi kaming nasa bingit ng kamatayan, ngunit buhay pa rin hanggang ngayon. Dinidisiplina kami ng Dios pero hindi pinapatay. 10 May mga nagpapalungkot sa amin, ngunit lagi pa rin kaming masaya. Mahirap lang kami, ngunit marami kaming pinapayaman. Kung tungkol sa mga bagay dito sa mundo, wala kaming masasabing amin, ngunit ang totoo, kami ang nagmamay-ari sa lahat ng mga bagay.

11 Mga taga-Corinto, naging tapat kami sa aming pananalita sa inyo, dahil mahal na mahal namin kayo. 12 Hindi kami nagkulang sa pagmamahal sa inyo. Kayo ang nagkulang sa pagmamahal sa amin. 13 Nakikiusap ako sa inyo tulad ng isang ama sa kanyang mga anak: Mahalin ninyo ako tulad ng pagmamahal ko sa inyo.

Huwag Makikiisa sa mga Hindi Mananampalataya

14 Huwag kayong makiisa sa mga hindi mananampalataya. Sapagkat hindi maaaring magkaisa ang kabutihan at kasamaan, gaya ng liwanag at dilim hindi rin sila maaaring magsama. 15 At kung paanong hindi magkasundo si Cristo at si Satanas, ganoon din naman ang mananampalataya at ang hindi mananampalataya. 16 Hindi maaaring magsama ang mga dios-diosan at ang Dios sa iisang templo. At tayo ang templo ng Dios na buhay! Gaya ng sinabi ng Dios,

“Mananahan akoʼt mamumuhay sa kanilang piling.
    Akoʼy magiging Dios nila,
    at silaʼy magiging mga taong sakop ko.
17 Kaya lumayo kayo at humiwalay sa kanila.[a]
    Layuan ninyo ang itinuring na marumi[b]
    at tatanggapin ko kayo.
18 At akoʼy magiging Ama ninyo,
    at kayo namaʼy magiging mga anak ko.
    Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®